CHAPTER 6: Magandang Dilag

1817 Words
“HINDI MO ba nalalaman na kaya kong patalsikin ka sa isang kumpas ko lamang? Kaya walang silbi ang pagbanta mo sa akin ng kakatwa mong patalim, Prinsepe Peter Agila,” matapang na saad ng magandang dalagang Aran. “Ikaw? Ikaw ang naglagay ng lason?” madiing tanong ko at mas inalerto ko ang aking sarili. Maaring may kapangyarihan siya. “Lason?” pagtataka niya. Nagkukunwari ba siyang walang alam? “Bakit gusto mo akong patayin?” Hindi siya sumagot bagkus ay humakbang siya palapit sa akin. “Ano’ng dahilan?!” sigaw ko. Ngunit sa utak ko, buo na ang rason kung bakit may nais na ako ay mapahamak. “Kumalma ka, Prinsepe,” aniya. “Utos ito sa akin ng iyong amang hari na sundan kita.” “Nagsisinungaling ka!” Ngumiti lamang siya. “Mula ako sa maharlikang pamilya na pinuno ng bayan ng Amarra,” nakangiting sabi niya. Maamong ngiti na tila hinihikayat akong maniwala sa kanya. Hay, papatinag ba ako? Kailangan ko maging alisto! Maaring nililinlang lamang niya ako! “Ako si Arriane. Ang nag-iisang anak ng pinuno ng Amarra,” pakilala niya. Napalunok ako. Napagmasdan ko ang kagandahan niya. Ngayon lamang ako nakakita ng tulad niya na sobrang ganda! Gusto ko na yatang ibaba ang balisong ko! Inalok niya sa akin ang kanyang kanang kamay bilang tanda ng pormal na pagpapakilala. Hindi siya nagpapakita ng takot kahit nakatutok pa rin sa kanya ang patalim ko. Kakaiba siya. Tiyak akong may kakayahan siya sa pakikipaglaban at may taglay na kapangyarihan. Mas matanggakad ako ng kunti sa kanya at tingin ko, mas matanda rin ako ng isa o dalawang taon. Sexy siya, na nagpalunok muli sa akin nang mapagmasdan ko ang katawan niya. Pero inaalam ko lang naman kung gaano siya kalakas. Wa-lang-ma-lis-ya. “Prinsepe, wala akong masamang hangarin,” aniya na nandoon pa rin ang matamis na ngiti kahit pinapakitaan ko siya ng pagduruda. Napakakalmado niya kahit pa may patalim na nakatutok sa kanya. Binaba ko ang kamay ko at itinago ang talim ng aking balisong. Bumigay na ako. At nagtiwala na sa kanya. Arriane, iyon ang pangalan niya. Binigkas ko ‘yon sa isip ko na may maliit na ngiti. “Ako si Prinsepe Peter Agila,” pakilala ko kahit pa binigkas na niya ang pangalan ko. Inabot ko ang kamay niya. Sobrang lambot na tuluyan nang nagpapawi ng pagduruda ko sa kanya. Hindi ko akalaing ganito ako karupok sa magandang dilag! Para pa akong may naririnig na matamis na musika. Tama si mama, binata na nga ako. “Ikinagagalak kitang makilala, Prinsepe Peter,” sambit niya. “G-Gano’n din ako, Arriane,” sambit ko na tuluyan nang ibinigay sa kanya ang aking matamis na ngiti. Gusto kong manalalim ngayon para alamin kung tatapat ba ang kaguwapuhan ko sa kanyang taglay na ganda. Bakit ganito ako? Bigla akong na-conscious sa sarili ko? Hay! “Ang sabi ng hari ay gagamit ka ng palikuran,” aniya nang magkahiwalay na ang aming mga kamay. “Ha?” “Magbabawas ka, hindi ba?” “Ha?” “Pumasok ka na sa iyong silid, maghihintay ako sa iyo rito sa labas.” “Ha?” Hindi nga siya nagsisinungaling. Pero bakit pati ‘yon sinabi ni ama? Hay! “Sige na, Prinsepe,” muling sabi niya na sumenyas pa ang mga kamay sa akin na tumungo na sa kuwarto ko. “Makakagaan ng pakiramdam ang pagbabawas ng laman ng tiyan,” sabi niya pa na gusto ko na lang magpalamon sa sahig na kinatatayuan ko. Hay, sinasabi ba talaga dapat ‘yon ng magandang dalaga sa ‘yo sa una ninyong pagkikita’t pagkakakilala? “A-Ang totoo niyan, hindi talaga ako gagamit ng banyo. Nais ko lang –” “Lumayo sa ingay?” pagtutuloy niya sa sinabi ko. Hinawakan niya bigla ang kamay ko. “Halika, may alam akong lugar na tahimik dito sa palasyo.” Niyayaya niya ba ako sa kung saan? Tahimik na lugar? Kaming dalawa lang? Bigla niya akong hinila patakbo at napasunod na lamang ako sa kanya. Muli na naman akong nakakarinig ng sweet na music na parang bumagal pa ang lahat. Pero may literal pala talagang tugtog na nagmumula sa bulwagan. Umakyat kami ng hagdan at biglang may naramdaman akong malamig na ihip na hangin na bumalot sa akin. At kasabay no’n, tila lumipad kaming dalawa na mas naging mabilis ang pag-angat namin. Lumulundag kami nang mataas na parang napakagaan lang namin, para lang kaming bulak na tinatangay ng hangin, nagpalipat-lipat kami ng palapag paakyat. Gawa niya ang lahat nang ito, may superpowers siya. Habang nasa ganoon kaming sitwasyon, para akong tangang nakangiting nakatitig lamang sa kanya – nililipad-lipad ang mahabang manipis na kasuotan niya at ang kanyang mahabang itim na buhok na kay bango. Tinalo niya pa ang mga nasa commercial ng shampoo. Naloko na. Habang pataas kami nang pataas, tila nahuhulog naman ako nang tuluyan sa kanya. Lumapag kami. Hindi ko na alam kung ilang palapag na ang taas namin. Nasa mahabang pasilyo kami na sa dulo ay may balkunahe. At kami lamang ang narito, as in solong-solo namin ang lugar. Naglakad kami sa pasilyo, nakangiti siya’t nakatingin sa akin kaya parang naiilang ako. Narating namin ang balkunahe. “Tahimik na hindi ba?” sambit niya. Sa lugar na ito, hindi na naririnig ang musika mula sa bulwagan. Gumuhit ang ngiti sa aking labi. Nakatitig lang ako sa kanya habang nililipad-lipad ang mahaba niyang buhok ng ihip ng hangin. “At napakaganda,” sambit ko. Ngumiti siya at hinarap ang tanawin. Napailing-iling na lang ako. Korni para sa akin ‘yong mga gano’ng eksenang napapanood ko sa mga pelikula pero kanina nagawa ko. Hay! Tinanaw ko na rin ang paligid, nasa ibabaw kami ng mga ulap. Sobrang ganda at napakapayapa. “Pa’no mo nalaman ang lugar na ito?” natanong ko. “Mula pagkabata ko, lagi na akong sinasama ng aking ama sa pagpupulong nila dito sa palasyo. Ako ang nag-iisang anak nila ni ina, kaya ako ang tagapagmana ng kanyang katungkulan. Kaya naman sinanay na ako ng aking ama sa ganito, na maging pinuno ng bayan at humarap sa hari. Sa tuwing nagpupulong sila, pumupuslit ako kaya nalaman ko ang lugar na ito. At naging paborito ko na ang lugar na ito. Walang pagkakataong hindi ko ito tinutungo sa tuwing narito ako sa palasyo.” Napangiti ako. Sa tingin ko, magiging paborito ko na rin ang lugar na ito. Pumikit ako at nilasap ang bawat pagdampi ng sariwa’t malamig na hangin sa akin. Gumaan ang pakiramdam ko, nawaksi ang pag-aalala sa kaninang nangyari. At pakiramdam ko, naging palagay na ang loob ko kay Arriane. Sa pagdilat ko, nilingon ko siya at nakatingin siya sa akin. “Ngayon alam ko na kung bakit ka pinasundan sa akin ng hari,” saad niya. “Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ko. “Dahil hindi ka panatag sa pagtitipon. Hindi mo iyon nakagawian, tama? Hindi ka sanay sa mga matang nakatingin sa iyo?” Tumango ako. At muli naming hinarap ang mga ulap. At saglit na namayani ang katahimikan. Tama siya sa sinabi niya. Ngunit kailangan kong masanay sa gano’ng set up. Alam kong makakaya ko ‘yon. “Kung gano’n, magiging pinuno ka ng bayan?” pagbasag ko sa katahimikan. “Hindi na,” tugon niya at nilingon ko siya. “Hindi na?” tanong ko. “Malalaman mo rin ang dahilan,” sagot niya. “Sa sandaling ito, maaring kapulong na ng aking pamilya ang hari’t reyna,” pahayag niya. Hindi na ako nagsalita pa. Sana mali ang naiisip ko, na baka paalisin sa katungkulan ang kanilang pamilya. Pumikit siya at nilasap ang simoy ng hangin. Rumurupok na naman ako. Kaya naman hinarap ko na lamang muli ang mga ulap. “Paumanhin…” Narinig naming tinig ng lalaki mula sa aming likuran. Halos sabay kami ni Arriane na hinarap ang may-ari ng boses na iyon. “Paumanhin kung maaabala ko kayo, ngunit pinapatawag na kayo ng hari,” pagpapatuloy nito. Nakilala ko ang binata, miyembro siya ng bughaw na pamilya. Galing niya naman, nahanap niya pa kami rito? Napalingon ako kay Arriane, mukhang magkakilala sila? Tumalikod na ang lalaki na sa tingin ko kaedaran ko lang at sumunod na kami sa kanya ni Arriane. Naglakad kami sa pasilyo. “Sandali?” sabi ko, pagtawag sa binatang nasa harapan namin. Humarap ito. “Ano’ng pangalan mo? Miyembro ka ng bughaw na pamilya, tama?” tanong ko. Huminto kami at humakbang palapit sa amin ang lalaki. Bakit ganyan ang awra niya? Pinaparamdam niya ba sa akin na hindi niya ako tanggap? Gusto ko na namang maghinala na sila talaga ang nagtangkang lumason sa akin. Pero bigla rin itong ngumiti. Nagpapa-cute ba siya kay Arriane? Bakit parang sumisimple ‘to? Nakangiti siya pero iba ang dating sa akin. Babantayan ko ang kilos ng kumag na ‘to! Nagsalita ang kumag. “Ako si Arvan Agila, miyembro ng bughaw na pamilya,” pakilala niya at inalok ang kanyang kamay. “Prinsepe Peter, ako ay iyong pinsan,” dagdag niya pa. Nang nagkakamay na kaming dalawa. “Ikinagagalak kitang pormal na makilala.” Magsasalita na sana ako ngunit nagtuloy-tuloy ito sa pagsasalita nang maghiwalay na ang aming mga kamay. “Kapatid ng aking amang si Prinsepe Celesto ang Mahal na Haring Virgilio,” pagpapatuloy niya. “Kung gano’n, isa ka rin prinsepe katulad ko?” tanong ko. Umiling si Arvan. “Ang tanging kinikilalang prinsepe ay ang anak ng hari,” tugon niya. “Gano’n ba ‘yon?” nasabi ko na lang. Malay ko ba kasi. “Magkakilala kayo?” tanong ko sa kanila ni Arriane. “Nagkikita kami rito sa palasyo. At bawat pamilya ng mga pinuno ng bayan ay pamilyar ako,” sagot ni Arvan. “Halina kayo, naghihintay na ang lahat,” aniya at tinalikuran na kami. Ngayon lang ako nagkapinsan tapos ganito pa. Parang nakakailang. At ‘di ko gusto. Sumunod kami ni Arriane kay Arvan hanggang sa marating namin ang hagdanan. “Ako na ang bahala sa Mahal na Prinsepe, Binibining Arriane. Maari ka nang mauna sa silid pulungan,” sambit ni Arvan. Akala ko mauuna na siya? “Maiwan ko na kayo, Prinsepe Peter at Ginoong Arvan,” saad ni Arriane. Ba’t ang pormal niya. Hay, nakakailang! Ang galang-galang! Lumundag si Arriane paibaba, nagpalipat-lipat siya sa hawakan ng mahabang hagdanan. Hinawakan ako sa braso ni Arvan at naramdaman ko ang malamig na hanging bumalot sa akin. Umangat kami sa sahig at mabilis na lumipad paibaba. Ngunit bigla na lamang bumagal ang lipad namin na ipinagtaka ko. “Kung bibitawan kita mula rito, magagawa mo kayang iligtas ang iyong sarili, Prinsepe Peter?” narinig kong tanong ni Arvan na nagbigay sa akin ng labis na kaba at napatitig ako sa kanya nang husto. At naging takot ang kaba sa dibdib ko nang lingunin niya ako na may nakakaloko’t patabinging ngiti. Hindi siya nagbibiro. Tinatangka niyang patayin ako!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD