“Good morning, Vanvan!” nakangiting bati ni Ava Leigh sa anak nang bumangon siya.
Katatapos lang nitong sümusø sa kaniya. Hindi na ulit bumalik sa pagtulog ang kaniyang anak kaya minabuti niyang bumangon na lang para paarawan ito.
Dumako ang mga mata niya kay Evan. Namuo ang inis sa kaniyang d*bd*b pagkakita dito na napakahimbing ng tulog.
Sinabihan niya na ito na paarawan lagi ang baby nila tuwing umaga habang wala pa itong trabaho. Pero paano nito mapapaarawan ang sanggol kung lagi naman itong puyat sa paglalaro?
Noong hindi pa siya nagtatrabaho, mula pagkagising hanggang hatinggabi, cellphone lang lagi ang inaatüpag nito. Bibitawan lang nito ang gadget kapag maglalaba, iihi, kakain o ’di kaya ay maliligo. Mas marami pa itong oras sa paglalaro kaysa sa pagkarga kay Vander.
Puyat siya lagi sa pag-aalaga sa anak, habang ang partner naman niya ay puyat kalalaro. Kapag nagtatalo sila ng lalaki, laging umeeksena ang nanay nito.
“Hayaan mo na, kapag may trabaho na siya hindi na din naman siya makakapaglaro kasi busy na,” sa tuwina ay laging dinedepensahan ng biyenang babae ang kaniyang kinakasama.
Gusto niyang matawa sa mga baluktot nitong katwiran. Sa halip na turuan maging responsable at mag-alaga ng anak si Evan, kakampihan pa at ipagtatanggol.
“Dito ka lang muna, ha? Toothbrush lang po si Mama at magbabanyo,” paalam niya sa anak. Ngumiti ito sa kaniya na akala mo’y naiintindihan ang mga sinabi niya.
Kaagad siyang bumaba sa kama. Nagsipilyo siya at naghilamos matapos niyang ümihi. Pagbalik sa kuwarto, nag-spray muna siya ng alcohol bago binuhat si Vanvan.
Muli pa niyang sinulyapan ang tatay ng kaniyang anak na mahimbing pa din ang tulog. Napabuntong-hininga na lang siya sabay iling.
“Vanvan, paaraw po muna tayo, mamaya pa naman ang pasok ni Mama,” mahina niyang sambit habang naglalakad upang paarawan ang anak.
Ika-sampu pa naman ng umaga ang pasok niya. Kaya may oras pa siya para paarawan si Vanvan. Kahit mahigit siyam na oras niya lang na hindi nakikita ang sanggol, nami-miss niya lagi ito.
Matapos ang kinse minuto na pagbibilad nilang mag-ina, inuwi na niya si Vander. Tulog pa rin si Evan kaya ginising na niya ito.
“Evan, gising na. Mag-aasikaso na ako. Quarter to eight na.”
Hindi kumibo ang lalaki. “Evan, ano ba!”
Dahan-dahang nagmulat ng mga mata ang partner niya. “Ilapag mo lang diyan, hindi naman ’yan maglilikot,” sambit nito sa inaantok na tinig at muling ipinikit ang mga mata.
Napatiim-bagang si Ava Leigh. Mariin niyang ipinikit ang mga mata upang huwag bulyawan ang lalaki lalo na sa harap ng kanilang anak.
Wala siyang nagawa kundi ilapag si Vanvan. Inihanda niya ang damit na susuotin. Siniguro niya din na may dala siyang dalawang itim na ballpen. Inilista niya din kung magkano ang dala niyang pera pati na din ang serial number ng perang papel.
“Evan, maliligo na ’ko, huwag mong tulugan si Vanvan. Sabi ko naman kasi sa ’yo tigilan mo na ang kapupuyat, eh!” bulyaw niya sa kontroladong tinig habang niyuyugyog ang balikat nito.
Hindi pa rin nagmumulat ng mga si Evan. Kaya nama’y hindi na siya nakapagpigil, hinampas niya ito sa braso dahil sa sobrang inis.
Nang muling dumako ang kamay niya sa balikat ng lalaki, malakas nitong tinabig ang kamay niya. “Oo! Hampas ka nang hampas, eh!” asik nito.
