Attention w***e. Walang respeto sa oras ng iba.
Naningkit ang mga mata ni Amira nang makita ang suot nitong fur cream coat. Fur! Fur! She hated the woman at sight. Kung pwede lang na hubarin dito ang damit nang mga oras na iyon. Ipagtitirik niya ng kandila ang kaawa-awang hayop at bibigyan niya ng disenteng libing. At kung peke man iyon, di pa rin niya gusto ang ideya.
“Hi, everyone!” bati ng babae nang makababa. Iningusan niya ito.
Hinawakan ni Yumi ang kamay nito. “Girls, this is one of our sisters. She’s Ailene Solis. She’s a call center agent and—”
“I’m twenty-four years old,” putol ni Ailene sa sasabihin ni Yumi. “My interest is fashion. My zodiac sign is Aries and my favorite color is pink.”
Sa pagdating ni Ailene ay doon niya nalaman kung ano pa ang trabaho ng iba pa niyang kapatid. Si Mabel ay walang trabaho habang si Berry ay jack-of-all-trades na paraket-raket lang. Ibig sabihin ay walang permanenteng trabaho.
“Excuse me, Ailene,” sabi ni Sky. “May… may stray thread ‘yang coat mo.” Hinila ni Sky ang nakausling sinulid at sa panggigilalas ng lahat ay natastas ang sinulid at isang malaking wakwak ang iniwan sa manggas ng damit ni Ailene.
“I’m very, very sorry,” hingi ng paumanhin ni Sky.
“Alam mo ba kung magkano ito?” anang si Ailene na nanlilisik ang mata.
“Magkano?” pag-uusyoso ni Berry.
“Basta mahal ito.”
“Ipatatahi ko na lang iyan mamaya sa maid,” sabi ni Yumi para marahil papayapain ang lahat. “Patawarin mo na si Sky, Ailene.”
Nanatiling matayog ang dating ni Ailene habang nakatingin kay Sky. Mukhang wala itong balak na magpatawad. Di na tuloy siya nakatiis. “Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang gawing malaking isyu ang pagkakasira ng isang damit na hindi naman kagandahan.”
Nakatanga siyang tiningnan ni Ailene. “Excuse me? Pangit para sa ‘yo ang coat na ito?”
“Oo,” taas-noong sagot niya. “Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang maglagay ng balahibo ng hayop sa damit, pekeng balahibo man o hindi.”
“Because this is fashion.”
“That’s fashion suicide.”
Malakas na suminghap si Ailene. “Anong karapatan mong laitin ang fashion sense ko?”
Akmang susugurin siya nito pero hinila na ito nina Vera at Yumi. “Ailene, kalma lang,” awat ni Vera Mae kay Ailene. “Hindi naman siguro intensiyon ni Amira na pintasan ang fashion sense mo. Baka lang talagang ayaw niya ng mga balahibo sa damit kasi nature-lover siya. Kasama na rin sa nature ang mga hayop, ‘di ba? Ayaw niya siguro ng may ginagamit na balahibo ng hayop kahit peke pa.”
“Pagpasensiyahan mo na si Amira, Ailene,” sabi naman ni Yumi sa malumanay na boses. “Hindi lang siguro kayo nagkaintindihan. At saka mas matanda ka naman sa kanya ng isang taon kaya ikaw na ang magparaya.”
“Kung hihingi siya ng sorry, kakalimutan ko na ang sinabi niya,” sabi ni Ailene.
The nerve! Siya pa ang magso-sorry dito, ito na nga ang gumawa ng mali. Ito ang nagmataas at di marunong magpatawad. Ito ang nagsusuot ng balahibo ng hayop, peke man o hindi. Ito ang dapat humingi ng sorry.
“Mag-sorry ka na, Amira,” pamimilit ni Vera.
“Hindi ako magso-sorry,” sabi niya at umingos. “Wala akong kasalanan. Ipinahayag ko lang ang opinyon ko.”
“Oh. She’s a b***h,” angil ni Ailene.
Nanlaki ang mata niya at akmang bubuka ang bibig para sabihin dito kung anong tingin niya dito ay sumingit naman si Don Alfonso. “Tama na ‘yan!” puno ng awtorisasyong utos nito. “Inasahan ko nang mayroon sa inyo ang hindi magkakasundo pero hindi ko inakalang ipapakita n’yo sa akin nang harap-harapan.”
“Sorry po, Grandpa,” mahinang usal ni Ailene.
“Maghapunan na tayo,” anang si Don Alfonso. “Carrie, dalhin mo na ako sa dining area.”
Naramdaman na niya ang pailalim na tingin ni Ailene sa kanya pero nginisihan lang niya ito. Markado na ito sa kanya. Sa palagay niya ay isa ito sa magiging matinding kaaway niya. Pwes, gaya ng iba niyang laban ay hindi rin niya ito uurungan.