PROLOGUE

843 Words
Matinis na iyak ng sanggol na babae ang pumuno sa buong Villa Luciana ng gabing iyon. Kahit balot ng sindak ang buong paligid dahil sa katatapos na labanan sa pagitan ng dalawang angkan ng mga Malakat ay naghatid naman ng ibayong sigla at pag-asa ang pagsilang ng bagong female alpha sa angkan ng mga Spirit Keeper.             Tahimik na nagmamasid lamang sa isang tabi ang dalawampu’t limang taon na  si Marika, ang kababata at kanang-kamay ng ginang na nagsisilang. Pito silang nasa loob ng malaking silid na iyon. Ang ginang na si Milena Ilustrisimo Hidalgo , ang tatlumpu’t dalawang taong hilot na si Deva, at ang tatlong tagapag-alaga.             Panaka-naka siyang sumusulyap sa bintana sa pag-aalalang bumalik ang mga kaaway na Demoncrest Hunters. Hindi tuloy maiwasang masulyapan niya ang mga nakakalat na bangkay ng mga kalahi nilang taong-lobo na kanina lang ay mababangis na nagsipaglaban upang maipagtanggol ang kanilang angkan at maisakatuparan ang pagsisilang sa nakatakdang bagong alpha.             Lalong bumigat ang kanyang dibdib nang maabot ng kanyang mga paningin ang isang lalaki na nakahandusay sa damuhan, duguan at halos wasak ang buong katawan. Kakaiba sa lahat ng mga bangkay na nakakalat sa paligid dahil  hindi ito isang Malakat, kungdi isa itong tao.              Si Menandro Hidalgo.             Maingat na itinaas ni Deva  ang sanggol upang masilayan ito ng inang nagsilang. Agad tumulo ang luha ng nanghihinang si Milena  nang makita ang  anak.             “Alia…” mahinang sambit ni Milena nang ipinatong ni Deva ang sanggol sa dibdib nito.               “Kailangan mong magpalakas, Milena,” sabi ng hilot. “Kailangan ni Alia ng gabay sa kanyang paglaki.”             Malungkot na bumaling sa hilot si Milena. “Hindi ko na kaya, Marika. Masyadong maraming dugo ang nawala sa akin, kahit ang mga shaman ay wala nang magagawa upang iligtas ako.”             “Nagsasagawa ang mga shaman ng isang ritwal upang tawagin ang ating moon goddess na si Mayari. Matutulungan niya tayo.”             “Hindi na kailangan, Marika. Nakahanda na akong sumunod kay Menandro. Si Menandro at ako ay iisa. Hindi ko na kakayanin pang mabuhay nang wala siya.”             “Kailangan ka namin, Milena,” malungkot na sabi ng hilot. Maging ang mga nakapalibot na tagapag-alaga ay nagsimula nang mag-iyakan. “Sino ang mamumuno sa ating angkan kapag nawala ka rin?”             Sa halip na sumagot ay bumaling sa kanya ang ginang. “Marika…” hirap na wika ni Milena. Agad siyang lumapit dito. “Hindi na ako magtatagal pa. Bilang aking beta, sa iyong mga kamay ko inihahabilin ang pamamahala sa ating buong angkan. Ganoon din ang pangangalaga sa anak namin ni Menandro, si Alia.”             “Kung iyan ang iyong nais, Milena,” maagap na sagot niya, balot ng kalungkutan ang puso dahil sa paghihirap na dinaranas ng ginang.             “Gabayan mo si Alia sa kanyang paglaki,” pagpapatuloy ni Milena.  “Gawin mo siyang isang mahusay na mandirigma. Isang malakas at mabuting pinuno ng ating hukbo. Palagi mong ikuwento sa kanya ang kadakilaan ng kaniyang ama at ang kalupitang dinanas ng ating angkan sa kamay ng mga kaaway. Pagsapit niya sa hustong gulang, nais kong papagbayarin niya ang mga Demoncrest Hunter sa kasawian namin ni Menandro sampu ng ating mga kalahi.”             “Masusunod, Milena. Ngunit alam mong mangyayari lamang iyon kapag pumayag ka sa hinihinging kondisyon ng ating diyosa ng buwan, si Mayari.”             Bahagyang natigilan si Milena sa narinig. Bumakas ang hinagpis sa hapis na mukha nito.             Galit na sumabat sa usapan ang kanina pa nakikinig na si Deva. “Hanggang kailan tayo paglalaruan ng mga diyos? Hanggang kailan nila papakialaman ang buhay  ng mga tao at nating mga Malakat? Hanggang kailan nila didiktahan ang ating mga kapalaran?”             “Wala tayong magagawa, Deva. Ito ang ating itinadhana sa atin,” mahinang tugon ni Milena.             “Ang pagsunod sa kagustuhan ni Mayari ay katumbas na rin ng paglalagay nang nakapanghihilakbot na sumpa sa katawan ng inyong anak ni Menandro, Milena.”             “Pero mabubuhay siya, Deva,” paniniyal ni Milena.  “Alam nating hindi kakayanin ng isang hybrid na katulad ni Alia ang transformation pagtuntong niya sa edad na labing-pitong taon. Sa tulong ng Zatara, malalampasan nya ang lahat ng hirap sa oras na kailangan na niyang yakapin ang pagiging isang Malakat na namana niya sa kanyang ina.”             “Sinasabi ko lang ang kinatatakutan ko…” hinagpis ni Deva.             “Gawin ninyo ang nararapat, Marika, Deva,” patuloy ni Milena, hinahabol na nito ang paghinga.  “Ipangako n’yo lang na ipapaliwanag ninyo sa kanya ang lahat paglaki niya upang maintindihan niya kung bakit kailangan kong pumayag sa kagustuhan ni Mayari.”             “Masusunod, Milena,” sagot ni Marika habang ginagagap ang nanginginig na kamay ni Milena.             “Kung iyan ang iyong kagustuhan, Milena,” napipilitang sambit naman ni Deva.             Pinilit ni Milena na hagkan ang noo ng sanggol na nasa dibdib. Pagkatapos noon ay payapang ipinikit na nito ang mga mata. Ang huling patak ng luha ng ginang ay sa noo ng sanggol tumama dahilan marahil kung bakit muli itong umiyak.             Napuno ng iyakan at mga panaghoy ang buong Villa Luciana sa paglisan ng minamahal na alpha ng mga Spirit Keeper. Humalo sa mga ito ang malakas na  iyak ng sanggol na para bang alam ang malagim na pangyayari sa buong paligid at ang sakripisyong ginawa ng sariling mga magulang ilang oras lang ang nakalilipas.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD