“N-Nanay, huwag po tayo dito mag-usap. Doon na lang po tayo sa kuwarto ko,” sabi niya at luminga sa reception kung saan patay-malisya ang staff ng guesthouse pero tiyak niyang naririnig nito ang usapan nila dahil may kalakasan ang boses ng ina. Iilan pa lang ang nakakaalam na isa siyang Banal bagamat kalat na sa bayan ang tungkol sa walong apo ni Don Alfonso. At ayaw niyang kumalat pa ang dramang ito tungkol sa komprontasyon nilang mag-ina. Sa loob ng mahabang panahon ay nanatili silang sekreto sa lahat. Ayaw niyang malaman ng iba ang tungkol sa pagkatao niya sa ganitong paraan – hindi sa harap ng publiko. “Dito lang po ako sa baba, Tita. Maghihintay lang po ako sa inyo,” anang si Estephanie na marahil ay gusto silang bigyan ng privacy na mag-ina. Pero nasa mga mata rin nito ang takot.

