Chapter 3: PAGKIKITA (NOVA) Warning R18

1413 Words
Nagising ako dahil sa sigawan nina Kuya Ronie at Kuya Edie sa labas. Dahan-dahan akong bumangon at tumayo. Nag-aaway ang dalawa at hindi ko alam ang dahilan. “Hindi ba kayo titigil! Pag-uuntugin ko kayong dalawa! Pumasok na kayo sa trabaho ninyo! Naghihirap na nga tayo puro pa kayo away!” bulyaw ni Nanay sa dalawa. Naglakad ako palabas ng maliit na silid na ito at hinawi ang kurtina na tanging harang. Lumabas na ang dalawa at umalis para pumasok sa pabrika. Naramdaman ni Nanay ang paglabas ko at nanatili lang akong nakatayo. May nakahain sa lamesa na nilagang kamoteng kahoy at isang platitong puting asukal na siyang gagawing partner ng kamoteng kahoy. “Ikaw, isa ka pang dagdag sa sakit ng ulo. Kumain ka na rin! Samahan mo ako mamaya roon sa may sapa at maglalaba tayo!” Bigla akong nagutom dahil sa kamoteng kahoy. Ang bango-bango nito at dali-dali akong umupo sa bangko. “Bilisan mo riyan at tinanghali na ako. Marami pa tayong gagawin,” utos ni Nanay. “O-Opo.” “Gusto mo ba ‘yan?” Tumango ako at inusog ni Nanay ang platito na may asukal palapit sa ‘kin. “Sige, kumain ka nang kumain.” Alam kong tinitiis lang ako ni Nanay pero mahal niya ako. Naiintindihan ko na sila kung bakit sila nagagalit lalo na ang aking ama. Matapos kong maubos ang kamoteng kahoy ay nagphinga muna ako. Hinhintay ko si Nanay na matapos sa ginagawa niya. Ilang gabi akong nag-isip-isip kung ano ang aking magiging desisyon. “Halika na, Nova. Bilisan mo at mataas na ang sikat ng araw!” Dali-dali akong lumabas at inayos ang aking sarili. Ilang araw na rin akong lumiban sa klase dahil sa nangyari. Kumalat na rin sa baryo namin ang nangyari sa ‘kin. Bitbit ko ang isang bayong na naglalaman ng iilang maruruming damit namin habang si Nanay ay bitbit ang planggana at palo-palo na gawa sa maliit na tabla. “Carla, totoo bang buntis ‘yang si Nova?” usisa ng tiyahin ko na nagwawalis ng kaniyang bakuran. Sandali akong tinapunan ng tingin ni Nanay at huminga nang malalim. “Tsismosa ka talaga, Anding! Tigil-tigilan mo nga ako at maglalaba pa kami!” “Aba’y narinig ko lang ‘yan sa iba. Gusto ko lang naman na malaman kung totoong buntis si Nova. Unang apo niyo ‘yan,” paliwanag ni Tiya Anding. Bigla akong nakaramdam ng hiya at yumuko na lamang. Parang naging tuod ako at hindi makapagsalita. “Wala! Hindi siya buntis! Nagkamali lang siya sa pagbibilang!” Hinatak ni Nanay ang kanang kamay ko at mabilis na naglakad. “Tsismosa talaga ang mga ‘yan. Wala na ngang naitutulong!” inis na sabi ni Nanay. “Patawad, ‘Nay. Kasalanan ko ho ang lahat,” nahihiya kong sambit. “Wala kang pagsasabihan. Tandaan mo ‘yan. Hindi nila p’wedeng malaman ang totoo. Bukas na bukas din ay pupunta si Manang Lorna para hilutin ‘yan.” Para akong sinipa ng kabayo sa labis na kaba na naramdaman ko. Natatakot pa rin ako sa maaring kahinatnan sa gagawin namin. Nakipag-usap ako sa kanila na ituloy na ang pagpapalaglag upang maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral. Hindi ko rin naman kayang buhayin ang batang ito na nasa sinapupunan ko dahil mahirap lang kami at lalaki siyang walang ama. ‘O-Opo, ‘Nay…” … Nakaupo ako sa bangko nang dumating si Manang Lorna na nakangiti kasama si Nanay. Medyo malayo-layo ang bahay ni Manang Lorna kaya dapithapon na noong dumating sila. Nanginginig ang mga kamay ko sa takot at matinding kaba. “Ang laki na ni Nova. Dalaga ka na nga. Dati ay ang liit mo lang at panay ang iyak kapag hinihilot kita kapag may pilay,” magiliw na bati ni Manang Lorna. Pilit akong ngumiti sa kaniya at umupo siya sa aking tabi. “Paano ba ang gagawin natin?” tanong ni Nanay. “Dugo pa lang ‘yan kaya baka madala sa gamot.” Inilabas ni Manang Lorna ang isang botelya na may kung anu-anong nakalagay sa loob na mga dahon at ugat. Pakiramdam ko ay umurong ang dila ko at hindi ko magawang magsalita habang tagaktak na ang pawis ko. “S-Sigurado ka bang matatanggal niyan ang bata?” “Oo naman. Kapag hindi kinaya ay saka ko siya hihilutin. Ako ang bahala.” “H-Huwag na kaya nating ituloy? K-Kinakabahan po ako…” “H’wag kang kabahan. Para ka lang ding nireregla. ‘Yon na lang ang isipin mo.” Inabot ni Manang Lorna sa akin ang malapad na botelya. Mahigpit ko itong hawak at napako ang tingin ko rito. “H-Hindi po kaya magalit sa ‘tin ang itaas? Baka malasin ho tayo— parusahan tayo?” “Naku, humingi na lang tayo ng kapatawaran,” sagot ni Manang Lorna. Napalunok ako ng laway ko dahil nanuyo ang aking lalamunan. “Inumin mo ‘yan, ha. Para naman matapos na ang problema!” ani Nanay. Nagbilin si Manang Lorna kung paano ang aking gagawin. Lumabas silang dalawa ni Nanay at iniwan akong nag-iisa sa loob ng kubo. Ihahatid lang ni Nanay si Manang Lorna sa may sapa kung saan may tulay na gawa sa lubid at kahoy. Nasa harap ko ang botelya na nakalagay sa lamesa. Kumuha ako ng tasa at isinalin ang laman nito. Nanginginig ang magkabilang kamay ko habang hawak ang tasa at inangat. “Diyos ko! Patawarin ninyo po ako,” sambit kong mahina habang naiiyak. “Pssst!” Napahinto ako at nilinga-linga ang ulo ko. “Nova…” Nang marinig ko ang boses ni Kuya Ronie ay natagpuan ko siya sa may pinto na parang nagmamadali. “K-Kuya?” Pumasok siya sa loob at inilang hakbang ang kinatatayuan ko. Kinuha niya ang hawak kong tasa at itinapon sa sahig dahilan para mabasag ang tasa. “A-Ano’ng ginagawa mo?!” bulalas kong tanong. “Itanong mo ‘yan sa sarili mo. Gusto mo bang magkasala sa Diyos?!” Hinawakan ni Kuya Ronie ang kanang kamay ko at dali-dali niya akong hinatak palabas ng kubo. Luminga-linga siya at nang mapagtantong walang mga tao sa paligid ay hinatak niya akong muli patungo sa likod bahay. “Saan mo ba ako dadalhin?!” naiinis kong tanong. “Mamaya ka na magtanong!” matigas niyang sabi. Binaybay namin ang kakahuyan palabas ng kalsada. Hindi ko maintindihan ang ginawa ng aking nakatatandang kapatid. “Kuya, sandali!” Tumigil kami ni Kuya Ronie sa tabi ng kalsada at hingal na hingal ako. “K-Kuya, ano ba ‘to?!” “Nova!” Napalingon ako sa kabilang kalsada at nanlaki ang mga mata kong nakita ko ang isang taong hindi ko na inaasahan pang makita. Malawak ang ngiti sa kaniyang labi at dali-daling tinawid ang kalsada. “A-Alfred…” mahina kong sambit. Hinawakan ni Kuya Ronie ang magkabilang kamay ko at mangiyak-ngiyak na ang mga mata nito. “Mag-iingat ka, bunso. Hindi ko kayang gawin mo ang bagay na ‘yon. Labag man sa aking kalooban ay ipagkakatiwala kita kay Alfred.” Niyakap ko si Kuya Ronie nang mahigpit na mahigpit at hindi ko napigilan pang umiyak. Parang kinurot ako sa puso ko dahil nasasaktan ako sa mga nangyayari. Hindi ako iniwan ni Alfred at tumupad siya sa aming pinag-usapan. “Nova, halika na. Baka maabutan nila tayo.” Humiwalay ako sa pagkakayakap kay Kuya Ronie at niyakap ko si Alfred nang mahigpit. Humikbi ako at hinaplos niya ang aking buhok. “Akala ko— iniwan mo na ako?” “P-Pasensya ka na. Kailangan kong magtago noong sumugod ang tatay mo sa site.” Inangat ko ang aking tingin at napansin ang pasa sa kaniyang pisngi. “B-Bakit may pasa ka?” Hinaplos ko ang mukha ni Alfred sa labis na pag-aalala at inilipat niya ang tingin kay Kuya Ronie. Si Kuya pala ang may gawa noon sa kaniya. Hindi na kami nagtagal pa at nagpaalam na kami ni Alfred sa kapatid ko. Hindi ko mapigilan ang umiyak habang sumasakay sa tricycle. Umiiyak din ang kuya sa kabilang kalsada. Kumaway ako bilang huling pamamaalam. Sabi ko ay ihingi ako ng tawad kay Nanay at Tatay. Maging kay Kuya Edie ay ihingi niya rin ako ng kapatawaran. Babalikan ko sila sa tamang panahon. Kapalit ng kalungkutan ko ay masaya akong kasama ko na si Alfred. Desidido na akong sasama sa kan’ya. Mabuti na lamang at tamang-tama ang pagdating ni Kuya Ronie at hindi ko pa naiinom ang walang kwentang gamot na ‘yon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD