WADE
Kinabukasan ay maaga akong nagising. Alas-singko pa lang ay pababa na `ko ng sala kung saan naabutan ko sina Vince at Amos na kumakain. Nakasalampak sila sa sahig habang nakasandig si Amos sa balikat ni Vince.
“Good morning, mars,” bati sa `kin ni Amos na halatang masaya. Agad na nakaramdam ako ng bahagyang inis at paninibugho.
“Morning,” tugon ko bago dumiretso sa kusina para magtimpla ng kape. Naghanap rin ako ng Dolfenal sa medicine cabinet dahil parang binibiyak ang ulo ko. Pero mas masakit ang kirot na nararamdaman ng puso ko.
Sa halip na bumalik ng sala ay pumunta ako sa likod-bahay bitbit ang tasa ng kape ko. Hinamig ko ang sarili ko at pinagmasdan ang payapang lawa. Papasikat pa lang ang araw kaya naman ang ang gandang pagmasdan ng tanawin na nasa harap ko. Kapag namulaklak ang mga tinanim namin ni Vince, siguradong mas gaganda pang lalo ang hardin na `to.
“Wade, good morning.”
Agad na napalingon ako sa pinanggalingan ko nang marinig ko ang boses ni Vince. Mag-isa lang siya at nakasuksok ang dalawang kamay niya sa bulsa ng pantalong suot niya. Para siyang modelo na pinilas mula sa GQ magazine. He is oozing with so much s*x appeal. And he smells like heaven too.
“Good morning,” bati ko rin sa kanya na bahagyang nakangiti. “Nakatulog ka ba nang maayos?”
“Medyo nakatulog naman ako. Nagigising-gising lang ako kasi ang likot ng mga kamay ni Amos,” aniyang medyo natatawa. Bigla ko namang naimagine kung saang parte ng katawan ni Vince naglumikot ang mga kamay ng kaibigan kong si Amos. “Uuwi na pala ako. Hinahanap na ako ng lola ko for sure.”
Bahagya akong tumango sa kanya. “Balik ka na lang `pag free ka. Papatulong sana akong magpintura sa loob ng bahay kung okay lang.”
“Siyempre, pwedeng pwede. Balik na lang ako mamayang after lunch siguro.”
“Sige. Ingat ka pauwi,” sabi ko pa.
“Salamat,” nakangiting sagot ni Vince na naglakad na papunta sa gilid ng bahay. Sinundan ko naman ng tingin ang maumbok na pang-upo niya. Nang tuluyan na siyang mawala sa paningin ko ay saka ko lang binalikan ang kape ko na bahagya nang lumamig. Inisang lagok ko na lang `yon at saka bumalik sa loob ng bahay.
Wala na sa sala si Amos pero naroon pa rin ang mga kalat na naiwan namin kagabi. Pinaglalagay ko sa supot ang mga balat ng tsitserya, basyo ng bote ng alak pati na mga upos ng sigarilyo at saka iyon dinala sa kusina para isama sa iba pang mga basura.
At dahil hindi na ako makabalik sa pagtulog, nagpasya akong mag jogging na lang. Nagsuot lang ako ng sapatos at lumabas na ng bahay. Sa direksiyon papunta sa bahay nina Vince ko unang naisipang tumakbo. Sabi niya noon ay nasa ikalawang kanto lang ang bahay nila.
Dahil ano’ng oras pa lang ay tahimik pa karamihan ng mga bahay. Malalagpasan ko na sana ang isang lumang jeep nang maagaw ng isang matanda ang pansin ko. Nakaupo siya sa isang lumang stool na malapit sa jeep. At mula sa jeep ay nakita kong bumaba sa jeep si Vince na may hawak na umuusok na mangkok.
Napatigil ako sa paghakbang at wala sa sariling pinagmasdan si Vince at ang lola niya. Parang may humaplos sa puso ko nang makita ko kung paanong tignan ni Vince nang buong pagmamahal ang lola niya na ngayon ay sumusubo ng noodles.
Aalis na sana ako at babalik na lang ng bahay nang tumingin naman sa direksiyon ko si Vince. Agad na kumaway siya sa `kin. Naglakad naman ako palapit sa kanila ng lola niya.
“Magandang umaga po, lola,” bati ko sa lola ni Vince.
“Aba’y magandang umaga din, hijo,” nakangiting tugon ng lola niya na mababakas sa mukha ang pagiging mabait.
“`La, si Wade nga po pala. Sa kanya ako nagta-trabaho sa ngayon. Sa bahay rin po nila ako natulog kagabi. Wade, lola ko.”
“Ikinagagalak kong makilala ka, Wade. Vince, ikuha mo sa loob ng noodles `tong amo mo.”
“`La, nakakahiya,” sagot ni Vince na napakamot pa sa batok. Ang cute niyang mahiya.
“Aba’y bakit ka naman mahihiya?” tanong ni lola kay Vince. “Wade, hijo, nag-agahan ka na ba?”
“Hindi pa nga po, eh. Pero ayos lang. Hindi pa naman po ako nagugutom,” sagot ko. Which is true naman.
“Vince, sige na ikuha mo na ng noodles `tong si Wade,” utos ulit ni lola. Sa pagtataka ko ay umakyat ulit ng jeep si Vince.
“Sa jeep na `to kami nakatira ni Vince. Mahabang kwento, pero nasanay na rin kami ng apo ko. Upo ka muna,” sabi ni lola na tinapik pa ang stool na nasa tabi niya.
Bigla akong nalungkot nang malaman kong sa jeep na nasa harap ko natutulog si Vince at ang lola niya. Nang tignan ko ang loob ng jeep ay mayroon ngang manipis na foam na nakalatag sa gitna. May mga kahon naman sa kabilang panig ng jeep.
Nang bumaba ulit si Vince ay iniwasan kong magpakita ng awa sa kanya. Ayokong maramdaman niyang kinakaawaan ko siya.
“Salamat. Amoy pa lang alam kong masarap na,” nakangiting sabi ko kay Vince nang iabot niya sa `kin ang hawak na mangkok.
Nagpaalam si Vince na pupunta muna sa bahay na ilang hakbang lang ang layo sa jeep kung saan nakatira ang mag lola. Nang wala na si Vince ay nagtanong naman ako sa lola niya kung kaninong bahay iyong pinuntahan ni Vince. At nagulat ako nang sabihin ni lola na bahay iyon ng mga magulang ni Vince. Kwenento rin ni lola kung paanong sa jeep na `to sila natutulog gayong mukhang malaki naman ang bahay nina Vince.
Nag kwento naman ang matanda tungkol sa naging buhay ni Vince nang mga sumunod na sandali. At dahil sa kwento ni lola ay umuwi ako na mabigat ang dibdib. Hindi ko ma imagine na mabigat pala ang pinagdadaanan ni Vince sa buhay dahil sa tuwing nasa bahay siya ay palagi naman siyang nakangiti. Hindi mababakas ang lungkot sa gwapo niyang mukha. O maaari ring magaling talaga siyang magdala ng problema.
With that, tila lalo pang nadagdagan ang paghanga ko kay Vince. Hindi na rin ako nagtagal at nagpaalam na akong uuwi ng bahay. Bago tuluyang maglakad palayo ay nangako pa ako kay lola na dadalawin ko ulit siya sa mga susunod na araw.
Pagdating ko ng bahay ay gising na sina Amos at ang tatlong boys. Kasalukuyan silang nag eempake ng mga gamit nila dahil alas-singko ng hapon ang flight nila pabalik ng Manila.
“Boys, bilisan niyo na. Baka maiwan tayo ng SuperCat,” sigaw ni Amos na almost ready na. Babalik pa kasi sila ng Cebu dahil nandoon ang flight nila mamaya. “Mars, ikaw na ang bahala sa baby ko, ha?”
Natawa ako nang pagak sa sinabi niya. “Baliw! Maka baby ka diyan.”
“Magpaiwan na kaya ako dito, mars? Mukhang dito ko lang pala matatagpuan ang true love ko,” patuloy pa ni Amos habang naglalagay ng blush on.
“Ikaw ang bahala,” kunwari ay wala pakialam na sagot ko. Pero ang totoo’y kulang na lang ay sipain ko na siya palabas ng bahay at sigawan ng tsupi. But of course I can’t do that. Amos is a good friend of mine, eh.
“Siyempre, charot lang. Pero kung bet ni Vince pumunta ng Manila, bigay mo contact number ko sa kanya, ha? Welcome na welcome siya sa condo unit ko. Sabi naman ni mommy, pwede na raw akong mag settle down.”
“Baliw ka talaga,” natatawang saad ko sa kanya.
Makalipas ang kalahating oras ay paalis na rin silang apat. Pumara na lang ako ng dalawang tricycle para ihatid sila sa sakayan ng van papuntang Ormoc kung saan naman sasakay sila ng SuperCat papuntang Cebu.
“Ingat ka dito, mars. Text mo `ko pag pabalik ka na ng Manila.”
“Bye, Wade. See you in Manila, okay?” sabi naman ni Charles bago ako marahang niyakap.
Nanatili akong nakatayo sa tabi ng gate hanggang sa umandar na ang dalawang tricycle at unti-unting nawala sa paningin ko.
Pagbalik ko ng bahay ay pasalampak na naupo ako sa malambot na sofa. Habang nakatingala ako sa kisame ay walang ibang laman ang isip ko kundi si Vince at ang gwapo niyang mukha. Mariing ipinikit ko ang mga mata ko at pinilit na iwaksi siya isip ko. Pero bigo akong gawin `yon dahil sa halip na mawala ay tila lalo lang nagiging malinaw ang itsura niya sa isip ko. And in my mind, I can hear him laugh and giggle at the same time.
God, I must be crazy for wanting him so much.