CHAPTER 3

1755 Words
“Evan, tapos ka na ba diyan? Kanina pa ako naiihi, kargahin mo muna si Vanvan,” utos ni Ava Leigh sa kinakasama na tutok na tutok sa paglalaro ng mobile game. “Hindi pa, nagra-rank ako, ilapag mo na lang diyan,” tugon nito na hindi tumitingin sa kaniya. “Ang sabi mo kanina patapos ka na? Umulit ka na naman ba?” Nayayamot na siya. Pero hindi niya magawang magtaas ng boses dahil ayaw niyang magising ang kanilang anak na halos katutulog lang. Iniiwasan niya ding makipagtalo sa kinakasama niya dahil napapadalas na siya nitong pagtaasan ng boses. Kapag narinig na ng nanay nito ang pagtatalo nila, siguradong may maririnig na naman siyang masasakit na salita mula dito. Magpaparinig na naman sa kaniya ang biyenan niya ng, “Nagpabuntis kayo ’di pagtiisan ninyo! Ginusto n’yo ’yan, eh–malalandi kayo.” Minsan ay gusto na niyang sigawan si Evan. Madalas itong nakababad sa cellphone. Hindi niya ito maasahan sa pagbabantay sa bata kapag gabi. Mas nakakaya pa nitong magpuyat para sa laro kaysa mag-alaga sa baby nila. “P*táng ina! Ang bōbøbö!” ilang sandali pa’y inis na sumigaw ang kaniyang kinakasama. Napabuntong-hininga na lang siya. Hindi niya na inistorbo ang lalaki. Kapag ganitong malapit na itong matalo sa laro, nagiging mainitin ang ulo nito. Mabubwisit lang siya at mauuwi sila sa away. Hinintay niya na lang ulit na matapos ito sa paglalaro kahit pakiramdam niya ay püpūtok na ang kaniyang pantog. Panay na din ang reklamo ni Marcela patungkol sa mga bayarin. Na kesyo ang laki daw ng bill sa tubig at kuryente. At isa din ’yon sa mga pinoproblema niya. Minsan ay gusto na niya itong sagutin. Ngayon lang naman sila hindi makakaambag dahil nawalan ng trabaho si Evan. Samantalang ’yong isang anak nito na si Eman at dalawang apo ay halos sa kanila na nakatira. Kasambahay ang asawa ng bayaw niya, dalawang beses lang sa isang buwan kung umuwi. Sa tuwing wala ang asawa nito, laging sa kanila natutulog ang mag-aama. Sa kanila kumakain at naliligo. At sa isang buwang pagtira ng mga ito sa kanila, dalawang beses pa lang nag-ambag para sa pagkain. Wala naman sana problema kung doon kumakain ang mag-aama, pero sana makiramdam naman ang lalaki. Alam nitong kapos din sila lagi dahil malaki ang upa nila sa bahay. Laging problemado ang mga biyenan niya lalo pa at tamad maghanap-buhay ang asawa ng kaniyang hipag. Tatlong magkakapatid lang sila Evan. Panganay ang kinakasama niya, pangalawa si Cyrene, at bunso naman si Eman. Dahil may sariling bahay ang napangasawa ng kaniyang bayaw, hindi ito nakapisan sa kanila. Ang kasama nila sa isang bahay na inuupahan ay ang mga magulang nina Evan at ang pamilya ni Cyrene. May maliit na sari-sari ang biyenan niyang babae. Si Edward naman ay tricycle driver. Si Cyrene ay nagtitinda sa palengke. Tricycle driver din ang asawa nito pero tamad bumiyahe kaya madalas silang kinakapos. Idagdag pa ang pamilya ni Eman na laging nakasiksik sa kanila kapag wala ding pera. Pero kapag sila na ang nangangailangan, hindi na nila ito mahagilap at halos ayaw nang tumapak sa kanilang bakuran. Isa ’yon sa kinaiinisan niya. Gusto lang lagi ng lalaki na makalibre sa responsibilidad. Kahit ang pag-aasikaso sa mga anak nito ay ang biyenan niyang babae ang gumagawa. Ngunit hindi man lang nito magawang abutan ng tulong ang mga magulang kapag nangangailangan kahit pa may pera naman ang mga ito minsan. Malaki sana ang kinikita ni Eman bilang isang jeepney driver, subalit tila wala ring naiipon ang pamilya nito dahil isa itong babaero. Madalas sabihin ng matatanda na malas ang pangangalunya sa buhay-mag-asawa. Anuman ang kayod at sipag ng isang lalaki, hindi uusad ang kanilang pamumuhay kung nilalabag nito ang isa sa sampung utos ng Diyos. Idagdag pa na lulong din ito sa online sugal na siyang dahilan kung bakit tambak at may mga tinakbuhan itong utang. “MAGHAHANAP na pala ako bukas ng trabaho,” pahayag ni Ava Leigh kay Evan. Lumingon ito sa kaniya. “Ikaw ang bahala,” tugon ng kaniyang kinakasama na kaagad ding ibinalik sa cellphone ang tingin at nagpatuloy sa paglalaro. Nakadama siya ng pagkadismaya sa naging tugon ng lalaki. Hindi man lang siya nito pinigilan. Inaasahan pa naman niya na hindi siya papayagan nito dahil tatlong buwan pa lang ang kanilang anak. Nahirapan siyang magdesisyon kung babalik na ba kaagad siya sa pagtatrabaho. Gusto niya sanang masubaybayan si Vanvan habang lumalaki. Gusto niya na masaksihan ang bawat milestones na mararating ng baby nila habang inaalagaan niya ito. Ngunit mag-iisang buwan na magmula nang matanggal si Evan sa trabaho. Hindi niya kayang makikain at halos saluhin na ng magulang nito ang mga pangangailangan nila sa araw-araw. Nakakahiya. Naghahanap naman ng trabaho ang kaniyang kinakasama, ngunit wala pa ring tumatawag sa lahat ng in-apply-an nito. Kaya minabuti niyang mag-apply na din nang makatulong sila sa gastusin. Kinausap niya na din si Marcela pati na si Edward. Kaagad namang pumayag ang mga magulang ni Evan sa desisyon niya na maghanap-buhay na din. Mukhang pabor pa nga sa biyenan niyang babae na magtatrabaho na siya. Kinabukasan. “Evan, aalis na ako. Kargahin mo na si Vanvan. Magpaaraw na kayo doon.” Paulit-ulit na niyuyugyog ni Ava Leigh ang kaniyang kinakasama. Mag-a-apply na siya upang magkaroon ng trabaho. Sinabihan na niya si Evan kagabi na huwag nang magpuyat para maalagaan nito ang kanilang anak kapag umalis siya. Pero hindi nakinig sa kaniya ang lalaki. Patuloy lang ito sa paglalaro. Kung hindi pa siya nagising ng hatinggabi para magtimpla ng gatas ni Vander ay hindi pa ito hihinto. “Evan, ano ba.” Nayayamot na siya. Maya-maya’y pumasok si Marcela sa kuwarto nila. “Ako na muna ang bahala kay Vanvan, hayaan mo na munang matulog ang anak ko,” ani nito. Kaagad na kinuha ng biyenan niya ang apo at binuhat. Sumunod siya dito nang lumabas ito sa kuwarto. “Kasi sabi ko naman po sa kaniya kagabi na huwag na siyang magpuyat kalalaro pero hindi nakinig,” reklamo niya kay Marcela. “Nandito naman ako, ako na ang bahala sa apo ko,” tugon ng babae sa halip na makisimpatya sa kaniya. “Kaya namimihasa at hindi natututo mag-alaga ng anak kasi laging kinukunsinti,” inis na bulong niya sa sarili. Hindi niya nagustuhan ang ginawa ni Marcela pero sinarili na lang niya. Masama ang loob na umalis siya ng bahay para mag-apply sa isang grocery store. Buong akala niya noon ay mabait at masipag si Evan, pero lahat pala ay pakitang-tao lang. “Totoo nga talaga ang sabi ni Lola, na makikilala mo lang ang tunay na ugali ng isang tao kapag nakasama mo na sa iisang bubong.” Mapait siyang napangiti habang naglalakad papunta sa sakayan ng jeep. Laging pangaral sa kaniya noon ng Lola Paz niya na huwag basta-basta magtitiwala sa ipinapakitang ugali ng isang lalaki. Sabi pa nito, “Piliin at kilalanin mong mabuti ang lalaking gusto mong maging ama ng magiging anak mo, Apo. Ang asawa pwede mo pang mapalitan ’yan, pero ang mga anak mo, hindi sila puwedeng mamili kung sino ang pwede nilang maging tatay. Kaya pumili ka ng lalaki na may mabuting puso at tutulungan kang palakihin na puno ng pagmamahal ang magiging anak ninyo.” Huminto siya sa paglalakad, naluluhang tumingala sa langit. “Lola, sorry po kung hindi ko sinunod ang mga pangaral mo sa ’kin. Sorry po kung naging padalos-dalos ako sa pagpasok sa pagpapamilya. Nahihirapan po tuloy ako ngayon. Pero huwag po kayong mag-alala, malakas po ako at matatag. Kakayanin ko po ito.” Tahimik siyang nagdasal at muling nagpatuloy sa paglalakad. Hiniling niya na sana ay muling bumalik sa dati ang kaniyang kinakasama. Noong inaya siya nitong magsama sila, nangako ito na magiging mabuting partner at ama sakaling magkaanak na sila. Sana ay maging maayos na ulit ang kanilang pagsasama. “PA-POST post ka pa diyan na naiinis ka. Bakit, naiinis ka sa mga bata dahil makukulit? Natural, mga bata makulit!” Nanggagalaiting bungad ni Marcela kay Ava Leigh nang lumabas siya sa kuwarto. Kagagaling niya lang sa trabaho, magbabanyo sana siya kaya siya lumabas pero binugahan agad siya ng apoy. Mahigit isang linggo na magmula nang matanggap siya sa grocery store na in-apply-an niya. Medyo stressed siya sa trabaho lalo at sinusungitan siya ng iba niyang kasamahan kaya siya nakapag-post sa social media account niya na naiinis siya. “W-Wala naman po akong sinabi na sa mga bata ako naiinis, Mama. Naiinis ho ako sa ibang katrabaho ko,” katwiran niya. Hindi niya akalain na pati pala ang pag-post niya ay binabantayan din ng kaniyang hipag. Wala namang facebôøk ang biyenan niya, kaya nasisiguro niyang si Cyrene ang nagsumbong dito. Minsan ay narinig niya ang hipag na nagsusumbong sa kaniyang biyenan tungkol sa mga pinagpo-post ng asawa ni Eman. “Kung ayaw mo ng maraming bata, bumukod kayo! Bakit, kaya naman naming bayaran ang upa dito kahit malaki,” sabi pa ni Marcela bago siya tinalikuran. Nasundan niya na lang ito ng tingin. Nagngingitngit ang kaniyang kalooban. Hindi naman ang mga anak nila Eman at Cyrene ang tinutukoy niya pero bakit kailangang mag-react ng mga ito. “Lahat na lang talaga pinupuna!” Tahimik siyang bumalik sa kanilang kuwarto. Ilang ulit siyang huminga nang malalim upang kontrolin ang emosyon. Gusto nang sümabøg ang d*bd*b niya sa sobrang inis. Pakiramdam niya ay may CCTV na nakabantay sa bawat kilos niya. Naupo siya sa kama. Pinagmasdan niya si Vander na payapang natutulog. Habang nakatitig sa anak, bigla na lang siyang napaluha. Pakiramdam niya ay wala na siyang katahimikan magmula nang tumira siya sa bahay ng mga magulang nila Evan. Hindi niya akalaing mag-iisip ng gano’n ang kapatid at ina ng kaniyang kinakasama. Kahit kailan naman ay hindi niya pinakitaan ng hindi maganda ang mga pinsan ng kaniyang anak. Panganay si Evan sa magkakapatid, limang taon ang tanda nito sa kaniya habang siya ay dalawampu’t limang taong gulang. Naunang mag-asawa ang bunso nitong kapatid na si Eman na ngayo’y may dalawang anak na; edad pito at dalawa. Si Cyrene naman ay dalawampu’t walong taong gulang. Mas matanda lang ito kay Eman ng dalawang taon. Dalawa din ang anak, anim na taon ang panganay, apat na taon naman ang bunso. Parehong babae ang panganay na anak nina Eman at Cyrene. Makukulit ang mga ito. Minsan ay sa loob ng kwarto nila nagtatakbuhan–sa kama pa mismo. Naaasar siya minsan sa kakulitan ng mga bata, pero nagpapasensiya na lang siya dahil gano’n naman talaga ang mga bata lalo kapag nasa ganoong edad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD