CHAPTER 5: Sino Ka?

1669 Words
(SA ISANG LUGAR SA KAHARIAN NG ARAHANDRA) ~ ISANG ORAS bago magsimula ang pagdiriwang. “Nasisiguro mo ba na sa inumin ng sampid na iyon nailagay ang lason?” “Nasisiguro ko po?” “Siguraduhin mo lamang na ang binatang iyon ang malalason. Kung hindi, alam mo na ang iyong sasapitin. Kapalpakan kapalit ay kamatayan.” Napalunok ang lalaking utusan. “Maasahan po ninyo. Ngunit bakit hindi nakamamatay na lason ang inyong ibinigay?” Ngumisi ang amo. “Dahil nais ko lamang magbigay ng banta sa hari na hindi lahat ay sang-ayon sa kanyang nais na ang bastardo niyang anak na mula sa ibang mundo ang maghari sa ating kaharian. Isa iyong panghahamak at pang-iinsulto sa ating mga Aran. Ang ating kaharian ay para lamang sa ating lahi!” (PETER) ~ RAMDAM ANG tensiyon sa loob ng bulwagan. Halos kalahating oras na ang lumipas mula nang ipasara ni ama ang lahat ng madadaanan palabas at papasok ng palasyo at pinabantayan ang buong islang nakalutang sa hangin na hulihin ang sino mang aalis. At wala pang nalalaman ang mga bisita sa nagaganap, wala pang pahayag mula kay ama dahil maaring isa sa mga bisita ang suspek sa paglalagay ng lason sa aking inumin. Sa pangalawang araw ko sa mundong ito, may banta na ang buhay ko. Walang ni isang tumayo o nagtanong sa nagaganap. Siguro sa kahariang ito, batas ang bawat salita ng hari. Tipong walang maglalakas loob hangga’t walang binibitiwang utos si ama at walang magtatanong o magsasalita sa kung anong nangyayari hangga’t walang pahayag ang aking amang hari. “Mahal?” may pag-aalalang saad ni ina kay ama na kasalukuyang nakamasid sa lahat. Tumango si ama na naunawaan ang nais iparating ni ina sa pagsambit lamang ng pagtawag sa kanya. Tumayo si ina at nilibot ang tingin sa lahat mula sa mesa ng sa palagay kong miyembro ng bughaw na pamilya hanggang sa mesa sa bandang kanan na pinakamalapit na sa amin – mesang umagaw ng pansin ko dahil sa isang napakagandang dalaga. Pakiramdam ko nga, hindi lamang takot ang dahilan ng paglakas ng pintig ng puso ko kundi- Hay, imposible. Napangiti ako sa kalokohan ko, sa sandaling may gustong pumatay sa akin kasabay no’n pumapag-ibig ako? Pero talagang napakaganda niya na napako talaga ang tingin ko sa kanya at kusang gumuhit ang ngiti sa mukha ko. Tinatanong ng isip ko, kung sino siya? Pakiramdam ko, hindi ito ang una at huli naming pagkikita. At nagtama ang aming mga mata! Nakatitig na kami ngayon sa isa’t isa! Napakaamo ng mukha niya. Sa palagay ko magkaedad lang kaming dalawa. Nakalugay ang mahaba niyang buhok at may mga palamuti, mga batong kumikinang at gintong ipit. Mahabang kulay abo ang kanyang suot na may mga palamuting asul na kristal at mga bato sa kabuuan. Para akong dinala sa ibang lugar sa pagtama ng aming mga mata – lugar ng pag-ibig. Kung puwede lang na lapitan ko na siya at tanungin ang pangalan niya? Napalunok ako at natauhan nang magsalita ang aking inang reyna. “Sa mga kagalang-galang na miyembro ng bughaw na pamilya,” paunang saad ni ina habang nakatingin sa mesang pahaba sa kaliwa. Tama ako, pamilya Agila nga sila. “At sa mga kagalang-galang na mga pinuno’t opisyal ng mga bayan at sa kani-kanilang pamilya. Nais kong humingi ng paumanhin kung nabigla man kayo sa mga