“Oh!” Nasapo ni Carrie ang dibdib at nagliwanag ang mukha na parang isang malaking karangalan na tinawag ito ni Amira ng “stepmom” at kinilala agad ito. “Pwede mo naman akong tawaging Tita Carrie o kaya Ninang. Inaanak kita kung nakarating lang sana ako sa binyag mo noon. Natutuwa naman ako dahil hindi pala ako nakalimutang ikwento sa iyo ni Himaya.”
Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi ni Amira. “Siyempre naman po. Bakit naman kayo makakalimutan ni Nanay samantalang mag-bestfriends kayo? Siya ang unang kumaibigan sa inyo noong magkaklase kayo sa Benguet State University. At sa inyo rin siya tumakbo noong buntis siya nang hinahanap niya si Alfie Banal dito sa Sagada. You were even there when I was born.”
“Yes, of course. Parang tunay na nga kitang anak.” Hinawakan nito ang balikat niya at parang maluha-luha pa siyang pinagmasdan. “And now you are all grown up.”
“Nangako pa nga kayo sa nanay ko na tutulungan ninyo siya na hanapin ang tatay ko. Nangako ka na kapag nagkita kayo, sasabihin mo sa kay Alfie Banal na may anak siya kay Himaya Catindig at ituturo mo sa kanya kung nasaan ang mag-ina niya. And you found him. Pero hindi mo sinabi kay Alfie Banal ang tungkol sa amin ni Nanay. Isang taon matapos akong ipanganak, nagpakasal pa kayong dalawa sa isang magarbong kasalan dito sa Sagada. Ibang klaseng bestfriend din kayo.”
Napapatda ito. Hindi marahil nito inaasahan na alam niya ang buong kwento o magkakaharap pa sila para masabi niya ang lahat ng nalalaman niya.
Napalunok ito. “Mahal ko ang ama mo. Mali pero…”
“Nagmahal,” naglakad siya paikot dito “Kalokohang pagmamahal iyan. Itatapon mo nga siguro ang lahat ng magagandang bagay at ang katinuan ng isip mo para sa pagmamahal pero hindi valid excuse iyon para manakit ka ng ibang tao. Pero baka naman iyon talaga ang gusto ninyong mangyari.” Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa. Mula sa Giorgio Armani pointed toe sandals nito paakyat sa designer dress nito hanggang sa mamahalin nitong bracelet, kuwintas at pulseras na nagkikinangan sa ginto at mamahaling bato. Lahat ay naghuhumiyaw ng karangyaan. Inilahad niya ang palad. “Look at you now. You are a queen. Sabagay sabi ni Nanay bata pa daw kayo, pangarap mo nang makapag-asawa ng mayaman.” Pumalakpak siya. “Congratulations! Natupad ang pinapangarap ninyo na makapag-asawa ng mayaman. Isa na kayong Banal at ipinagpalit ninyo ang pakikipagkaibigan ninyo at ang buhay at kinabukasan ng isang inosenteng bata.”
Caridad hissed. Saka nanlilisik ang mata siya nitong hinarap. Lumabas na ang tunay na kulay nito. Gone was the serene and regal woman. Kaharap na niya ngayon ang isang ahas na handang bantayan ang teritoryo nito. “You have no right to judge me, you insolent girl! Mahal ko si Alfie at di dahil sa kayamanan niya. Wala kang alam sa pinagdaanan namin.”
“Relax, Stepmom. I know.” Itinaas niya ang mga palad. “It must be taxing for you to see me here. Tapos may iba pa pala kayong stepdaughter na nagsusulputan ngayon. Pinakatago-tago mo pa kami ni Nanay, mas marami pa tuloy ang kapalit. Alam ba nila ang sekreto mo? Alam ba ni Don Alfonso ang ginawa mong pagtraidor sa nanay ko?”
“Nandito ka ba para sa sabihin iyan sa pamilya ko?” Sinurot siya nito. “Subukan mo lang…”
Pumalatak siya. She was enjoying that she had the older woman’s panties in a twist. Mukhang maganda ang reputasyon nito bilang asawa ni Alfie Banal at hindi nito maaring sirain ang magandang pangalan nito. “Wala akong planong guluhin ka o ang pamilya mo. Relax, stepmom. Lumalabas ang wrinkles mo kapag galit ka.”
Sinapo nito ang pisngi na animo’y natatakot nga itong maglabasan ang mga kulubot nito sa balat at saka matiim siyang tiningnan. “Kahit na siraan mo pa ako sa kanila, walang maniniwala sa iyo. Kaya mabuti pa umalis ka na lang.”
“Kung may choice lang ako, ayoko naman talaga dito. Pero ipinasundo ako ni Don Alfonso. We have a deal so I am staying… for now. Para sa ikatatahimik mo, magpapanggap ako na ngayon lang tayo nagkakilala. Bukas na bukas din ay wala na ako sa bahay na ito. So relax. Hush hush na lang ang mga sekreto mo.” Saka niya ito kinindatan para inisin pa ito.
Ilang saglit ding nanatili ang matiim nitong anyo pero pagkuwan ay ngumiti ulit. She perfected that art. Freaking plastic. “Kumain ka na at magpahinga, hija,” anito sa malambing na boses. “Masarap iyan.”
Nakataas ang kilay niyang tiningnan ang pagkaing ihinain nito. “May lason ba iyan?”
“You are so different from your mother.”
“You mean, iba ako kay Nanay dahil hindi ako uto-uto katulad niya? Let me see. Nagtiwala siya sa lalaking pinaikot lang siya para makuha ang lupain ng mga ninuno ko. Tapos may bestfriend siyang mang-aagaw. Siguro naman hindi niya ipapamana ang kahangalan niya sa akin.”
Tumiim ang anyo nito at itinaas ang mukha. “Ipapasundo na lang kita para sa hapunan,” wika nito at lumabas ng silid.
Nakatitig lang si Amira sa pagkaing dala ng madrasta niya. Bukod sa natatakot siya na may lason iyon, nawala ang gutom niya dahil sa paghaharap nila. Isa ang babaeng iyon sa nagpahirap sa puso ng nanay niya sa nagdaang dalawampu’t tatlong taon.
Nalampasan naman niya ang paghaharap nila ni Don Alfonso at ni Carrie pero parang na-drain ang lahat ng enerhiya niya sa katawan. Hindi pa niya nakakaharap ang mga kapatid niya. And there was seven of them. Mukhang kailangan niyang kumain pero kaya ba niyang mag-take ng risk na kainin ang pagkaing dala ni Carrie? Baka kundi bumula ang bibig niya ay sasakit ang tiyan niya.
Pinag-iisipan na lang niyang kumain ng crackers na baon niya nang may kumatok sa pinto. “Sino iyan?” tanong niya.
“Si Francois ito,” anang boses sa kabila. “Pwedeng buksan mo ang pinto? May dala kasi ako para sa iyo.”
Heto pa ang isang taong ayaw niyang makaharap pero kailangan. Napilitan siyang pagbuksan ito kahit na halos hilahin niya ang sarili sa pinto. “Ano iyon?”
“May dala akong strawberry shortcake at mint tea para sa iyo.”