Chapter 2: ESKANDALO (NOVA) Warning R18 content.

1255 Words
NAGHIHIKAHOS akong tumatakbo para lang mahabol si Tatay. Kasama ko si Kuya Ronie patungo sa construction site na pinagtatrabahuan ni Alfred. Doon sila natutulog sa may barracks kasama ang iba niya pang mga kasama. Tanghaling tapat noon at hindi ko na ininda pa ang init ng panahon. Hingal na hingal ako noong nakita ko si Tatay na kinakalampag ang mga yero na nagsilbing bakod ng construction site. Sarado rin ang gate kaya hindi nakapasok si Tatay. Nang huminto ako habang hingal kabayo ay napapikit ako nang mariin. Mabuti na lamang at hindi nakapasok sa loob si Tatay ngunit sigaw siya nang sigaw at pinaghahampas ang yero ng hawak niyang itak. “Alfred! Lumabas ka! Labas, Alfred! Harapin mo ako!” Kinakabahan ako nang husto dahil baka kung mapa’no rin si Tatay. Ayaw kong may mangyaring masama sa kanilang dalawa dahil pareho ko silang mahal. Inilang hakbang ko ang kinatatayuan ni Tatay at hinawakan siya sa mga braso niya. “Tatay, pakiusap! Umuwi na, po, tayo!” pakiusap ko. “Juan, h’wag kang mag-eskandalo! Nakahihiya!” dugtong ni Nanay. “Tama lang ‘yan, ‘Nay! Para naman mabigyan ng leksyon ang lalaking ‘yon para magtanda siya!” dagdag ni Kuya Edie na nag-iinusok na rin ang ilong sa galit. “Umalis ka riyan! Sa ‘yo ko ihahampas itong itak na hawak ko!” Pumalahaw nang iyak si Nanay dahil sa sinabi ni Tatay. Maging ako ay labis na natakot sa binitawang salita. “Juan, h’wag ka namang gan’yan sa anak natin!” Bahagya akong lumayo kay Tatay dahil sa takot na baka tototohanin niya ang tinuran. Hawak ako ni Kuya Ronie sa aking balikat at tumango. “Hoy, Alfred!” “Sandali! Sandali!” matigas na sigaw ng isang lalaki galing sa loob ng construction site at binuksan nang bahagya ang gate. “Sino ba kayo! Ang iingay ninyo! Sisirain mo pa ang bakod!” sigaw ng lalaki. Kasamahan siya ni Alfred at nakikita ko siya minsan na kasama ni Alfred kapag namimili sa palengke noon. “Nasaan si Alfred! Ilabas mo! Papatayin ko siya!” “W-Wala si Alfred dito!” “Ano’ng wala! H’wag mo siyang itago kung ayaw mong madamay ka rin!” Pilit na binubuksan ni Tatay ang gate at itinutulak ngunit pinigilan iyon ng lalaki. “H-Hoy! B-Bwal kayong pumasok! P’re, tulong!” Ilang sandali pa ay may mga kalalakihang dumating at tumulong na rin si Kuya Edie sa pagtulak ng gate ngunit hindi sila nagtagumpay. May dalawang lalaking pilit na lumabas at tinulak sina Kuya Edie at Tatay Juan. “H’wag kayong manulak!” sigaw ni Nanay. “Ale, pagsabihan ninyo ang dalawang ‘yan! Kakasuhan sila ng trespassing sa ginagawa nila!” “Mga g*go kayo! Ilabas ninyo si Alfred! H’wag ninyo akong matakot-takot na kakasuhan!” “Tatang, wala po siya rito! Umalis na ho siya! Kung gusto ninyo, hanapin ninyo siya sa Maynila!” Napaawang ang bibig ko sa aking narinig. Dali-dali akong lumapit sa gate at pilit na sinisilip kung naroon ba sa loob si Alfred. “N-Nasaan siya?” tanong ko. “Wala na siya, Nova. Hindi ba siya nagpaalam sa ‘yo?” “Nakita mo! Iniwan ka lang ng lalaking ‘yon! Pagkatapos kang bilugin at buntisin!” Hinaklit ni Tatay ang kaliwang braso ko dahilan upang mapaatras ako at mailayo sa gate. Umiling-iling ako nang ilang ulit dahil hindi ako makapaniwala. May usapan kaming dalawa na sasama ako sa kaniya sa Maynila. Bakit niya ako iniwan! Wala siyang isang salita! “N-Nasasaktan po ako!” umiiyak kong hiyaw. “Tumigil ka! Masasaktan ka talag sa ‘kin dahil sa kalandian mo!” sigaw ni Tatay. “Kung hindi kayo aalis ay magpapatawag kami ng pulis!” “Aba’y hinahamon ako!” “Tama na po, ‘Tay!” singit ni Kuya Ronie. “H’wag na siyang babalik dito dahil kung magkataon ay dila niya lang ang walang latay!” banta ni Kuya Edie. Pinagtabuyan kami ng mga tao roon at dahil sa inis ni Tatay ay hinablot niya ako sa aking buhok at kinaladkad pauwi. Walang tigil ang pag-iyak ko hindi dahil sa ginagawa ni Tatay kung hindi dahil sa dinudurog ang puso ko sa pag-iwan sa ‘kin ni Alfred. Nang marating namin ang kubo ay maraming tao sa labas ng kubo. Nagtataka siguro sila kung bakit at nakikibalita sa nangyari. Itinulak ako ni Tatay dahilan upang masubsob ako sa sahig. Nangilid muli sa luha ang aking mga mata. “Ang laki mong t*nga! Hindi ka talaga nakinig sa ‘min ng Nanay mo!” Nilingon ko si Tatay at matalim ko siyang tinitigan. Bakit ganito niya ako kung tratuhin. Hindi ko lubos maisip kung bakit? “Naging mabuting anak naman po ako, ‘Tay. Isang pagkakamali lang pero kulang na lang— patayin ninyo ako!” “Ipalaglag mo ‘yan! Magtatapos ka sa pag-aaral mo!” Dinuro niya ako. Nanlaki ang mga mata ko at umiling-iling. “H-Hindi! Hindi!” “Huwag mo akong subukan!” sigaw ni Tatay. Umiiyak si Nanay at yumakap na kay Kuya Ronie habang naawang nakatingin sa ‘kin. Wala silang magawa dahil si Tatay ang masusunod sa pamilyang ito. … Ilang araw na akong walang ganang kumain. Umaasa akong babalik si Alfred upang samahan ako sa laban na kinakaharap ko ngayon. Ayaw kong mawala sa ‘kin ang anak ko. Pero ano ang gagawin ko? Kinulong nila ako sa loob ng bahay at hindi pinalalabas. Nakahihiya raw ako dahil nagpabuntis ako nang maaga. Inaamin ko naman sa ‘king sarili na kasalanan ko rin dahil hindi ako nag-ingat. “Kumain ka pa, Nova.” “Wala akong gana,” sagot ko kay Nanay na hawak ang kutsara at susubuan ako. “Anak, kailangan mong kumain.” “Sabi ngang wala akong gana!” hiyaw ko at umiyak. Laking gulat ko noong lumapat ang kaliwang palad ni Nanay sa aking kanang pisngi. Kagat-kagat ko ang pang-ibabang bahagi ng aking labi at sapo ang pisngi ko dahil sa nakatutusok na kirot gawa ng sampal ni Nanay. “Sige, magpakamatay ka! Papatayin mo ba ang sarili mo?!” “Para saan pa?! ‘Di ba gusto ninyong ipalaglag ko ang batang ‘to?! Mabuti pa’t mamatay na lang ako, ‘Nay!” Hagulgol ko. Hindi nakaimik si Nanay at imbes na sumagot ay iniwan niya ako at tinungo ang labas ng kubo. Pumasok si Kuya Ronie sa loob at umupo sa aking tabi. “Pasensya ka na, Nova. Wala akong maitutulong. Ayaw makinig ni Tatay sa ‘kin.” “O-Okay lang. Tanggap ko na ang katotohanan.” “Sige na kumain ka na at ubusin ‘to. Baka magkasakit ka niyan sa ginagawa mo, bunso.” Parang kinurot ang puso ko nang pinong-pino sa sinabi ni Kuya Ronie. Bunso nga ako at sabi nila ay mahal na mahal ng mga magulang ang bunsong anak nila. Ngunit nagkamali ako at nadismaya sila sa akin. Hindi lang ang pangarap ko ang naglaho maging ang pangarap nila sa ‘kin ay tuluyang nawala. Tumayo si Kuya Ronie at naiwan ako sa loob ng bahay na umiiyak. Nakatanaw sa malayo at gulong-gulo ang utak ko sa nangyayari. Paano kung hindi na nga bumalik si Alfred? Makinig na lang kaya ako kay Tatay at sumunod para maipagpatuloy ko ang pag-aaral ko? Dalawang taon na lang ay makapagtatapos na ako sa aking pag-aaral. Hinawakan ko ang aking puson at hindi ko na namang mapigilang umiyak. Napapikit ako nang mariin at kumubli. “Patawarin mo ako, anak. Patawad…”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD