"Aalis na ako, Babe," paalam sa akin ni Darwin ng hapon na iyon. Pupunta na kasi siya sa birthday ni Loisa.
"Sige, Babe," pilit ang ngiting tugon ko. Niyakap niya muna ako saka hinalikan sa labi. "Huwag kang masyadong uminom at magpagabi ha? Wala pa naman akong kasama rito," bilin ko pa sa kaniya.
"Oo naman, Babe. Mga alas otso andito na ako," sagot niya saka nagmamadali na siyang lumabas ng bahay.
Kita sa kilos niya kung gaano siya ka-excite. Buong maghapon din niyang bukambibig ang tungkol sa birthday ni Loisa. Kahit naiinis na akong makinig ay pinagtiyagaan ko na lamang dahil sa ayaw ko ring sirain ang kaniyang mood lalo at kababati lang namin. Nagkatampuhan na naman kasi kami dahil lang sa sinabi ko sa kaniyang kay Nicole ako hihingi ng tulong. Pakiramdam niya ay wala akong tiwala sa kaniya kahit na hindi naman talaga iyon ang punto ko. Kung tutuusin ay labag sa kalooban kong humingi ng tulong sa best friend ko dahil nga sa mahihiya rin naman ako. Sa dami na rin kasi ng naitulong niya sa akin. Dagdag isipin ko pa ang tungkol sa hinihinging pera ni Inay.
Nang hindi ko na matanaw si Darwin ay pumasok na ako sa loob ng kuwarto at ini-lock ko ang pinto. Umupo ako sa papag habang nag-iisip kong paano kami magkakapera. Wala rin kasi akong nadalang alahas na misasanla ko gayong kinuha lahat iyon ni Mommy. Maging ang ATM at Bank book ko ay kinumpiska niya. Muli na namang tumulo ang luha ko.
"Mahirap palang maging mahirap," sabi ko sa aking sarili.
Ngayon ko lang iyon napatunayan dahil sa hindi ko na mabibili ang lahat ng gusto ko. Limitado na rin ang mga kilos ko. Dati ay madalas akong mag-shopping dahil nga sa malaki ang monthly allowance ko sa aking parents pero ngayon ni pambili ng makakain ay wala na.
"What should I do? Hindi puwedeng ganito na lamang kami. Kailangan ko ring makahanap ng trabaho para mas mabilis kaming makapag-ipon. Sana pumayag si Darwin," usal ko habang patuloy pa rin sa pagdaloy ang aking mga luha.
Ilang oras din akong nagmukmok. Pakiramdam ko ay napakabagal ang takbo ng oras dahil nga sa wala akong ginagawa. Masakit na rin ang likod ko sa kakahiga kaya naisipan kong lumabas ng kuwarto.
"Alas sais na pala," sabi ko nang makita ang oras.
Nagpasya na lamang akong kumain. Nagsaing na kasi si Darwin ng marami kaninang tanghali dahil sa ayaw na niya akong paglutuin at baka raw makasunog pa ako. Binilhan na rin niya ako ng lutong ulam. Nang buksan ko na ang panaklob ng pagkain sa mesa ay laking gulat ko.
"Asan na ang ulam? Bakit wala na rito?" tanong ko sa aking sarili.
Naisip ko na imposible naman na kinain iyon ng pusa dahil sa maayos naman ang panaklob. Tiningnan ko rin ang kanin sa kaldero. Tutong na lang ang natira. Pagtingin ko sa lababo ay nakita ko na may pinggan doon na marumi at may sarsa pa ng ulam. Napabuntong-hininga na lamang ako sa aking nakita.
"Sa'yo po ba 'yong ulam sa mesa, Ate?" tanong sa akin ni Denise. Kagagaling niya lang sa banyo at halatang bagong ligo.
"Oo, iniwan sa akin ng Kuya mo," tugon ko.
"Kinain ko na po, Ate. Nagutom kasi ako. Wala na rin akong pera pambiling pagkain. Wala hong iniwan ang Inay eh. Bumili na lang po uli kayo. May tinda pa namang ulam sa karinderya," aniya na parang wala lang sa kaniya ang ginawa. Hindi ko man lang siya makitaan na nakukonsensiya siya.
Gusto ko sanang sabihin sa kaniya na wala namang masama kung kumain siya. Pero sana mang lang tinirhan niya ako. Saka wala ring problema kong may pambili ako kaso ni isang kusing ay walang natira sa akin. Inutang na nga lang ni Darwin ang pinangkain namin.
"Magbibihis na ako, Ate. May pupuntahan pa kasi ako," aniya saka nagmamadaling nagtungo sa kanilang kuwarto.
Napahawak na lamang ako sa mesa at napaupo. Hihintayin ko na lamang si Darwin na makauwi. Naisip ko na baka may dala siyang pagkain. Sinabi rin naman kasi niya na ipaghihingi niya ako ng handa ni Loisa. Kahit hindi ko gusto ang babaeng iyon ay mapapakain ako ng kaniyang handa kapag ginutom ako ng husto mamaya.
Muli akong tumayo saka kumuha ng tubig. Uminom na lamang ako para mabawasan ang nararamdaman kong gutom. Nang wala akong maisip na gawin ay pumasok na ako sa ming kuwarto saka nahiga. Pipiliin ko na lamang ang sarili kong makatulog. Ngunit palipat-lipat lamang ako ng puwesto. Ayaw pa rin akong dalawin ng antok hanggang sa maramdaman ko na na ang pagkalam ng aking sikmura.
"Gutom na gutom na talaga ako."
Bumangon ako at lumabas ng kuwarto. Nagtungo ako sa kusina at muling binuksan ang kaldero. Napapabuga ako ng hangin habang tinitingnan ang tutong.
"Pwede na siguro itong pagtiyagaan."
Kumuha ako ng plato saka sinandok ang tutong. Nakita kong may tuyo na naroon. Kinuha ko iyon saka nilagyan ko ang tutong. Hindi ko mapigilan ang aking luha habang isinusubo ang hapunan ko. Awang-awa ako sa aking sarili. Hindi ko kasi lubos maisip na mararanasan ko ang mga bagay na ito sa aking buhay.
"Tama na ang drama, Amber. Ginusto mo ang buhay na ito kaya magtiis ka," sabi ng isang bahagi ng aking utak.
Tama nga naman. Ako ang pumili ng aking kapalaran kaya wala akong magawa kundi ang magtiis. Pinunasan ko ang aking mga luha saka ipinagpatuloy na ang pagkain ngunit hindi ko rin nakayanan. Pakiramdam ko kasi ay magagasgas na ang aking lalamunan sa paglunok dahil sa matigas iyon. Uminom na lang uli ako ng tubig para kahit papaano ay mabusog ako.
"Alas otso na pero wala pa rin si Darwin?" tanong ko sa sarili habang nakatingin sa orasan.
Pinili ko na uling pumasok sa loob ng aming kuwarto. Pagkaupo ko sa papag ay naalala ko ang aking cellphone. Tumayo ako at kinuha ko iyon sa aking bag. Ini-on ko iyon. Ilang minuto na iyong nakabukas ngunit wala akong makitang bagong message na lumabas.
"Natanggap na siguro ni Mommy ang ginawa ko," sabi ko sa aking sarili sabay patak ng aking mga luha hanggang sa mapahagugol na lamang ako.
Umiyak ako ng umiyak. Hindi ko pinigilan ang aking sarili para kahit papaano ay gumaan ang kaming pakiramdam. Hanggang sa kusa na lamang na tumigil sa pagtulo ang aking mga luha. Naisip ko na marahil ay naubos na iyon. Halos magbara na rin ang ilong ko dahil sa sipon.
Patuloy pa rin ako sa pagmukmok. Nakaupo ako habang nakasandal sa unan. Pinindot ko ang aking cellphone para tingnan ang oras. Mag-aalas diez na iyon. Nag-aalala na ako kay Darwin kaya tinawagan ko siya sa kaniyang cellphone.
"Bakit ayaw niyang sagutin?" tanong ko sa aking sarili.
Nakalimang tawag na ako kay Darwin ngunit hindi pa rin siya sumasagot. Nang tawagan ko uli ay naka-off na ang kaniyang cellphone. Kumabog tuloy ang dibdib ko. Naisip ko na baka may masama nang nangyari sa kaniya.
"Baka naparami na siya ng inom at kung ano na ang nangyari sa kaniya? s**t, Amber. Huwag ka namang mag-isip ng kung ano," saway ko sa aking sarili.
Hindi talaga ako mapakali hanggang sa nakikita ko na lamang ang aking sarili na naglalakad sa kalsada. Nagdesisyon akong susunduin na lamang si Darwin. Marami pa namang tao sa kalsada kaya ipagtatanong ko na lamang ang bahay ni Loisa.