“HAPPY birthday to you!!!”
Iyon ang kantang maririnig sa buong bakuran na kinakanta ng maraming bisita. Sa bandang unahan ng pahabang swimming pool ay naroroon ang malaking mesa at nasa ibabaw nitong ang isang malaki at two-layered cake. Kahit gabi na ay maliwanag pa rin ang buong paligid dahil sa maraming maliliit na bombilya na nakakalat sa kalawakan ng lugar habang ang iba ay naka-hang pa ilang talampakan ang taas mula sa lupa na may tanim na bermuda grass. Magandang-maganda ang buong lugar sa poolside area na iyon ng bahay ni Jasmin.
Iyon ang ika-twenty-fifth year ni Jasmin bilang tao sa mundo. Ginaganap ang okasyon sa malaki niyang bahay sa isang pribadong subdibisyon na matatagpuan sa bandang Makati. Marami ang tao kasama na roon ang matatalik niyang kaibigan sa showbiz man o non-showbiz. May mga celebrity at anak ng politician. Halo-halo ang mga bisita pero iisa lang ang mukha ng nasa lahat. Masaya ang mga ito habang ipinagdiriwang ang kanyang kaarawan. Isang patunay na marami ang nagmamahal sa kanya.
Sa gabi ring iyon ay pormal ng iaanunsiyo ni Jasmin at Ash ang petsa ng kanilang kasal kaya marami ang nag-aabang. Ang kasal ay gaganapin anim na buwan mula sa gabing iyon. Hindi na siya makapaghintay na masabi sa mga bisita ang magandang balita.
“Wish! Wish!” Anang mga bisita pagkatapos kumanta ng mga ito.
“Mag-wish ka na apo.” Ani sa kanya ni Lola Caring. Ang nag-iisang lola niya sa mga magulang na buhay pa. Ito ang nanay ng kanyang ina. Galing pa ito sa probinsiya kung saan talaga ito nakatira. Lumuwas lang ang matanda para sa pagdaraos ng kanyang kaarawan. Isang linggong mananatili si Lola Caring sa Maynila pagkatapos ay uuwi na rin ito kasama ng isa niyang tiyahin na kapatid ng kanyang ina at ilang pinsan na sumama sa pagluwas.
Gustuhin man niyang doon sa kanya tumira ang kanyang Lola ay wala siyang magawa ng ipilit nitong manatiling manirahan sa kanilang lugar – sa Baryo Maglinaw. Kaya ang dati nilang bahay ay pinagiba nalang niya at nagpatayo ng malaking bahay. Kasama ni Lola Caring ang isa niyang bading na pinsan sa side din ng kanyang ina.
Ang mga kamag-anak naman niya sa father side ay nasa Ilocos. Bagamat hindi siya masyadong close sa mga naroroon ay nakakausap pa rin naman niya ang mga ito lalo noong bata pa siya. Madalas silang magbakasyon na mag-anak noon sa mga kamag-anak ng kanyang tatay. Isa sa mga araw nga na ito ay naiisip niyang bumisita roon upang makita naman ang mga kamag-anak niya.
Magiliw siyang ngumiti sa matanda ng sabihin nito iyon. Pagkatapos ay naramdaman niya ang paggagap ni Ash sa kamay niyang hawak nito. Ngumiti rin siya sa nobyo na katabi rin niya.
Pumikit siya at tahimik na humiling. Matapos humiling ay nagmulat siya ng mata at hinipan ang kandila. Malakas na nagpalakpakan ang mga tao. Nagniningning ang mga matang ngumiti siya sa mga tao.
“Kiss! Kiss!” tukso pa ng mga ito.
Pinagbigyan ni Ash ang mga bisita. Kinabig nito ang kanyang beywang at walang hiya-hiyang hinalikan siya sa labi sa harap ng mga tao.
Muling umugong ang malakas na palakpakan at hiyawan. Sa mga sumunod na sandali ay nagpatuloy na ang kasiyahan. Bumabaha ang pagkain sa mahabang mesa na na likha ng isang sikat na catering sa bansa. Ang ilang waiter at waitresses naman ay abala rin sa paglilibot hawak ang tray ng mga ito at naglalaman ng mga inuming may alcohol.
“Let’s dance, baby.” Anas ni Ash sa punong teynga niya.
Naamoy niya ang alcohol sa bibig nito. Medyo namumula na rin ito dahil kanina pa ito umiinom. Gusto sana niya itong paalalahanan na maghinay-hinay sa pag-inom subalit hinayaan nalang niya. Tutal ay kaarawan naman niya. Siya man ay medyo tipsy na rin pero maayos pa ang tayo niya.
Hawak nito ang kamay niyang nagpunta sa gitna upang samahan ang ilang nagsasayaw. Isang sweet na kanta ang kasalukuyang pumapailanlang sa oras na iyon. Kinabig siya ng binata palapit sa katawan nito at awtomatiko naman ang mga kamay niyang pumulupot sa leeg nito. Namumungay ang mga mata nitong pinagmasdan ang kanyang mukha.
