2
Nakatitig lang ako sa dalawa na parehong nagpapakilala sa isa't-isa. Nilingon ko si Kuya para sana kumalma pero kunot noo din siyang nakatitig sa dalawa.
Napabaling na naman ako roon, nakangisi iyong lalaki at seryoso naman si Giselle na mukhang kabado sa nangyayari. Ako rin naman kabado sa nangyayari... attracted yata ako sa lalaking 'to na si Giselle lang din naman ang pinapansin.
"Santi..." tawag ng isang nakatawa at tinapik sa balikat ang tinawag.
Napalunok tuloy ako at tinitigang muli si Kuya Josh na hindi pa rin naaalis ang kunot sa noo. Naglakad ito palapit sa amin at inakbayan ako. Nasa tabi ko lang din si Giselle kaya agaw pansin iyong ginawa ni Kuya Josh.
Simula kanina, mula ng pinagdudahan ko kung saan ba talaga siya nakatitig, ngayon lang ako naging sigurado na sa akin na iyon. Napalunok pa ako pero pilit namang kinakalma ang sarili. Hindi... hindi iyan interesado. Maganda si Giselle, palaayos at makinis sa pagiging morena. Kaya attracted siya rito. Hindi sa akin na naagawa lang naman ang pansin dahil tumabi itong nakakainis kong kapatid.
"Usap na lang tayo bukas. Gagawan ko pa ng paraan para mapapirmahan ang lahat ng yon." Sabi ni Kuya kahit na out of league ang tunay na pinag-uusapan.
"O sige," ngisi niya pa rin. Tinapunan pa ako ng isang beses na tingin bago nagtagal kay Giselle.
"Nice meeting you." Dugtong pa niya.
So he's interested with Giselle ha? Kabado yata ang kaibigan ko kasi hanggang sa pag-alis hindi na ito gaanong makausap.
Karibal.
Ayaw ko sanang isipin ngunit alam kong yon na ang labas. Nagkakagusto ako sa isang lalaki na si Giselle naman ang tipo.
Hindi naman ako galit, at hindi rin masama ang loob ko kay Giselle. Wala naman siyang kasalanan... kaya lang, di ko rin maiwasang magtampo. Ewan, sadyang bago lang talaga kaya ako nagkakaganito.
"Kakausapin mo si Mama?" Kalabit ni Kuya Josef habang naghuhubad ako ng sapatos.
Hindi ko muna ito sinagot, nilagay ko sandali ang hinubad na sapatos sa isang tabi. May shoe rack doon, at tingin ko nandiyan na si Daddy basi sa kung paanong nandoon na rin ang lagi niyang sout na sapin.
"Tatry ko." Nguso ko.
Unti-unting ngumiti ang kapatid at ginulo ang buhok ko na bahagyang ikinainis ko rin, "Kung titigilan mo iyan." Banta ko.
Tumango siya, desidido talaga. Habang tumatagal ang pagtitig ko kay Kuya Josh, napapaisip na rin ako sa mangyayari. Mag-aaral daw siya sa loob ng Academy, at gusto niyang sa field pagkatapos. Hindi tuloy ako kumbinsido riyan sa gusto niya. Alam niya ba talaga itong desisyon niya? Gyera iyan!
"Mommy..." lapit ko at kinarga si Baby Naru. Bunso namin na isang taon pa lamang.
"Kata," haplos niya kaagad sa buhok ko. Tinitigan ko si Daddy na nakaupo sa pang-isahang upuan at nanonood ng tv. Ngunit naagaw ni Kuya iyong mga mata ko. Alam ko naman na naghihintay na iyan ng resulta.
Sabi ko naman, tutulungan ko siya. Kakausapin ko siya mamaya tungkol naman sa problema ko.
"Mommy,"
"Hm? May problema ba, Kata?" Sinilip niya pa si Daddy. Na hindi naman talaga nakikinig. Kilala ko si Daddy, hindi iyan nanghihimasok maliban na lang kapag tinawag.
"Si Kuya Josef po..." kabadong tanong ko pa muling sinilip si Daddy bago nauwi kay Kuya na nakatayo malapit sa hagdan.
"Bakit? Anong meron?" Kunot noo na ring pagtataka ni Mommy.
Kagat ang labi ay tinunton ko na talaga ang totoong dahilan,
"Kumbinsihin niyo naman po si Daddy, Mommy... gustong-gusto ni Kuya na pumasok sa Military."
Nagulat si Mommy roon. Pero tahimik lang din itong nakatitig sa akin. Hindi ko rin madugtungan ang sinabi. Pwede naman kasing maghintay na lang. Ang alam ko nakikinig naman si Mommy. Iyon lang at hindi ako sigurado kung tutulungan niya ba ako rito.
Bahala na... sinubukan ko naman.
Napatitig siya ulit kay Daddy. Ganoon din ang ginawa ko at ninerbyos na nanalangin na sana nga pumayag si Mommy.
"Kakausapin ko ang Daddy mo, Kata. Pero mamaya na." Ngiti niya.
Napabuntong hininga ako sa narinig. Kahit papaano ang bikig na tinitiis ko ay kaonting naglalaho. Okay na siguro yon? And then now, I have to talk with Kuya Josh. Ang problema ko naman ang kailangan naming pag-usapan.
"Mom, akyat lang ho ako."
Tumango ito, dahilan kung bakit nilapag ko pabalik sa kandungan niya si Baby Naru. Nagkatitigan kami ni Kuya na hinintay akong makalapit bago tuluyang umakyat sa itaas.
Tinampal ko nga ang braso niya para kahit papa'no kumalma naman ako. Kabado ako para sa kanya. At hindi ko talaga alam kung mapapapayag namin si Daddy dito.
Hindi na mahalaga, nasabi ko na. Tinulungan ko na siya noon. Ako na naman ngayon para matapos na rin ang problema ko rito.
"Kuya, ginawa ko na ha? Pero ako naman ngayon."
Kumunot sandali ang noo niya bago matamang tumitig sa akin. Totoo naman, ako na naman dapat.
"May kailangan ka ba?"
"Oo, sabi mo sa'kin kanina ibibili mo'ko ng kahit anong gusto ko."
Ngumiti siya at mukhang napanatag pa na hindi naman pala gano'n kalalim ang gustong kong iparating.
"Oo kahit ano... lalo na kapag napapayag natin si Pops." Ngising-ngisi tuloy siya sa iniisip.
Iyon nga ang hindi ako sigurado! Mapapayag kaya namin? Alam ko naman na ngayon pa lang bumabawi si Daddy. Alam ko rin kung gaano niya kagustong makasama si Kuya Josh ng mas matagal. Sa tingin ko, ipinagkait yata sa kanila ang pagkakataon. Ewan ko kung anong kuwento pero sa ngayon, ito muna.
"Hihingin ko na ang kalahati niyan, Kuya."
Napanguso ito, nagpipigil ng ngisi. Amuse yata sa kakapalan ng mukha ko.
"Magkano ba?"
I named my price. Natawa lang ito lalo na't 5 digits iyon. Akala ko nga magagalit, hindi normal na hinihingi lang iyon.
"May paggagamitan ka ba? Masyado naman yatang malaki." Iiling-iling na sabi niya't dumukot ng ilang libo sa pitaka.
Napamulagat tuloy ako noong makitang makapal iyon. Totoo ba talaga? Ang dami niyang pera ah?!
"Kuya, parang gusto ko na ring magpart time." Palatak ko.
Na agad niyang ikinahalakhak. Hindi ba talaga kapani-paniwala? Totoo kasi, gusto ko na lang yatang magpart time.
"Tumigil ka, dose ka lang." mapang-uyam na sabi niya.
Ngumuso tuloy ako at tumango saka naglakad patungong silid. Binilang ko talaga hanggang sa maging sakto sa inihingi ko ang perang nando'n. Hindi na yata kailangan ng fund raising. Pwede na naming simulan ang proyekto.
