Umungol siya nang makita ang nakakatakam na strawberry shortcake sa tray. Tumutulo na ang laway niya. Kakain siya ng cake kahit ata may lason. Iyon ang weakness niya. And tea, of course she would love to have some tea to rejuvenate her. It was just perfect.
Niluwagan niya ang bukas ng pinto. “Pakipasok na lang.”
Nakasunod siya kay Francois at naamoy niya ang natural na amoy nito. He was so fresh. Parang kumakapit dito ang amoy ng kalikasan. The scent of pines and citrus. Yes! Biglang nabuhay ang dugo niya. Pwede bang ito na lang ang papakin niya?
“Hindi ka pwedeng kumain ng cake,” anito sa awtorisadong boses.
“At bakit naman?”
Nakasimangot ito nang lingunin siya. “Hindi mo inubos ang pagkain mo. Parang di mo pa nga nagalaw.”
“Oh, that? H-Hindi kasi ako masyadong gutom.”
“Hindi ka pwedeng kumain ng dessert hangga’t hindi mo nauubos iyan. Lolo mo pa mismo ang nagpahanda ng menu para sa iyo. Pinaghirapan iyan ng nagluto kaya sana i-appreciate mo,” sabi nito.
Humalukipkip siya. E paano kung si Carrie pala ang nagluto noon? “Malay ko ba kung may lason iyan. E di bumula ang bibig ko.”
“Why do I have a feeling that you would actually say that? Kaya nagdala ako ng extra na plato at kubyertos. Ako muna ang kakain. Kapag bumula ang bibig ko, huwag mong kainin. Deal?”
“S-Sige.”
Pero nag-aalinlangan pa rin siya. Paano kung may lason nga iyon? Mababawasan ng isang guwapo sa mundo. Tatawag na lang ako agad ng doktor at marunong naman akong mag-first aid. Sasagipin ko na lang ang buhay niya pagkatapos.
Itinuro nito ang bakanteng upuan. “Maupo ka na.”
Yumuko ang ulo nito at saglit na nagdasal bago nilagyan ng kanin at ulam ang plato nito. “Masarap ang gulay dito sa Sagada dahil fresh. May carrots, broccoli, cauliflower, at may lemon orchard din at citrus farm. Sabi ng lolo mo na vegan ka daw kaya magugustuhan mo tiyak dito.”
Tahimik lang siya at pinagmasdan ito habang ngumunguya ng broccoli. Naririnig niya ang lutong ng gulay sa bawat pagkagat nito. It was so masculine and sexy. How could he turn eating into an art. Parang napakasarap nitong pagmasdan habang kumakain. Pero parang mas masarap itong papakin.
He is an enemy, remember? Your kidnapper. Tuta ng mga Banal. You can’t afford to fall in love with this man.
Matapos ang limang subo ay tumigil na ito. “Ano? Bumubula na ba ang bibig ko?”
“No. Your mouth is…”
Perfect? Sexy? Tempting? Mukhang masarap halikan?
Kinastigo ni Amira ang sarili. Behave! Nasa harap ng pagkain, kung anu-anong iniisip.
“…mukhang wala namang lason ang pagkain. Joke ko lang iyon,” dugtong niya at nilagyan ng pagkain ang plato niya.
“Alam ko naman na paraan mo lang iyon para makasalo mo ako. Okay lang iyon. Hindi naman ako nagagalit. Masaya naman ako na saluhan kang kumain,” wika nito at nagpatuloy sa pagsubo. “I aim to please.”
Wow! Ibang klase rin ang ere ng isang ito. Si Francois ang tipo ng lalaki na alam nitong guwapo ito at halos lahat ay nagkakagusto dito. Na parang lahat na lang ng gagawin ng isang babae ay paraan para akitin ito.
“Look. Alam ko naman na busy ka. Baka marami ka bang kikidnapin para sa pamilyang ito o marami ka pang bihag na dadalhan ng cake. Ayoko namang abalahin ka pa. Salamat sa pag-test ng pagkain ko kung may lason o wala.”
“Hindi pa ako pwedeng umalis.”
“At bakit na naman?” tanong niya at di mapigilang tumaas ang kilay.
“Paano kung utakan mo ako at kainin mo ang cake kahit di ka pa nakakaubos ng pagkain?.”
Wala namang problema sa kanya ang pag-ubos ng pagkain. Mahilig siya sa gulay. Ang problema ay kung paano siya kakain nang nakatanghod ang lalaking ito sa harap niya. Iisipin na lang niya na isa ito sa mga estatwa sa silid na iyon. Pero kung isa itong estatwa sa silid niya, baka di naman siya makatulog sa gabi. Baka tititigan lang niya ito at hihintayin niyang mabuhay.
“See? E di nakaubos ka rin,” sabi ni Francois.
Si Amira pa ang nagulat nang makitang ubos na ang pagkain niya. “Pwede na ba akong kumain ng cake?” tanong niya.
“Go ahead,” anang lalaki at inilapit ang platito sa kanya.
Excited siyang sumubo at napapikit nang malasahan ang cream at ang cake. At sa halip na maasim na strawberry ay manamis-namis iyon. “Ang tamis. Ang sarap!!!” ungol niya at kinilig pa.
“Seasonal ang strawberry na iyan. Hindi hinog sa pilit. Kaya natural ang tamis.”
“Kaya kong kumain ng isang buo nito,” aniya at sunud-sunod ang subo. Wala pang dalawang minuto ay parang dinaanan lang ng ipo-ipo ang platito niya. “Ay! Ubos na?”
“Pwede kang kumain after ng dinner,” wika ng lalaki at hinamig ang pinagkainan niya. “Inumin mo na ang tsaa mo.”
“Okay. Salamat sa nagluto. Pakisabi nag-enjoy ako. Pero nag-enjoy talaga ako sa cake. Naku! Mahahalikan ko ang nag-bake.”
“Sabi mo iyan, ha? Hahalikan mo ang nag-bake?”
“Oo naman.” Well, maliban siguro kung si Carrie iyon. “Pakisabi na lang sa nag-bake. Salamat.”
May kakaibang kislap sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya. “Just tell me if you need anything. Naka-save ang number ko sa cellphone na ginagamit mo. Kahit na sabihin mo lang na nami-miss mo ako, okay lang sa akin.”
“What? Look, Mister…”
“See you around,” sa halip ay sabi nito at lumabas ng silid bago pa man niya masabi dito na ayaw niya sa mga mahahangin na tulad nito.
Idinaan na lang niya sa tsaa ang inis niya. Kasalanan din naman niya dahil may atraksiyon siyang nararamdaman dito. Pero hanggang doon lang. Kung tapat na amuyong ito ng mga Banal, kaaway niya ito.