“Kay Don Alfonso Banal. Apo niya ako. Amira. Amira Banal,” aniya sa may katatagang boses kahit na parang kinakabahan siya. Una, di niya alam kung papapasukin nga siya doon. Baka ipinatanggal na siya sa listahan ni Carrie nang di alam ni Attorney Ferrer. Pangalawa, noon lang niya idinikit sa pangalan niya ang apelyidong Banal lalo na’t di niya ikinokonsidera ang sarili na isa sa mga ito. Noon lang din niya sinabi sa ibang tao na apo nga siya ni Don Alfonso. It was weird. Pero nang mga oras na iyon, alam niyang flawless ang pagkaka-deliver niya na parang matagal na niyang sinasabi iyon. Kinakabahan siya habang pinagmamasdan ng guwardiya ang papel na listahan marahil ng maaring bumisita sa don. Bukod sa high profile ang matanda ay sensitibo din ang kalagayan nito dahil nakalagak sa ICU.

