~ AGAHAN, NASA mahabang mesa kami sa isang mas maliit na bulwagan, nakaupo na kami, ako, si ama at si ina, at sina Tiyo Celesto at Arvan. Maraming handang pagkain, may mga prutas din, juice at kape.
“Anak, sunduin mo si Arriane sa kanyang silid. Baka nahihiya pa siyang sumabay sa atin,” pahayag ni ama. “Nais kong maging malapit na kayo sa isa’t isa habang maaga pa. Batid kong hindi magiging madali sa una. Ganyan din kami ng iyong ina, ngunit tingnan mo ngayon, hindi na kami mapaghiwalay pa.” Hinawakan ni ama ang kamay ni ina Bernadeth at ngumiti sila sa akin na siya namang sinuklian ko ng ngiti.
Ngunit kapag binabanggit ni ama ang 'ina', si mama ang pumapasok sa aking isipan. Nasa loob ko pa rin ang kagustuhang malaman kung ano ang nangyari sa kanilang dalawa.
Hindi ko napigilang mapatingin kay Arvan. Matipid na ngumiti siya.
“Hihintayin namin kayo bago kami magsimulang kumain,” dagdag pa ni ama.
“Opo,” sagot ko at tumayo na ako at naglakad.
Habang paakyat ng hagdan, pumapasok sa utak ko ang nasaksihan kong eksena kagabi na magdamag ko nang iniisip ngunit hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin. Hindi ko mawari sa damdamin ko kung nasasaktan na ba ako? Hindi ako tanga upang hindi malaman na hindi lamang simpleng magkakilala lamang ang namamagitan kina Arvan at Arriane. Walang magkakilala lang ang magyayakap habang kapwa luhaan. At parehas pa silang ‘Ar’. Hay!
Dismayadong napapangiti na lamang ako habang nasa pasilyo at tinatahak ang silid ni Arriane. Para akong third wheel nito. Singit sa dalawang nagmamahalan.
Napahinto ako. Ngunit humakbang din hanggang sa marating ko ang tapat ng pinto ng silid ni Arriane. Nang akmang kakatok na ako ay bigla itong nagbukas at tumambad sa akin si Arriane, nagulat siya nang makita. Tahimik na napatitig ako sa kanya – natahimik rin siya na pinagmasdan ako. Sa mga mata niya, naroon ang pagod, tila hindi siya nakatulog at magdamag na lumuluha – bahagyang maga ang kanyang mga mata. At sa mga sandaling ito kahit ako ang kaharap niya, alam kong iba ang nasa isip niya.
“Nakahanda na ang agahan, hinihintay ka na ng lahat,” saad ko. Nakatitig lamang siya sa akin.
Tumalikod ako at humakbang palayo. Naramdaman ko ang pagsunod niya sa akin at bigla na lamang hinawakan niya ang kaliwa kong kamay. Ang lamig ng kanyang palad.
“Magandang umaga,” narinig kong bati niya.
Huminto ako at nilingon siya, nakangiti siya. Ngunit tulad kahapon, hindi nakangiti ang kanyang mga mata. “Magandang umaga, Arriane," tugon ko sa kanya.
Napapalunok ako habang nakatitig kami sa isa't isa. Sobrang ganda niya. At naroon ang pakiramdam na imposibleng maging akin siya kahit pakakasalan namin ang isa't isa. Nasanay na ako sa rejection, kaya pinaghahandaan ko na ang mga ganitong bagay. Ang pathetic man, ngunit gano'n ako nabuhay.
Hinigpitan ko ang hawak sa kamay ni Arriane - dahil babaguhin ko nga pala ang dating ako. Makukuha ko na lahat na gusto ko...
Sinalubong kami ng ngiti nina ama nang marating namin ang bulwagan ng kainan, magkahawak pa rin ang aming mga kamay ni Arriane. Nahagip ng mga mata ko si Arvan, tila napatitig siya sa amin lalo na sa naging isa naming mga palad ni Arriane - ng babaeng kanyang minamahal.
~ NASA LIKOD kami ng palasyo, kasama ko sina ama, Tiyo Celesto at Arvan. Nakabihis kami ng kasuotang magaan kang makakakilos at makikitang yari sa matibay na tela na kulay asul. May mga magaan na bakal na kulay silver din na mga kinabit at isinuot namin upang maging proteksiyon, isang baluti. Ngayon ang unang araw ko ng pagsasanay sa pakikipaglaban at kasuotang pansanay ang aming suot ngayon. Sabi ni ama, kailangan makita ng aming nasasakupan na ako bilang hari ay kayang makipaglaban at maipagtanggol ang kaharian sa ano man na may masamang hangaring mananakop.
“Alam mo bang kami ng iyong ama ang pinakamalakas na mandirigma dito sa kaharian ng Arahandra?” sambit ni Tiyo Celesto.
“Talaga po?” sambit ko.
