5: THE UNSEEN DAUGHTER

2060 Words
Josephine, “Putangína Josephine! Anong oras na!? Hindi ka pa rin ba tapos magluto?" Muntik ko nang mabitawan ang hawak kong sandok dahil sa lakas ng sigaw ni mama mula sa sala. Mabilis kong inayos ang apoy ng kalan at tinikman ulit ang adobo. Medyo maalat kaya dinagdagan ko nang kaunting tubig. Mahirap na, baka lalo pa akong mapagalitan. “Josephine! Ilang beses ko bang sasabihin na magmadali ka sa pagluluto! Gutom na gutom na ako! Gusto mo pa bang atakihin ako sa inis?" Napalingon ako saglit sa may pintuan ng kusina. Nakapamewang si mama habang nakatingin sa’kin na para bang wala akong silbi. “Pasenya na po Ma. Inutusan pa kasi ako ni ate Maxine na maglaba ng uniporme niya kaya natagalan po ako sa kusina." “Puro ka dahilan! Ang sabihin mo napakakupad mo! Hindi ka man lang marunong kumilos ng mabilis. Para kang inútil!” Pakiramdam ko parang may bumara sa lalamunan ko. Gusto kong sumagot. Gusto kong ipagtanggol ‘yung sarili ko. Pero alam kong kapag nagsalita pa ako, mas lalo lang siyang magagalit. Kaya tinikom ko na lang ‘yung bibig ko, habang pinipigil ang luha. “Siguraduhin mong masarap ‘yan ha! Kapag matabang ‘yan, isusubo ko sa’yo ‘yang kawali!” Tumalikod na si mama at naglakad pabalik sa sala habang patuloy pa rin sa pagdaldal. Mula bata pa lang ako, sanay na ako sa boses niyang malakas, sa mga pagmumura niya, at sa mga utos niyang parang wala akong karapatang mapagod. Habang hawak ko ang sandok, napansin kong nanginginig na pala ang kamay ko. Hindi ko alam kung dahil sa takot o sa pagod. Nang kumulo na ulit ang sabaw, pinatay ko na ang apoy. Maingat kong inilagay sa magandang mangkok ‘yung adobo tapos inayos ko ang mga plato sa lamesa. Narinig kong tumatawa si Mama habang may kausap sa telepono. Bigla siyang naging sweet. Ang layo sa mga salitang binibitawan niya sa akin. Minsan naiisip ko, paano niya nagagawang maging mabait sa ibang tao, pero sa sarili niyang anak, puro mura? Nang nalagyan ko na ng kanin ang mga plato, nagpunta ako sa sala para tawagin si mama. “Ma… nakahain na po.” "Hindi mo ba kayang hintayin na matapos ako makipag-usap? Nakita mong may kausap ako tapos iistorbohin mo ako?" Inirapan niya ako bago bumalik sa pagtawa at paglalambing sa kausap niya sa tawag. Saglit siyang tumingin sa’kin at sumenyas na umalis ako sa harap niya. Tahimik lang akong tumango at bumalik sa kusina. Parang kasalanan ko pa na kailangan ko siyang abisuhan na handa na ang pagkain. Hindi ko alam kung sanay na lang ba ako sa ganitong trato o pilit ko na lang kinukumbinsi ang sarili ko na okay lang. Maya-maya, narinig kong lumapit si Mama sa mesa. Tumikhim siya bago umupo. Walang pasasalamat, walang kahit anong acknowledgement na ako ang nagluto. Parang obligasyon ko lang lahat ng ito. Napakunot ang noo niya habang tinititigan ang adobo. Kumuha siya ng isang subo, sabay napataas ang kilay. “‘Buti naman at kahit papano eh may lasa ‘tong niluto mo ngayon. Akala ko katulad na naman ng mga dati mong luto na walang kwenta.” Hindi ko alam kung compliment ba ‘yon o insulto pa rin. Pero dahil sanay na akong kumapit kahit sa pinakamaliit na kabutihang sinasabi niya, tinanggap ko na lang. “Salamat po, ma." Hindi niya ako pinansin. Nagpatuloy lang siya sa pagkain. Ako naman, tahimik lang sa gilid ng kusina. Hindi ako sanay na kumakain sabay nila. Kadalasan, maghihintay akong matapos sila tapos ako na lang ang kakain mag-isa. Parang hindi ako bahagi ng pamilya. Pakiramdam katulong lang ako dito sa bahay. Lumapit ako sa lababo at nahugas ng mga ginamit ko kanina sa pagluluto. Ayokong makita niya akong nakatayo lang na parang wala akong ginagawa. Lalo lang magdadagdag ang sermon sa'kin. "Maaaaa!" Dumating si ate Maxine na halatang bagong ligo. Amoy shampoo at may make-up pa kahit nasa bahay lang. “Maxine, anak. Kumain ka na, baka gutom ka na.” Kumírot ang dibdib ko nang marinig kong biglang lumambing ang boses ni Mama. Ibang-iba sa tono niya kanina lang. ‘Yung Mama na palaging galit sa akin, biglang nagiging malumanay at mapag-alaga kapag si ate na ang kaharap. Kapag kay ate Maxine, may ’anak’, samantalang sa akin, puro ’putángina’. “Hi Ma,” yumakap sa kanya si ate Maxine at humalik sa pisngi. “Ang bango ng ulam ah. Si Josephine ba’ng nagluto nito?” “Oo. Buti na lang kahit papano natuto na rin ‘yang kapatid mo. Hindi na lang palaging palpak.” Nilingon ako ni ate Maxine at tinaasan lang ng kilay. “Ma, may lakad po ako ngayon. Sabi ni Camille, may get-together kami sa bahay nila. Birthday daw ng kuya niya.” Tumango si Mama habang ngumunguya. “Sige, sige. Basta magsabi ka lang kung anong oras ka uuwi.” "Ma. Wala na rin po akong pera. Baka mag-ambagan kami para sa food at drinks.” Walang tanong-tanong, kinuha agad ni Mama ang pitaka niya. Binunot ang isang libo at iniabot kay ate. "Thank you po, ma. Ang swerte ko talaga na ikaw ang mama ko. I love you." "I love you too, anak. Mag-ingat ka sa lakad mo ha." "Opo ma. Thank you po ulit." Muling niyakap ni Maxine si mama saka dumiretso sa kuwarto niya para magbihis. Basta nalang iniwan ‘yung pinagkainan niya. Nang makalabas na si ate, pinunasan ko ang kamay ko sa laylayan ng suot kong apron at dahan-dahang lumapit kay Mama. Kinakabahan man pero kailangan ko itong sabihin. “Ma…” simula ko. Huminga ako ng malalim bago inipon ang lakas ng loob. "Ano na naman?" irita niyang tanong, di man lang tumingin sa akin. “Magpapaalam po sana ako....mamaya po, aalis ako saglit. May kailangan lang po kaming ayusin ng groupmates ko sa thesis. Sa bahay lang naman po nina Liza, hindi rin kami magtatagal.” Bigla siyang napahinto sa pagsubo at tiningnan ako ng matalim. "Hindi ba nasabi sa’yo ng papa mo? Papahintuin ka na sa pag-aaral. Wala na tayong pera, Josephine. Magkokolehiyo na rin si Jannah. Mas kailangan niyang unahin.” Napaatras ako ng bahagya, hindi dahil sa lakas ng boses niya, kundi dahil sa bigat ng sinabi niya. Hindi agad ako nakasagot, para akong napako sa kinatatayuan ko. "Ma, sayang naman po. Sa susunod na taon, fourth year college na po ako. P-pwede po bang hindi ako huminto sa pag-aaral? Pangako po ma, bukod sa mga pageant, maghahanap po ako ng raket kahit weekends lang. Makakatulong na rin ‘yun para pandagdag sa gastos natin.” “Anong sayang. Aba eh ano'ng gusto mo, pabayaan si Jannah? Mas matanda ka sa kanya kaya dapat marunong kang magsakripisyo!” Humigpit ang hawak ko sa laylayan ng apron. Ramdam ko ang pamumuo ng luha sa mga mata ko pero pilit kong nilunok ang lahat, pati sama ng loob. "Pa-paano po si ate Maxine? Titigil din po ba siya sa pag-aaral?" "Nahíhibang ka na ba? Syempre hindi titigil sa pag-aaral si Maxine. Graduating na siya sa Nursing! Eh ikaw? Anong kurso mo? Mass Comm lang! Ni hindi nga ako sigurado kung may patutunguhan ka d’yan!" Mass Comm lang? Unti-unting pumatak ang luha ko na kanina ko pa pinipigilan. Para bang walang halaga ang mga taon na pinaghirapan ko. Para bang wala akong karapatang mangarap. "Pero paano naman po ako, ma?" Pinandilatan niya ako. “Aba’t ang tigas ng ulo mo ah! Hindi mo ba naiintindihan ang sinasabi ko? Hindi ito tungkol sa gusto mo, Josephine! Ito ay tungkol sa kung anong kaya naming itaguyod. At dalawa lang ang kaya naming pag-aralin ng college. Si Maxine 'yon at si Jannah." “Ma, hindi po ba ako mahalaga sa inyo? Bakit parang ako palagi ang kailangang magparaya?” “Putangína Josephine!" Bigla siyang tumayo mula sa kinauupuan niya at malakas na hinampas ang mesa. "Tumigil ka nga sa kadramahan mo Josephine! Hindi mo ako mapapaikot sa pag-iyak iyak na yan. At kung gusto mo talagang makatulong, tigilan mo na ‘yang kakarengkeng mo sa labas ha? Magtrabaho ka na lang. Sa dami ng kailangan dito sa bahay, kung may pakialam ka talaga sa pamilya mo, ‘yan ang dapat mong gawin!” Tumalikod siya at padabog na umalis ng kusina. Isang paalala na tapos na ang usapan at hindi ako dapat magreklamo. Naiwan akong mag-isa sa kusina. Dahan-dahan akong umupo sa gilid ng mesa at tinakpan ang bibig ko habang pinipigil ang hikbi. Ayaw kong marinig ako ni mama baka mas lalo akong mapagalitan. Habang pinipilit kong huminga nang maayos, narinig kong bumukas ang gate sa labas. "Ate Jo!" Napalingon ako sa boses na 'yon. Si Malia. Ang bunso naming kapatid. Agad kong pinahid ang luha ko gamit ang likod ng kamay at pinilit ngumiti. Ayokong makita niya akong umiiyak. Siya na lang yata ang dahilan kung bakit minsan napipilit ko pang magpakatatag kahit ang bigat-bigat na. “Hi, ate!” bati niya sa akin habang mabilis akong nilapitan. Niyakap niya ako mula sa likod kahit pawisan pa ako at amoy mantika. "Nakauwi na pala ang bunso naming maganda." Bahagya kong ginulo ang buhok niya at pinisil ang pisngi. "Naku mas maganda ka po ate Jo." "Hindi ah. Mas maganda ka dahil ikaw ang bunso namin." Sumimangot siya bago tumawa. “Ate naman pa-humble pa. Ikaw kaya ang pinakamaganda sa ating magkakapatid.” Napangiti ako kahit papaano. Si Malia lang talaga ang may kakayahang gawing magaan ang pakiramdam ko sa kabila ng masasakit na sinabi ni mama sa'kin kanina. “Ate Jo, umiyak ka po ba? Napagalitan ka na naman ba ni Mama?” Nagkibit-balikat ako. Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag sa isang dose anyos na bata ‘yung komplikadong sitwasyon dito sa bahay. "Hindi Malia. Napuwing lang ako. At tyaka gusto mo bang kumain? Nagluto ako ng paborito mong adobo." "Talaga po ate?" Halos kumislap ang mga mata niya sa tuwa. Tumango ako at hinaplos ang buhok niya. “Oo naman. Niluto ko 'yong adobo para sayo." "Pwede po bang sabay tayong kumain ate?" Ngumiti ako at saglit na hindi nakasagot. Sa totoo lang, bihira sa akin ang pagkakataong may gustong kumain kasama ako. Pero si Malia… iba siya. Iba ang lambing, iba ang tingin. Parang sa lahat ng tao dito sa bahay, siya lang ‘yung nakakakita sa akin bilang tao–hindi utusan, hindi ‘yung inutil na sinasabi ni Mama. "O sige sabay tayong kumain. Pero maghugas ka muna ng kamay, okay?" Agad siyang tumango at masiglang tumakbo papunta sa lababo. Pagkatapos niya maghugas, sabay kaming naupo sa mesa. Nilagyan ko ng kanin ang plato niya at binigyan ng malalaking piraso ng adobo, ‘yung may maraming sabaw kasi alam kong ‘yon ang gusto niya. Habang kumakain kami, panay ang kwento niya tungkol sa nangyari sa klase nila. Kung paano siya pinuri ng teacher niya dahil sa drawing niya, at tungkol sa kaklase niyang lagi raw nauuntog sa pinto ng classroom. Tumawa ako ng kaunti. Hindi dahil nakakatawa talaga, kundi dahil ramdam ko ‘yung effort niyang pasayahin ako kahit hindi niya alam ang bigat ng dinadala ko. "Oo nga pala ate Jo. Akala ko umalis ka ngayon. Nakita ko kasi kanina ang kotse ng boyfriend mo sa may kanto." Napatigil ako sa pagsubo at kumunot ang noo. Paanong nakita ni Malia ang kotse ni Jaxon? "Sigurado ka ba, Malia?" “Opo ate. Kotse po 'yon ni Kuya Jaxon. 'Di ba 'yung black na may red stripe sa gilid? Nando'n po sa may tindahan nina Aling Lorna kanina. Nakita ko po ‘nung pauwi ako." Napailing ako at pilit na kinumbinsi ang sarili na baka kapareho lang ng kotse ni Jaxon. Kasi sa pagkakaalam ko nasa Dubai si Jaxon. Sinabi niya sa akin na magtatagal siya ng dalawang linggo para bisitahin ang kapatid niya. Kahapon nga lang, nag-send pa siya ng selfie sa harap ng Burj Khalifa. Sinabi pa niya na miss na miss na niya ako at excited na siyang umuwi next week. "Ate ayos ka lang po?" Nilingon ko si Malia at ngumiti. "Oo, ayos lang. Sigena kumain ka na. Wag ka ng mag-alala, okay?" Pero ang totoo... hindi ko maiwasan na magduda. Ayaw kong mag-isip ng masama, pero bakit parang hindi nagtutugma ang mga sinasabi ni Jaxon sa mga nangyayari? TO BE CONTINUED ᯓ ✈︎ ✈︎
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD