“GOOD EVENING everyone! Welcome to the show!” isang lalaki na may pusong babae ang nagsalita.
Pagkuwan ay pumuno sa buong silid na iyon na isang studio ang isang masigla at maindak na tugtog na music theme ng night talk show na iyon – ang SWEET LIFE. Ipinakita ng camera ang studio audience habang nagpapalakpakan ang mga ito at pagkatapos ng tugtog ay muling ibinalik ang camera sa host ng night talk show na iyon.
“Hello-hello sa inyong lahat! Magandang gabi poooo!!!” malakas at masigla nitong sabi kahit may mikropono na itong gamit.
“Magandang gabi rin Ms. Sweet!” sabay-sabay na sabi ng audience sa pamumuno ng isang crew.
“Ang saya-saya ko ngayon dahil muli nating makakasama ang isang babaeng kilala ng lahat. Minamahal ng lahat. At talaga namang tinitingala ng lahat. Handa na ba kayong makilala at makita siya?” anang host sa audience habang hindi nawawala ang sigla sa boses at mukha.
Umugong ang salitang ‘oo’ sa buong studio pagkatapos ay nagtilian pa ang iba.
“Hayan na nga ba ang sinasabi ko. Masyado kayong excited kagaya ko! Pero sige, huwag na nating patagalin pa. Let’s all welcome. Miss Jasmin Rivas!!”
Iyon ang cue ni Jasmin para pumasok sa studio. Nasa backstage siya. Isang crew ang umalalay sa kanya papunta sa loob ng studio at nagpasalamat siya rito. Muling napuno ng tilian at palakpakan ang buong lugar pagkakita sa kanya ng mga tao. Agad na pumaskil ang matamis at masiglang ngiti sa mukha ni Jasmin. At habang palapit siya kay Ms. Sweet na isang bading ay kumakaway siya sa mga tao.
“Hello again, Jasmin. Na-miss mo ba ako?” malambing na bati-tanong sa kanya ni Ms. Sweet nang tuluyan siyang makalapit dito.
Walang halong kaplastikan na nagbeso-beso silang dalawa.
“Of course! Ikaw pa. Ang sweet-sweeeet mo kaya.” Maluwang ang pagkakangiting sagot niya rito. Kahit ang mga mata niya ay nakangiti. Siya ang guest para sa susunod na episode ng Sweet Life. At ang guesting niyang ito ay taping lamang.
Tumawa ang bading na host.
“Grabe! Ang ganda-ganda mo talaga. At habang tumatagal ay lalo ka pang gumaganda. Paano ba maging Jasmin Rivas?” bumaling ito sa audience. “Ang ganda-ganda niya diba? Dyosang-dyosa!” malakas pa nitong palatak.
Sumang-ayon ang lahat ng audience. Nag-flying kiss siya sa mga ito dahilan para tumili pa ang ilan.
“Huwag na nating patagalin pa. May mga gusto akong malaman sa iyo ngayon kala mo ba. Magsimula na tayo. Halika na at maupo.” Inakay siya nito sa isang mahabang sofa na kulay pink at may malambot na upuan sa gitna ng stage. Habang ito naman ay naupo sa single sofa na katabi ng upuan niya.
“Ang ganda ng set-up ngayon ha. Comfy na comfy.” Puri niya sa set ngayon ng studio.
Kumumpas si Ms. Sweet. “Ano ka ba? Sinabihan ko talaga na pagandahin nila ang set ngayon nang malaman kong ikaw ang guest namin ano. Tingnan mo, lalong nag-glow ang studio dahil sa ngiti mo. Hayan oh...” iminuwestra pa nito ang kanyang mukha.
Lalong nagningning ang mga mata ni Jasmin dahil lalo siyang napangiti.
“So, Jasmin. Kumusta ka?” unang tanong nito.
“Heto... parati namang masaya. Nakikita mo naman diba?” saka lalo siyang ngumiti at kumindat pa rito.
“Oo nga eh. Palagi ka namang blooming.”
Totoo iyon. Masaya si Jasmin sa gabing iyon at sa mga nakaraang gabi. Ang totoo ay masaya siya ngayon sa estado ng kanyang buhay. Nasa kanya na ang lahat at natupad na ang mga pangarap niya sa buhay. Wala na siyang mahihiling pa kundi ang magandang kalusugan para sa kanya at sa kanyang Lola Using at sana ay matagal pa niya itong makasa.
Sa mga sumunod na sandali ay nagkaroon ng kaunting kuwentuhan hanggang sa mapunta ang usapan nila tungkol sa magiging movie na ipapalabas sa susunod na buwan na – ang The Forgotten Wife.
“Ngayon naman Jas, ikuwento mo naman sa amin ang tungkol sa movie na ipapalabas na next month. Grabe nae-excite ako. Title palang, pak na pak na! Mukhang maraming sampalan dito ano? Ang tindi ng aktingan niyo dito ni Papa Luke ha. At ang bago niyong kasama na si Colin, bet na bet ko rin.” Mahabang pahayag nito.
Nangaligkig siya. “Kinakabahan nga ako eh, Sweet eh. Pero ayun nga.” Nagkuwento siya ng mga ganap sa kanila sa taping. “Masaya sa taping.”
“Totoo bang nagmarka ang pananampal sa iyo ni Papa Luke?”
“Kaunti lang naman.” Ipinakita niya rito ang pisngi na sinampal ng isa sa leading man niya. “Wala naman na diba?”
Binistahan naman ni Ms. Sweet ang pisngi niya. “Ay oo nga. Wala naman na. Hindi ka ba nagalit o sumama ang loob mo?”
Tumawa siya. “Hindi ano. Kasama iyon sa trabaho. Tsaka nag-sorry naman kaagad sila ni Colin pagkatapos. At maayos kami sa set. Maalaga talaga sila.”
“Hindi naman ba nagseselos si Papa Asher kay Papa Luke?” pakuwelang tanong nito.
“Ay hindi. Hindi naman.” Umiiling-iling siya. “Naiintindihan iyon ni Ash.”
“Kunsagabay. Magkaibigan naman iyong dalawa diba? E teka, may gusto pa akong itanong.” Umiba ito ng puwesto ng upo. “Diba sa movie ikaw itong asawa na inapi-api at nagkaroon dito ng kabit si Luke?”
“Tama.”
“Ikaw Jasmin.. ano ba ang masasabi mo sa mga kabit?” sumeryosong tanong nito.
“Hmmmnnn. Personally, hindi ko alam eh.” Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko naman kasi talaga alam kung ano ang totoong nararamdaman nila o kung ano talaga ang nangyayari sa kanila bakit sila naging ganon. I mean diba? Wala tayo sa shoes nila para magbigay tayo ng opinion o bagay sa kanila.” Mahabang pahayag niya.
“Kunsabagay...” tumango-tango ang host.
Nagpatuloy siya. “Isa pa, wala namang kahit na sinong babae ang gustong maging kabit diba? Siguro nagkamali lang sila ng taong minahal? O baka naman nadala lang siya sa taong iyon. But I believe na darating din ang araw na magiging maayos ang isipan nila. At naniniwala pa rin ako na dapat ay sa tama tayo palagi.”
“Pak! Ikaw na ang nanalo sa beauty contest.” Pabirong bulalas ni Ms. Sweet. "Beauty contest talaga ano? Hindi beauty pageant." natatawa pa nitong sabi.
Nagkatawanan sa studio. Maging si Jasmin ay natawa.
Nagpatuloy si Ms. Sweet sa pagtatanong. “Ikaw ba? Nakikita mo ba ang sarili mo na magiging kabit kahit isang araw?”
“Hoy! Grabe naman 'yang tanong na iyan.” Palatak niya sabay tawa.
“Chika lang.” Bumungisngis din ang bading.
Pero sinagot niya ito. “Hindi.”
“Hindi mo nakikita na magiging kabit ka isang araw?”
Umiling-iling siya. “Hindi. Mahirap kasing pumasok sa ganoong sitwasyon. Hindi ko naman sasabihing hindi ko masasabi diba? E di parang sinabi ko na rin na puwede akong maging kabit.”
“Tama!”
“Pero iyon nga. As a human, may choices naman tayo bilang babae at bilang tao. Kung hahayaan ba nating maging kabit tayo o hindi, nasa sa atin ‘yun. Sa akin, siyempre hindi ko hahayaan. Tsaka halimbawa dumating sa point na ganon, hihiwalayan ko siya. Hindi kami puwedeng magpatuloy.”
“Kahit mahal na mahal mo ‘yung tao?”
“Hindi pa rin. Dahil alam ko ang tama sa mali. Pero hindi ko naman hinuhusgahan ang mga babaeng nagmamahal sa mga may sabit na ha. Wala akong issue o galit sa kanila. Pagdating kasi sa mga bagay-bagay, pinapalawak ko kasi ang isip ko. Alam mo ‘yun? Mahirap mag-judge lalo na kung wala ka sa lugar nila. As I said earlier, hindi ko alam ang kuwento nila. Kung ano ba ang totoo. Marami kasing senaryo iyan. Pero siyempre, hindi ko naman kinakampihan ang mga kagaya nila o itotolerate ang ginagawa nila. May sarili silang isip at damdamin at hindi natin iyon puwedeng panghimasukan. Ang payo ko lang, gawin lagi kung ano ang tama. O as long as wala kang maaagrabiyadong tao.” Mahabang pahayag niya.
“In fairness, ang lalim nu’n ha.” Sinapo ni Ms. Sweet ang dibdib. “Pero tama ka diyan. Pero ito sa tingin ko rin ha. Hindi ka naman magiging kabit. Dahil single na single naman si Papa Asher diba?”
Tumawa siya. “Oo naman! Nagpa-imbestiga ako sis!” ikinumpas niya ang isang kamay.
“Ano ka? Mas sigurado tayo kung siya ang tatanungin natin. Papa Ash, lumabas ka na riyan.” Anito na tumingin sa back stage.
Lumabas mula sa likod ang isang lalaking matangkad at may maskuladong katawan, maputi at guwapong lalaki. May dala itong bungkos ng mga bulaklak sa isang kamay at mikropono sa kabila. Naghiwayam ang mga tao. Habang si Jasmin ay nagulat ng makita ang nobyo.
Humalik ito sa pisngi niya ng makalapit ito. “Hi Babe...” bati nito sa kanya.
“Eee.. kinikilig ako!” kinikilig na sambit ni Ms. Sweet.
“Akala ko nasa biyahe ka pa. Papaanong nandito ka na?” ang alam niya ay ngayong araw ang biyahe nito pabalik ng Manila. Galing ito sa Davao dahil may concert itong ginawa.
Naupo ito sa tabi niya bago ito sumagot. “Actually, tinawagan ko ang set ng Sweet Life para i-set ang pag-guest ko dito. I wanted to surprise you. So here I am.”
“So kailan ka dumating?” malambing niyang tanong dito.
“Kanina lang. Dito na ako dumiretso from the airport. Pinagbihis na nga lang nila ako sa dressing room eh.”
“At dito pa talaga sila naglambingan ano.” Singit ni Ms. Sweet sa eksena. Nakabaling ito sa audience.
Nagkatawanan silang lahat. Sa mga sumunod na sandali ay question and answer portion na ulit ang nangyari na madalas ay si Sweet ang nagtatanong sa kanila. Hanggang sa ibahin na nito ang usapan.
“So Papa Asher. Paano ba ito? Ikaw na muna ang bahala dito sa stage.” Anito sa nobyo niya pagkatapos ay binalingan siya nito saka kumindat.
Napapangiting nagtaka siya. “Ha?”
Ngingiti-ngiting umalis ng stage si Ms. Sweet at sumama sa mga cameraman at crew na biglang naglitawan sa bandang unahan nila.
“Anong nangyayari?” naguguluhan pero nakapaskil pa rin ang ngiting tanong niya sa nobyo.
Pagtingin niya kay Asher ay pinagpapawisan na ito bagamat nakangiti pa rin. Saka ito sumeryoso. Bigla ring tumahimik ang buong studio.
“Babe... I know na mabibigla ka. And you know me, hindi ako mahilig sa mga surprise.” Panimula nito.
Totoo iyon. Hindi talaga ito mahilig sa surprise. Siya ang madalas na nagbibigay ng sorpresa para sa binata. Nagtanong ang kanyang mga mata.
Nagpatuloy ito. “But I am here today, in front of you. And in front of all this people...” tumingin ito sa mga taoo roon pagkatapos ay may kinuha ito sa bulsa ng pantalon nito. Inilabas nito ang isang itim at maliit na kahita.
Umawang ang bibig ni Jasmin. Hindi siya sigurado kung ano ang laman niyon subalit tila may ideya na siya kung ano iyon.
Maya-maya pa ay lumuhod si Asher sa harap niya. Kasabay ng pagsapo niya sa kanyang dibdib ay nahigit din niya ang paghinga.
“I’ve been wanting to ask you this. Medyo natagalan lang dahil natatakot akong baka i-reject mo.”
“Ash...”
“Baby... I know na nasa peak ka ng tagumpay mo ngayon. Habang ako naman abala rin sa career ko. Pero hindi ito magiging hadlang para gawin ko ang isang bagay na alam kong mangyayari sa hinaharap. We’ve been together for almost two years, and I think that’s enough para makilala natin ang isa’t-isa. Now... I want to ask you this...”
Lalo pang natahimik ang paligid. Tila ba ang lahat ay hindi na humihinga sa susunod na mga mangyayari. Kahit si Jasmin ay napigilan ang paghinga. Kinakabahan siya na hindi mawari. Ilang beses din siyang napapalunok. Hanggang sa muling magsalita si Asher.
“Will you marry me?”
Umawang ang bibig niya. Sandali siyang natigilan at pinakatitigan ang magara at makinang na bato na nakadikit sa singsing. Bigla ay nablangko ang isip niya kahit gusto niyang sumagot.
“Say yes!” anang mga tao.
Hanggang sa unti-unting pumaskil ang maluwang na ngiti sa labi ni Jasmin.
“Yes! Yes Asher. I will marry you.” Naluluha at napapangiting sagot niya.
Isinuot ni Asher ang singsing sa kanyang palasingsingan pagkatapos ay tumayo ito at hinalikan siya sa harap ng camera at ng maraming tao.
Nagtilian ang mga tao sa paligid.
“And that is a confirmation na hindi po magiging kabit si Jasmin Rivas. We will be back after the break.” Ani Ms. Sweet sa harap ng camera.