“Isang beses lang kitang hinampas! Ginigising kita kasi maliligo na ako at may pasok ako sa trabaho. Kung hindi ka ba naman kasi naglalaro hanggang hatinggabi eh ’di sana hindi ka napupuyat!” sermon niya dito.
Naluluha na siya sa sobrang inis. “Hindi mo man lang maisipan na tulungan ako sa pagtitimpla ng gatas ng anak natin sa gabi. Kahit kinausap na kita pero laro pa rin ang inaatupag mo. Ganiyan ka ba kamanhid? Alam mong pagod din ako sa trabaho,” dagdag pa niya, puno ng hinanakit ang tinig.
“Ang drama mo! Maligo ka na kung liligo ka, hindi ’yung puro ka reklamo diyan! Hindi naman kita inutusang magtrabaho ’di ba? Ginusto mo ’yan!” nanlilisik ang mga matang singhal nito sa kinaya.
Tila pïnīga ang puso niya sa naging reaksiyon ni Evan. Sa halip na makonsensiya at maawa sa kaniya, ito pa ang may ganang magalit at magsalita ng hindi maganda.
Ikinuyom niya ang mga kamao. “Huwag mo ’kong sigawan! Napilitan akong magtrabaho dahil wala tayong maiambag dito! Hindi ka ba nahihiya na iasa na lang sa kanila ang responsibilidad sa mga gastusin ng anak natin?” taas-baba ang d*bd*b na tanong niya. Hindi na niya napigilang magtaas ng boses.
“Bakit, naghahanap naman ako ng trabaho, ah? Buti kung hindi!”
“Ang punto ko, sana naman tulungan mo ’ko sa pag-aalaga sa anak natin. Ang dami mong oras sa paglalaro, eh! Pero kung kargahin mo si Vanvan wala pang limang minuto inilalapag mo na. Mas umiinit pa ’yung cellphone sa kamay mo! Pero kapag hawak mo ang bata para kang napapaso!”
Hindi na niya mapigilan ang sarili. Tuluyan na siyang sümabøg. Wala na siyang pakialam kung napapalakas na ang boses niya, o kung marinig man ng mga kasamahan nila sa bahay ang kanilang pag-aaway.
Nagsasabi naman siya ng totoo. Maging ang pamilya ni Evan ay saksi din sa ginagawa ng lalaki. Kahit si Edward ay nagagalit din sa anak kapag nakikita nitong puro cellphone ang kaniyang partner sa halip na alagaan ang baby nila.
“Sus! Babantayan ko naman, ah! Hindi naman ’yan mapapano kasi hindi pa naman malikot!” katwiran pa nito.
Magsasalita pa sana siya subalit biglang bumukas ang kurtina ng kanilang kuwarto at pumasok si Marcela.
“Ang aga-aga ang ingay ninyo! Ikaw naman kasi Ava, kung puro ka reklamo mag-resign ka na lang. Huwag ka ng magtrabaho. Mag-alaga ka na lang ng bata kaysa puro kayo away,” sabat ng ina ni Evan na lalo niyang ikinainis.
“Eh lagi ho kasi kayong nagrereklamo na malaki ang bayarin sa tubig at kuryente. Kaya para may maiambag kami, nagtrabaho na lang po ako kaysa lagi ho kayong magpaparinig,” katwiran niya dito.
Lagi itong dumadaing tungkol sa mga bayarin magmula nang lumipat sila ni Evan. Samantalang ang bunso nitong anak na si Eman ay halos sa kanila na nakatira pero hindi nito inoobliga na magbigay kahit pangkain man lang.
May bahay naman ang mga ito pero laging nasa kanila. Doon nagsisiligo at kumakain pero hindi inoobliga ng biyenan niyang babae na magbigay. Samantalang panay ang daing sa kaniya tuwing dumadating ang bill sa tubig at kuryente.
Ramdam din niya na paborito ni Marcela si Eman. Madalas na paboran ng ginang ang bunso nitong anak. Pagdating sa mga apo ay halata din niya na espesyal ang trato nito sa mga anak ng lalaki.
Subalit hindi na niya iyon pinagtutuunan ng pansin. Ang importante sa kaniya ay may maiambag sila.