“You’re so beautiful tonight, babe.” Puri nito sa kanya.
Nilaro ng daliri niya ang batok nito. “Just tonight?” pinapungay niya ang mga mata. Nakasuot siya ng sabrina-style dress na kulay puti na umabot lamang sa kanyang tuhod. Simple lamang ang design niyon sa taas pero sa laylayan ay lacey iyon kaya kahit simple ay naging elegante. Naka-bun ang style ng kanyang buhok at ilang hibla ang naka-laylay. Simple lang din ang make-up niya na mas pinalutang pa ang kanyang ganda. Kahit isang celebrity o artista ay convservative pa rin si Jasmin. Hanggat maari ay hindi siya nagpapakita ng cleavage o nag susuot ng two-piece sa harap ng mga tao o telebisyon. Wholesome pa rin siya.
Habang si Ash naman ang guwapong-guwapo rin. Medyo rugged ang itsura nito at ganoon talaga ang style nito dahil parte ito ng isang banda pero mas lalo lang iyong nakakadagdag sa angking karisma nito.
“Every night, baby. And I’m sure mas lalo ka pang gaganda tuwing gabi pagkatapos ng kasal natin.” Nangislap ang mga mata nito na may kasamang panunudyo.
Naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang mukha. Alam niya ang ibig sabihin nito. Kapag nagbabanggit si Ash pagdating sa mga ganoong bagay ay nahihiya pa rin siya na itinatawa lang nito. Sa halip ay lalo pa siya nitong tutuksuhin na kinasanayan na niya sa nobyo. Sa dalawang taon nilang relasyon ay hanggang sa paghalik at pagyakap palang ang naibigay niya rito. Para sa kanya ay napakaimportante ng kanyang virginity na ibibigay lamang niya sa taong pakakasalan niya. At iginagalang siya ni Ash.
Pero sa pagkakataong iyon ay umiiral ang kanyang kapilyahan. Nanghahamong tumikwas ang isa niyang kilay. “At paano naman sa tingin mo iyon mangyayari?”
Ngumisi ito saka bumulong sa kanya. Natampal niya ang balikat nito saka bumungisngis.
“Napakapilyo mo talaga!” sita niya rito pero natatawa naman. “Pero malapit ng matapos iyang pagtitiis mo baby. Ilang buwan nalang...” kumindat siya rito.
“I agree. But for now. Ito na muna ang sasakupin ko.” Anito saka walang babalang sinakop ang kanyang labi.
Sa mga sumunod na sandali ay nagpatuloy ang kasiyahan hanggang sa sumapit ang oras para sa kanilang magandang balita.
“ATE Jasmin, hindi ko po mahanap si Kuya Ash.” Bulong ni Kris sa kanya mula sa paghahanap nito sa kanyang kasintahan.
Oras na para ipaalam sa mga bisita ang araw ng kanilang kasal. Iniwan siya nito saglit kanina dahil may kakausapin lang daw itong mga bisita niya. Siya naman ay naging abala rin sa pag-eestima sa mga tao.
“Ganon ba? Baka pumasok siya sa loob ng bahay. Sandali at tutulungan na kitang maghanap.” Aniya sa kanyang PA s***h kaibigan na rin niya. Matanda siya rito ng limang taon at nakababatang kapatid na ang turing niya rito. Tatlong taon palang niya itong nagiging PA. At alam niyang loyal ito sa kanya. Ayaw na niyang abalahin ang kanyang mga kasambahay para ipahanap ang kanyang nobyo dahil marami ring ginagawa ang mga ito.
Nagpaalam siya sa mga kausap niya at tinulungan si Kris na hanapin ang nobyo. Naghiwalay silang dalawa. Muli itong naghanap sa bakuran habang siya ay pumasok sa hallway papasok sa loob sa loob ng bahay niya. Doon din nakatira si Kris. May apat pa silang kasambahay at isang hardinero.
Marami pang bumati sa kanyang mga bisita habang papasok ng bahay. Ang poolside na pinaggaganapan ng okasyon ay sa likod ng kanyang malaking bahay. Nang marating ang malawak at magarang sala ay tinungo niya ang hagdan paakyat sa ikalawang palapag. Iniisip niyang baka umakyat sandali ang kanyang nobyo. Doon muna ito magpapalipas ng gabi sa gabing iyon dahil hindi na niya ito papayagang magmaneho mamaya. May nakalaang guestroom para rito kapag doon ito nakakatulog.
Paakyat na siya sa hagdan ng may mahagip ang kanyang tingin sa malaking bintana na katapat ng lanai sa bandang gilid ng bahay. Medyo madilim sa bahaging iyon at walang tao. Hindi niya pinapapasukan ng ibang tao ang parte ng bahay na iyon dahil isang santuaryo iyon para sa kanya. Nakita niya ang bulto ni Ash at nakatalikod sa side niya. Kalmado at may ngiti sa labing tinungo niya ang lanai. May pinto pa palabas doon at lumabas siya roon. Maraming mga palmera at iba pang klase ng halaman ang nakahilera sa gilid ng daan. Sa bandang unahan ay may isang set ng malalambot na mga upuan na puwedeng gawing pahingahan. Minsan ay doon siya nagpapalipas ng oras kapag gusto niyang mag-isa bukod sa kanyang silid.
