[2] Canvas of the Girl in White

1333 Words
UNANG ARAW NG PASUKAN. Karamihan ay sabik na pumasok sa eskuwelahan, para makasama ulit ang mga kaklase at kaibigan, upang matuto at harapin ang kapanapanabik na kabanata ng buhay para sa mga estudyante — ngunit hindi si Sebastian. Madaling araw pa lamang nang umalis ito sa kanilang mansiyon, Mansiyon ng mga Villa Leonor. Hindi nakauniporme, tanging pantalon, itim na sapatos at itim na sando lamang ang suot, makikita sa braso ang tattoo na simbolo ng bulaklak ng carnation. Bagay na ipinakatatago nito sa tuwing pumapasok ng eskuwelahan. Para sa lahat, mahirap basahin si Sebastian. Malamig ang prisensya, magandang lalaki, ultimo hubog ng katawan, ngunit talagang nakakatakot pa rin, dahil ang binatang ito... ay kilala sa pagiging barumbado at higit pa. "Seb, ang aga mo naman manggambala." Nagkukusot pa ng mata si Gio nang pagbuksan si Sebastian ng pintuan. "May pasok pa tayo mamaya." Mag-isang naninirahan sa kilalang condo sa Maynila si Gio, isa sa matalik na kaibigan ni Sebastian. Hindi niya gustong kinukunsinti si Sebastian, ngunit alam niya ang dinadamdam nito, marahil ay kagaya na rin siya ng mga kaibigan niya na napagod nang ituwid sa landas si Sebastian. Si Gio ay malaking kabaliktaran ni Sebastian. Makulit siya, magaslaw kumilos na tila isang bata, sa suot palang niya na pajama ay makikita na, malapit sa pamilya na halos ituring na siyang sanggol, hindi kagaya ni Sebastian na malayo ang loob sa mga magulang matapos mamatay ang ina at makapangasawa ng mas bata ang ama. Hindi alam ng lahat kung gaano kalalim ang pinagdadaanan ng kanilang kaibigan. Kahit gaano man ito kasungit at kalamig sa panlabas, alam niyang nasasaktan pa rin ito sa mga sinapit noong nagdaang mga taon. Sunod-sunod kaya tila namanhid at nawalan ng kakayahang ngumiti. Walang sabi-sabi na pumasok sa loob ng kaniyang condo si Sebastian. Marahil ay pupunta sa kaniyang studio room — isang bakanteng silid kung saan siya nagpipinta at kung saan niya dini-display ang kaniyang mga kuhang litrato. Sumunod siya kay Sebastian. Kaagad itong umupo sa malaking canvas na hanggang ngayon ay hindi pa nito natatapos. Simula nang mangyari ang isang trahedya ay paulit ulit nitong binubura at pinapatungan ng puting pintura para ulitin, dahil ang gusto nito maging perpekto ang ipinipintang mukha. Napabuntong hininga siya. Sumilip siya mula sa pintuan habang malungkot na pinagmamasdan ang kaibigan. Sa pagkakaalam niya kasi ay hindi naman mahilig sa pagpipinta si Sebastian, kaya ipinagtataka niya kung bakit nahilig ito ngayon at hindi niya inaakalang magaling din pala. Nasa kolehiyo na sila ngayong taon, parehas sila ng kinuhang kurso ni Sebastian, architecture. Kahit na madami siyang hobbies alam niya pa rin na iyon ang gusto niyang maging trabaho, ang maging arkitekto at si Sebastian naman, nadala lang sa utos ng Ama nito... at ng isa pang tao. "Siguro, galing ka sa bar ni Malik." Banggit niya kay Malik, kaibigan nila simula bata, galing rin sa marangyang pamilya at may-ari ng bar na madalas tambayan ni Sebastian sa tuwing gustong magpakalunod sa alak. "Amoy alak ka. Hindi ka man lang naligo at umuwi sa inyo." Natagalan ang pagsagot nito. "I just went home." "Bakit hindi ka nga naligo muna? Maaga klase natin mamaya." Hindi na siya nakatanggap ng sagot mula rito. Wala siyang nagawa kundi umupo sa bakanteng sofa sa tabi ng pinto para panoorin sa pagpipinta si Sebastian. Naka de kuwatro siyang sumandal sa sofa para mag-scroll sa social media. "Umaangat na naman stocks ng kompaniya niyo, ah. Nabalitaan ko kay Mommy," kuwento niya. "Anong aasahan mo sa Tatay kong halos sa opisina na tumira?" malamig na sabi nito. Napanguso siya. Palibhasa'y family-oriented kaya hindi pa rin siya masanay sanay kung paano pagsalitaan ni Sebastian ang ama nito. Dati naman ay hindi ganito si Sebastian, sa pagkakatanda niya nga ay idolo pa nito ang sariling Ama. Simula lang talaga nang mawala ang Mommy nito na nadagdagan pa ng isang trahedya... nagbago ito. "Chill, bro." Natigil siya sa pag-scroll sa cellphone. "Nag-message ang Reyna," si Gladys iyon. "Tinatanong kung papasok ka raw." "Ignore her," maagap nitong sagot. Napailing na lang siya sa inasta nito. Sebastian has a girlfriend— Gladys, but he treats her like someone who isn't special. Hindi niya maintindihan ang desisyon ni Sebastian sa buhay. Bakit siya nakipagrelasiyon kay Gladys kung parang labag naman sa loob nito? Tuwing tatanungin niya naman ito ay wala siyang nakukuhang sagot. Matagal na rin ang dalawa at ganoon pa rin ang trato sa isa't isa. "Bakit ba kasi hindi mo na lang reply-an. Ginagawa niyo akong alila." "That's the least thing you can do, Gio. Magrereklamo ka pa?" Kahit ang biro nito ay malamig pa rin sa pandinig. "Kailan mo ba kasi tatapusin ang painting na 'yan? Para hindi na kita makita," biro niya rin. Hindi na siya pinansin ni Sebastian. Nagpatuloy lang ito sa pagpinta. Hindi niya pa rin makuha kung bakit paulit ulit na ipinipinta ng kaniyang kaibigan ang mukha na ni minsan naman ay hindi nito nakita. Sino ang babaeng nakaputi na laman ng painting nito? PAYAPA NA PINAGMASDAN NI FAITH ang kalangitan. Mula sa ibabaw ng malaking ulap ay nakatayo siya, tinatanaw ang mundo sa ibaba nila — nangangamba at hindi alam ang pipiliin. Isang araw na ang dumaan simula nang alukin siya ng Punong Maestro para sa isang misyon. Hindi niya ginustong tanggihan ito, lalong lalo na at mataas na anghel ang Punong Maestro, ngunit sadya lamang na hindi siya sigurado sa maaring mangyari. Kung mapapagtagumpayan niya ba ang misyon o hindi. "Malalim ang iyong iniisip, munting anghel." Nilingon niya ang pinanggalingan ng boses na ngayon ay nasa tabi niya na. Malambing ang tinig nito, kaya pala, ang Arkanghel Sophia — ang Arkanghel ng pag-ibig. "Arkanghel Sophia," anang niya. "Napagsabihan at napatawag ka raw ng Punong Maestro?" Yumuko siya. "Hindi ko maintindihan, Arkanghel. Bakit tayo nililimitahan? Bakit lahat ay kailangan ng oras? Ang mga batas, para saan?" Nagtagal ang mahinhin na ngiti sa kaniya ni Arkanghel Sophia. "Tayong mga anghel ay kailangan ng mga tao, makakatulong para tanggapin nila ang Diyos at maging mabuti habang nasa lupa. Kung ipagpapatuloy mo ang kalituhan sa iyong isip, paano mo matutulungan ang mga tao sa lupa?" Alam niya ang nais iparating ng Arkanghel, talaga lamang na may tanong pa rin sa kaniya utak na hindi masagot. Bakit bawal? "Ano ang pumipigil sa'yo para tanggapin ang misyon, Faith?" Nanatili ang pagkakayuko niya. "Nangangamba ako, Arkanghel. Ganitong klaseng anghel ako sa langit. Kung bababa ako sa lupa, ang kagaya kong anghel ba ay pakikinggan, makakatulong at magtatagumpay? Ayokong mabigo Siya." Lumapat ang palad ng Arkanghel sa likod niya. Alam niyang nauunawaan siya nito, ngunit nalulungkot pa rin siya dahil wala pa man ay tila bigo na siya. "Iyan ang dahilan kung bakit ikaw ang pinili, Faith. Magtiwala ka sa Kaniya, dahil pinagkakatiwalaan ka rin Niya. Minsan ma'y makulit ka, alam kong dala lamang iyon ng kyuryosidad na mapupunan at matututunan mo sa lupa. Puno ka ng pag-ibig sa iyong puso, Munting Anghel. Diyan pa lamang ay panalo ka na." Malungkot man ang mukha ay napangiti pa rin siya. "Maraming salamat, Arkanghel Sophia." Nakangiti itong tumango sa kaniya. "Naniniwala akong magiging matatag ka, Anghel. Hindi niya ibibigay sa'yo ang misyon na ito kung alam niyang hindi mo kaya. Talagang susubukin ka sa misyong ito, ngunit ang kalakip naman nito'y regalo. Basta't magtiwala ka sa mithiin ng iyong puso kaakibat ng kabutihan." TINAPAKAN NI SEBASTIAN ang katatapos lang hithitin na sigarilyo. Kalmado siyang sumandal sa nakaparada niyang motor sa tapat ng isang convenient store malapit sa condo ni Gio. Ala-singko na ng hapon, matao pa rin ang kalsada. Puno ng polusiyon ang paligid na likha ng mga de gasolinang sasakyan. Tirik ang araw, napapaso siya sa init, ngunit hindi niya iyon ininda. Sa kaniya ba nakatingin iyon? Kunot-noo niya ring tinignan ang babaeng naka puti, maamo ang mukha, nakatayo sa kabilang parte ng kalsada na katapat niya. Weirdo. Bumuga siya ng hangin matapos haplusin ang tumayong balahibo sa batok at nag-iwas ng paningin. Ngunit nang ibalik niyang muli ang paningin, wala na ang babae.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD