"A—ano?" bulalas ko sa sobrang gulat, hindi pa makapaniwala nang mapatigalgal ako sa harapan ni Andrew.
Dagli ko ring nakalimutan na dapat ay magsasaing ako— gago, joke ba iyon? Bakit? I mean, papaanong nangyari? Hindi ba ay gusto nila ang isa't-isa? Hindi ba ay pareho naman silang may pagtingin sa bawat isa?
Naguguluhan na tumagilid ang ulo ko habang pinagmamasdan ang mukha ni Andrew, pilit kong hinahanap ang pagbibiro sa kaniya ngunit ang mapanuring tingin lang niya ang bumungad sa paningin ko na para bang tinatantya nito ang bawat pagdaan ng emosyon ko.
Halos mag-isa ang dalawang kilay ko, kung may ikukunot pa nga ba ang noo ko ay iyon na ang nangyari. Umawang ang labi ko para sana magsalita, pero kaagad ko ring naitikom nang wala ni isang salita ang lumabas doon.
Nananatili kaming tahimik ni Andrew, tila ba nagsusukatan kami ng tingin at kung hindi lang din siguro dumating si Anna ay baka kanina pa ako natunaw. Malakas akong napatikhim, kapagkuwan ay hinarap ang lababo.
"Papa, rito ka ba matutulog?" Dinig kong tanong ni Anna kay Andrew na gaano ko man sila kagustong lingunin ay hindi ko na ginawa.
"Hindi ako sigurado, anak. Pero itanong mo ang Mama mo," ani Andrew na ikinabagsak ng panga ko— baliw ba siya?
Pagak akong natawa sa kawalan. Oo nga pala, natural na siyang baliw kung kaya dapat ay hindi na ako nagugulat pa, pero for real? Talaga bang sa akin pa niya tatanungin gayong o— hindi! Hindi ang sagot ko.
Of course, hindi. Bakit naman ako papayag na rito siya matutulog? Bukod sa relasyon nilang mag-ama ay wala na kaming ugnayan pa. Baka ano rin ang isipin ng ibang taong makakakita at makakaalam, lalo ang kaibigan kong si Jinky.
Ngayon nga ay hindi ako sigurado kung totoo ba ang sinabing iyon ni Andrew, kaya rin ba ganoon na lamang ang reaksyon ni Jinky nang tanungin ko ang patungkol sa kanilang dalawa? Pero napakaimposible naman kasi.
Mahal nila ang isa't-isa at alam na alam ko 'yun, isa ako sa una at huling nakasaksi sa kwento ng pag-iibigan nila. Gulat na gulat ako at para makumpirma iyon ay kay Jinky na lang ang kukunin kong side.
Sa totoo lang ay ayokong maging masaya, ayokong maramdaman na may umusbong na kasiyahan sa puso ko ngunit hindi ko iyon maitatanggi. Animo'y nagkaroon ako ng bagong pag-asa na pagkatapos ng isang bagyo ay biglang nagkaroon ng araw.
Ngunit ayoko lang din na pangatawanan, mas nangingibabaw pa rin iyong pagkalugmok ko sa mararamdaman ni Jinky. Ayoko siyang saktan, kaya nga ako nagpaubaya. Ayokong isipin nito na ako ang pumagitna sa kanila ni Andrew.
Ayokong magkasiraan kaming dalawa. Nauna ko nang tinanggap at ayokong dumating sa punto na mabuhay iyong mumunti kong pag-asa. Marahas akong napabuga sa hangin, saka pa napapitlag nang tawagin ako ni Anna.
"Pwede raw po ba, Ma?" segunda nito, nawawala man sa sarili ay madali akong umiling bilang pagtanggi sa gusto niyang mangyari.
"Hindi pwede. May sariling bahay ang Papa mo, may maghahanap sa kaniya..." pahayag ko habang inaabala ang sarili sa ginagawa.
"Mayroon ba, Pa?" anang Anna na halata sa boses ang pagpapa-cute.
"Wala naman, pero mainam siguro na sa susunod na lang muna. May aasikasuhin din kasi ako. Isa pa, gusto ko na kapag magkakasama tayong matulog ay pangmatagalan na at hindi lang isang gabi," mahabang paliwanag ni Drew.
Mabuti naman at kahit papaano ay naiitindihan niyang ayoko siyang makasama ngayon. Hindi maganda ang pakikitungo namin sa isa't-isa, baka kapag nangyari iyon ay magdamag lang kaming magbangayan.
"Eh, 'di araw-araw ka na lang po rito," suhestiyon ni Anna, ang batang ito talaga at hindi matahimik ang kaluluwa.
"Saka na, anak. Kapag okay na siguro ang Mama mo, kapag sinuyo niya na lang ulit ako."
Sa narinig ay halos mag-init ang pisngi at batok ko, pati na rin ang ulo ko na hindi ko mawari kung ano ba dapat ang ire-react ko. Gusto kong matawa at mapikon, pero katulad kanina ay nananatili lang akong tahimik.
"Okay, sige po, ako na ang bahala kay Mama. Promise po at sasabihin kong suyuin ka niya," wika ni Anna na pahina nang pahina ang kaniyang boses na para bang ibinubulong na lang niya ang mga huling salita.
Napaismid na lamang ako, lalo nang tumawa si Andrew. Hindi rin naman nagtagal nang matapos akong makapagsaing, kagaya ng inaasahan ay magkakasabay kaming kumain kung saan panay ang kwentuhan ng dalawa.
Samantala ay maigi naman akong nakikinig sa kanila habang ina-appreciate iyong katotohanan na nangyayari ngayon. Kaming tatlo sa hapagkainan at magkakasalo, ito iyong unang pagkakataon na hindi man kami okay ni Andrew ay naging sapat na sa akin.
Bandang alas otso nang mapagpasyahan na rin ni Andrew ang lumayas, wala akong nagawa nang sabihin niyang ihatid ko siya dahil hindi nito alam ang pasikut-sikot sa mga eskinita. Madali lang ako nitong hinatak palabas ng bahay na nasa ganoong porma pa rin.
"Dati pa man ay hindi mo na talaga hilig ang maligo," sambit ni Andrew na siyang naroon sa likuran ko dahil literal naman na hindi kami magkasya sa sikip ng daanan.
"Dati pa man ay pasmado na ang bibig mo." Umirap ako sa hangin kahit hindi naman niya nakita, bwisit talaga siya.
"Huy, hindi kaya. Nagmana lang ako sa 'yo."
"Kapal mo. Ano kita, anak?"
"Oo, baby mo nga ako, e."
"Puta—"
"Uy, Elsa!" Halos matalisod ako nang marinig ko ang pagtawag na iyon ni Aling Puring.
Gusto ko pang umatras nang makita ang tatlong tagapagmana ng bigas ni Mayor, naroon sila sa palagi nilang tambayan at abalang naglalaro ng binggo. Rinig ko pa ang paulit-ulit na pagkalog ni Aling Budjing sa bote.
"Sa letra ng B— sana all!" mapang-asar na sabi ni Aling Lukring kung saan kitang-kita ko pa ang bungi niyang ngipin habang inaabangan ang pagdaan namin.
"Elsa, ano? Siya na ba iyong lalaki na naka-black tuxedo? Iyong palaging pumuporma sa 'yo sa labas? Hindi mo naman sinabing ang gwapo pala. Akala ko ay matandang mayaman," tumatawang turan ni Aling Budjing.
"Naku, isa na namang kababayan natin ang makakaahon sa kahirapan," dugtong ni Aling Puring habang mahina pang pumapalakpak.
"Pwede ba, Aling Puring, Aling Lukring at Aling Budjing— tigil-tigilan niyo na ang katsistismis niyo, kaya kayo nabubungi. Kita niyo." Isa-isa ko silang itinuro, siya namang hawak nila sa kani-kanilang bibig. "Sa totoo lang ay ayokong patulan kayo, pero sa ikatatahimik ng kaluluwa ninyo ay wala kaming relasyon. Kung mayroon man din ay dahil sa siya ang ama ni Anna."
Bumuntong hininga ako, kapagkuwan ay nagdadabog na nilayasan sila. Marites din naman ako, pero hindi naman ganoon kasukdulan ang pagiging tsismosa ko. At alam ko kung hanggang saan ang limit ko.
"Naks, lodi." Dinig kong palatak ni Andrew, pero hindi ko na siya pinansin.
Sa labasan ay nakita kong nasa gilid lang ng kalsada naka-park ang kotse niya kung kaya ay tinungo ko iyon, huminto lang din ako nang nasa tapat na ako nito at madaling nilingon si Andrew sa pagitan ng leeg at balikat ko.
"Thank you." Ngumiti si Andrew, tumigil din ito ilang dangkal ang layo sa akin.
"Walang problema. Basta kapag makikipagkita ka ulit kay Anna ay sabihan mo ako, para kahit papaano ay hindi naman ako nagugulat."
"All right. Anyway, thank you ulit."
"Para saan?" Nangunot ang noo ko, nagawa ko pa itong pagtaasan ng kilay.
"Sa pagsabi at pagmamayabang na ako ang ama ni Anna, I felt proud." Mas lalo siyang ngumiti, rason para mabilis pa sa kidlat na mag-iwas ako ng tingin. "Alam mo, matagal ko nang gustong lapitan si Anna at magpakilalang ama sa kaniya sa tuwing binibisita ko ang school niya. Kaya lang ay bilang respeto sa 'yo at sa mararamdaman mo, since alam ko naman na magagalit ka ay hindi ko ginagawa."
Sa narinig ay dagling umawang ang labi ko. Binibisita niya si Anna sa school nito? Ibig sabihin ay matagal nang nakikita ni Andrew si Anna. Well, hindi naman iyon malabo dahil maliit lang ang mundo naming tatlo.
Ganoon pa man ay hindi maipag-aakila ang mumunti kong galak sa reyalisasyong iyon. Kahit pala na galit siya sa akin ay kaya pa rin nitong respetuhin ang opinyon ko, ganoon din na kahit galit ako sa kaniya ay hindi pa rin nito pinakikialaman ang desisyon ko.
Ngayon ko na-realize na ito iyong mga dahilan ko kung bakit minahal ko noon si Andrew. Iyong ugali niyang ganito ang nagustuhan ko at talagang tumatak sa puso ko na kahit nga gawin nito nang paulit-ulit ay naninibago pa rin ako.
Totoo na ang laki nang nasayang ko nang maghiwalay kami ng landas noon. Malaki ang nawala sa akin, kaya nga ako nagsisi at kaya rin ako bumalik. Ngunit hanggang doon na lang din iyon, salamat pa rin na minahal ako ng isang Andrew Evangelista.
Huminga ako nang malalim. "Sige na, pumanhik ka na at lumalalim na ang gabi."
Iminuwestra ko ang kotse nito, rason nang mahina niyang pagtawa at saka naman ito lumapit doon. Matapos niyang buksan ang pinto sa driver's seat ay isang lingon ang iginawad nito sa akin, kasunod nang tipid niyang pagngiti.
"I—ingat," utal kong banggit at tila iyon lang yata ang hinintay niyang marinig dahil kaagad din siyang pumasok sa loob.
Mabilis lang din nitong pinausad ang sasakyan at matulin na pinatakbo sa kahabaan ng kalsadang iyon. Tinanaw ko iyon hanggang sa tuluyan itong mawala sa paningin ko, kalaunan nang mapangiti ako sa kawalan.
Kinabukasan, dumating din ang araw ng usapan namin ni Jinky, tanda na kailangan ko na ring maligo dahil mayamaya lang ay tatadtarin na naman niya ako ng text para sabihin at kulitin ako na tuloy ang night out namin.
Kaya madalian akong pumasok ng banyo, since hindi ako naligo kahapon ay tumagal ako nang higit isang oras sa loob. Katatapos ko lang din ang maglaba dahil iyon ang pangako ko sa sarili ko kagabi bago magwalwal.
Hindi naglaon nang matapos din akong maligo at lumabas mg banyo, nakatapis lang ng puting tuwalya ang hubad kong katawan. Dumeretso ako papasok sa kwarto ni Anna at doon mabilis na nagbihis.
Isang simpleng fitted v-neck shirt ang napili kong suotin para sa gabing iyon na pinaresan ko ng tattered maong pants, sinuot ko rin ang nag-iisang sandal ko na may three inches heel ang taas. Okay na din pang-party.
Napangisi ako, saka ko naman inayos ang mukha. Naglagay lang ako ng 'di gaanong kakapal na make up, tama lang din para makasabay ako sa pupuntahan namin ni Jinky ngayon. Tinuyo ko rin ang buhok bago kinulot ang dulo nito.
Sa pagtayo ko pa ay sakto namang tumunog ang cellphone ko. Hindi na ako nagulat nang makita ko roon ang pangalan ni Jinky kung kaya ay madali ko ring inabot at kinuha ang bag ko, kasabay nang pagsagot ko sa tawag.
"Heto na, heto na. Paalis na ako," sambit ko, kapagkuwan ay dali-daling lumabas ng bahay.
"Okay, ingat. Nandito na ako, hintayin kita sa labas." Matapos iyon ay nagkusa na ring patayin ni Jinky ang linya.
Nakapagpaalam na ako kay Anna kanina, kung nasaan man din siya ngayon ay malamang nasa bubungan na naman iyon at nakatulugan na naman iyong binabasa niyang libro. Napailing na lamang ako at minabuting isarado ang pinto
Sa labas ay saglit lang akong nag-abang ng taxi, sa biyahe naman ay naging tahimik ako habang nagmamasid sa labas ng bintana. Honestly, hindi ako excited na magwawalwal kami ni Jinky kung 'di sa maaari nitong isiwalat.
Gusto ko talagang marinig at malaman kung ano ang nangyari sa kanila ni Andrew, baka sakali na nagbibiro lang si Drew kagabi nang sabihin niya iyon. Hindi lang din kasi ako makapaniwala. Like, all of the sudden ay ganoon ang nangyari?
Maang akong napalatak sa hangin, kamuntikan pa nga akong hindi makatulog kagabi dahil sa kaiisip ko ng mga posibleng dahilan. Mabuti kahit papaano ay magaan ang loob ko sa katotohanan na okay na sina Anna at Andrew, kaya nakatulog din ako nang maayos.
"Nandito na ho tayo, Ma'am." Dinig kong wika ng taxi driver, rason para kaagad din akong tumalima at nagbayad sa kaniya.
Nang makababa ay bumungad sa akin ang kaparehong bar kung saan din kami nagpunta noon nina Jinky at Chloe. Iyong gabi na napaaway pa kami na umabot din hanggang sa presinto, sayang lang at bawal ang buntis.
"Elsa!" pagtawag sa akin ng isang boses na hindi ko man lingunin ay alam ko na kung sino ang nagmamay-ari.
"Jinky!" balik pagtawag ko rito at mukha lang kaming tanga na nagyakapan pa sa gilid ng kalsada. "Let's go! Excited na akong mawala sa sarili at mapaaway ulit."
Malakas na tumawa si Jinky. "Ako rin! Gusto ko nang manuntok ng mang-aagaw."