Tahimik lang sa hapag, kumakain kami ng maayos ngunit ang kaba ko para sa pag-uusap nina Mommy at Daddy, hindi humuhupa. Napapasulyap ako minsan, inakalang nag-usap na silang dalawa. My Dad looks light while asking my brother. Ibig sabihin, wala pa talaga.
Kaso paano ko ba ipapaliwanag ang konsensya'ng naramdaman kinabukasan? Dapat ba akong bumaba? O umakyat na lang kaya ulit?
"Josef, sinabi ko na! Hindi iyan ang gusto ko para sa'yo!" Sinusubukan ni Daddy na pahinaan iyong boses niya ngunit dahil sa umuusbong na inis, hindi na nangyayari.
"Pops, uuwi naman ako ng buo." Kumbinsi pa rin ni Kuya Josef.
"Hindi! Wag yan Josef!"
Natigilan na talaga ako ng tuluyan at napahawak sa hagdan. Aakyat ba ako ulit?
Pero male-late na ako! Ano, bababa ba ako? Sige na nga, hindi naman ako mangingialam.
"Pops, gusto ko 'to e." Masama ang loob na sabi niya kalaunan.
Natigilan ako roon at napatitig malapit sa kusina kung saan nakatayo sina Kuya at Daddy. Lumong-lumo si Kuya Josh, that's how he looks like.
"Josef... anak, sana maintindihan mo." Malungkot na sabi ni Daddy.
Hindi na ako makikinig. Tama na iyon, hahayaan ko na ang dalawa na mag-usap. Maiintindihan din naman siguro ng isa sa kanila. Hindi biro at nakakatakot iyang gusto ni Kuya Josh. Paano kung sa kalagitnaan ng bakbakan e mapa'no 'to?
Wag naman sana.
"Miss Bil," tawag ni Ma'am Daho nang patapos na ang klasi.
Napatayo ako mula sa pagkakaupo at tinitigan si Ma'am Daho na nakatitig ng mataman sa akin. Wala akong maalala na ginawang mali. O kaya alam niya kayang hindi ako nakikinig?
"Kakausapin kita tungkol sa pageant." Ngiti niya.
Medyo buffering pa ako roon. Hindi ko maalala na ako ang naatasan noon. May nasabi ba si Ma'am Daho kanina at hindi ko lang napansin kasi masyadong lumilipad sa kung saan itong laman ng utak ko?
Ewan... kailangan ko lang namang sumipot. Pagkatapos niyan malilinawan na rin ako.
"Bakit daw?" Baling ko kay Giselle na kapansin-pansin din ang pagkakatulala.
Lumingon siya dahilan kung bakit napaatras ako roon.
"Ikaw yata para sa lahat ng freshmen." Ngiti niya pa.
Sabi ko na nga ba, talagang may nasabi kanina si Ma'am Daho at hindi ko lang napansin. Minsan nga, o sa susunod, kailangan ko na talagang makinig. At isa pa, problema nina Daddy at Kuya ang nasa bahay. Wala naman yata akong kinalaman doon. Kaya, mabuti na ring wag mag-isip masyado.
Pagkatapos ng pananghalian ay muli akong pinatawag ni Ma'am Daho. Siguro ito na yon. Okay lang naman... kakayanin ko naman yata. Sinubok na ako nito noong Elementarya. Hindi naman siguro bago na, hindi naman yata ako kakabahan ng sobra-sobra.
"Madalian lang ang preparasyon, Miss Bil. Bukas kaagad ang training."
Napakamot noo na lang ako sa narinig at iniisip si Giselle kahit hindi pa ako tapos dito. Kailangan ko rin itong kausapin tungkol sa organisasyon. Siya nga muna... habang abala ako rito.
"Okay na ba yon?" Nakangiting tanong pa ni Ma'am.
Alangan pa ako habang tumatango-tango. Pagkalabas nga ay nagulat ako na makitang nandoon si Giselle. Naghihintay sa akin.
Nilabas ko kaagad ang pera at inabot sa kanya. Naka-envelope pa iyon. Nagtataka siyang nakatitig sa akin. Ako na naman itong napatitig ng matagal sa mukha niyang hindi rin maipagkakaila ang ganda.
Naalala ko three years ago, hindi naman ito ganitong palaayos talaga. Sabihin nang, iba nga talaga ang nagagawa ng panahon at binabago nito ang tao. First year pa lang kami, freshmen, pero hinuhubog na siyang maging dalaga.
Ngayon ko lang napagtanto ang lahat. Ang inggit. Alam ko na naagaw kaagad nito ang buong atensyon ng kaibigan ni Kuya Josh. Attracted yata iyon sa morena'ng tulad ni Giselle.
Ako kasi... minana ko kay Mommy lahat. Hindi ako umiitim, namumula lang pag nagtatagal sa ilalim ng sikat ng araw. Chinita. Hindi tulad ng kay Giselle na natural na bilugan.
Ganoon ba ang mga tipo noon?
"Para sa organisasyon?" Hula niya na lang.
Napakurap ako dahil sa lumabas na tanong mula kay Giselle. Nahihiyang napatango na lang ako at tumitig sa labas. Nandoon si Kuya. Nakatanaw dito sa pangalawang palapag. Specifically, nasa akin talaga ang mga mata.
Kumaway siya ng napansin akong nakatitig pabalik sa kanya. Gusto ko sanang pagaanin ang loob nito ngunit ay ganoon na lang din ang gulat ko ng makita mula sa likod niya ang mga lalaking kausap kahapon.
Hindi ko gaanong sigurado. Pero sa bulto pa lang ng isa, alam kong sila na iyon.
"Tara na..." nagmamadaling sabi ko.
Gusto kong lumapit. Gusto kong matitigan ng matagal iyong kaibigan ni Kuya. Gwapong-gwapo talaga ako sa kanya... ngunit ng papalapit na ay doon lang bumagal ang paglalakad ko at napatitig kay Giselle na nasa likod ko't namumula.
Bakit ko nga ba niyaya? Anong pinupunto ko rito?
Gusto ko sanang iiwas ang pagkakataon ngunit natigilan na ako sa iniisip ng narinig na tinawag kami ni Kuya Josh. Pinapalapit.
"Thank you, kapatid!" Ngiting-ngiti si Kuya.
Bakit? Ano bang nangyari? Gusto ko sanang magtanong ngunit napako na noon sa katabi ang mga mata kong nagtataksil. Hindi siya sa akin nakatitig, kundi kay Giselle. Ngising-ngisi ito, samantalang alam kong nabibigla na naman ang kaibigan kong tinuturing ko namang karibal.
"Santi..." saway yata iyon mula sa isang kasama.
Humalakhak si Kuya, dahilan kung bakit nalipat ang mga mata ko mula sa isa patungo sa sariling kapatid.
"Bata iyan, talaga ba Santiago?" Tukso ng ilan.
Napalunok na lang ako at muling tiningala ang lalaking 'to. Na balak pa yatang tunawin sa mga sariling titig ang kaibigan ko. Napalunok tuloy ako, kabado dahil sa nangyayari.
Bakit ganoon? Bakit ganito 'to? Si Giselle lang ba talaga?
"E di pagkatapos ng Academy." Ngising-ngisi na sabi niya.
Nangatog ang mga tuhod ko. Anong sabi niya? Si Giselle lang ba talaga?
Napahawak sa kamay ko ang kaibigan. Naiiyak ako sa inis. Ayaw ko nito, ngunit sa unang pagkakataon... inis na iwinaksi ko ang kamay niyang nanlalamig.
Binalingan ko siyang nagtatakang nakatitig sa akin. Naiiyak na iniwas ko na lang ang mga mata. Yumuko ako para sana kumalma. Wala naman yatang nakapansin sa ginawa ko. Panay na kasi ang hiyawan. Si Giselle lang, si Giselle na alam kong bulag pa rin sa pagkakagusto ko sa lalaking 'to. At naiinis ako sa kanya dahil doon.