kawal sa paligid.” Ngumiti si ina. “Hindi na makapaghintay ang ating Mahal na Hari na ianunsiyo ang dahilan nang pagtitipon-tipon na ito. Nais nang ihayag ng aking mahal na kabiyak ang dahilan nang pagdiriwang! Narito ang mga kawal upang masaksihan din ng mga nakakataas na kawal-opisyal ang makasaysayang araw na ito bago pa man malaman ng buong kaharian!” Nawala ang tensiyon sa bulwagan at nagpalakpakan ang lahat. Ngunit nanatiling nakasara at may bantay ang mga daraanan. Tumayo si ama at nakangiting pinagmasdan ang lahat. At nagsimula siyang magsalita na parang walang nangyaring pagbabanta sa buhay ko. Ngunit nagpapanggap lamang si ama. Nagtama ang aming mga mata nang lingunin niya ako. Ang aming pamilya ang pinuno ng kahariang ito, batid kong hindi makabubuti na malaman ng aming mga nasasakupan na may banta sa aming buhay. Gets ko ang aking amang hari at inang reyna, tahimik nilang aalamin at pagbabayarin ang nagkasala. “Nais ko nang makilala ninyo ang aking anak!” pahayag ni ama at itinuro niya ako ng kanyang kanang palad kasabay nang senyas na tumayo ako. Tumayo ako, ngumiti at pinagmasdan ang lahat. Huling dumapo ang mga mata ko sa miyembro ng bughaw na pamilya. Walang ngiti sa mukha ng ni isa man lang sa kanila. Maari kayang, isa sa kanila? Alam nilang ako ang maaring maging sunod na hari. Posible kayang dahil sa kapangyarihan kaya may banta sa buhay ko? Marami na rin akong mga napanood na pelikula at series tungkol sa agawan ng kayamanan at kapangyarihan tulad ng pagiging hari. Madalas, kung sino pa ang malalapit sa iyo at pinagkakatiwalaan, iyon pa ang nais na pabagsakin ka. Sabi ni ama kanina, hindi magiging madali ang lahat at magtiwala lamang ako sa kanya. Maaring ang sitwasyong ito, ang ibig niyang sabihin. At ito, ay simula pa lamang. Nagpatuloy si papa. “Paumanhin kung naabala ko ang inyong pagkain. Ngunit nais kong kasabay ng pagtanggap ninyo sa inyong katawan ng mga nakahaing pagkain ay tanggapin ninyo ang aking tagapagmana. Ang nag-iisa kong anak, si Prinsepe Peter Agila!” proud at pasigaw na pakilala sa akin ni ama sa lahat. Nagpalakpakan ang lahat at lahat ng mga mata ay nasa akin. Hindi ko alam kung ano ang pagkakakilala sa akin ng mga narito. Ngunit kung ano man ang kuwento sa likod ng lahat, na siyang kuwento na sa likod ng aking pagkatao na aking magiging katauhan ay tatanggapin ko. Inangat ni ama ang kanyang kamay tanda na may nais pa siyang sabihin – huminto ang palakpakan at muling ang atensiyon ng lahat ay itinuon sa amin. “Ngayon pa lamang, ipinahahayag ko na sa lahat! Na ang aking anak!” Pinukol ng tingin ni ama ang kamiyembro ng aming pamilya bago niya harapin ang karamihan. “Ang sunod na magiging hari ng Arahandra!” sigaw ni ama at inangat niya ang kaliwang kamay ko. Para kaming kandidato na sinisiguro sa lahat na hindi bababa ang pamilya namin sa puwesto. Muli akong nakaramdam ng tensiyon at nakadama ng pressure lalo na nang magsigawan at magpalakpakan ang mga bisitang pinuno’t mga opisyal ng mga bayan kasama ang kani-kanilang pamilya. Nagpapakita sila ng suporta sa akin. Ngunit sa kabila no’n, biglang may pumitik sa pakiramdam ko na may mga matang nais akong saktan – mga nanlilisik na titig na nais akong mapahamak. Mas tumindi ang banta sa aking buhay. “Magsiupo na kayong lahat at ituloy ang inyong naudlot na pagkain. Muli, paumanhin,” magalang na saad ni ama. Naupo kami at nagsiupo na rin ang lahat ngunit nanatiling nakabantay sa paligid ang mga kawal. May kawal na lumapit kay ama, ang lalaking nakausap din ni ama kanina na inutusan niyang ipasara ang palasyo. “Ihayag mo,” utos ni ama nang mapuna niya na tila nag-aalangang magsalita ang kawal. “Hayaan mong marinig ng Ating Prinsepe ang iyong ibabalita.” “Kamahalan, may nahuli kaming ispiya na palagay namin ay ang salarin sa paglalagay ng lason sa inumin,” wika ng lalaking kawal. “Ano ang pagkakakilanlan ng kriminal?” tanong ni ama. “Isang binatang Yahan,” tugon ng kawal. “May nakita kaming maliit na butelya nang saliksikin namin ang kanyang katawan. At positibo iyong nakilalang lason ng ating tagasuri.” Napakuyom si ama. “Ipiit ang hangal na iyon sa pinakadulong piitan. Huwag ninyo siyang pahirapan, nais ko siyang makausap nang maayos.” “Masusunod, Kamahalan,” huling sinambit ng kawal at umalis na ito. Nagsialisan na rin ang mga kawal at natira na lamang ang mga dati nang nakatalagang magbantay sa pagdiriwang. Napahinga ako nang malalim. Kung gano’n, maaring wala sa miyembro ng bughaw na pamilya at sa mga panauhing narito ang suspek. Pero hindi pa rin nawawala ang masamang kutob ko sa paligid. “Ya-han?” natanong ko. “Ang mga mortal nating kaaway, mula sa kaharian ng Yahara na Kaharian ng Niyebe,” sagot ni ama. “Hindi ngayon ang oras upang pag-usapan at alamin mo ang bagay tungkol sa kanila. Nais kong makita ka ng lahat ngayon na masaya at isang prinsepeng magiliw.” Dimampi ni ama ang kanyang palad sa aking balikat at tinapik-tapik ako. “Bukas na bukas, sisimulan natin ang iyong pagsasanay upang maging bihasa ka sa pakikipaglaban, anak.” Napatango na lamang ako. Nagkamali ba ako ng pinasok na mundo? Makipaglaban? Mortal na kaaway? ~ NAGPAALAM AKO kay ama na sasaglit muna ako sa aking kuwarto para magbanyo dahil sa dami kong kinain. Na sa totoo lang, hindi na ako nakakain nang maayos matapos ang mga nangyari. Ni ayaw ko pang uminom ng kahit anong inumin kung hindi lang ako pinilit ni ina, at sinubukan niya muna ang inuming inaalok niya sa akin. Nakaakyat na ako ng hagdan. Tinalikod ko ang bulwagan at saglit pinagmasdan ang mga nagsasayawan. Gusto pa akong pasamahan ni ama ngunit sabi ko hindi na kailangan dahil nahuli naman na ang may sala. At dahil sa totoo lang, nais ko lang naman makalayo sa ingay. At magmuni-muni saglit. Day two ko pa lang dito, parang siksik-liglig na ang mga kaganapan. Malapit na ako sa aking silid, ilang hakbang na lamang nang may maramdaman akong nakasunod sa akin – humahakbang ako, humahakbang din ito. Walang ni isa sa lugar na kinaroronan ko sa amin. Pasimple kong hinawakan ang balisong na bigay sa akin ni mama na inipit ko sa beywang ko sa bandang harapan ko. Mabilis akong humakbang at kumilos. Nailabas ko ang patalim ng balisong at hinarap ko ang sumusunod sa akin habang mahigpit kong hawak ang nakatutok kong patalim sa kanya. Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ko ang nakasunod sa akin. Ang magandang dalaga kanina. “Sino ka?” tanong ko sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD