“May gusto ka pa ba puntahan?” Palabas na kami ngayon ng resto na aming kinainan kaya ko tinanong si Althaia kung may nais pa s’yang puntahan. Sa tingin ko kasi ay nagkaroon ulit ng panibagong enerhiya ang aking kasintahan upang makapamasyal pa ulit at masulit ang araw na ito.
Sobrang saya ko din ngayon dahil nagkaroon ako ng pagkakataon na masolo ang babaeng pinakamamahal ko. Hindi ko makakalimutan ang masayang araw na ito at aalalahanin ko ito lagi. Labis akong nagalak sa suhestiyon ni Althaia na maging madalas ang aming pamamasyal upang makaipon kami ng masasayang ala-ala.
Hindi naman kami magkakahiwalay pero para sa akin ay maganda ang ideya na kanyang naisip. Hindi naman maganda na puro sa opisina ang lagi naming maalala na aming pinagsamahan. Makakabuti din ito sa aming pag-iisip dahil nakakapagrelaks kami sa tuwing mamamasyal dito sa sentro.
Alam kong pagod na ang utak ni Althaia dahil sa pag-iisip kung paano n’ya magagamit ng maayos ang kanyang kakayahan. Hindi ko maintindihan kung bakit ganun ang nangyayari sa kanya. Sa lahat ng aking nakilala na natutuklasan ang kanilang kapangyarihan ay hindi naman nagkakaganito kagaya kay Althaia. Madalas ay nalalaman agad nila kung paano kontrolin ang kapangyarihan.
Samantalang si Althaia ay halos isang linggo na ang nakalipas buhat nang mapalabas nito ang kakayahan pero hanggang ngayon ay hindi n’ya pa rin matukoy kung paano iyon gagamitin ng tama. Hindi ko tuloy tiyak kung para kay Althaia talaga ang kanyang kakayahan dahil tila may kumukontrol sa kanya upang gamitin iyon.
Ayokong mag-isip ng kung ano pero wala na akong ibang maisip na maaring dahilan kung bakit ito nangyayari sa kanya. Maging si Marko ay sumuko na din sa pagtuturo at paggabay kay Althaia dahil wala kaming napapala. Hindi naming kailanman nakitaan ng magandang resulta si Althaia sa paggamit ng kanyang kakayahan.
Gayunpaman ay kailangan naming s’yang suportahan. Siguro ay darating din ang tamang oras para sa kanya at malalaman din kung paano n’ya magagamit ng ayos ang kanyang kakayahan. Sana lamang ay hindi iyon magtagal upang makasama na naming s’ya kapag may nakapasok na naman sa kaharian na kaaway.
“Hmm sandali iisipin ko lang.” Nilagay pa nito ang kanyang kamay sa baba upang ipakita na talagang nag-iisip pa s’ya. Ito ang unang beses na nakasama ko s’ya kaya hindi ko din alam kung ano pa ang nais n’yang puntahan. Natigil ako sa aking pag-iisip at mataman na pinagmasdan ang kasintahan.
Sobrang mahal ko na ngayon si Althaia at handa akong gawin ang lahat para sa kanyang ikaliligaya. Hindi ko s’ya pababayaan at mamahalin ko s’ya habambuhay. Hindi ako papaya na mawalay s;ya sa akin kahit kalian. Ayoko man isipin na maaari iyong mangyari pero gaya ng aking sinabi ay hindi ko iyon pahihitulutan.
Bakit parang dumoble ang kanyang ganda ngayon. Mataman ko s’yang pinagmamasdan habang nag-iisip pa din at panay ang kanyang paglinga sa paligid na tila nais tignan kung saan ang susunod na maaari naming puntahan.
Maya-maya lamang ay tumigil na s’ya sa kanyang ginagawa at halos kumikinang ang kanyang mata na tumingin sa akin. Tiyak ko na may kakaibang naiisip ngayon ang babae dahil ganito madalas ang kanyang hitsura kapag nangyayari iyon.
“Saan mo nais magtungo?” Pinangunahan ko na s’ya upang malaman ko agad kung saan kami susunod na magtutungo.
“Doon tayo pupunta.” Abot hanggang tainga ang kanyang ngiti at itinuro nito ang direksyon na aming pupuntahan. Muntik akong mapasigaw nang makita kung saan nito nais magtungo. Ito ang lugar na kailanman ay hindi ko gugustuhin na puntahan pero sa tingin ko ay wala akong magagawa ngayon lalo at kumikinang pa din ang kanyang mga mata sa sobrang saya na nararamdaman.
"S-sigurado ka ba na doon talaga tayo pupunta?” Nagbabakasali akong magbago ang isip ng aking kasama kahit alam kong hindi iyon mangyayari.
“Mukhang natatakot ka yata? Ikaw pa naman ang tinagurian na pinakamalakas sa lahat ng mandirigma iyon pala ay liwasan lamang ang iyong kinatatakutan.” Pang-aasar nito sa akin dahil nakakaloko ang ngiti nito sa akin ngayon.
Hindi ko nais ipakita sa kanya ang aking kahinaan pero kahit anong gawin kong pagpigil sa sarili ay kusa itong mararamdaman ni Althaia . Halos kilala na ako nito ng lubusan kaya kahit anong kilos ko ay alam na din n’ya ang kahulugan.
“Hindi naman sa natatakot ako pero hindi ko talaga gusto ang sumakay sa mga ganyan.” Ang tinutukoy ko ay ang mga tsubibo na nakakahilo kapag sinasakyan. Kasalukuyan na kaming nasa tarangkahe ng liwasan at kitang-kita ko na ang mga nakakalulang sinasakyan ng mga nagpupunta sa lugar. Kahit kalian ay hindi ko talaga ginusto ang magtungo ditto dahil natatakot ako sa mga nakikita kong sasakyan.
Hindi ko alam kung bakit ba naimbento ang lugar na ito na hindi naman maaaring puntahan ng tulad ko na hindi makasakay sa mga sasakyan doon. Tinignan ako ni Althaia dahil tumigil ako sa mismong tarangkahan ng lugar. Tila hindi makagalaw ang aking mga paa dahil hindi nito gusting makapasok ako doon.
Napatingin ako kay Althaia at tila mas nakakaloko ang ngiti nito sa akin ngayon. Hindi pa man ako nakakapagsalita ay hinila na ako nito upang tuluyan makapasok sa lugar. Bakit ba ang lakas nito ni Althaia at hindi ko magawang bawiin ang aking braso sa kanya. Hindi ko naman nais na gamitin ang aking lakas dahil baka s’ya naman ang masaktan.
“Althaia sandali lang.” Nagmamakaawa kong wika sa kanya para tumigil muna ito sa ginagawang paghila sa akin. Mabuti naman at nakinig s’ya sa akin.
“Bakit?” Sigurado akong natatawa ngayon si Althaia kaya pinandilatan ko s’ya ng mata. Seryoso ako ngayon at hindi nagbibiro dahil hindi ko talaga kaya ang sumakay sa mga ganung bagay.
“Ang totoo ay nahihilo ako kapag sumasakay sa mga ganyan kaya hindi kita masasamahan.’ Pag-amin ko sa kanya. Kasintahan ko si Althaia kaya dapat lang nitong malaman ang aking kahinaan. Tiyak na maiintindihan n’ya iyon. Nagulat ako ng bigla na lamang humaglpak ng tawa ang aking kasama dahilan para takpan ko ang kanyang bibig.
“Hindi ako makapaniwala na ang isang Deimos ay takot pala sa liwasan.” Nagpipigil na s’ya ng pagtawa ngayon dahil seryoso na akong nakatingin sa kanya. Hindi ako sumagot at hindi na din pinasin ang babae dahilan para sumeryoso na din s’ya.
“I’m sorry, sige dito ka lang at hintayin mo na lang ako. Gusto ko lang ulit makasakay sa tsubibo dahil ang huling sakay ko ay noong kasama ko pa ang kinikilala kong mga magulang.” Malungkot na wika nito sa akin.
Natigilan ako sa aking narinig. Hindi ko akalain na may kahulugan pala kay Althaia ang lugar na ito kaya ganun na lamang ang kanyang kagustuhan na magtungo dito. Gusto kong maging masaya s’ya at nais ko s’yang damayan pero hindi talaga sigurado kung kaya kong sumakay sa bagay na iyon.
“Ayos lang ako kaya hintayin mo na lamang ako dito.” Tila nabasa nito ang aking iniisip kaya niyakap pa ako nito upang sabihin iyon.
“Salamat, mag-iingat ka sa iyong pagsakay.” Kumawala na ako sa kanyang pagkakayap at inihatid pa ang aking kasintahan sa kanyang nais sakyan. Halos malula ako ng makita kung gaano iyon kataas kahit hindi naman ako sasakay sa bagay na yun.
“Hindi ko kaya dito kaya hihintayin na lamang kita malapit sa may tarangkahan.” Paalam ko sa kanya nang makasakay na ito. Nakangiting tumango s’ya sa akin bilang sagot. Umalis na ako doon dahil pakiramdam ko ay masusuka na ako sa pagkahilo.
Pinipilit ko ang aking sarili na tignan s’ya ngunit hindi ko talaga kayang tagalan dahil nagsimula na din sa pag-andar ang sinasakyan nitong tsubibo. Baka bago s’ya matapos ay nakahandusay na ako dito sa tarangkahan dahil sa sobrang pagkahilo. Pasulyap-sulyap na lamang ang aking ginawa upang kahit papaano ay makita ko pa din s’ya. Hindi ko alam kung ilang ikot ang gagawin nila pero sana ay mabilis lamang iyon upang matapos agad.
Abala ako sa pagtingin ng ibang tao na nasa liwasan nang bigla akong makaramdam nang paggalaw ng lupa. Tila lumilindol ngunit mahina lamang iyon. Agad akong naalarma at mabilis na tinignan ang puwesto ni Althaia. Tila nawala ang pagkatakot na aking nararamdaman dahil sa aking pag-aalala kay Althaia.
Marahil ay naramdaman din ng nagpapaandar sa bagay na iyon kung anong nangyayari kaya itinigil agad nito ang pagpapaikot sa bagay. Nawala din naman agad ang mahinang lindol ngunit napalitan iyon ng malakas na pagsabog.
Hindi ako maaaring maatili dito sa liwasan dahil kailangan kong alamin kung ano ang nangyayari. Sinenyasan ko si Althaia na babalikan ko na lamang s’ya dahil kasalukuyan pa din silang nakasakay sa bagay na yun at iniisa-isa silang ibinababa.
Hindi ko man nais iwanan si Althaia pero sigurado akong naiintindihan nito ang aking gagawin dahil parehas namin itong tungkulin. Naintindihan naman ni Althaia ang aking gagawin kaya tumango na lamang s’ya at sumenyas pa sa akin na tila itinataboy ako nito paalis ng liwasan upang magtungo kung nasaan ang pagsabog.
Tumakbo agad ako upang makarating doon. Baka kasi may mauna sa aking mamamayan ng kaharian at kung ano ang mangyari sa kanila. Mas mabuti na ako ang mauna doon dahil isa akong mandirigma upang makatawag na din ng tulong kung sakaling kakailanganin.
Malayo pa lamang ay natatanaw ko na ang mahinang usok na tiyak kong nagmumula kung saan nangyari ang pagsabog. Agad akong nagtanong kung may nakalapit na bas a pinangyarihan. Mabuti na lamang at alam na ng ilang mamamayan ng Daesyn kung ano ang dapat nilang gawin kapag may ganitong pangyayari.
“Maraming salamat. Sige maghintay na lamang kayo dito at ako na ang magtutungo doon. Sesenyas na lamang ako sa inyo kung kakailanganin ko ng tulong.” Pagbilin ko sa mga mamamayan na malapit sa nangyaring pagsabog.
Unti-unti nang nawawala ang mahinang usok at medyo natatanaw ko na din ang hitsura ng paligid kung saan nangyari ang biglaang pagsabog. Laking pasalamat ko at hindi iyon sa mga tindahan nangyari at sa halip ay sa medyo liblib na lugar kung saan madaming punong kahoy. Indikasyon lamang iyon na walang masasaktan na nilalang sa nangyari lalo at wala pa daw nagtatangkang lumapit doon.
Hindi ko alam kung namamalikmata ako pero tila anyong tao ang aking nakikita sa lugar na iyon. Malapit na ako at nasisiguro kong tao nga ang nandoon. Akala ko ba ay wala pang nagtatangkang lumapit sa pinangyarihan ng pagsabog pero bakit may tao na nandito.
“A-ayos ka lang ba?” Nag-aalalang tanong ko sa kanya kahit nakatalikod pa ito sa akin pero sinigurado kong alerto pa din ang aking pakiramdam kung sakaling may masamang mangyari. Hindi ako sigurado kung tao nga ang nilalang na ito dahil pinanghahawakan ko kung ano ang sinabi ng mga mamamayan na aking nakausap kanina.
Saglit akong natigilan nang humarap sa akin ang nilalang at mapagtanto na isa itong babae. May iba akong pakiramdam sa kanya pero nawala din iyon nang makita ang kabuuan ng katawan nito. Walang duda na isa s’yang tao.
Tila nagulat din s’ya nang ako ay makita dahil hindi ito gumagalaw sa kanyang puwesto. Pinagmasdan ko ang pinangyarihan ng pagsabog pero walang ibang bagay ang naroon kaya medyo naguguluhan ako kung anong nangyari. Inilibot ko pa ang aking paningin pero wala talagang kakaiba o kahit anong nilalang bukod sa babae na nasa aking harapan ngayon.
Natutop ko ang aking bibig dahil wala na ngayon ang babae. Saglit ko lamang na inalis ang paningin sa kanya ngunit agad itong nawala. Siguro ay hindi s’ya normal na tao para mawala ng ganun kabilis. Tinawag ko ang pansin nito ngunit wala akong narinig na kahit anong sagot. Nang masigurong wala na talaga ito sa paligid at walang kahit ano sa nangyaring pagsabog ay nagpasya na akong bumalik sa liwasan. Hindi ko gugustuhin na mag-alala sa akin si Althaia.
Ipinaliwanag ko na din sa mga mamamayan malapit sa pinangyarihan kung ano ang aking natuklasan maliban sa babaeng biglang nawala upang mapanatag ang kanilang kalooban. Sigurado naman ako na wala talagang ibang bagay ang naroon na maaaring magdulot ng kapahamakan sa kanila.
Agad akong sinalubong ni Althaia nang makita ako nitong palapit sa kanyang kinatatayuan. Base sa kanyang hitsura ay mahahalata mong nag-aalala na s’ya. Agad ko s’yang niyakap upang mawala ang pag-aalala nito sa akin.
“Ayos lang ako at wala naman kakaibang bagay na nandoon ngunit may nakita akong babae na sa aking paningin ay tila may kapangyarihan dahil bigla s’yang naglaho.” Pinangunahan ko na si Althaia upang hindi na s’ya magtanong sa akin. Hindi ko inilihim sa kanya ang tungkol sa babae na aking nakita dahil kasintahan ko s’ya at kasama din sa trabaho.
“Sino kaya s’ya?” Palaisipan na tanong ni Althaia. Hinawakan ko na lamang ang kanyang kamay upang makabalik na kami sa opisina at saka na lang namen pag-uusapan ang tungkol sa babae na aking nakita.
“Malalaman ko din kung sino ka.”