CHAPTER ONE
Maayos at wala pa ring gusot ang blusang puti ni Trisha, matapos ang halos limang oras na pagdalo niya sa kaniyang klase sa hapon. Araw-araw ay ganito ang kaniyang pananamit. Kaya naman laking pasasalamat ng kaniyang inang si Frecy, dahil kahit kailan ay hindi siya nito pinahirapan sa paglalaba ng kaniyang mga damit.
Naka-ponytail ng maayos ang buhok ni Trisha na parang hindi man lamang nagalaw. Ang kaniya ring palda ay ni hindi man lamang nagusot, maliban sa maliit na tupi nito sa kaniyang puwitan dahil sa matagal na pagkaka-upo sa upuan. Wala ring mababakas na pawis sa kaniyang mukha o balat dahil sa maya maya nitong pagpunas gamit ang kaniyang panyong iniregalo sa kaniya ni Frecy.
Bitbit ang kaniyang backpack at ang makapal na libro, hinintay ni Trisha ang kaniyang bunsong kapatid na si Tom sa labas ng gate ng kanilang paaralan. Natanaw niya itong karipas na tumatakbo palapit sa kaniya at kagaya ng dati, madumi at gusot-gusto ang putting polo nito. Nakabukas pa ang butones nito sa dibdib kaya lumitaw ang puting sando nito na basang-basa na ng pawis. Bukas din ang bag ni Tom, na kaniya lamang binibitbit gamit ang kamay.
Napabuntong hininga na lamang si Trisha, habang pinagmamasdan ang kaniyang kapatid na papalapit sa kaniya. “Basang-basa ka na naman ng pawis! Lagot ka na naman kina mama!” sabi ni Trisha.
Humahangos na tumabi si Tom sa kaniyang ate at sadyang idinikit ang madulas na balat sa braso nito. Agad namang napasigaw si Trisha, “ano ba ‘yan, Tom! Umayos ka nga! Ang laki-laki mo na ganiyan ka pa rin kumilos!”
“Ang arte mo naman ate! Hindi naman mabaho ang pawis ko!” pilyong sagot naman ni Tom, na sinabayan niya ng mapang-asar na ngiti.
Ganito ang palaging eksena ng dalawang magkapatid sa labas ng gate ng kanilang paaralan. Kung hindi madungis si Tom, ay basang-basa naman ito ng pawis na palagi niyang pinapahid sa katawan ni Trisha. Hindi naman sa pinangdidirihan ni Trisha ang kaniyang kapatid. Gusto niya lamang na kumilos ito ng tama at naayon sa kaniyang edad na labing tatlo, dahil alam niya na hindi sila habang buhay na magiging bata at hindi habang buhay nariyan ang kanilang mga magulang.
Makalipas ang kalahating oras na paghihintay ay dumating na ang kanilang inang si Frecy na gamit ang kanilang sasakyang itim na Honda CR-V. Tumigil ito sa harapan nila Trisha at ibinaba ang bintana sa kanang bahagi ng front seat at saka kinawayan ang kaniyang mga anak na pumasok na sa loob ng sasakyan.
Dali-dali namang pumasok sa loob ng sasakyan si Trisha at si Tom. Si Tom ang palaging nasa unahan kung wala ang kanilang ina o ama, at si Trisha naman ay walang magawa kung ‘di ang maupo na lamang sa likuran at magmasid sa bintana. Kapag kumpleto naman silang pamilya sa loob ng kanilang sasakyan ay katabi ni Trisha ang kaniyanv malikot na kapatid sa likuran.
Trisha U. Velasquez. Kasalukuyang 3rd Year Higschool student sa isang pampublikong paaralan sa Quezon City. Sa edad na labing lima ay katuwang na siya ng kaniyang ina sa mga gawaing bahay lalo na sa pagluluto ng mga pagkain. Balingkinitan ang katawan na may malapad na baywang. Matangos ang ilong at makinis at maputi ang balat. Hindi mahahalatang mahaba ang kaniyang buhok dahil palagi itong nakapuyod. Malaki ang kaniyang mga mata na bumagay sa kaniyang manipis na kilay. Ang kaniyang labi ay manipis at ‘sing pula ng mansanas.
Nang sila ay makauwi, agad na nagbihis ng pangbahay ang magkapatid na sina Tom at Trisha. Kagaya ng araw-araw nilang ginagawa, si Tom ay dumiretso sa kaniyang compter desktop na binili ng kanilng ama, at si Trisha naman ay dumiretso sa kusina kung saan naroroon ang kanilang inang si Frecy.
Naabutan ni Trisha ang kanilang ina na naghahanda ng mga lulutuin sa maliit na counter ng kanilang kusina. “Tulungan na kita riyan, ma!” sabi niya.
“Hindi na, anak. Tapusin mo na muna ang homework mo at ako nang bahala rito,” tugon naman ni Frecy, habang inilalabas ang kaldero mula sa cabinet na nakalagay sa ilalim ng counter. Bakas sa kaniya ang pagod sa likod ng matatamis niyang mga ngiti.
“Tinapos ko na lahat ng homework ko kanina,” nakangiting sabi ni Trsiha.
Napahinto si Frecy sa kaniyang ginagawa at sandaling napatitig sa malalaking mga mata ni Trisha. Kuhang-kuha nito ang mga mata ng kaniyang pinakamamahal na asawang si Edwin at higit sa lahat, kuhang-kuha rin ni Trisha ang mabait at matulunging ugali nito.
“Oh siya sige. Ipaghiwa mo ako ng sibuyas at ng bawang,” nakangiting utos ni Frecy.
Pagkatapos magluto ng mag-ina, ay eksakto namang dumating ang kanilang padre de pamilya na si Edwin. Hindi man ito magsalita ay bakas sa mukha nito ang pagod na agad na napansin ni Trisha. Halos ilang araw ng parang palaging pagod na umuuwi si Edwin. Hindi alam ni Trisha ang dahilan kung bakit kaya hindi niya maiwasang magtaka at dahil bago rin ito sa kaniyang paningin.
Maayos na pinalaki ng mag-asawang Frecy at Edwin ang kanilang mga anak. Pinalaki nila itong magalang sa nakatatanda, lalong-lalo na si Trisha. Ipinamulat din ng mag-asawa sa dalawa nilang anak ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pagiging matulungin. Kaya naman hindi kataka-taka sa kanilang mga kapit-bahay ang asensong tinatamasa nila ngayon. Ngunit ang hindi alam ng nakararami at maging ni Trisha kung ano ang trabaho ni Edwin. Ang alam lamang nila ay ang pagiging ahente nito sa isang malaking kompanya at wala ng iba.
Sabay-sabay na pinagsaluhan ng buong pamilya ang inihandang pagkain nila Trisha. Adobong na pinaiga, na mayroong nilagang itlog. Masaya silang nagkuwentuhan sa harap ng hapag-kainan na kagaya ng mga natural at tipikal na pamilya. Pinag-usapan nila ang mga nangyari sa kanilang mga araw at ang pagbabakasyon nila ngayong nalalapit na summer.
Matapos ang masayang kainan, bumalik sa paglalaro ng computer si Tom suot ang kaniyang pangtulog. Si Trisha naman ay naupo sa malambot na sofa at nanonood ng TV sa kanilang malawak at marangyang sala, at ang dalawang mag-asawa namam ay naiwang nag-uusap sa kusina.
Habang nanonood, napansin ni Trisha na tila ba nagbubulungan ang kaniyang mga magulang na nasa kusina. Noong una ay inakala niyang nagbibiruan o naghaharutan lamang ito ngunit ‘di naglaon ay napansin niyang tila pasigaw nang bumubulong ang kaniyang ina.
Kinuha ni Trsiha ang remote control ng kanilang TV at saka nilakasan ang volume nito. Dahil sa labis na pagtataka, tumayo si Trisha at dahan-dahang naglakad palapit sa kusina. Nagtago siya sa pader kung saan hindi siya nakikita ng kaniyang mga magulang. Hindi niya rin nakikita ang mga ito, ngunit naririnig naman niya ang kanilang mahinang usapan.
Dahan-dahang inilapit ni Trisha ang kaniyang kaliwang tainga, upang lubusang marinig kung ano ang pinagtatalunan ng kaniyang mga magulang. Alam niyang mali ang ginagawa niyang ito, ngunit hindi siya mapakali.
“Hindi mo puwedeng gawin ‘yon, Edwin! May mga anak ka!” narinig niyang sabi ng kaniyang ina. “Isipin mo na lang ang kalalabasan ng gagawin mo!” dagdag pa nito.
“Magtiwala ka lang sa ‘kin Frecy! Magiging maayos din ang lahat ng ‘to,” tugon naman ng kaniyang ama. “Hindi ko puwedeng balewalain ang mga nangyayari sa ‘min. Hindi ko kayang manatili ro’n. Hindi ko na kaya!”
Ang puso ni Trisha ay tila tumatakbong kabayo, habang pinapakinggan ang usapan ng kaniyang mga magulang. Tama ang kaniyang hinala na mayroon ngang problema ang kaniyang ama, at alam niyang tungkol ito sa kaniyang trabaho.
“Isipin mo ang mga anak mo, Edwin! Mga bata pa sila! Pa’no na lang kapag kinuha ka nila sa ‘min?!” saad muli ni Frecy. Sa pagkakataong ito ay napansin ni Trisha na tila nanginginig na ang boses ng kaniyang ina.
“Walang mangyayaring masama sa ‘kin. Magtiwala ka lang sa gagawin ko. May mga koneksyon ako na handang tumulong sa ‘kin!” Kahit na pinipigilang sumigaw ay malambing pa rin ang tinig ng kaniyang ama.
Lalong bumilis ang kabog ng puso ni Trsiha nang marinig niya ang sinabi ng kaniyang ama. “Anong ibig sabihin ni papa?” Ang tanong na ito ang agad na pumasok sa kaniyang isip.
Natulala na lamang si Trisha nang marinig niya ang kaniyang inang humihikbi at tila ba nagpipigil sa pag-iyak. Hindi na matiis ni Trisha ang kaniyang mga naririnig. Dahan-dahan niyang nilabas ang kaniyang ulo mula sa pader na kaniyang pinagtataguan upang silipin ang kaniyang mga magulang. Doon nakita niya ang kaniyang ama na nakayakap sa kaniyang ina, habang hinihimas ito sa likuran. Kakausapin sana ni Trisha ang dalawa ngunit naisip niya na magtungo na lamang sa kaniyang silid.
Hanggang sa pagtulog ay hindi maalis sa isip ni Trisha ang kaniyang mga narinig. Ano ang ibig sabihin ng kaniyang mga magulang sa kanilang pinag-uusapan. Bakit ganoon na lamang ang reaksyon ng kaniyang ina na nakuha pang umiyak sa harapan ng kaniyang ama. Maraming tanong ang namutawi sa isip ni Trisha, at lahat ng iyon ay wala pang kasagutan.