“WALA kang kuwenta!”
Pak! Lumagapagk ang isang mabigat na kamay sa pisngi ni Jas. Agad na nagmarka ang kamay sa maputi at makinis niyang pisngi. Pumaling sa kabilang direksiyon ang mukha niya kasabay niyon ay tumulo ang patak ng luha sa kanyang pisngi.
Talagang nasaktan siya sa naging pagsampal na iyon. Namula ang isang bahagi ng kanyang mukha. Kumuyom ang kanyang mga kamao upang pigilan ang damdaming nagsisimulang bumangon sa kanya.
“Hindi ba at sinabi ko na sa iyong huwag mong pakikialam ang mga ginagawa ko lalo na kapag nasa harap tayo ng mga tao? Pero anong ginawa mo?! Pinahiya mo ako sa harap ni Mayor! Sa harap mismo ni Mayor! Puta ka!” sumunod noon ay kumawala ang malulutong na mura mula sa isang lalaki na sampung taon ang tanda sa kanya. Guwapo ito at matikas ang tindig. Nakabihis ito ng itim at magarang suit. Ito ay walang iba kundi si Lucas.
Dahan-dahan niyang ibinalik ang tingin dito subalit hindi pa siya nakakabawi sa pagsampal nito ay itinulak siya nito dahilan para siya ay matumba. Sumadsad siya sa sahig na mabuti nalang at may alpombra. Subalit hindi man masyadong nasaktan ang katawan niya sa pagkakabagsak niya ay nasasaktan naman ang puso niya ng mga sandaling iyon.
“Hindi pa ako tapos!” sigaw sa kanya ni Lucas. “Huwag kang magsasalita hangga’t nagsasalita pa ako. At huwag mo akong iniiyak-iyak ng ganyan dahil wala akong pakialam sa iyo! Pakialamero kang babae ka!” dinuro-duro siya nito.
Dumaan ang matinding sakit sa mukha ni Jas. Habang ang puso niya ay tila pinipiga ng kamay na bakal.
Namumula ang mukha ni Lucas at nanlalaki ang mga mata habang nakatingin sa kanya. Lumalabas din ang mga litid nito sa leeg. Kulang nalang ay sakalin siya nito para mamatay na siya. Inatake ng hapdi ang damdamin ni Jasmin. Pakiramdam niya ay libo-libong patalim ang tumatarak ngayon sa kanyang dibdib. Hindi na niya napigilan ang masagang luha at umagos iyon sa kanyang mukha.
“L-Lucas... a-asawa mo ako. B-bakit ba ganyan ka sa akin? W-Wala naman akong ginawa sa iyong masama ah. K-Kinausap lang naman kita sa harap ni Mayor.” Pautal-utal na pahayag niya.
“Hah! Iyon nga eh. Kinausap mo ako sa harap ni Mayor! Nakita mo bang katabi ko si Cindy?”
Si Cindy ay isang magandang babae na kakilala ni Lucas. Nang asawa niya. Hindi niya masyadong kilala ang babae subalit base sa itsura nito ay mukhang may kaya rin ito sa buhay. Ni hindi niya alam kung saan nagkakilala ang dalawa. Ilang beses na ring nagpupunta ang babae doon at palaging sinasabi ni business partner daw ito ni Lucas.
Subalit hindi siya naniniwala dahil iba kung magtinginan ang mga ito.
Kaarawan ni Lucas sa gabing iyon at may malaking handaan sa malaki ring bahay nila. Kilalang tao ang asawa niya at marami ang politician na dumalo ngayong gabi. Mayaman ito sa salitang mayaman at kilala hindi lang sa buong bayan kundi sa buong probinsiya.
Sa katunayan ay nagkakasiyahan pa sa labas habang silang mag-asawa ay naroroon ngayon sa malaki nilang silid. Sa harap ng ibang tao ay mabuti ang pakikitungo nito sa kanya subalit kapag silang dalawa nalang ay palagi siya nitong sinasaktan. Bagay na madalas ikinasasakit ng loob ni Jas.
At ang Cindy na tinutukoy nito ay alam niyang kerida ng asawa niya.
Nagsimula siyang bumangon at ni hindi man lang siya tinulungan ng asawa. Iniwasan pa nga siya dahil bahagya pa itong lumayo sa kanya.
“L-Lucas... si C-Cindy... a-alam kong k-kerida mo siya...” pautal-utal pa rin niyang sabi nang makatayo na siya. Pinahid niya ang masaganang luha na patuloy na nagmamalamisbis sa kanyang pisngi.
Muli siya nitong dinuro. “Alam mo pala bakit sumasali ka pa sa usapan namin? Wala ka talagang isip! Pwe!”
Hindi na maipinta ang mukha ni Jas sa sakit na nararamdaman niya. “P-Pero mag-asawa tayo. A-Ako ang a-asawa mo. D-Diba dapat ay ako ang ipapakilala mo sa kanila?”
Nakakalokong tumawa si Lucas. “Para kang yagit! Ang pangit ng damit mo! Mukha kang katulong! Papaano kitang ihaharap sa mga tao kapag ganyan ang itsura mo!” parang mga aspiling tumusok sa kanya ang bawat salita ni Lucas. “Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Ha? Tandaan mo ito ha!” dinutdot nito ang sentido niya at nanggigigil na nagsalita. “Asawa mo lang ako sa papel. Pero kahit kailan ay hindi kita itinuring na asawa. Nabuntis lang kita at kinailangang pakasalan dahil ayokong masira ang pangalan ko sa mga tao.” Tumatakbong politician ang lalaki kaya kailangan ay maganda ang image nito sa madla.
“A-Ang sakit mo talagang m-magsalita... k-kung ayaw mo sa a-akin ay hayaan mo nalang ako. A-Aalis nalang ako dito.”
“At bakit ko naman gagawin iyon? E di nalaman ng tao na hindi tayo okay. E di ako ang magiging masama! Hinding-hindi ka makakawala sa pamamahay na ito! Mamamatay muna ako bago ka makawala sa akin. Tandaan mo ‘yan!”
Ilang beses na napalunok si Jas. Tumaas-baba na rin ang dibdib niya dahil nahihirapan na siyang huminga. Hindi na niya kaya ang sakit na nararamdaman sa mga pinagsasabi ng kanyang asawa.
Noon bumukas ang pinto. Iniluwa niyon si Cindy. Hindi ito ganoon kaganda subalit napakalakas ng dating nito. Slim na slim ang katawan nito na tila isang modelo. Nasa mukha nito ang pagkainip. Dumiretso ito kay Lucas at yumakap dito sa mismong harap niya.
Umawang ang bibig niya at nanlalaki ang mga mata. Hindi siya makapaniwala sa latarang ginawa ng babaeng ito.
“Love, hindi ka pa ba tapos diyan? Kanina pa naghihintay sa iyo ang mga bisita mo.” Ani Cindy pagkuwan ay humalik ito sa pisngi ni Lucas.
“Sandali nalang. Pinagsasabihan ko lang ang babaeng ito.”
Noon bumaling sa kanya si Cindy. Binistahan siya nito mula ulo hanggang paa saka sarkastikong tumaas ang isang sulok ng labi nito.
“L-Lucas... a-anong ibig sabihin nito? B-bakit hinahayan mo siyang makapasok dito sa silid natin?”
Si Cindy ang sumagot. “Ano pa? E di ipinaparating sa iyo na ako ang babaeng mahal ni Lucas. Boba!” sabay irap nito sa kanya.
“Ako ang asawa niya!” sigaw niya rito.
“Ah talaga? Ikaw ang asawa niya sa papel. Pero akin ang puso ni Lucas. Ako ang nagpapaligaya sa kanya sa kama at ako ang inihaharap niya sa mga tao. E Ikaw? Mukha kang gusgusin! Ang pangit mo! Mukha kang basahan!” malandi at nakakalokang tumawa si Cindy.
Naikuyom niya ang mga kamao. Humakbang siya palapit dito at akmang sasampalin si Cindy nang awatin siya ni Lucas.
Madilim ang mukhang umiling-iling ito. “Huwag mong susubukang saktan si Cindy. Dahil ikaw ang sasaktan ko!” muli siya nitong itinulak kaya muli siyang sumadsad sa sahig.
Nasaktan si Jas. Niyurakan siya ng dalawang ito.
“Huwag ka nang lumaban, pangit! Magpaganda ka muna. Baka sakaling makahabol ka sa kagandahan ko. b***h!”
“Tara na love. Hayaan mo na siya dito.” Pumaikot ang braso ni Lucas sa maliit na beywang ni Cindy. Muli siya nitong binalingan. “Huwag ka nang lalabas dito kung ayaw mong mabugbog. Tatamaan ka sa akin kapag nakita ko kahit anino mo sa labas. Naiintindihan mo?”
Hindi siya sumagot. Masama ang tingin niya sa mga ito.
Iyon lang at iniwan na siya ng dalawa.
Nagpupuyos ang kalooban na umiyak si Jasmin.
“And.... cut!”
PUMUNO ang malakas na palakpakan sa buong paligid ng malawak na silid na iyon. Kasunod niyon ay samu’t-saring papuri na ang natatanggap ni Jasmis mula sa mga taong naroroon sa loob ng silid na iyon.
“Magaling! Magaling!” malakas na wika ng isang babaeng nasa edad kuwarenta pataas. Nasa harap ito ng maliit na screen habang nasa tabi nito ang ilang crew members. Kasama ito sa mga pumapalakpak.
Tumayo si Jasmin mula sa pagkakasadlak sa sahig. Agad na napalis ang sakit na mababakas lang sa mukha niya kanina. Pumalit doon ang inosente at mala-anghel na mukha na nagtatago lang kanina. Binigyan niya ng flying kiss ang direktor na siyang pumuri sa kanya nang tuluyan siyang makatayo.
Nag-thumbs up pa ito sa kanya.
“Ice! Bigyan niyo agad ng ice si Miss Jasmin!” boses iyon ng isang crew.
Agad na lumapit kay Jasmin ang isang babae na medyo may kaliitan pero sakto lang ang katawan. Bitbit na nito ang ice at agad iyong inilagay sa pisngi niyang namumula.
“Salamat Kris.” Masuyong nginitian ni Jasmin ang kanyang PA. Kinuha niya ang ice na nababalot ng towel mula rito at siya na ang naglagay niyon sa kanyang pisngi.
“Ang galing mo talaga Ate. Grabe! Dalang-dala ako sa eksena niyo kanina.” Puri nito sa kanya. Inayos-ayos nito ang kanyang buhok.
“Salamat ulit. Pero may parte ka kung bakit magaling ako. Iyon ay dahil palagi kang nakaalalay sa akin. Treat kita ng ice cream mamaya.” Kumindat siya rito.
Matamis na ngumiti si Kris sa kanya. Ito na ang PA niya noon pa mang nagsisimula na siyang sumikat. Mabait ito at masasabi niyang isa ito sa taong pinagkakatiwalaan niya. Binistahan nito ang pisngi niya.
“Pulang-pula ba?” tanong niya.
“Oo Ate. Bumakat pa yata ang kamay ni Sir Luke eh.” Napapangiwing sagot ni Kris.
Tumawa siya. Nararamdaman pa rin niya ang pagkakasampal sa kanya dahil talagang masakit iyon.
“Hey...”
Narinig ni Jasmin ang boses ni Lucas na ang totong pangalan ay Luke. Kagaya niyang artista ang lalaki at Luke Sebastian ang screen name nito. Lumingon siya.
Nakita niyang palapit na si Luke habang nakasunod dito si Cindy na ang totoong pangalan ay Colin. Parehong kapwa niya artisa ang mga ito.
Alanganin ang pagkakangiti nito nang makalapit sa kanya. Binistahan pa nito ang pisngi niyang sinampal nito kanina. Lalo itong napangiwi. “Look, I’m really really sorry. Napalakas yata ang pagsampal ko sa iyo.” Paumanhin nito sa kanya. “I hope you can forgive me?” pinagdaop pa nito ang dalawang kamay sa harap nila.
Ngumiti siya rito. “No it’s alright. Kasama iyon sa eksena. And hindi rin ganoon ka-intense ang mararamdaman ko kung hindi naging maganda ang pagsampal mo sa akin. That’s why I delivered my lines and emotions so damn good. Pero actually masakit talaga.” Pabiro niyang sabi saka bumungisngis.
“Let me.” Anitong kinuha ang hawak niyang towel. Ito na ang nagpatuloy sa pagtatapal ng yelo sa pisngi niyang namumula.
“Thanks! But no thanks. Ako nalang. Baka makarating pa ito kay Ash. Alam mo naman ang mga mata. Mahirap na.” Saka niya kinuha ang towel dito.
Natatawang pinakawalan nito ang towel. “Yeah. I can see that. Baka sapakin ako ni Ash kapag nalaman niyang inaalagaan kita dito sa set. Seloso pa naman ang boyfriend mong iyon.” Pabirong wika rin ni Luke pero ang totoo ay magkaibigan ito at si Ash na boyfriend niya. Isa namang singer si Ash sa isang sikat na banda hindi lang sa bansa kundi sa buong Asya.
Noon sumingit naman si Cindy. Nahihiya pa itong lumapit sa kanya. Kaylayo nito sa role na ipino-portray nito kanina.
“Miss Jasmin. Pasensiya na ho ah. ‘Yung mga linyahan natin kanina.” Paumanhin din nito sa kanya. Itinaas nito ang isang kamay na inabot naman niya.
Natawa siya. “Ano ba kayo? Huwag kayong humingi ng paumahin dahil trabaho natin ito. Isa pa, ang galing nga eh. Gustong-gusto ko ang akting mo kanina. Ang galing mo sa totoo lang. Galingan mo pa sa susunod at sasabihin ko sa iyo, sisikat ka.” Kumindat siya sa babae. Totoo ang sinabi niya rito.
Si Luke Sebastian ay isang sikat na artista sa kanilang bansa. Matinee idol kung tawagin. Marami na rin itong napatunayan pagdating sa aktingan. Matanda lang ito sa kanya ng ilang taon at talaga namang napakaguwapo. Hindi lang ito sikat sa pagiging artista kundi sa pagiging action star din. Habang si Colin Dela Torre ay isang baguhang artista palang. At ang role nito sa palabas nilang iyon ito ipapakilala. Mabait ang babae at magaling itong umarte. Ito ang isa sa magiging villain sa palabas. Nakikita niyang magiging sikat ito pagdating ng araw.
Ang mga eksena nila kanina ay kinuha para sa isang movie na ipapalabas sa buong bansa. Ilang buwan mula ngayon. At si Luke Sebastian ang leading man niya. Kasama pa ang isang sikat na artista na magiging kaagawan ni Luke sa kanya sa movie. Bukod sa movie na iyon ay may gagawin pa siyang isang movie na ipapalabas naman sa susunod na taon. Habang ang teleserye na pinagbidahan niya ay tapos na ang taping subalit umeere pa rin sa telebisyon. Si Luke din ang leading man niya sa teleseryeng iyon.
Siya, si Jasmin Rivas ay hindi lang kilala kundi sikat na sikat hindi lang sa buong bansa kundi sa buong Asya. Bukod sa pagiging magaling niyang umarte lalo na sa drama ay talagang napakaganda niya. May mala-anghel siyang mukha na tipong kahit sinong tao ay hindi mag-iisip na makakagawa siya ng hindi maganda. Perpekto ang tingin sa kanya ng mga tao. May taas siyang limang talampakan at anim pulgada. Ang katawan niya ay hindi slim subalit kurbang-kurba ang lahat ng dapat ikurba. 36-24-36 ang vital statistic niya at marami ang nagsasabi na sumali siya sa mga beauty pageant subalit hindi siya mahilig sa mga pageants. Mala-labanos at malaporselana ang kanyang kutis. At sa edad niyang bente singko ay isa na siyang milyonarya.
Hindi lang kasi sa pagiging artista ang ginagawa niya. Sikat din siya bilang endorser nang ibat’-ibang produkto at marami iyon. Laman ng mga magazine, billboards at telebisyon ang kanyang mukha. Sa panahong ito ay sikat na sikat siya at lahat ay humahanga sa kanya. Nakadagdag sa yaman niya ang mga negosyong itinayo niya dahil na rin sa mga kita niya sa showbiz industry.
Si Jasmin bukod sa pagiging artista, ay isa ring pilantropo. Marami siyang mga tinutulungan lalo na ang mga bata at matatanda. May mga institution din siyang sinuportahan. Kilala siyang mabait at mabuting tao. Matulungin din siya at hindi mareklamo. Ang lahat ng kasama niya sa trabaho ay maganda palagi ang nasasabi sa kanya at palagi siyang nakakasali sa most beautiful woman taon-taon.
Hindi nanggaling sa mayamang pamilya si Jasmin Rivas. Simple lamang ang buhay niya noon sa probinsiya hanggang sa madiscover siya ng isang talent nang maligaw ito sa palengke nila sa kanilang lugar. Disi-otso anyos lang siya noon. Batam-bata at kabulasan niya. Inosenteng-inosente pa siya.
Wala sa isip ni Jasmin ang pag-aartista subalit dahil kailangan niyang kumita ng pera dahil may sakit noon ang kanyang ina – na siyang kasama nalang niyang magulang dahil patay na ang kanyang ama – at kasama ang kanyang lola sa kanilang bahay – ay tinanggap niya ang alok ng talent.
Sumabak siya sa mga commercial endorsements at nag-audition siya sa mga roles. Mukhang nakatadhana talaga siyang maging artista at maging sikat dahil hindi pa lumilipas ang taon ay nagkaroon na siya ng pangalan. Nagkaroon na siya agad ng teleserye na siya ang bida. Nagkaroon din siya ng love team. Pinagbuti niya ang kanyang trabaho at nagbunga iyon.
Subalit kahit mayroon na pala siyang pera ay hindi niya makukuha ang lahat. Oo dahil nailigtas niya ang ina nang magkasakit ito subalit nawala rin ito paglipas ng isang taon. Dahil namatay pa rin ang kanyang ina ng masaksak ito nang pasukin ang ipinagawa niyang bahay sa kanilang lugar. Nahuli ang sumaksak sa kanyang ina at hanggang sa mga sandaling iyon ay nakakulong pa rin iyon. Habang ang kanyang lola ay nakatira na lamang sa kanilang probinsiya dahil mas gusto nitong manatili roon. Kaya buwan-buwan ay binibisita niya ito.
Sa ngayon ay kuntentong-kutento na si Jasmin sa kanyang buhay. Masaya siya at alam niyang masaya din ang mga magulang para sa kanya. Alam niyang hindi habang buhay ang pagiging artista. Kaya nag-iipon siya ng mabuti para sa kanyang hinaharap.
Sa mga sumunod na sandali ay naghanda na silang lahat para sa mga susunod na eksena.