“ANG bilin sa akin ni Tita Himaya, alamin ko daw kapag may umaapi-api sa iyo sa mansion. Baka daw may maldita kang kapatid o kaya ang madrasta mo. Susugod daw agad siya dito para sa iyo,” sabi ni Estephanie kay Amira habang hinihintay nila ang order na lemon pie at hot mountain tea. Katatapos lang nilang ihatid sa bus terminal ang kanyang ina. Kinuha nito ang huling trip ng bus pabalik ng Baguio. Ngayon ay kumakain sila ng lemon pie sa Sagada Canteen habang hinihintay niya ang susundo sa kanya patungo sa mansion ng mga Banal kung saan siya tutuloy sa loob ng isang buwan kasama ang ibang kapatid niya. Napangiti na lang siya nang maalala ang ina na kuntodo ang bilin sa kanya. Kahit na sinabi nitong pinagkakatiwalaan na siya nito at hinahayaan na siyang magdesisyon para sa sarili niya ay

