Tinungga ni Amira ang carrot juice na nabili sa palengke ng Bugias, Benguet kung saan nag-stopover ang bus papuntang Sagada. Hilong-hilo pa siya dahil alas diyes na ng gabi siya bumiyahe patungong Baguio at hinabol niya ang pang-alas singko ng umaga na biyahe ng bus patungong Sagada.
It was just an ordinary bus. Walang aircon. Lahat ng alikabok ay sagap niya. Ikinukwento ng kaibigan niyang si Estephanie dati na rough road ang pinakamataas na highway system sa bansa pero ngayon ay suwabe na ang biyahe nila dahil sa sementadong daan. Alas dose na noon ng tanghali at gutom na siya. Nangako si Estephanie na ipaghahanda siya nito ng masarap na tanghalian.
Ayon sa konduktor ng bus sa isang turistang nagtanong ay may dalawang oras pa ang tatakbuhin nila kaya umidlip muna siya. Hindi niya alam kung anong dapat niyang maramdaman sa pagbabalik niya sa bayan kung saan siya isinilang. Kaya malapit sila ni Estephanie dahil sa Sagada siya ipinanganak. Sa kahahanap ng nanay niya sa kanyang ama ay sa Sagada ito napadpad.
Sanggol lang din siya nang umalis ang nanay niya doon. Wala na siyang alaala sa lugar. Di na rin siya bumalik lalo na’t teritoryo iyon ng mga Banal. Ang tanging alam lang niya tungkol sa Sagada ay sa mga kwento ni Estephanie at sa mga nakikita niya sa telebisyon at sa magazine o internet. At ang nag-iisa niyang lumang larawan na kuha sa harap ng simbahan sa Sagada noong baby pa siya.
Ayon sa mga nababasa niya ay parang malapit sa langit ang Sagada. Pinakamagandang tanawin ang mga pine tree, ang berdeng kabundukan at ang pagbaba ng ulap sa kabundukan.
Subalit nang makita ang stone marker na nagsasabing Welcome to Sagada ay hindi niya naramdaman ang lamig. Sa halip na berdeng d**o ay nakita niya ang tuyot na lupa at itim na bahagi ng kabundukan na nagsasabing kinaingin iyon. May mga pine trees nga subalit di na iyon gubat.
Isang payloader ang nakasalubong nila. Napaubo siya nang umalimbukay ang alikabok. Road widening at sinesemento na ang kalsada. Sa halip ay pine forest ay mga bahayan at mga inn ang nakita niya, senyales ng pag-unlad ng turismo sa lugar. Malaking tulong nga naman sa mamamayan ang pagdagsa ng turismo.
Di nagtagal ay tumigil na ang bus sa Poblacion. “Ma’am, dito na po kayo,” anang konduktor sa kanya.
Sukbit ang backpack niya ay bumaba siya ng bus. Ibinaba siya sa tapat ng isang tindahan na may katabing inn. Mula doon ay matatanaw ang pamosong St. Mary the Virgin Church kung saan kinuhanan ang larawan niya noong sanggol pa siya. Hindi niya alam kung bakit nakadama siya ng excitement na makita iyon.
Pero bago iyon ay kailangan muna niyang hanapin ang susundo sa kanya. Dahil sa pag-oobserba sa nadadaanan niya ay nawala sa isip niya na i-text si Estephanie. Isang text message ang natanggap niya mula dito.
Nanjan n u? W8 lng. May susundo s u. Nasa radio station p. Ready n ang lunch u. Etag & pinikpikan.
K, sagot niya at ipinamulsa ang cellphone.
She was a vegan for two months now. Hangga’t maari ay di siya kumakain ng karne ng hayop. Puro gulay at prutas lang. Pero dahil traditional food ng Sagada ang etag o pinatuyong karne at ang pinikpikan na manok ay kakain siya para sa mainit ng pagtanggap sa kanya ng kaibigan.
“Miss Amira Catindig?” anang lalaki na nakatayo sa tabi niya.
“Yes?” tanong niya at nilingon ito.
Medyo sumakit ang leeg niya nang tingalain ang lalaki. Nasa limang talampakan at apat na pulgada lang ang tangkad ni Amira. Habang ang lalaki naman ay halos kasingtangkad ng post eng kuryente. Marahil ay nasa anim na talampakan ang tangkad ng lalaki. Humagod ang mata niya sa matipuno nitong pangangatawan, mula sa pantalong maong paakyat sa checkered polo nito na red at black. Particular na nagtagal ang paningin niya sa dibdib nito na sumisilip sa polo nito na may tatlong butones na nakabukas. Then she was asserted by his face. THE FACE!