Napangiti si Tiyo Celesto. “Mukha ba akong nagbibiro, Kamahalan?”
“Hindi naman po,” sabi ko. Mukhang magaan kasama si Tiyo Celesto. Mabait siya at komportable ako sa kanya. Mukhang hindi siya kumag gaya ng iba naming kamag-anak.
Napatingin ako kay Arvan. Tumatalon-talon siya, kinukondisyon ang kanyang sarili at umunat-unat pa. Mula kanina, hindi ko na narinig na nagsalita pa siya. Dahil ba kay Arriane?
Si ama naman, may sinasamo siya sa hangin.
“Ano ang ginagawa ni ama?” tanong ko kay Tiyo.
“Ang naglagay ng lason sa inumin, inaalam niya kung tunay ngang ang kaharian ng Yahara ang may pakana,” sagot ni Tiyo.
“Maari bang hindi ang nahuling kriminal mula sa ibang kaharian ang may sala?”
“Ganoon na nga. Nakausap namin ang binatang Yahan. Agad itong umamin na siya ang may gawa na aming ipinagtaka. At isa pa, paanong ang tulad niya na walang kakayahang lumipad ay napunta sa palasyo. At malabong dahil sa sasakyang panghimpapawid kaya siya nakarating dito. Mahigpit ang pagbabantay ng kawal, malabong may makapuslit,” paliwanag ni Tiyo.
“Kung gano’n, maaring may nag-utos sa kanya na akuin ang paglalagay ng lason?” sambit ko. "At maaring tagapalasyo o isa sa mga bisita ang may pakana?
“Iyon ang tinitingnan naming anggulo.”
"At ang binatang mula sa ibang kaharian ay upang lituhin tayo?" Sinang-ayunan ni Tiyo Celesto ang huling sinabi ko.
Napatitig ako kay ama. Naitanong ko sa aking sarili, kung ano ang dahilan ni ama sa pagkuha niya sa akin? Alam kong upang kanyang maging hari, ngunit mukhang malakas pa siya para palitan ng tulad kong baguhan sa lahat ng bagay sa mundong ito. At batid kong nalalaman niya na maari akong malagay sa alanganin kaya bakit kailangan niya akong kunin? Hindi ko naiisip na nais ako mapahamak ng ama kong hari, alam kong may malalim na dahilan.
Dismayadong lumapit sa amin si ama, nang mga sandaling iyon, nasa tabi na rin namin ni Tiyo ang anak niyang si Arvan. "May humaharang sa bulong ng hangin. Hindi ko makita o marinig ang naganap," saad ni ama.
"Ngunit ngayon, sigurado na tayong isang Aran ang may pakana," ani Tiyo Celesto.
"Gusto kong maging malakas!" biglang sambit ko na halos pasigaw pa habang nakakuyom ang aking mga kamao.
Napalingon sa akin si ama, maging sina Tiyo Celesto at Arvan.
Ipinatong ni ama ang kanyang kanang kamay sa aking balikat at ngumiti siya. "Kaya tayo narito, anak. Ikaw ang magiging pinakamalakas sa buong kaharian ng Arahandra," saad ni ama. Tumango ako bilang tugon.
"Narito na ang mga sandata," wika ni Tiyo Celesto.
Napalingon kaming lahat sa papalapit na dala ang mga sandata - isang binatang mandirigma na mukhang estriktong tingnan at ramdam mong marami ang ibubuga sa labanan.
Isa-isa kumuha ng sandata sina ama, Tiyo Celesto at Arvan sa mga hawak na sandata ng binatang dumating. Mukhang mas matanda siya sa akin ngunit kasing tangkad ko lang siguro.
"Pare-parehas lamang iyan, Mahal na Prinsepe. Ang mga sandatang iyan ay mga sandatang pangsanay," sabi ng lalaki. Pumupili kasi ako sa dalawang natirang espada kung alin ang kukunin ko.
"Okay," sabi ko na lang at kinuha ang isang espada. May bigat at makikitang napakatalas. Gumuhit ang ngiti sa labi ko. Hindi ko maipaliwanag, ngunit tila gusto ko na may hawak akong espada. Tila kaya kong harapin ang lahat.
Itinaas ko ito na itinutok ang talim sa langit kasabay nang pag-ihip ng hangin.
(SA ISANG LUGAR SA KAHARIAN)
- "SINUSUBUKAN ALAMIN ng Hari ang utak ng paglason sa huwad na prinsepe," may ngiting saad ng isang Aran.
"Na hindi niya magagawa. Hindi lamang siya ang sinusunod ng hangin. At darating ang araw, ang hangin ay lilisan sa kanyang katawan. At hindi na iyon magtatagal. Kasabay noon, ang paglisan ng prinsepe sa ating kaharian!" saad ng isa pang Aran at malakas na humalakhak na nagliliwanag ang mga mata.