CHAPTER 2

1011 Words
“Evan, baka puwedeng unahin mo muna ang paglalaba kaysa maglaro diyan sa cellphone mo? ’Yung paglalaro pwede mong gawin ’yan kahit anong oras, eh. Sayang kasi ang init.” May bahid ng iritasyon sa tinig ni Ava Leigh habang pinakikiusapan si Evan. Alas otso na ng umaga, kanina niya pa ito pinapaalalahanan pero parang wala itong naririnig. Tuloy lang ito sa kakadutdot sa cellphone nito kaya nagsisimula na siyang mainis. “Oo, lalabahan ko ’yan! Hindi ka makapaghintay?” irritableng tanong sa kaniya ni Evan. “Puwede ka namang maglaro mamaya kapag tapos ka na, eh.” Gusto lang naman niya na maagang matapos sa paglalaba ang kaniyang kinakasama. Madalas umulan tuwing hapon. Hindi man matuyo kaagad, ang importante ay nakatulo na ang mga damit para pwede na nilang isampay sa loob ng kwarto para mapahanginan. Pabadog itong tumayo. “’Tang ina! Ang dami mo naman laging reklamo!” Marahas nitong binuhat ang laundry basket at lumabas sa kanilang kwarto habang hawak ang cellphone. Naninikip ang d*bd*b na sinundan niya ito ng tingin. Pakiramdam niya ay wala siyang kakampi sa bahay na tinitirahan niya. Halos lahat na nga ng kilos niya ay tila napupuna ng nanay at ate nito, heto at pati ang taong inaasahan niyang kakampi ay lagi namang mainit ang ulo. Napabuntong-hininga siya. Tulog naman na si Vanvan kaya dahan-dahan niya itong inilapag sa kama. “Dito ka muna, anak. Iinom lang po si Mama,” mahina niyang sambit habang maingat na inilalapag ang kaniyang anak. Walang ingay na lumabas siya ng kuwarto para lang madismaya pagkakita kay Evan. Sa halip na maglaba na ang kinakasama, patuloy lang ito sa paglalaro. Lihim siyang napailing. Uminom siya ng tubig at pumunta sa likod-bahay upang siya na lang ang maglaba ng mga damit nila. Gusto sana niyang sabayan sa pagtulog ang kanilang baby dahil halos gabi-gabi siyang puyat. Ngunit sa ginagawa ni Evan, mas maiging siya na lang ang kumilos kaysa mangunsumi siya dito. Pakiramdam niya ay mas mabibinat pa siya sa stress kaysa sa pagkikikilos. Parang pinipiga ang d*bdib niya sa mga pagbabagong onti-onti niyang napapansin sa kinakasama. Ibang-iba na si Evan kumpara noong una niya itong nakilala. Dati ay hindi siya nito pinagtataasan ng boses. Lagi itong malambing sa kaniya at nakangiti; isa sa mga nagustuhan niya dito. Ngayo’y lagi na itong nakasinghal sa kinaya kahit sa simpleng hindi nila pagkakaunawaan. Isa siyang baguhang mananahi noon sa dati nilang pinapasukang trabaho sa Laguna. Ang kinakasama naman niya ay receiver ng mga tela na tinatahi nila. Mahiyain siya at hindi palakibo. Samantalang ang lalaki naman ay palakaibigan at madaldal kaya madali niya itong nakapalagayan ng loob. Halos isang taon silang naging magkaibigan. Ito ang naging sandigan niya nang pumanaw ang Lola Paz niya na nag-iisa niyang pamilya. Ang ina naman niya ay pumanaw noong sampung taong gulang pa lamang siya. Samantalang ang kaniyang ama naman ay mayroon ng sariling pamilya at kahit kailan ay hindi na nagpakita sa kaniya magmula ng sumakabilang buhay ang kaniyang ina. Galante din ang lalaki at maaasahan. Kaya nang manligaw ito, wala pang dalawang buwan ay sinagot na niya kaagad. Masipag ito sa trabaho, matulungin at gentleman lalo na sa kaniya. Nang dumating ang isang taong anibersaryo nila bilang magkasintahan, hinimok siya nitong magsama na sila sa iisang bubong. Kaagad siyang pumayag sa kagustuhan nito lalo at mag-isa na lang siya sa inuupahan. Bago pa lang silang nagsasama nang mabuntis siya nito. Madalas siyang antukin sa trabaho lalo na kapag panggabi siya kaya nama’y nagpasya siyang mag-resign na lang at manatili sa bahay para na din sa kapakanan ng kanilang magiging anak. Pagpatak ng ikapitong buwan niyang pagbubuntis, nagbawas ng tauhan sa dati niyang pinapasukan dahil mahina ang gawa. Isa ang kinakasama niya sa mga napili. Para hindi magalaw ang pera na naipon nila para sa kaniyang panganganak, nagdesisyon si Evan na umuwi na lang sila sa bahay ng mga magulang nito. Nakihati sila sa upa at nag-aambag sa mga gastusin. Doon na sila nanirahan hanggang siya’y makapanganak. Noong bumibisita pa lang siya sa bahay ng mga magulang ng kinakasama, maayos pa ang pakikitungo sa kaniya ng ina nito. Pinapabaunan pa nga siya ng pagkain. Pero nang lumipat sila, unti-unti na niyang nakikilala ang tunay na kulay ng biyenan. Minsang hindi niya naubos ang pagkain ay nainis sa kaniya si Marcela. “Huwag mag-inarte kasi hindi naman mayaman! Sayang ng pagkain!” Paulit-ulit nitong sinasabi ang mga salitang iyon. Kahit ang anak ni Cyrene ang kausap ng babae, ramdam niyang siya ang pinatatamaan. Nasa kusina ang biyenan niya at siya naman ay nasa sala, pero ang lakas-lakas ng boses nito. Tila sinasadyang iparinig sa kaniya ang mga sinasabi. Hindi naman siya manhid, ramdam naman niya kung nagpaparinig ang isang tao o hindi. Hindi lang isang beses na nagpasaring ang ina ni Evan. Minsan pa nga dinadaan lang siya nito sa pagkukuwento ng mga pinagdaanan umano nito habang nasa puder ng pamilya ng biyenan niyang lalaki. “Ako nga noon kapag bumibisita kila Edward, lahat ginagawa ko–laba, linis, luto. Dapat makikisama ka dahil wala ka sa sarili mong bahay, eh. Huwag patamad-tamad,” kuwento nito habang nilalabahan ang mga damit nila. Kapapanganak lang niya noon. Aminado naman siya na hindi pa niya naranasan ang magluto ng pagkain nila magmula nang makipisan sila sa mga ito. Marahil ay isa ’yon sa inaayawan nito sa kaniya. Hindi siya gaanong maalam sa pagluluto. Nahihiya siya na baka hindi magustuhan ng mga kasama ang kaniyang luto kaya hindi na niya sinubukan. Pero kahit gano’n, tumutulong naman siya sa ibang gawaing bahay. Pagwawalis at paghuhugas ng mga pinagkainan ang naitutulong niya noong hindi pa siya nanganganak. Barado ang lababo ng mga ito. Kaya kahit naiipit ang tiyan niya sa tuwing huhugasan ang mga pinagkainan nila, hindi siya nagrereklamo para kahit papaano ay makatulong din siya. Kapag sila lang naman ni Evan ang kakain, hindi siya nag-aalangang magluto. Pintasera ang kaniyang biyenan, lahat napupuna nito. Kahit mga taong may kapansanan ay pinagtatawanan. Kaysa pulaan nito ang kaniyang luto, mas maigi na huwag na lang siya makialam sa kusina nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD