Abala ang buong pamilya Velasquez sa kani-kanilang mga ginagawa. Si Tom ay nasa harapan ng kaniyang computer kagaya ng routine niya araw-araw kapag walang pasok. Si Frecy naman ay nag-aasikaso ng kanilang pananghalian sa kusina kasama ang panganay na anak na si Trisha. Si Edwin naman ay nagbabasa ng diyaryo, habang nakaupo sa malambot na sofa kaharap ng TV.
Masayang pinagmamasdan ni Trisha ang kaniyang ama. Masaya siya na kumpleto silang pamilya sa loob ng isang bubong. Kahit papaano ay nawala sa kaniyang isip ang kaniyang mga narinig noong nakaraang gabi.
Nakatayo si Trisha sa harapan ng kanilang maliit na counter habang hawak ang isang kitchen knife. Si Frecy naman ay nasa likod ng panganay na anak, habang hinahalo ang kaniyang nilulutong tinola na kanina pa nagpapatakam sa sikmura ni Tom.
Nilapag ni Trisha sa lamesa ang hawak niyang kutsilyo saka pinunas ang kamay mabasa-basang kamay sa likod ng kaniyang maiksing floural short at saka tumabi sa kaniyang ina. Pinagmasdan niyang maigi kung paano haluin ni Frecy ang mabangong tinolang manok. Kita rin ni Trisha na masaya ang kaniyang ina na para bang walang problema.
"Gusto mo bang timplahan 'to?" nakangiting tanong ni Frecy sa kaniyang anak, habang hawak ang itim na sandok.
Ngumiti si Trisha. Isang matipid na ngiti na tila mayroon siyang gustong sabihin. "Baka pumangit ang lasa pag ako nagtimpla niyan," sabi niya.
"Hindi 'yan! Subukan mo lang sige na!" Iniabot ni Frecy ang hawak niyang sandok sa anak. Napakasarap tingnan ng mga ngiti nito para kay Trisha. Napakasarap para sa kaniya ang makitang masaya ang kaniyang ina.
"Hindi na, ma! Baka hindi lang magustuhan ni papa kapag ako nagtimpla niyan. Mamaya baka magreklamo pa si Tom diyan," tutol ni Trisha.
Sabay na nagtawanan ang mag-ina. Pareho nilang alam na pihikan at maarte sa panlasa si Tom. Ayaw nito ng maalat na ulam at ayaw din nito ng matabang. Si Tom din kasi ang madalas magreklamo tungkol sa kaniyang panlasa sa ulam. Ngunit ang haligi ng tahanan na si Edwin ay walang pakialam kung ano pa ang nakahain sa kanilang lamesa. Ang mahalaga lamang dito ay mabusog at magkaroon ng laman ang tiyan.
"Sige na subukan mo na! Para kung sakaling wala kami eh marunong ka nang magluto para sa sarili mo," Lalong inabot ni Frecy ang hawak niyang sandok sa kamay ng anak.
Ngunit si Trisha ay sandaling nanahimik. Hindi niya alam kung bakit, ngunit tila may bigla na lamang dumagan sa kaniyang dibdib na nagpabigat ng kaniyang katawan. Tumingin siya sa maaamong mga mata ng kaniyang ina at naalala ang narinig niyang sinabi ng kaniyang ama.
"Anak, ayos ka lang?" biglang tanong ni Frecy, nang mapansin niyang biglang natulala sa harapan niya si Trisha.
Hindi naman agad makasagot si Trisha. Pakiramdam niya'y kumapal ang kaniyang mga pisngi at bumigat ang kaniyang mga balikat. Nakatingin lamang siya sa mga mata ng kaniyang ina, hanggang sa siya ay biglang matauhan. "Ah ... ano po?" tanong niya.
"Ang sabi ko, ayos ka lang ba?" tanong naman ni Frecy.
Tumango-tango si Trisha. Binaling niya ang kaniyang mga mata sa nilulutong tinola na nasa kaniang harapan. Kiniskis niya ang kaniyang magkabilang palad at saka muling tumingin sa kaniyang ina. "Bakit ma? Aalis ba kayo?" tanong niya.
"Ha? Sa'n naman kami pupunta?" nagtatakang tanong naman ni Frecy. "Ang sinasabi ko lang ... kung sakaling wala kami rito sa bahay at ikaw ang naiwan, eh makakapagluto ka para sa sarili mo. Malaki ka na anak. Kailangan mo nang matutong tumayo sa sarili mong paa."
Hindi pa rin alam ni Trisha kung bakit tila may kakaiba siyang nararamdaman sa mga sinasabi ng kaniyang ina. Maging sa kaniyang sarili ay hindi niya ito maipaliwanag. "Marunong naman akong magluto eh," sabi na lamang niya.
"Alam ko naman na marunong kang magluto ng hotdog," natatawang sagot ni Frecy na sinabayan din ng ngiti ni Trisha.
Simula nang pinanganak si Trisha ay hindi pa ito nakaranas na magluto ng mga lutong ulam. Maliban na lamang sa mga ginisang de lata at sa mga processed meat na madaling lutuin kapag wala ang kanilang ina.
Sa tuwing wala ang kanilang mga magulang, walang ibang niluluto si Trisha kung 'di ang hotdog o di kaya'y mga de lata na naka imbak sa kanilang kitchen cabinet.
"Mukhang mabango 'yang niluluto niyo ah," Napalingon ang mag-ina nang marinig nila si Edwin na biglang sumulpot sa likuran ni Trisha.
Napansin ng mag-ina na nakabihis ng puting polo ang kanilang haligi ng tahanan. Maayos ang buhok at nakasuot ng itim na pantalon. Nakita rin ni Frecy ang itim na atteché case na nakapatong sa lamesa sa harapan ng TV. Ito ang case na kailan ma'y hindi pinagalaw sa kaniya ni Edwin na tila ba mayroong ginto o sumasabog na bagay sa loob nito.
Sabay na nagkatingin ang mag-inang Frecy at Trisha. Pareho nilang alam na mayroong lakad si Edwin. Para bang pareho silang nadismaya, nang makita nila itong nakabihis.
"Kakain na ba tayo?" nakangiting tanong ni Edwin, habang nakatingin sa kaniyang butihing may bahay.
Hindi sumagot si Frecy. Bagkos ay muli niyang hinarap ang kaniyang niluluto at saka muling hinalo-halo. Pansin ni Trisha ang biglang pagtamlay ng katawan at ng itsura ng kaniyang ina. Alam niya sa sarili niya na mayroong mali.
Kahit na walang pumansin kay Edwin ay pinanatili pa rin nito ang kaniyang ngiti. Isang ngiti na pilit na nagpapakita na wala siyang problema. Biglang tumahimik ang paligid at ang tanging maririnig lamang ay ang kumukulong tinola.
Bumaling si Trisha sa kaniyang ama. "Aalis ka, pa?" tanong niya.
"May kailangan lang akong tapusin sa trabaho anak," mabilis na sagot naman ni Edwin.
"M-magtatagal ka po ba ro'n?" tanong ulit ni Trisha.
"Hindi ko pa alam eh. Ang dami pa kasi naming kailangang tapusin,"
"Puwede ba akong sumama?"
Biglang natigilan si Frecy sa kaniyang ginagawa. Maging si Edwin ay sandaling tila naging estatwa sa sinabi ng kaniyang anak. "Ah ... mabo-bored ka lang do'n anak. Masyado kaming maraming ginagawa sa opisina kaya hindi kita maiintindi ro'n," sabay sabi niya.
"Pa ... hindi naman na po ako bata para intindihin niyo. Gusto ko lang kayong samahan," giit naman ni Trisha.
Muli na namang natameme si Edwin. Tumingin siya sa kaniyang asawa at nakita itong walang reaksyon. Nakatitig lamang sa kaniya ang kaniyang mag-ina, habang naghihintay ng kaniyang isasagot. "Pasensya ka na anak. Sa susunod na lang, promise!" sagot ni Edwin.
Biglang nadismaya si Trisha. Dito ay mas lalong umiigting ang kaniyang pakiramdam na mayroong tinatago ang kaniyang ama. Tumingin siya sa kaniyang ina at nakita itong wala pa ring reaksyon.
Oras na ng tanghalian. Ang buong pamilya Velasquez ay sama-samang kumakain sa kanilang hapag-kainan, habang nanonood ng balita sa TV. Mula kasi sa kanilang kusina ay matatanaw ang kanilang TV sa sala.
Walang lumalabas na salita sa buong pamilya. Para silang nagpapakiramdaman kung sino ang unang magsasalita. Si Tom at si Trisha ay hindi maiwasang magkatinginan na para bang nag-uusap gamit ang kanilang mga mata. Si Edwin naman ay hanggang ngayon ay hindi pa rin iniimikan ni Frecy, habang tuloy-tuloy pa rin ang pagsubo nila ng pagkain.
Hindi na matiis ni Tom ang katahimikan ng kanilang pamilya. Kanina habang siya ay nasa harapan ng kaniyang computer, hindi niya maiwasang isipin ang sinabi ng kaniyang ate tungkol sa kanilang ama. Kahit na siya ay naglalaro, tumatakbo ang kaniyang isip tungkol sa mga sinabi ni Trisha.
"Puwede ba 'kong magtanong?" Binasag ni Tom ang katahimikan. Ang lahat ng atensyon ay bumaling sa kaniya, habang naririnig ang lalaking nagsasalita sa TV. Tiningnan niya si Trisha at napansin itong tila sumesenyas sa kaniya na 'wag siyang magsalita.
"Ano 'yon, anak?" tanong naman ni Edwin, habang hawak ang kutsara't tinidor sa kaniyang mga kamay.
Tiningnan muli ni Tom ang kaniyang at napansing pinandidilatan na siya nito. "Magkaaway ba kayong dalawa?" sabay tanong niya, habang nakatingin sa kaniyang ama.
Muling natahimik ang pamilya Velasquez dahil sa biglaang pagtatanong ni Tom. Ang tanging maririnig lamang ay ang bukas na telebisyon sa kanilang sala. Si Trisha ay halos mabulunan sa kaniyang kinakain, habang ang mag-asawa naman ay biglang nagkatinginan.
"Bakit mo naman nasabi 'yan anak?" tanong naman ni Frecy, na muling itinuloy ang pagsubo ng pagkain.
"Eh kasi kanina pa kayong dalawa hindi nag-iimikan," sagot naman ni Tom.
"Hindi kami magkaaway anak. Nanonood lang kami ng balita," sagot naman ni Edwin. "Kumain ka na at baka lumamig pa 'yang pagkain mo. Ang sarap pa naman ng pagkakaluto ng mama mo." Kinuha niya ang isang tasa ng sabaw na katabi ng kaniyang plato at saka hinigop.
"Kung magkaaway man kayo, please lang ayusin niyo na. Ang hirap kumain ng ganito tayo katahimik," saad ni Tom, sabay subo ng pagkain.
Napailing na lamang si Trisha sa kaniyang kinauupuan. Hindi niya alam kung anong pumasok sa isip ng kaniyang kapatid at bigla na lamang itong nagsalita.
Muling nagpatuloy sa pag-kain ang pamilya, habang nakikinig at nanonood ng balita sa TV. Ang lahat ay seryoso na, na tila walang nangyari. Muli na namang natahimik ang hapag-kainan na para bang mayroong anghel na dumaan.
"Ngayon naman po ay ating makakapanayam ang isa sa pinakamahuhusay na kongresista ng ating bansa, na ngayo'y tumatakbo bilang senador para sa darating na halalan," sabi ng kilalang News Caster na lalake sa pinapanood nilang balita. "Please welcome, Congressman Noli Venturina!"
Napansin ni Trisha na halos hindi umaalis ang mga mata ng kaniyang ama sa telebisyon. Maging ang kanilang ina ay napahinto sa pag-kain para makinig ang manood, kaya naman hindi niya na rin naiwasang ibaling ang atensyon sa programa.
"Maraming salamat, Bal!" sabi ni Cong. Venturina na nasa telebisyon. "Isang karangalan ang mapaunlakan ako sa programang ito."
Si Cong. Venturina ay ang kongresistang nakaupo ngayon sa distrito nila Edwin. Kamakailan lamang ay inanunsyo na nito na balak niyang tumakbo bilang senador ng bansa para sa darating na halalan, at ngayon pa lamang ay nag-uumpisa na itong mangampanya kahit na dalawang buwan pa hihintayin bago ang eleksyon.
Si Cong. Venturina ay nasa edad 40's pataas. Mataba at bigotilyo. Singkit ang mga mata at may sarat na ilong. Kung titingnan sa telebisyon ay mukha itong matangkad, ngunit sa personal ay halos kasing laki lamang ito ni Trisha, na may tangkad na 5'6.
"The honor is mine, Congressman!" sagot naman ng News Caster. "Isa po kayo sa mga hinahangaang kongresista ng ating bansa, at hindi naman po iyon maipagkakaila. Pero, Congresmaan ... ano po itong lumalabas na balitang ibinabato sa inyo, na kayo raw po ay nakikipag ugnayan na sa isang sikretong organisasyon, na nakawin ang mga balota sa inyong distrito para sa nalalapit na halalan? Totoo po ba ito, Congressman?"
"Ah ... well, Bal ... pagdating naman sa politika eh hindi naman mawawala ang siraan diyan eh, 'di ba? Lahat ng mga tumatakbong politiko ngayon ay ginagawan at ginagawan ng kasiraan ng kani-kanilang mga kalaban. Mapa Barangay Captain man 'yan o hanggang presidente, lahat 'yan hahanapan ng butas ng mga gustong sumira sa kanila," paliwanag ni Congressman Venturina. "Kagaya ko! Hindi ko akalin na may ganiyang issue ang lalabas, kahit na patas naman ang aking pangangampanya at nasa batas. Ang masasabi ko lamang eh, maglatag kayo ng matibay na ebidensya laban sa 'kin patungkol diyan sa issue na 'yan at hinding-hindi ko kayo aatrasan."
Napansin ni Trisha, na sa sobrang seryoso ng panonood ng kaniyang ama ay binatawan na nito ang hawak nitong kubyertos. Nakita niya rin ang kakaibang tinginan ng kaniyang mga magulang. Kita niya sa mga mata ng kaniyang ina ang pag-aalala, habang ang kaniyang ama naman ay hindi ibinabaling sa iba ang mata maliban sa programang kaniyang pinapanood.
"Well said, Congressman Venturina!" bati ng News Caster. "Pero ano pa po itong lumalabas na balita na, kayo raw po ay nagbabalak na tumakbong presidente in the future? Totoo po ba ito, Congressman?"
"Hindi ko pa masasagot ang katanungang 'yan, Bal. Masyado pang matagal at masyadong mataas ang pagigng presidente. Pero malay natin 'di ba?" sagot naman ni Venturina, sabay hagalpak ng tawa.
Hindi na pinakinggan ni Trisha ang telebisyon. Bumaling na ang kaniyang atensyon sa kaniyang ama na tila mayroong malalim na iniisip.
Napabuntong hininga si Trisha. Parang gusto niyang kausapin ang kaniyang ama, ngunit hindi niya naman alam kung ano ang dapat niyang sabihin dito.
Naputol ang katahimikan nang sabay-sabay nilang marinig na tumunog ang kanilang doorbell. Agad na tumayos si Edwin na parang nagmamadali at saka nagtungo sa kanilang pintuan.
Narinig ni Edwin na tila mayroong kinakausap ang kaniyang ama sa pintuan. Hindi niya maiwasang magtaka kung sino ang kanilang bisita, kaya naman sinilip niya nang bahagya ang kaniyang ama mula sa kaniyang puwesto. Nakita ni Trisha na kausap ng kaniyang ama ang dalawang lalakeng nakasuot ng itim na damit na mayroong tatak na NBI. Sa kaniyang tantiya ay nasa mga edad 30 pataas na ang dalawang ito.
Unti-unti nang kinakabahan si Trisha ngunit mabilis din 'yong nawala, nang makita niyang kinamayan ng kaniyang ama ang dalawang lalake na tila mga alagad ng batas. Nakampante si Trsha, habang ang kaniyang inang si Frecy ay hindi pa rin nagbabago ng reaksyon.
Muling sinilip ni Trisha ang dalawang lalaking kausap ng kaniyang ama. Hanggang sa hindi niya namalayan ang tasa ng sabaw ng tinola ang malapit nang masagi ng kaniyang kamay.
Sa hindi inaasahan ay natabig niya na nga ang sabaw na kaagad na tumilapon sa kaniyang damit. Tumingin si Trisha sa kaniyang ina, ngunit hanggang ngayon ay tila wala pa rin itong reaksyon.
Dahil sa amoy ng tinola at sa lagkit ng sabaw sa damit ni Trisha ay napilitan siyang tumayo para pumunta sa kanilang banyo.
Habang papunta sa kanilang palikuran ay naririnig niya pa ang usapan ng kaniyang ama at nang mga lalaking nakasuot ng pang NBI na damit. Bago niya buksan ang pintuan ay sinilip niya muna uli ito.
Habang naghuhugas ng kamay at nagpupunas ng natapong tinola sa kaniyang damit, sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakarinig siya ng malakakas na putok. Anim na sunod-sunod at malakakas na putok ang umalingawngaw sa buong bahay na tila galing sa baril.
Sa sobrang lakas ng mga putok ay napatakip si Trisha sa kaniyang mga tainga, kahit na may sabon pa ang kaniyang mga kamay. Napaupo siya sa tiles na sahig ng kanilang palikuran at sumiksik sa isang sulok, habang ang tubig sa gripo ay tuloy-tuloy ang daloy.
Matapos ang ilang minuto ay nawala na rin ang maalingawngaw na mga putok. Dahan-dahang tumayo si Trisha at pinakinggan ang kapaligiran. Hindi niya na naririnig ang pakikipag-usap ng kaniyang ama at hindi na rin niya naririnig ang mga plato't kutsara. Wala siyang ibang naririnig maliban sa bukas na telebisyon na kasalalukuyang nasa patalastas.
Ang paghinga ni Trisha ay bigla na lamang nanikip dahil sa bilis ng pagtibok ng kaniyang puso. Pinawisan din siya ng malamig, habang natataranta at nanginginig ang mga kamay. "Anong nangyari?" tanong niya sa kaniyang isip.
Dahan-dahan niyang pinihit ang doorknob ng pintuan ng kanilang palikuran at saka dahan-dahang lumabas.
Nang mapansing wala na siyang naririnig na ingay at agad siyang tumakbo patungo sa kanilang kusin para tingnan ang kaniyang mga magulang at kapatid. Ngunit laking gulat niya nang biglang tumambad sa kaniya ang duguang katawan ng kaniyang ina, na nakasalampak sa lamesa. Ang kaniya namang kapatid ay nasa sahig, habang naliligo sa sariling dugo. Nang lingunin niya naman ang kaniyang ama ay nakita niya rin itong nakalumpasay sa sahig at punong-puno ng dugo ang buong katawan.
Tumindig ang mga balahibo ni Trisha at ang kaniyang ulo ay tila nanlaki. Nanginginig ang kaniyang mga labi at ang kaniyang mga kamay, habang pinagmamasdan ang kaniyang pamilya.
Sa mga oras na ito ay iniisip ni Trisha na sana ay panaginip lamang ang kaniyang nasasaksihan o 'di kaya'y biro lang. Ngunit hindi. Ang mga dugo ay totoo at ang kaniyang mga narinig kanina ay putok ng baril.
Walang magawa si Trisha kung 'di ang mapatakip ng kaniyang bibig. Napaluhod na lamang siya sa sahig at umiyak nang napakalakas.