Sachzna's POV
"Ninang, ito susuotin ko?" Dinampot ko ang dalawang gapirasong puting tela na nakalatag sa ibabaw ng lamesa. Medyo nanginginig pa nga ang mga daliri ko habang hawak-hawak iyon. Sanay naman akong magsuot ng mga maiikling damit—madalas nga ay t-shirt na labas ang pusod o kaya mga pekpek shorts kapag nasa bahay lang—pero iba pala ang pakiramdam kapag nasa harap ka ng isang bagay na halos hindi na maitatawag na damit. Para bang gusto ko yatang umatras, umatago, at huwag nang ituloy ang unang raket na ito nang makita ko ang susuotin ko sa party.
"Oh bakit? Ayaw mo ba?" tanong ni Ninang Jodie, nakataas ang isang kilay habang nakasandal sa dingding at nakapamewang. May halong biro at seryosong hamon ang boses niya. "Sabihin mo na ng maaga para makahanap ako ng kapalit mo."
Napatingin ako sa kanya, sabay iwas agad ng tingin. Ayoko namang isipin niyang aatras ako. Humugot ako ng malalim na hininga at pilit na ngumiti. "Ay! Hindi, ninang! Basta wag mo na lang akong hatian dito ng porsyento mo, ha. Bigay mo na sa’kin ’to. Unang raket ko ’to." Sinubukan kong gawing magaan ang tono ko, parang wala lang, pero ramdam ko ang bigat ng dibdib ko.
"O siya, siya," sagot niya, napapailing pero may pilyang ngiti sa labi. "Basta bayad na ako sa’yo sa pasko ha."
"Si Ninang talaga, ang kuripot," reklamo ko habang umiismid, saka ko isinampal sa braso niya ang damit na hawak ko.
Natawa lang siya, halatang sanay na sa mga hirit ko.
Pero bago pa ako tuluyang makasagot ulit, biglang sumabat si Mammy mula sa gilid, nakaupo siya sa lumang kahoy na upuan na may basag na sandalan. Ang mukha niya, puno ng pag-aalala. "Hoy, ikaw, Sachzna! Huwag kang tatanga-tanga, ha! Huwag kang magpapatake out. Huwag na huwag kang sasama sa kahit sinong lalaki dun," mariin niyang bilin, halos nanginginig ang tinig niya. "Usapan natin, magsasayaw ka lang."
"Mammy naman oh," ngumiti ako, pilit na kinakalma ang loob ko kahit ramdam ko ang tensyon niya. Nilapit ko pa ang mukha ko sa kanya at tumawa nang mahina. "Uuwi akong buong-buo, pramis."
Bago pa man muling makapagsalita si Mammy, may humilik na boses na sumingit. "Ate!" Halos lumundag si Tsuki papunta sa akin, may kakaibang kislap sa mga mata niya. "Narinig ko malaki kita mo sa racket mo. Baka naman pwedeng bilhan mo ko ng bagong cellphone. Yung may camera na, para naman makapagselfie-selfie tayo. Yung kapitbahay natin na snatcher, may nanakaw na iPhone, binebenta sa akin. Two kyaw na lang, ate! Please, ate?"
Naglalambing pa siya, niyakap niya ako mula sa likod, halos hindi na ako makahinga sa higpit ng pagkakayakap niya.
"Magtigil ka, Tsuki! Wala pa ngang nakukuha yang ate mo!" Sigaw ni Mammy, sabay batok sa ulo niya.
"Aray, Mammy naman!" reklamo ng kapatid kong bunso, hawak-hawak ang batok niya na kunwari’y sobrang sakit. "Sige, sasama na lang ako kay ate. Magsasayaw din ako para may pera ako pangbili ng cellphone."
"Gaga ka!" Ako naman ang bumatok sa kanya. "Huwag mo na pangarapin ang ganitong trabaho. Hinding-hindi ka papasok dito, Tsuki!" Halos nakangiwi ako habang nagsasalita, seryosong seryoso. "Sige na, ako na bibili ng cellphone mo. Pero ipangako mo sa akin na mag-aaral kang mabuti, kung hindi, ipapakain ko sa’yo yung cellphone na ’yon. Nagkakaintindihan ba tayo?"
Tumango-tango agad siya, parang sisiw na inuulan. "Oo, ate! Grabe, you're the best! Kaya ikaw ang favorit na ate ko." Tuwang-tuwa siya habang humahalik pa sa pisngi ko.
"Para kang tanga. Eh ako lang naman ang ate mo," sagot ko, nakairap pa.
"Kung may iba pa akong ate, ikaw pa rin ang magiging favorite ko. Saka sigurado ako, ikaw ang pinakamaganda sa kanila." Kinurot pa niya pisngi ko, todo lambing. "Ang ganda talaga ng ate ko, ang bait pa!"
"Tigilan mo na nga ako, Tsuki! Oo na nga, ako na ang bibili ng cellphone mo," sagot ko, kunwari’y inis pero halata naman ang lambing sa boses ko. "Dun ka na nga muna sa kwarto. Samahan mo si Ismé dun. Nag-uusap kami dito, o!"
Napangiwi pa siya pero tumalima rin. Sumilip pa muna siya kay Mammy at Ninang bago tuluyang pumasok sa kwarto, sumasayaw-sayaw pa na parang hindi siya binatukan kanina. Naiwan ako kasama si Mammy at Ninang.
Tahimik muna saglit, hanggang sa muling nagsalita si Mammy. "Alam mo, anak," mahina ang boses niya, parang takot marinig ng ibang tao. "Hindi mo naman kailangan gawin ito. Kaya ko pa namang magtrabaho."
Napatingin ako sa kanya, ramdam ko ang bigat sa puso ko. Nakikita ko sa mukha niya ang mga guhit ng pagod, ang mga kulubot na hindi maitatanggi, at ang mga matang puno ng pangungulila at pag-aalala.
"Mammy, wala na nga kayong kustomer eh," sagot ko, pilit na pinapakalma siya kahit ako mismo hirap huminga. "Saka maawa naman kayo sa sarili niyo. May edad ka na. La ocean deep ka na." Sinubukan kong gawing biro pero alam ko, medyo sumakit ang loob niya. "Tignan mo nga, kulubot ka na. Syempre mas pipiliin nun yung mga mas bata."
Agad siyang napasimangot, kumunot ang noo niya. "Ang sama talaga ng bibig mo. Manang-mana ka sa Ninang Jodie mo," aniya, sabay irap kay Ninang na ngayon ay hindi makapigil ng tawa. "Naku, kung sa ibang araw lang, nasabunutan na kita." Umiling siya, saka lumalim ang tono. "Pero seryoso, Sachzna. Kung sa akin lang, ayaw kong matulad ka sa akin. Gusto ko makatapos ka at saka magkaroon ng marangal na trabaho."
May bahid ng lungkot ang bawat salita niya. Ramdam ko ang bigat sa dibdib niya, yung klase ng bigat na parang gusto niyang akuin lahat ng hirap para lang hindi ko maranasan. Pero alam ko rin na hindi na ganoon kadali.
"Mammy, ano ka ba?" Napailing ako, sinubukan kong gawing magaan ang usapan pero halata rin sa boses ko ang pinipigilang emosyon. "Naiintindihan ko naman yung sitwasyon natin. Ganun talaga." Kibit-balikat akong napaupo sa gilid ng kama. "Kay Tsuki at Ismé na lang kayo bumawi. Pagtulungan natin na maging maganda ang buhay nilang dalawa."
Tahimik lang si Mammy. Tinitigan niya ako, yung titig na parang gusto niyang pigilan ako pero wala na siyang magawa. Si Ninang naman, nakasandal pa rin sa dingding, hawak-hawak ang sigarilyo niya, nakatitig din sa amin. Hindi siya nagsasalita pero alam kong sa isip niya, ako lang ang may tapang na humarap sa mundong ito sa ngayon.
Ramdam ko ang bigat ng hangin sa loob ng maliit naming bahay. Ang mga pader na gawa sa kahoy at pawid ay parang nakikinig sa usapan naming mag-ina. Sa isang banda, may halong kaba at takot ako—kaba kung kakayanin ko ba, at takot kung hanggang saan ako dadalhin ng landas na pinili ko. Pero mas nangingibabaw pa rin ang determinasyon ko: gagawin ko ito hindi lang para sa sarili ko, kundi para kay Mammy, para kay Ninang Jodie, para kay Tsuki, at para kay Ismé.