Hindi na siya nag-abalang buksan ang ilaw doon dahil naaaninag naman niya ang daan maging ang daan. Hindi pa man siya masyadong nakakalabas ay narinig na niya ang boses nito. Tatawagin na sana niya ang kasintahan ng magsalubong ang kanyang mga kilay. Tila ba may kausap ito sa loob.
“Ash, nahihirapan na ako. Hanggang kailan mo ba ako itatago?”
Natigilan siya sa paghakbang ng marinig ang pamilyar na boses ng isang babae.
“Just give me sometime, baby. Kaunting panahon nalang.” Boses iyon ni Ash.
“Paanong just give me sometime? Ikakasal na kayo within six months! Six months Ash at tuluyan ka ng mawawala sa atin.” Mariing sabi ng babae.
Tuluyang natigilan si Jasmin. Maging ang paghinga niya ay tila huminto. Sinasabi ng isip niyang ituloy ang pakikinig. Nagsimula rin niyang maramdaman ang pagsibol ng munting kabog sa dibdib. Bakit pakiramdam niya ay may hindi magandang mangyayari sa mga susunod na sandali?
“Yanni, trust me. Okay? Ako na ang bahala doon. Kapag nangyari na ang plano natin at nasigurado ko na kaya ko ng tumayo sa sariling kong paa ng hindi dumidikit sa pangalan niya, hihiwalayan ko na rin siya. Bigyan mo lang ako ng kaunti pang panahon. Pasasan ba at magsasama rin tayo. Okay?” nahimigan niya ang pagsuyo at panunuyo sa boses ni Ash.
Natutop ni Jasmin ang dibdib. Bakit ganon? Bakit ganito ang sinasabi ng boyfriend niya sa babaeng kausap? Sa mga salitang pinakawalan ni Ash ay iisa ang sumisigid na salita sa kanyang diwa. Niloloko siya ng binata.
At sino ang Yanni na tinutukoy nito? Teka. May kilala siyang Yanni ang pangalan. Si Yanni Lustre. Kapwa nila artista o celebrity at baguhan pa lamang sa industriya. Kasing-edad nila ito. Maganda rin ang babae pero medyo daring itong manamit. Malayong-malayo sa personalidad niya. Diyos ko! Pinagtataksilan ba ako ni Asher?
Sunod-sunod napalunok. Naramdaman niya ang paghihirap niyang huminga. May parte niya ang gusto nalang umalis at huwag ng pumasok pa pero may isang bahagi rin niya ang ituloy ang pakikinig sa dalawa. Mas nanaig sa kanya ang ikalawa.
At para makasiguro ay kailangan niyang alamin ang totoo. Dahan-dahan siyang tuluyang pumasok upang hindi makagawa ng ingay. Madilim sa bahaging iyon ng pinto kaya hindi pa rin siya mapapansin kahit nakapasok na siya. Pagharap niya sa kanyang kanan ay naroroon si Ash kasama ang isang babae. Bagamat hindi maliwanag ay naaninag pa rin niya ang dalawa. Lalo niyang nakilala si Yanni ng magsalita ito.
“Hindi sa pinagmamadali kita. Pero kailangan mo ng magdesisyon. Kundi ay mawawala kami ng anak mo sa iyo.”
Muling natutop ni Jasmin ang bibig dahil sa narinig. Nanlaki ang kanyang mga mata. May anak ang dalawa? Muntik siyang sumigaw at ipaalam ang presensiya sa mga ito pero napigilan niya ang sarili.
Hinimas ni Ash ang tiyan ni Yanni.
Buntis ba ang babaeng ito?
Inilapit ni Ash ang mukha nito sa babae. “Huwag kang mag-aalala. Hindi ko kayo pababayaan. Magtiwala ka sa akin Yanni. Please.”
“Sige. Kung iyan ang gusto mo.”
Nakatitig nalang siya sa dalawa ng marubrob na halikan ni Ash si Yanni. Narinig pa niya ang huling sinabi ng nobyo bago siya tila mawawala sa katinuan.
“Quicky muna tayo ng isa.”
Noon tumawa si Yanni. “Quicky ka diyan. Pero sige na nga. Palibhasa hindi ka mapagbigyan ng Jasmin na ‘yun eh. Samantalang kanina, may pakiss-kiss at yakap-yakap ka pa sa kanya.”
“Sige na. Huwag ka ng maingay. Siguradong hinahanap na niya ako. Kailangan ko lang mailabas ito.”
Iyon lang at muling naghalikan ang dalawa. Hindi na namalayan ni Jasmin kung papaano siya nakaalis sa lanai. Basta namalayan nalang niyang nasa tabi na ulit niya si Ash at nakaharap sa mga ito. Maluwang ang ngiti nito at nakahawak ang kamay sa kanyang beywang. Ito ang nag-aanunsisyo para sa petsa ng kanilang kasal.