MATAPOS ang afternoon tea nilang mag-ina ay bumalik si Amira sa harap ng computer para i-book ang flight niya patungong Russia. Sa halip na pindutin ang Book Now button ay nagbukas siya ng panibagong window para i-search ang profile ni Don Alfonso Banal sa internet. President and CEO of Banal Group of Companies. He was seventy-four years old. Puti na ang buhok nito, kulubot ang mukha subalit makikita pa rin ang kakisigan nito sa kabila ng matandang edad.
Mukha itong mabait sa larawan ngunit nakikita niya ang kislap ng katalinuhan sa mga mata nito. Isang bilyonaryong pilantropo na nagmamay-ari ng iba't ibang negosyo sa bansa. Pero kahit na marami pa ang nagsasabing mabait ito dahil sa charity nito sa mahihirap, di pa rin maikakaila ang sinirang buhay ng negosyo nito. At alam niya ang madilim na sekreto ng mga Banal. They are evil. Hindi ko sila pwedeng pagkatiwalaan.
Bakit ko pa ba tinitingnan si Don Alfonso? Hindi ako interesado sa kanya o sa yaman niya o sa iba pa niyang apo.
Binalikan niya ang pagbu-book ng flight. Nasa kalagitnaan na siya ng pagpapasok ng numero ng credit card nang tumawag ang kaibigan niyang si Estephanie. Volunteer ito ng Nature’s Keeper at galing sa Mountain Province ang pamilya. Di kalayuan sa Benguet kung saan nanggaling ang inang si Himaya.
"Hello, Estephanie!"
"Kailangan namin ng tulong. Kailangan mong pumunta dito sa Sagada,” anito sa garalgal na boses. "Binuksan na nila nang tuluyan ang minahan. They are now clearing the forest. Malapit ito sa sikat na waterfalls. Nanganganib iyon pati ang watershed."
"What? Binuksan pa rin nila?” Ang Sagada, Mountain Province ay isang sikat na tourist destination sa bansa dahil sa kultura nito at magandang kalikasan. Kaya nagulat siya nang malamang magbubukas ng minahan doon. “Pero... anong gagawin ng isang minahan sa isang ecotourism destination?"
"Iba na dito. Ibang-iba na. Baka... baka may ibang paraan para mapigilan ang Banal Mining Corporation. Masyado silang makapangyarihan kaya hindi namin maipasara."
Naggiyagis ang mga ngipin niya. "Ang mga Banal talaga...!"
Kahit kailan ay panira ang mga ito. Ano pa nga bang aasahan niyang matino? Nagsimulang yumaman ang mga Banal dahil sa Banal Mining Corporation. At ang target ng mga ito ay ang mga mahihirap na komunidad at mga komunidad ng mga katutubo na walang kalaban-laban.
"Sa dami ng infrastructure na ipinangako nilang itatayo, hinayaan na sila ng mga opisyales. Pati mga mamamayan dito na-brainwash na rin. Akala nila ay may pag-unlad sa minahan. Na yayaman din sila. Di nila alam na pinapatay nila ang kalikasan. Naiiyak na ako sa sobrang frustration. Hindi ko maatim na sobrang laki na ng nagbago sa lugar na kinalakihan ko. H-Hindi ko na ito kilala."
" Nandiyan na ako bukas na bukas din,” sabi niya bago pa siya makapag-isip.
"Salamat, Amira. Sabi na nga ba’t di mo ako pababayaan."
Lumabas si Amira ng library at tuloy-tuloy sa kuwarto niya. Inilabas niya ang maleta at inalis ang mga makakapal na parka at coat. Pinalitan niya iyon ng maninipis na jacket at cardigan. Ihinagis niya ang mga bohemian skirts at dress na hilig niyang isuot pati na rin ang accessories.
Pumasok si Himaya sa silid niya. "Anak, kailangan mo ba ng tulong sa pag-eempake? O! Bakit maninipis ata itong mga damit na dadalhin mo?"
"Hindi na po ako tutuloy ng Sochi. Tumawag si Estephanie. Kailangan daw po niya ng tulong dahil tuluyan nang nagbukas ang minahan sa bayan nila."
"Sandali. Hindi ba taga-Sagada siya? Huwag mong sabihing doon ka pupunta?" nag-aalalang tanong niya.
Mariing nagdikit ang labi niya at puno ng determinasyon itong tiningnan. "Kailangan po ako ni Estephanie.”
Naningkit ang mga mata ng ina at hinaklit ang braso niya. "Hindi kita papayagan. Hindi ka tatapak sa bayang iyon. Hindi ka makikipagkita sa mga Banal."
"Nanay, nangako po ako kay Estephanie na ako mismo ang pupunta doon. Tawagan ninyo ang Nature's Keeper sa Geneva. Sabihin ninyo na may urgent case akong hawak. Di naman ako nakapagpa-book sa Sochi kaya walang problema.”
“Sinabi ko nang hindi kita papayagan!”
“Nanay, ngayon ang humingi ng tulong si Estephanie sa atin. Siya ang pupuntahan ko at hindi ang mga Banal. Sila ang kalaban natin dito. Saka wala ba kayong tiwala sa akin? May ginawa ba ako na pwedeng magpawala ng tiwala ninyo?"
Napilitan itong umiling. "W-Wala."
"Trabaho lang ito, Nanay. At hindi ako pupunta doon bilang isang Banal. Pupunta ako doon bilang kalaban ng Banal at di ko hahayaang manalo sila.”