"Anong ingay 'yon?" tanong ni Darwin nang magising kami sa mga kalabog na galing sa labas ng kuwarto.
Napabalikwas ako ng bangon. Sa totoo lang ay inaantok pa ako dahil nga sa madaling araw na ako nakatulog. Idinilat ko ang aking mga mata kahit na mahapdi pa iyon. Tiningnan ko ang orasan at nakita ko na pasado alas singko pa lamang ng umaga. Kaya pala masakit ang aking ulo. Ilang oras pa lang akong nakakatulog. Muli akong nahiga at ipinikit ko ang aking mga mata. Ayoko na sanang pansinin ang ingay na iyon ngunit napadilat uli ako ng may narinig na parang nabasag na salamin.
"Babe, tingnan mo nga kung ano 'yon," sabi sa akin ni Darwin na nakahiga pa rin.
Napabuntong-hininga ako at pilit na idinilat ang aking mga mata. Mahapdi pa iyon ngunit nilabanan ko. Alam kong lasing siya kagabi pero naisip ko na bilang lalake ay siya dapat ang tumingin. Baka kasi kung ano na iyon. Naiiling ako habang bumabangon. Tiningnan ko ang aking asawa at nakita kong nakatalukbong siya ng kumot. Bumaba ako ng katre. Naapakan ko ang mga damit ni Darwin na nasa sahig pa. Dinampot ko iyon at ibinigay sa kaniya.
"Magbihis ka na at baka makita ka pang hubad ng iba," sabi ko bago ko binuksan ang pinto.
"Wala talagang kuwentang buhay 'to. Puro na lang kamalasan. Nakakasawa na. Mga puny*ta," narinig kong sigaw ni Inay sabay bato ng kung anong mahawakan. Napahawak naman ako sa aking dibdib at nagulantang ako nang marinig ang pagbagsak ng gamit sa sahig.
Siya pala ang nag-iingay sa sala at pinag-initan niya ang mga gamit. Tuluyan ng nawala ang antok ko nang makita na nagkagulo ang mga upuan. May nakita rin akong basag na baso na halatang sinadyang basagin. Pati mga nakasabi na picture frames ay wala ring takas sa galit ni Inay.
"Iyong akala mong makatulong na ay hindi rin pala. Nagdagdag pa ng pabigat sa buhay. P*tang-i*a... Kailan ba ako makakaraos sa buhay na ito? Mamamatay na lang ba akong mahirap? Mga putang-i*na," sigaw pa niya.
Halos takpan ko ang aking tainga nang sunud-sunod pa siyang nagmura. Ngunit naisip ko na baka lalo siyang magalit kapag nakita niya iyon. Kaya tiniis ko na lang. Napapabuga na lamang ako ng hangin para hindi sumikip ang aking dibdib. Iyon kasi ang unang beses na maka-experience ako ng gano'n. Sa amin kasi ay hindi ko maringgan na nagmumura sina Mommy at Daddy. Nagagalit din naman sila pero tumataas lang ang timbre ng boses. Kunsabagay, magkaiba nga ang mundo na kinalakihan namin ni Darwin. Feeling ko ay normal na iyon sa kanila.
"I-inay, m-may p-problema po ba?" nagkakaundautal kong tanong sa kaniya. Nakadungaw lang ako sa may pintuan ng kuwarto. Hindi ako lumabas sa takot na makaapak ako ng bubog.
Sa totoo lang ay kinakabahan ako ngunit nilakasan ko lang ang aking loob. Nakaramdam din kasi ako ng hiya para sa mga kapitbahay namin na makakarinig ng pagwawala niya. Tiningnan ako ni Inay at tila lumiwanag ang mukha niya nang makita ako. Bahagya pa siyang ngumiti na para bang walang nangyari. Na tila ba hindi siya nagwala.
"Amber, anak, may pera ka ba riyan? Kailangan ko kasi ng pera ngayon," malumanay na ang boses na sabi niya sa akin sabay nagpapaawa ang mukha.
"P-po? Ah, ano po, Inay, eh. S-Sa totoo po, Inay w___"
"Aanhin niyo po ba ang pera, Inay?" tanong ni Darwin na hindi ko man lang naramdaman na nasa likuran ko na pala siya. Hindi na niya pinatapos ang sasabihin ko at nakisali na siya sa usapan.
"Aanhin? Malakas din ang loob mo na tanungin ako kung aanhin ko ang pera? Eh 'di ibabayad sa utang," pabulyaw na sagot ni Inay. Muling dumilim na naman ang mukha niya habang nakatingin kay Darwin. Ngunit hindi man lang nagpatinag si Darwin sa kaniyang Inay.
"Kaninong utang na naman ho 'yan?" mataas ang boses na tanong ni Darwin.
Naisip ko na marahil ay hindi na niya mapigilan ang sarili na pagtaasan ng boses si Inay lalo na at naistorbo ang tulog namin. Hinawakan niya ako sa braso para itabi at lumabas na siya ng kuwarto.
"Babe, may bubog baka maapakan mo," pabulong kong sabi sa kaniya.
"Ano sinisigawan mo na ako? Malakas na ang loob mo? Matapang ka na ngayon ha?" galit na tanong ni Inay sa kaniya na nakapameywang pa.
"Sino ho sa tingin niyo ang matutuwa sa mga pinaggagawa n'yo, Inay? Alam niyo ho ba kung anong oras pa lang?" galit pa ring tanong ni Darwin. Nais ko sanang pigilan siya at pakalmahin ngunit nangangamba rin ako na mabulyawan niya.
"Naku, Darwin tigilan mo nga ako. 'Wag na 'wag mong dadagdagan ang galit ko lalo na at nag-iisip ako kung saan kukuha ng ipapambayad sa utang. Manahimik ka kung wala kang maitutulong," nanggigigil na sabi ni Inay kay Darwin. "Kunsabagay, dapat nga eh ikaw na ang nagbabayad ng mga utang ko. Oras naman na ibalik mo sa akin ang mga naibigay ko sa'yo," sumbat pa sa kaniya ni Inay.
Nakita kong napapikit si Darwin saka huminga ng malalim. Ilang beses siyang humugot ng malalim na hininga. Naisip ko na kaya niya iyon ginawa ay para pakalmahin ang sarili at hindi na makapagsalita ng kung ano kay Inay. Sigurado kasing hindi rin naman siya mananalo sa usapang iyon at lalo lamang na susumbatan siya ni Inay dahil nga sa nag-asawa siya ng maaga.
"Kanino na naman kasi kayo umutang?" tanong ni Darwin na kalmado na ang boses.
"Kay Aling Azon."
"Ano? Bakit po kayo nangutang doon? Alam niyo naman kung gaano kataas ang tubo sa kaniya 'di ba?" galit na namang tanong ni Darwin.
"Eh sino ba ang taga-rito ang walang utang sa kaniya ha? Sige ituro mo sa akin kung meron. At may alam ka rin bang nagpapautang dito bukod sa kaniya? 'Di ba wala? Kung magsalita ka parang ikaw ang nagsusustento sa amin ah. Bakit may naiambag ka na ba rito sa bahay? 'Di ba wala pa naman? Saka saan ba ako kumukuha ng pinagpaaral ko sa'yo ha? 'Di ba kay Aling Azon din? Tapos ngayon susumbatan mo ako?" galit ding sumbat sa kaniya ni Inay.
Hindi nakasagot si Darwin. Muli na naman niyang pinapakalma ang sarili ngunit kita ko ang panginiginig ng kaniyang baba. Halatang nagpipigil ng kaniyang galit.
"Magkano ho ang inutang n'yo roon?" muli niyang tanong kay Inay na kalmado na ang boses.
"Bakit mo inaalam? May maibibigay ka bang pambayad ha? Kung wala ay manahimik ka na lang muna," pabalang na sagot ni Inay. "Sumasakit na ang ulo ko kung saan ako hahanap ng pera ngayon," dagdag pa niya sabay upo.
Palipat-lipat ang tingin ko sa mag-ina na para bang nag-aabang ako sa susunod na mangyayari. Saglit na nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nila. Tila pareho sila na nag-iisip kung ano ang gagawin. Napapakamot na lamang ng ulo si Darwin habang humihinga nang malalim. Nakaramdam naman ako ng awa sa aking asawa. Alam ko na kahit galit siya kay Inay ay pinuproblema rin niya ang ang utang nito lalo nga at patubuan. Araw-araw na nadadagdagan ang interest.
"Amber, ano may pera ka ba?" muling tanong sa akin ni Inay.
"Bakit si Amber ang hinihingian n'yo ng p___,"
"Meron po, Inay!" mabilis kong sagot. Hindi ko na pinatapos ang sasabihin ng aking asawa.
"Akin na muna at ng may maibigay ako kay Aling Azon. Baka totohanin kasi niya ang sinabi na ipapapulis ako kapag hindi ako nakabayad sa kaniya," ani Inay na alam kung totoo. Kita ko sa mukha niya ang pag-aalala.
"Saglit lang ho," tugon ko ngunit mabilis na hinawakan ni Darwin ang aking kamay.
"Saan ka kukuha ng pera ha?" tanong niya sa akin.
"Sa ibinigay ni Nicole. Ibigay na muna natin iyon kay Inay at mukhang kailangan na niya," tugon ko saka kinuha ko ang pera sa aking wallet na natira.
"Bakit mo sinabi kay Inay na may pera ka ha? Alam mo naman na 'yan lang ang meron tayo 'di ba? Paano na tayo ngayon?" galit na tanong sa akin ni Darwin na nakatayo sa aking likuran.
"Babe, alam ko pero ang sakit ng mga sinabi sa'yo ni Inay. Hindi ko kayang pakinggan. Alam kong kapag hindi mo siya binigyan ng pera ngayon ay susumbatan ka na naman niya dahil sa nag-asawa ka ng maaga. Hindi lang naman ikaw ang masasaktan dahil pati ako ay nasasaktan din. At tama naman siya eh. Naiintidihan ko ang punto niya. Na ikaw lang ang pag-asa n'ya para makaahon kayo sa kahirapan. Pero na-disappoint siya kaya gano'n na lang ang galit niya sa'yo," malumanay na paliwanag ko sa kaniya.
"So ito ang sa tingin mo ang sagot, ha? Eh paano kung wala ka ng maibigay sa kaniya? Eh 'di manunumbat siya uli? Anong gagawin mo?" magkasunod na tanong niya sa akin na halatang hindi nagustuhan ang ginawa ko. "Hindi mo kilala ang Inay, Amber. Kaya sana 'wag ka ng makialam sa susunod dahil lalo mo lang pinalala sa halip na makakatulong ka," dagdag pa niya saka muli siyang nahiga.
Para akong binuhusan nang malamig na tubig sa sinabi ng aking asawa. Hindi agad ako nakakilos na para bang napako ako sa aking kinatatayuan. Ang sakit ng mga salitang iyon. Para iyong punyal na bumaon sa aking puso. Oo alam kong galit lang siya kaya niya nasabi iyon pero hindi ko pa rin matanggap. Okay pa sa akin kung galing iyon sa ibang tao. Mas matatanggap ko pa pero galing sa aking asawa. Sa lalaking minamahal ko. Naisip ko na ako pa ang naging masama gayong siya ang naisip ko ng gawin iyon. Hindi ko tuloy mapigilan na magsibagsakan ang aking mga luha.
"Amber, asan na ang pera? Aba pakibilisan at sisikat na ang araw," tawag sa akin ni Inay.
"Saglit lang po, Inay," tugon ko.
Mabilis kong pinunasan ang aking mga luha at huminga ako ng malalim para kumalma ang aking pakiramdam saka lumabas na ako ng kuwarto.
"Heto po, Inay."
Iniabot ko kay Inay ang pera. Binilang niya iyon ngunit sa halip na matuwa at magpasalamat ay masama pa ang tingin niya sa akin.
"Ito lang? Wala na bang dagdag ha?" tanong niya na halatang nadismaya sa perang ibinigay ko.
"Pasensiya na po, Inay. 'Yan na lang po kasi ang pera na meron ako," sagot ko na pinipigilan ang sarili na maiyak.
"Ano ba naman 'to, Amber? Akala ko pa naman na malaking pera ang maibibigay mo sa akin. Pinaasa mo lang pala ako sa wala. Sana naman hindi ka nagbida-bida. Nai-text ko pa naman na si Aling Azon. Mas malaking problema pa pala itong ibinigay mo sa akin eh. Sa totoo lang ay hindi ka nakakatulong, Amber," ani Inay sabay duro sa akin. "Buwesit talaga 'tong buhay na 'to. Puro mga walang kuwenta," dagdag pa niya saka pinagsisipa ang mga nakakalat na gamit sa sahig.
Halos gusto kong umatungal ng iyak pero pinigilan ko. Nanginginig na ang aking baba at tinakpan ko na lamang iyon ng kamay. Gustuhin ko man sanang sagutin si Inay gaya ng ginawa ni Darwin ay pinili kong manahimik.
"Dagdagan mo pa ito ha? Gumawa ka ng paraan. Kahit lumapit ka pa sa mga magulang mo ay gawin mo. Total ikaw din naman ang dahilan kung bakit hindi na nakapagtapos si Darwin. Kung hindi ka nakipagtanan sa kaniya ay maganda sana ang kinabukasan ng anak ko. Pero kakatihan ang pinairal mo kaya dapat lang na magbayad ka. Dapat sa makalawa ay maibibigay mo na sa akin ang pera dahil iyon ang sasabihin ko kay Aling Azon at sa pagkakataong ito ay 'wag mo akong ipahiya. Kahit kalahating milyon. Siguradong barya lang 'yon sa mga magulang mo," pabulong na sabi ni Inay saka lumabas na siya ng bahay.
Pagkaalis ni Inany ay napaupo ako sa sahig. Pakiramdam ko ay wala ng lakas ang aking mga binti. Tuluyan ko ng hinayaan ang aking mga luha. Umiyak ako ng umiyak sa sama ng loob. Hindi lang kay Inay kundi maging sa aking asawa.
"Ito ba ang parusa sa akin dahil sa ginawa ko? Bakit naman ganito? Pinili ko lang naman ang nais ng puso ko? Kasalanan ko ba?" tanong ko sa aking sarili kahit na wala rin namang makakasagot.