CMSHOES 2

966 Words
CHAPTER 2 “Hindi ko talaga makakalimutan ang mukha ng unggoy na 'yon! Akalain mo, siya na ang nakabangga sa 'kin at ako pa ang gusto niyang mag-sorry sa kaniya. Kung hindi ba naman makapal ang mukha. At ito pa! Tinakbo niya pa ang sapatos na binato ko sa kaniya kaya at the end wala nang pares ang suot ko kahapon!” nanggigigil kong sabi habang inaalala ang mga nangyari kahapon. “Baka naman trip niya rin ang sapatos mo, sis?” natatawang sabi ni Minda. Sinamaan ko lang siya ng tingin na ikinatawa niya nang malakas. Bakit ba ako nagkwento sa kanila, eh, wala naman akong makukuha kundi pang-aasar lang. Nandito na kami sa school kasama ang dalawa kong kaibigan dito sa cafeteria.  Anim talaga kaming magkakaibigan at tinatawag nilang 'Last Chicx'. Last chicx na mga walang jowa, mas lalo na kay Minda na hindi nilalapitan ng kahit sinong lalaki. “Ano ka ba, Minda?! Baka ako talaga ang trip niya, 'no!” sabay hawi ng buhok ko at nagmaganda. “Sabi mo, mukhang unggoy. Mga unggoy pala ang trip mo,” sabat naman ni Antonia. “Hindi ko naman sinabing trip ko siya. Duh!” sabi ko sabay irap sa kanilang pareho. “Late na ako. See you later, girls!” paalam ko bago kinuha ang mga gamit na dala ko at binalingan si Minda na nakatingin sa cellphone niya. “Tama na 'yang katatantan, Minda. Masiyado ka nang halatado,” natatawa kong sabi bago nag-umpisa na lumakad. Rinig ko naman ang sigaw niya pero hindi ko na nilingon pa. Dumiretso na ako sa building kung saan ang next subject ko. Bakit ba kasi nauso sa College ang malalayo ang building sa mga susunod na subject at wala pang interval time sa bawat pagitan. Kaya minsan, paglabas pa lang ng isang prof, takbuhan na lahat papunta sa kabilang klase. Pumasok na ako sa room. Agad na bumungad sa 'kin si Heaven. Mag-isa siyang nakaupo sa sulok habang nakatingin sa cellphone niya. “What’s up!” bati ko sa kaniya bago inabot ang isang paper bag na pinabibigay ni Kuya Choco. “Pasalubong ni Kuya.” Tumango siya bago ngumiti at kinuha ang paper bag na nilagay sa gilid. “Pasabi kay Kuya na salamat,” mahinhin niyang sabi. “Ano ba 'yang tinitignan mo? Bakit ang seryoso mo? Saka bakit hindi ka pumunta kanina?” tanong ko. Madalas kasi ay sa cafeteria kami tumatambay bago pumasok sa unang class. “Hinatid ako ni Kuya. Kakapusin na rin kasi sa oras 'pag pumunta pa ako ro'n kaya dumiretso na ako rito,” mahinang boses na sabi niya. Wala akong magawa kundi ang tumango na lang. Sa aming magkakaibigan ay si Heaven ang pinakamasipag, mahinhin at hindi magaslaw. Madalang rin siyang sumama sa tuwing may gala ang barkada at nagkakayayaan na mag-inuman. “Tignan mo 'to. Sabi ni Ate, ito raw ang latest na labas ng Celine, ang ganda, 'no?” sabay pakita ng tinitignan niya. Agad na nagningning ang mga mata ko. Ang ganda nga! “Teka, lumabas na ba 'yan? Ganiyan ang pasalubong sa 'kin ni Kuya,” napapakamot kong sabi.  Mukhang magkakaroon na ako ng rason para pumunta sa condo niya. “Talaga?!” gulat na gulat na bulaslas ni Heaven.  Tumango ako at ngumiti nang malaki. “Oo. Puntahan ko siya mamaya. Gusto mong sumama?” pag-aalok ko. Tumango na lang siya bago ngumiti nang malaki. LUMIPAS ang oras. Magkasama kami ni Heaven sa bus na sumakay habang nakakapit siya sa 'kin at sumusunod lang. Nakaraan ko pa napapansin na may tinatago siya. Ayaw ko namang kulitin dahil baka family problem na naman at mahirap lang ikuwento. “Excited na ako makita si Kuya,” sabi niya na hindi pa rin bumibitaw sa 'kin. Napangiti na lang ako at sumandal sa balikat niya. Sa kanilang lima na kaibigan ko, si Heaven ang pinakamasasabing close ko. Ang bait-bait niya at walang kahit anong kapintasan ang masasabi sa kaniya.  Hindi naging matagal ang byahe. Tirik na tirik pa ang araw at konti lang ang mga nasa labas. “Sigurado ka bang hindi magagalit ang kuya mo?” kinakabahang tanong ni Heaven.  Ngumiti ako bago tumango sa kaniya. “Oo, hindi 'yan,” kampante kong sabi. Hindi naman 'yon nagagalit sa 'kin. Pinindot ko na ang doorbell at mayamaya ay may nagbukas na ng pinto. Tumaas ang kilay ko nang makita si Pink hair na nakasilip sa 'min. Ngumiti siya at pinapasok kaming dalawa ni Heaven na hindi nagsasalita ng kahit ano. Good. Pagpasok ko sa salas, hindi ko inaasahan ang dadatnan ko. Ang mga lalaki kahapon sa airport. May mga alak na nakakalat pati na rin plastic nang kung ano-anong chichirya sa sahig. “Hi, Candy!” bati sa 'kin nang isa na ngumunguya. “Xander nga pala. Anong—” Hindi na niya natapos ang sasabihin niya nang batukan siya ni Kuya. “Hindi ba sabi ko 'wag muna ngayon?”  bungad ni Kuya nang makita ako pero nang makita naman niya si Heaven ay agad na umamo ang mukha niya at ngumiti. “Heaven, kasama ka pala ni Candy. Gutom ka na ba?” Wow. Sabay ako, hindi niya aalukin o tatanungin kung gutom na ako. “Ayos lang. Kakakain ko pa lang kanina,” nahihiyang sabi ni Heaven. Tumingin sa 'kin si Kuya na may paninigurado na tingin. Inirapan ko lang siya bago naupo sa isang bakanteng sofa at nilayo sa kaniya si Heaven. Nakalimutan kong may gusto pala si Kuya kay Heaven. Buti na lang pala siya ang sinama ko, hindi si Minda o kahit sino sa mga apat ko pang kaibigan. Sigurado na magiging magulo lang dito kung lahat kaming anim ay magkakasama. “Baka gutom na kayo. Kumain na muna kayo,” nakangiting sabi ng binara ko kahapon. Mukha naman siyang mabait pero minsan hindi hinahanap ang tamang word kaya mabilis mabara. “Oo nga pala, ako si Jonas.” Tumango ako bago ngumiti. “Hindi pa ako gutom. Ikaw, Heaven?” tanong ko kay Heaven na nakayuko lang. Hindi niya siguro inaasahan na may mga bisita ngayon si Kuya. Kanina ay sobrang excited niya habang nasa bus, ngayon naman ay halos ayaw na magsalita. Kung sabagay, kahit ako naman, 'di inaasahan na nandito sila. “Medyo,” pag-amin niya. “Sige, kukuhanan kita.” Tumayo na ako papunta sa kusina ng condo ni Kuya nang isang unggoy ang nakita ko. “ANO'NG GINAGAWA MO RITO?!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD