Nakapunta na siya sa iba’t ibang bansa sa mundo at marami na rin siyang nakitang mga guwapo pero ngayon lang siya natulala ng ganito. He had a squared jaw. Makinis iyon na parang masarap haplusin. Matangos ang ilong nito at maganda ang hugis ng nakangiting labi. He wore his hair long, almost brushing his shoulders. Pero pinakamaganda yata ay ang mga mata nito na kulay abuhin at may mahahabang pilik-mata.
“S-Sino?” naitanong niya.
“Ikaw ba si Miss Amira Catindig?” nakangiti nitong tanong.
Amira Catindig? Amira Catindig? Sino iyon?
Kinailangan pa niya ng ilang segundo bago nag-sink in sa utak niya na siya pangalan pala niya iyon. Siya nga pala si Amira Catindig. Ano bang nangyayari sa kanya? Twenty-three years na niyang pangalan iyon pero ngayon lang niya nakalimutan. Di naman nabagok ang ulo niya sa mahigit dose oras na biyahe. Nakakita lang siya ng guwapo ay nakalimutan na niya ang pangalan niya.
“A-Ako nga,” aniya sa pormal na boses nang makabawi.
“Ako ang sundo mo,” sabi nito. “Tutulungan na kita sa bag mo.”
Bago pa siya makahuma ay dinampot na nito ang malaking backpack niya na nakasandig sa dingding ng tindahan. At tuloy-tuloy na ito sa paglalakad.
Humabol siya dito. “Sandali. Saan tayo pupunta?” tanong niya nang tatawid ito ng kalsada.
“Nandito ang sasakyan,” sabi nito at lumapit sa nakaabang na Land Rover.
“Okay. Salamat,” nausal na lang niya at sumunod dito kahit pakiramdam niya ay may mali.
Mali? Anong mali? The man has a nice butt. Perfect!
At di maiwasang tumutok ang mata niya sa pang-upo ng lalaki na nakahulma sa pantalon nito. Hindi niya alam na may ganoon pala kaguwapong lalaki na kakilala si Estephanie. He was hot! Kung may responsable siguro sa pag-init ng Sagada, di na niya sisisihin ang minahan o ang pagdagsa ng turista at forest denudation. Ang lalaking ito ang salarin. He was hot enough that she could also blame him for global warming.
Bigla niyang naipaypay ang palad sa sarili. Ano bang nangyayari sa kanya? Di naman siya apektado ng mga lalaki dati. Ngayon lang at di man lang niya alam kung anong pangalan ng lalaking ito. Hindi siya makapaniwala na sasama siya sa kung saan sa lalaking hindi niya kilala. Nagnanasa siya sa lalaking di niya kilala. Sana man lang bago niya pagnasaan ay nagtanong muna siya. Hindi siya makapaniwala na napo-pollute ang utak niya sa sariwang hangin ng Sagada.
Nakangiti nitong binuksan ang pinto ng passenger’s seat. “Pasok ka na.”
Pinigilan niya ang sarili na tuluyang pumasok sa sasakyan. “Sorry. How rude of me. Hindi ko naitanong ang pangalan mo.”
“Francois. Francois Mosqueda. Pero pwede mo akong tawaging Aklay.”
“Bakit?” tanong niya. Parang mas bagay dito ang Francois. French. Bagay sa mga mata nito na kulay pilak.
“Aklay is my Igorot name.”
“Igorot ka?” tanong niya.
Tumango ito. “Oo. Ang tatay ko.”
“Pero ang mata mo…”
“Yes. It is from my French mom. Bless her. Pumasok ka na sa loob. Mas maganda kung doon na tayo magkwentuhan para makapagpahinga ka na rin. Kanina ka pa nila hinihintay.”
Pumasok siya sa loob habang pilit inaalala kung mayroong mali. Francois. Aklay. Doesn’t ring a bell.
Parang hindi naman iyon ang binanggit ni Estephanie na susundo sa kanya. Pero ano na nga ba ang pangalan ng sundo niya?
Napansin niya na palayo sila sa bayan at natanaw na niya ang Poblacion mula sa hilera ng mga pine trees sa gilid ng nadadaanan nila. “Akala ko sabi ni Estephanie pwedeng lakarin lang ang bahay nila mula sa Poblacion.”
“Miss, pwede akong mag-trek ng isang oras at sabihin na malapit lang ang nilalakad ko dahil sanay kami sa lakaran dito. Kaya kailangan na may sasakyan ka lalo na’t mabigat ang bitbit mo.”
Nahigit niya ang hininga. “Ganoon? Ibig sabihin malayo pa talaga ang bahay nila Estephanie?” bulalas niya. Ang bruhang babaeng iyon. Di man lang sinabi na malayo pa pala ang lalakarin niya.
“Magpahinga ka muna. Baka di ka nakatulog na mabuti sa biyahe. Gigisingin na lang kita kapag nandoon na tayo.”
“Salamat, Francois,” sabi niya.
Patatawarin na lang niya si Estephanie kung muntik na siyang mag-alay lakad para dito. Bawi naman ito dahil may guwapo siyang sundo. Hindi siya mahilig sa mga guwapo. Hindi nga siya mahilig sa mga lalaki. Isang mapait na leksiyon ang itinuro ng ama niya sa kanyang ina. Di dapat nagpapadala sa panlabas na anyo ng isang lalaki o sa mabulaklak na salita nito. Maraming lalaki ang mapanlinlang. Oras na makuha ang gusto ay maglalaho na lang basta. Hindi ba’t may agam-agam siya kay Francois kanina?
E ano naman ang dapat kong ipag-alala kay Francois? Na kikidnapin niya ako? Wala namang nakakaalam na isa siyang Banal o may dugo siyang Banal. Hindi naman siya mayaman. At si Estephanie lang naman ang nagpasundo sa kanya. Kahit ang mga Banal ay di alam na dadating siya doon.
Praning lang siya. Kung kakampi ni Estephanie si Francois at pinagkakatiwalaan, ibig sabihin ay mabuti itong tao.
Pumikit siya nang maramdaman niya ang malamig na hangin at naidlip. Ito na ang lamig ng Sagada na hinahanap niya. She felt welcome and safe here. Si Francois na ang bahala sa kanya.