CHAPTER 7: Ang Mga Bughaw Na Pamilya

2408 Words
~ NOONG BATA pa ako, kumag na ang tingin ko sa mga epal na bata na tinutukso ako at inaaway. Hanggang sa tumanda ako nakasanayan ko nang kumag ang bawat taong hindi ko gusto at kasundo. Sa mundong ito, may kumag na akong nakilala! “Kumag ka!” madiing sambit ko sa nagpakilalang pinsan ko. At kinapitan ko siya, mahigpit kong hinawakan ang kuwelyo ng damit niya ng kaliwa kong kamay. At pinilit kong tanggalin ang pagkakahawak niya sa braso ko. “Kumapit ka nang mahigpit, baka talaga mahulog ka,” nakangiting sabi niya. “Siraulo ka!” sigaw ko. Siguro nasa limang palapag pa ang taas ng kinaroroonan namin. “Binibiro lang kita,” sagot ni kumag. “Hindi nakakatawa!” saad ko. Mula pa noon, hindi na nakakatawa para sa akin ang biro ng mga bully na bata. Hindi nakakatawa na pinagtatawanan nila kami ni mama. Kaya hindi ko na inalam ang dahilan kung bakit baliw ang tawag kay mama ng aming mga kababaryo – simple lang, dahil hindi iyon totoo. Kumag lamang ang mga ‘yon na pinagkakatuwaan ang mahihina. Sa mundong ito, hindi ako magiging mahina! Wala nang sino man na pagkakatuwaan ako! Nagawa kong mabawi ang kanang kamay kong hawak ni kumag at hinawak ko na rin nang mahigpit sa kuwelyo ng kanyang kasuotan. Ramdam kong nakalutang pa rin ako, nababalot pa rin ako ng hanging kinontrol niya. Muli kaming pumaibaba. At wala pang segundo, lumapag na kami. Patulak kong binitiwan ang kumag at pinanlisikan siya ng mga mata. Ngunit tumatawa-tawa lamang siya! “Kumalma ka, Prinsepe Peter,” sambit niya. Hindi ako nagpatinag sa pagtitig sa kanya nang masama. Kinuha ko ang balisong at mabilis inilabas ang talim nito at itinutok sa kanya! Nawala ang ngiti sa kanyang mukha at yumuko siya. “Paumanhin Mahal na Prinsepe. Ngunit totoong nagbibiro lamang ako. Nais ko lamang maging komportable tayo sa isa’t isa bilang magpinsan na nasa iisang pamilya. Pakiusap patawarin ninyo ako kung naging labis ang aking pagbibiro.” Bumuntong-hininga ako, huminga nang malalim at bumuga ng hangin upang pakawalan ang kaba sa dibdib ko. Nakayuko pa rin siya sa paghingi niya ng tawad. “Arvan, tama?” ani ko. “Opo, Kamahalan,” tugon niya na nakayuko pa rin. Tsk! Kamahalan daw? Tapos ginano’n niya ako? Itinago ko ang talim ng balisong ko at isinuksok sa aking beywang. “Umayos ka ng tayo at harapin ako,” pautos na sambit ko. Na agad naman nitong sinunod. “Ginawa mo ba iyon, dahil mas mahina ako sa ‘yo? Dahil alam mong wala pa akong kakayahang lumipad kaya minamaliit mo ako at pinaglalaruan?” “Patawad, Prinsepe Peter. Ngunit wala akong intensiyong masama maniwala ka.” Pinagmasdan ko siya. Nakikita kong mukhang nagsasabi siya ng totoo. “Sino ang mas matanda sa ating dalawa?” tanong ko. “Sa pagkakaalam ko ay mas matanda kayo nang ilang buwan sa akin, Kamahalan,” sagot niya na may pagpapakumbaba at paggalang. Nakaramdam ako ng pagkailang na parang ako na tuloy ang may ginawang masama. “Matanda pala ako sa ‘yo ngunit nagawa mo sa akin ang birong iyon? Na isang pagbabanta sa buhay? Ako na prinsepe ng palasyong ito?” “Labis akong humihingi ng tawad, Kamahalan.” “Sige na, sige na!” sabi ko. “Basta ‘wag mo nang uulitin ‘yon, dahil hindi magandang biro para sa akin ang gano’n. At mula ngayon, babantayan ko ang mga kilos mo,” dagdag ko pa. Sa tingin ko, kaya kahit alam kong mapapahamak ako sa buhay na ‘tong pinili ko ay itutuloy ko pa rin dahil sa wakas kapag naging hari na ako ay wala nang mangmamaliit pa sa akin bagkus ako ay titingalain. “Patawad,” sambit niya na yumuko na naman. “Hay, tama na nga. Nasaan si ama?” “Sumunod kayo sa akin, Mahal na Prinsepe,” aniya at naglakad siya. Sumunod ako. “Kuya na lang. Magpinsan tayo, ‘di ba at mas matanda ako sa ‘yo,” sabi ko. Nilingon niya ako. “Ngunit hindi iyon maari. Dahil kayo ang anak ng hari,” tugon niya. Hay, sana binalewala ka na ang ‘yong biro niya. Nakakailang tuloy na malaman na ang pinsan ko ganito ang pakitungon sa akin. Dapat hinayaan ko na lang ‘yong trip niya para naging komportable kaming dalawa sa isa’t isa. ~ DINAANAN NAMIN ni Arvan ang bulwagan. Nagkakasiyahin pa rin ang mga bisita. Binanggit kanina ng kumag kong pinsan ang ‘silid pulungan’, maaring nando’n na sina ama at ina dahil wala na sila sa kanilang trono. At wala na rin sa puwesto nila ang mga parte ng bughaw na pamilya at ang pamilya ni Arriane. Huminto kami sa tapat ng malaking pinto ilang metro ang layo mula sa bulwagan. May dalawang kawal na nakabantay sa pinto na pinagbuksan kami. Sa loob, ang mga nawawalang hinahanap ko sa bulwagan ay naroon lahat. May mahabang mesang may dalawamput-dalawahang upuan. Sa dulo, nakaupo si ama, at sa likuran niya sa kaliwa’t kanan ay may upuan pa kung saan sa kaliwa ay nakaupo si ina. Sa mga upuang nasa kanan ni ama ay nakaupo ang mga bughaw na pamilya, sa kaliwa naman ay si Arriane kasama ng marahil kanyang ama at ina. “Peter, Arvan, maupo na kayo,” nakangiting saad ni ama. Naunang tinungo ni Arvan ang puwestong uupuan niya kasama ang mga bughaw na pamilya. Itinuro naman ni ama ang upuan sa likuran niya sa bandang kanan. Tahimik ang lahat. Pinakiramdaman ko ang sitwasyon, sa kinauupuan ng mga bughaw na pamilya parang may maitim na awra, hindi talaga maganda ang pakiramdam ko sa kanila kahit pa pamilya ko sila at iisa ang dugong nananalaytay sa aming mga ugat. Sa pamilya naman nina Arriane, ang kanyang mga magulang ay may masayang mukha ngunit siya ay hindi ko mabasa ang nararamdaman niya. Walang emosyong pinapakita si Arriane, walang kalungkutan ngunit walang ngiti rin akong makita. Tila napakalalim ng kanyang iniisip na may malaki siyang desisyong kailangan gawin. “Anak?” tawag sa akin ni ama at tumayo ako. “Prinsepe Peter, nais kong ipakilala sa iyo ang miyembro ng pamilya Agila.” Tumayo ang bughaw na pamilyang tinutukoy ni ama at napagmasdan ko sila. Nasa unahan malapit sa aking amang hari ang lalaking balbas sarado na halos kaedad ni ama at sunod ay babaeng hindi rin nalalayo ang edad sa kanila, maganda ito ngunit makikita sa mga mata ang huwad na pakikitungo. Basa ko ang mga tulad nila, bata pa ako natuto na akong kilalanin at usisain sa aking isip ang bawat makikilala ko, kung sila ba ay tulad ng mga taong kukutyain kami ni ina at mamaliitin o hahayaan lamang kami at hindi papansinin. At ang isang ito, ang ginang, isa siyang mapangutya. Katabi niya ang isa pang lalaking walang balbas ngunit halos puti na ang buhok, malaki ang katawan na mababakas na mas may katandaan kaysa kina ama. Katulad din ang lalaking ito ng babaeng mapangutya, pakiramdam ko ay mga kumag din sila. At ang tatlong binatang kasunod kasama na si Arvan ay mukhang puro kumag din. “Magpakilala kayo,” utos ni ama sa mga ito. Unang nagpakilala ang balbas saradong lalaki na matipuno rin ang katawan tulad ni ama na mararamdaman mo na hindi lang basta-basta isang Aran, naroon talaga ang dating na isa siyang parte ng bughaw na pamilya. “Prinsepe Peter, ako ang iyong Tiyo, si Prinsepe Celesto,” pakilala nito sa akin. “Nakababatang kapatid ako ng iyong ama. Anak ko si Arvan.” Itinuro nito si Arvan. “Na sa palagay ko ay iyo nang nakilala.” “Opo,” tugon ko. “Ikinagagalak ko po kayong makilala Tiyo Celesto.” “Ganoon din ako, Prinsepe Peter,” nakangiting tugon nito. Nagpakilala na siyang tiyo ko ngunit ina-address niya pa rin akong prinsepe na may paggalang. Mukhang dapat akong masanay na kahit kamag-anak ko ay iyon ang magiging tawag sa akin at laging may paggalang na nakakailang. Ngunit kung gusto kong tingalain at hindi na maliitin pa muli tulad nang nararanasan ko sa mundo ng mga tao, dapat ang ilang kong iyon ay dapat ko nang balewalaan. Ngumiti sa akin ang ginang na hindi ko gusto ang hilatya ng mukha at ito ang sunod na nagpakilala. “Ako si Prinsesa Rosaline, nakababatang kapatid din ng iyong ama.” Boses pa lang niya mukha nang kontrabida sa mga pelikula. “Sila ang aking pamilya.” At itinuro nito ang katabi nitong lalaki at dalawang binatang kasunod. “Siya ang aking asawang si Prinsepe Luis, maharlika mula sa bayan ng Battan na aming pinamumunuan.” “Ikinagagalak kitang makilala Prinsepe,” saad ng Prinsepeng si Luis. “Ikinagagalak ko rin po kayong makilala, Tiyo Luis at Tiya Rosaline,” tugon ko sa kanila. “Nararamdaman ko ang galak mo aking pamangkin, Prinsepe Peter,” tugon sa akin ni Tiya Rosaline. Ngumiti ako. May kakaiba talaga sa kanya, iyon ang bulong ng isip. Maging ang asawa niya tila hindi mo dapat bigyan ng buong tiwala. Nagpatuloy si Tiya Rosaline. “At sila naman ang aking mga anak, ang panganay kong si Rosmar at ang bunso kong si Rospert.” Ngumisi ang dalawa at tumango sa akin. Batay sa pangalan nila, sinunod ito sa pangalan ni Tiya Rosaline. Mukhang sa mag-asawa siya ang dominante. Sabagay, mas mataas ang posisyon niya sa kanyang asawa. Naging prinsepe lamang si Tiyo Luis dahil napangasawa niya ay isang prinsesa mula sa pamilya Agila. “Mas matanda ako sa iyo ng ilang buwan, Peter. Ibig kong sabihin, Prinsepe Peter,” sabi no’ng Rosmar. “Masaya akong makilala ka,” dagdag pa nito na may pagngisi. “Ako ang pinakabata sa ating magpipinsan,” sabi no’ng Rospert na parang nagmamalaki at nagyayabang dahil mas bata siya? “Masaya rin akong makilala ka, pinsan kong prinsepe,” may nakakalokong ngiting sabi nito. “Masaya rin akong makilala kayo,” tugon ko sa kanila. Tinumbasan ko ang ngiti nila at hindi nagpatinag sa kanilang mga titig. Tipikal silang mga rich kid na bully. Kapag nagpakita ako ng kahinaan sa kanila ay sasamantalahin nila iyon. Mas kumag ang dalawang pinsan kong ito kaysa kay Arvan. Ang pamilya nila ay dapat pangilagan. Batid kong alam nila ang aking pinagmulan. Ramdam ko na may panghahamak sa kanilang mga tingin. Sa kabila ng mga haka-haka sa aking utak, isang matamis na ngiti ang ibinigay ko sa kanila. Isang sitwasyong dapat laruin ang kinalalagyan ko ngayon. Pag-aaralan ko ang lahat. Makikipaglaro ako hanggang maging hari. Kahapon, ang hindi nila pagpapakita sa napagkasunduan nilang usapan ni ama sa pagdating ko ay pagpapakita ng disgusto. “Ngayon naman Peter, nais ko sa iyong ipakilala ang bagong magiging miyembro ng bughaw na pamilya,” pahayag ni ama. Bagong miyembro? Tumayo sina Arriane at kanyang pamilya. Nakangiti nilang hinarap si ama bago ako lingunin at batiin. “Mula sa maharlikang pamilya ng bayan ng Amarra, ako si Pinunong Gabo,” pakilala ng ama ni Arriane. “Siya ang aking kabiyak na si Belen.” Pakilala nito sa kanyang asawa. “At ang aming anak na si Arriane.” Nakangiti akong tumango ako sa kanila. “Ikinagagalak ka naming makilala, Prinsepe Peter,” saad pa sa akin ng ama at ina ni Arriane. “Ikinagagalak ko rin po kayong makilala,” tugon ko. Napagmasdan ko si Arriane, nakangiti siya ngunit hindi ang kanyang mga mata. “Anak, si Arriane na mula sa maharlikang pamilya ng bayan ng Amarra ang iyong magiging asawa,” saad ni ama na parang nabingi ako. Hindi agad na proseso iyon ng utak ko… ~ SA BANYO sa aking kuwarto, pinagmamasdan ko ang sarili ko sa salamin. Hindi pa rin ako makapaniwala. Hindi pa rin mag-sink in sa utak ko ang sinabi ni ama. Si Arriane, mapapangasawa ko? Mag-aasawa na ako? Pangalawang araw ko pa lamang dito, pero mag-aasawa na ako? “Ma, mag-aasawa na ako,” mahinang sambit ko habang nakatingin sa repleksiyon ko sa salamin at sinampal ang sarili ko. “Hindi panaginip…” Tadhana ba ‘to? Ito na ba ang tinatawag nilang destiny? Kapalaran talaga namin ang isa’t isa? Kaya ba kanina habang kumakain napapako ang tingin ko sa kanya at nagkakatitigan kaming dalawa dahil may koneksiyon na kaming dalawa? Hala! Napapangiti ako na parang hibang! Kinikilig ba ako? Ito ba ‘yon? Hay! Bakit guwapong-guwapo ako ngayon sa sarili ko? Peter umayos ka! Prinsepe ka at magiging hari! Dapat gayahin mo ang kilos ng iyong ama! Huminga ako nang malalim. “Normal ‘to. Mag-aasawa naman talaga ako napaaga lang at sa babaeng napakaganda pa na nahumaling na ako nang una ko pa lamang makita. Norma ‘to!” Kaya siguro pinasunod siya sa akin ni ama kanina upang magkakilala na kami at magkapalagayan ng loob. At kaya pala sinabi niyang hindi na siya magiging pinuno pa ng kanilang bayan dahil siya ay magiging reyna na ng kaharian sa oras na mapangasawa ko siya. Iyon pala ‘yon. Kaya sinabi niya rin na malalaman ko rin ang dahilan. Napapangiti na naman ako. Ganito ba ma-in love? Laging nakangiti? Lumabas ako ng silid. Nais kong makita siya at makausap. Hindi na ako makapaghintay. Gusto kong itanong sa kanya kung ano ang nararamdaman niya sa sitwasyong ito. Kanina kasi natameme na ako at lutang ang utak ko habang nag-uusap ang aming mga pamilya. Hindi ko aasahang gusto na niya agad ako. Ngunit nararamdaman kong ramdam niya na may koneksiyon kaming dalawa. Hindi na sumama pa si Arriane sa ama at ina niya sa pag-uwi. Nagpaiwan na siya sa palasyo, dahil mula ngayon bilang aking mapapangasawa, ang palasyo na ang kanyang tahanan. Naglakad ako sa pasilyo, napakatahimik. Sa pagliko patungo sa kabilang pasilyo ay napahinto ako at gumilid sa pader upang hindi ako mapansin ng mga dahilan kung bakit ako huminto sa paglalakad – sina Arriane at Arvan, magkaharap sila malapit sa pinto ng silid ni Arriane. Si Arvan at kanyang ama ay dito nakatira sa palasyo dahil may mataas na katungkulan sa kaharian si Tiyo Celesto. Kung madalas si Arriane dito sa palasyo dahil sa pagpupulong ng mga pinuno ng bayan at ni ama, malamang magkakilala nga sila. Ngunit bakit tila higit pa sa simpleng magkakilala lamang ang meron sa kanila? Si Arriane niyakap niya si Arvan na may luha sa mga mata. Kaya ba, ganoon ang reaksiyon nila kanina sa pag-uusap ng aming mga pamilya? Napayuko ako at tumalikod, at tahimik na naglakad pabalik sa aking kuwarto…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD