3
"Sumama ka na, Kata." Ngising-ngisi si Kuya Josh, samantalang hindi ko naman maintindihan ang sarili. Alam kong nagtataka na si Giselle sa mga ikinikilos ko. Ngunit wala rin naman akong balak na sabihin sa kanya ang totoo.
Oo, aburido ako ng malamang hindi rin mapakali si Giselle habang tinutukso. Babae rin ako, at alam ko kung para saan iyon. Kaya... inis na inis ako sa kanya. Naiinis na.
"Kuya, next time na lang." agap ko at tinitigan si Santi, o Santiago nga ba? Abala ito sa mga kinakausap na kaibigan. Nasa labas na kami ng school ng naisipan nilang kumain muna.
"Kata, pasasalamat ko man lang."
Iba ang mga ngiti ni Kuya, iba rin ang pagkakaseryoso ko ngayon. Hindi naman yata talaga halata na nag-iba ang mood ko sa tuksuhan. Hindi ko rin maialis ang mga titig kay Santi... ngising-ngisi ito. Hindi ako mapakali lalo na sa tuwing napapangisi siya't napapakagat labi. Minsan sinusulyapan niya si Giselle na napapayuko na lamang. Kapag ganoon, mas lalong naglalaro ang isipan ko.
"Next time na—"
"Sasama ka naman di'ba, Gis?" Ngising putol niya sa sagot ko ulit.
Napakagat labi na lamang ako't pinapanood ang mangyayari. Hindi... walang sasama, it will be unfair for me.
"Ah... sasama ka naman di'ba? Okay lang yan, bata. Di ka naman aanuhin nitong kaibigan namin. Pagkakaibigan lang... muna?" Singit ng isa.
Dahilan kung bakit nagkatuksuhan ulit. Ngising-ngisi na naman si Santi at parang gusto na ring magtago ulit ng kaibigan ko. Pero siguro dahil sa ginawa ko kanina ay napaatras na lang ito.
Kumikibot ang puso ko sa tuksuhan. Hindi ako makatitig ng matagal. Iniiwas ko itong mga mata ko... kasi 'pag pinapatatagal ko sa nangyayari, mas lalo akong naluluha.
"A-a-ah... kung a-ano, kasama rin si Kata." Nanginginig na turo sa akin ni Giselle ng lingunin ko.
Napakagat labi na naman ako't hindi man lang lumingon sa kabilang grupo. Tinititigan ko si Giselle kahit ba na hindi naman ako interesado sa kanya. Naiiyak nga kasi talaga ako... tumitibok ng malakas itong puso ko.
"Next time," agap ko sa pagitan ng nanginginig na mga labi.
"A-ah," awkward na natawa ang kaibigan, "S-sige, next time na lang."
Nakarinig ako ng buntong hininga, kilala ko... at kahit siguro pumikit ako ng matagal, makikilala ko pa rin. Ganoon nga yata, kapag interesado at natitipuhan.
Nag-usap-usap pa sila. Nakikihalubilo rin si Kuya at nagmamayabang sa pagpayag ni Papa. Ako nama'y napatitig pabalik kay Santi na ngumingisi't natatawa na lang sa kung ano-anong bagay. Hindi na importante... basta, basta... tigilan niya muna si Giselle.
"Umuwi na tayo..." bulong ng kaibigan.
Dahan-dahan akong lumingon sa kanya't tumango. Hindi na importante ang kung anong meron ngayon. O kung dinededma niya ako... okay lang, basta wag lang siyang ulit tumitig ng ganoon sa kaibigan ko.
"Kuya, mauuna na kami." Pigil ko sa sumunod na sinasabi ni Kuya Josef.
Seryosong tumitig naman si Santi, dahilan kung bakit bahagya akong napayuko.
"Kata, sabi ko naman ililibre kita." Pamimilit pa rin ng kapatid ko.
Mapait akong napangiti at tinitigan si Giselle na nakayuko na rin lalo na at alam ko kung bakit. Naiinis ako... pero hindi naman galit. Nakakaya ko pa naman.
"Next time nga kuya." Awkward na tawa ko at binalingan si Santiago na napakagat labi pa at nakababa ang mga mata. Nakatitig na naman sa katabi ko.
Napalunok tuloy ako at napatitig sa loob. Nakita kong may lumabas na kaklasi. Si Troy na nakatitig dito, nanlalaki nga ang mga mata at napaiwas, na mabilis ding umalis.
"O sige, hindi yata kita mapipilit. Ingat, Kata." Tumango ako at nakasunod pa rin kay Troy ang mga mata.
Para bang nakakita siya ng multo. Bakit ganoon ang reaksyon no'n?
"Hatid ko na lang kayo."
Nagulat ako nang narinig ang boses niya. Bakit niya naman kami ihahatid? Bakit nga ba?!
Ah! Hindi dahil sa akin... si Giselle nga pala. Nakakatampo pero pilit ko namang iniintindi.
"H-hindi na." Ninerbyos na sabi ng huli. Kumapit na talaga sa braso ko. Nanlalamig na naman.
Pabalik-balik ang titig ko sa dalawa. Walang bumibitaw. Kahit ba nahihiya ang isa, wala pa rin, walang pumuputol. Umiwas lang ang kaibigan ng nagkatuksuhan ulit.
"Grabi, pati ba naman bata Santi? Kapag tipo mo talaga 'no, dinadaan mo diyan sa mga titigan mo ay." Tawa pa ng isa.
Kagat labi na naman tuloy ako. Ganoon ba yon? Mga gano'n ang galawan niya? Kaya ba hindi mapakali si Giselle kasi tulad ko, nahuhumaling din siya sa lalim ng mga titig ni Santi?
Gusto kong mainis, gusto kong magsalita. Pero nakakahiya naman kapag ginawa ko nga.
"Tumigil ka." Halakhak niya, natigil tuloy ako sa pagkakayuko at tinitigan ang pagkakatawa niya. Pantay-pantay at mapuputi ang mga ngipin niya. Makinis din ang namumula niyang pisngi. Hindi naman siya kaputian, kung ihahambing sa akin magmumukha lang kaming kape't gatas. Ganoon kalayo. Kasi nga namana ko lahat kay Mommy... kulang na lang talaga ang ganda, ganda na pwedeng agaw pansin.
"Sus, mamaya niyan malaman-laman na lang namin girlfriend mo na ang batang yan."
"K-kuya!" Nahihiyang sigaw ni Giselle. Nagtago na ng tuluyan sa likod ko.
Napalunok ako, mabigat na lunok. Napakagat kaagad sa sariling labi para kumalma.
Seryoso naman siya, gustong silipin ang taong nagtatago sa likod ko. Hindi ako mapakali. At mas lalo na noong napatitig siya sa akin. Ang lalim-lalim ng mga mata niya. Pakiramdam ko ay nalulunod ako roon. Hindi ako makapag-isip ng mabuti. Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima. Limang segundong natigil ang mundo ko. Hindi ko inakalang magtatagal ng ganoon ang mga mata namin. Nag-aassume rin yata ako ng atensyon. Pakiramdam ko talaga natigilan din siya sa titigan naming yon. Naputol lang ng muli siyang sumilip sa likod ko.
"Ihahatid ko na kayo." Pamimilit niya.
Napaiwas ako at tumitig kay Kuya Josh na pakiramdam ko ay kanina pa nakatitig dito. Nanlalaki ang mga mata ko sa gulat. Kanina pa kaya? Napansin niya na kaya ang mga kakaibang nangyayari sa akin?
"H-hindi na..." agap ko, hindi pa rin pinuputol ang titigan kay Kuya Josh na mas lalong nangunot ang noo.
"Ihahatid lang. Di naman didiskarte, maliban na lang pagkatapos ng Academy." Nanunuksong sabi nito.
Napalunok ako at inalis ang kamay ni Giselle mula sa braso ko. Lumapit ako kay Kuya... natatakot din naman. Pero paano ko ba ipapaliwanag na nagkakagusto ako sa kaibigan niyang 'to?
"Kuya..." bulong ko. Nagkakatuksuhan na sa likod. Mas malakas. Hindi ko alam kung bakit. Mas takot akong malaman na napapansin na ni Kuya ang mga kakaiba sa akin.
"Wag kang lilingon." Naiinis na sabi niya.
Dahil sa sinabi niya, dahil sa katigasan na rin ng ulo ko, hindi ako nagpapigil at nilingon nga... ang nangyayari.
Nagulat ako na makitang may hawak ng maliit na paper bag si Giselle. Na pulang-pula at nahihiyang napahawak sa kamay.
Nanikip kaagad ang dibdib ko sa tanawin. Nalingat lang ako, may regalo na kaagad. Naninikip talaga ang dibdib ko.
"Sabi ko wag kang lumingon, eh." Tapik niya sa likod ko.
Napasinok ako't napatitig ng matagal sa dibdib ni Kuya Josh pagkalingon sa kanya. Hindi ako iiyak. s**t. Ang babaw ko namang nilalang. Dalawang araw pa lang, ah? Ganoon na ba kalalim ang nararamdaman ko? Ni hindi nga ako maalam sa crush-crush na yan. Nakita ko lang na may regalo si Giselle, para na akong nasusuka sa nerbyos.
"Usap tayo..." gagap ni Kuya sa kamay ko.
Lutang na lutang ako sa nangyari. Hindi ko namalayan na dala-dala na pala ako ni Kuya Josh. Malayo sa tao. Sa isang masikip na eskinita na alam kong hindi naman dinadaanan masyado.
"Crush mo yon?" Tanong niya sa pagitan ng pagpisil sa baba ko.
Napasinok lang ako. Nakayuko pa rin. Hindi ko masabi, hindi ko rin maamin.
"Kata... okay lang, sabihin mo kay Kuya."
Sininok na naman ako, mas ibinaba ang mga mata. Nakatitig na ako sa pares ng sout na itim na sapatos. Nahihiya akong umamin. Nahihiya rin akong magsalita. Kasi pakiramdam ko, iiyak ako na parang bata kapag ibinuka ko itong bibig ko.
"Kata... halika nga." Gagap na Kuya.
Napahikbi na lang ako. Ang babaw naman. Unang crush pa lang e. Ganito na kahapdi? Ni hindi nga masyadong napapatitig sa akin ang isang yon. Pagkatapos, nakita ko lang na may regalo ang kaibigan mula sa kanya, para na akong pinagsakluban.
"Okay lang yan..." hinaplos-haplos niya na ngayon ang buhok ko,"Bata ka pa kasi, Kata Reina." Pang-aalo niya.
Panay pa rin ang hikbi ko. Naluluha na ng sobra-sobra. Ganito nga siguro talaga.
"Akala ko naman namamalikmata lang ako. Crush mo yata talaga." Tawa niya ng kaonti.
Pinilit ko ang sariling wag na talagang maiyak. Okay lang. Mababaw lang iyon. Dalawang araw pa lang naman, pwede pa akong kumalma pagkatapos. Siguro naninibago lang ako kasi crush ko yong tao...
"Balik na tayo." Anyaya niya pagkatapos ng ilang minuto.
Tumango ako at inayos ang mukha. Di naman siguro masyadong halata ang kung ano sa mukha ko. Wala na siguro.
"Umuwi na kayo..." utos ni Kuya Josef.
Napatitig sa kanya si Santi. Nagtataka marahil kung bakit pinepressue nito kaming umuwi na talaga.
"Ihahatid ko na..."
"Naku De Santiago! May lakad tayo at kotse mo lang ang pwede."
Namilog ang mga mata ko sa nalaman. May kotse? Ilang taon lang ba siya? Senior? O baka nga kaka-18 na kaya malakas na ang loob magmaneho. Mayaman nga yata talaga, di lang dahil sa galing sila sa isang pribadong eskwelahan. Mayaman lang talaga.
"Tama," segunda ng isa.
Napaiwas na lang ako at tinitigan si Giselle na pulang-pula. Parang pwede ng prituhan iyang pisngi niya sa siguradong init niyan.
"Ako na maghahatid. Dito lang kayo... hahanapan ko lang ng masasakyan." Seryosong saad ni Kuya at napatitig sa akin.
"O sige," ngisi nito sabay parinig ng, "pagkatapos na lang yata talaga ng Academy." Kakamot-kamot ng batok na sagot nito.
Sumama ako kay Kuya Josh, nakasunod si Giselle na alam kong nabigla sa nangyari. Nakatitig lang ako sa hawak niyang paper bag. Maliit lang. Paper bag pa nga lang ay halata ng mamahalin.
Nakakainggit.
Interesado ba si Giselle? Kasi halatang nahihiya siya ngunit ayaw ding bitawan ang hawak na paper bag.
"Mata sa harap, Kata." Bulong ni Kuya.
Napalunok lang ako at tinigilan na rin ang mga napupuna. Mas lalo lang akong naiinggit. At ayaw ko noon.
Pagkaalis ni Kuya at pagkapasok sa tricycle ay naibaba ko na naman ang mga mata. Nakatitig lang ako sa hawak na paper bag ni Giselle. Parang mamahalin. Ano kaya?
"Dito na lang ho ako..."
Gulat na napatitig ako sa kanya. Ilang kanto pa ba bago ang amin? Ano naman ang gagawin niya rito?
"Dito lang muna ako, Kata." Nahihiyang ngiti niya.
Hindi ako makapagsalita. O umangal man lang sana. Kasi mabilis itong umalis. Hindi ko alam kung bakit. O kung may dahilan ba?
Wala akong ideya... laging ganoon. Laging wala sa kanto ang pagbaba ni Giselle. Nagdududa ako sa nangyayari. Ayaw ko sanang isipin.
Pero kahit ayaw ko ng sagot... sinagot pa rin. Hindi ko alam... bakit naging ganoon? Akala ko ba...
Naiinis na nilapag ko sa harap ang mga hiniram na libro. Nakatitig ako kay Giselle mula sa malayo. Ang saya-saya niyang titigan. May gusto akong malaman... totoo naman kaya?
Sinabi na ni Kuya, pero ayaw ko pa ring maniwala. Gusto kong personal na malaman.
Ang tamis ng mga salita niya... nauto rin ako sa pinapakita ni Giselle. Akala ko talaga mapipigilan niya ang maakit sa matatamis na salita ni Santi.
Ako pa ang ginawang uto-uto. Nadulas e... nasabi niya ng hindi namamalayan. Ang galing di'ba?
"Hindi mo sinabi." Naiinis na sabi ko.
Nagulat siya sa diin ng mga salita ko. Nanginginig ang labi ko sa inis. Gusto kong isampal sa mukha niya itong dala kong mga libro.
"S-sorry... nahihiya kasi ako." Nakayukong sabi niya.
Umalpas lahat ng kinikimkim ko. Nagsituluan ang mga luha ko't padabog na nilapag sa mesa niya itong mga dala kong libro.
Dahilan kung bakit natahimik ang buong klasi. Ang saya-saya pa ng mga usapan kanina, ngayon napalitan na ng pagtataka.
"K-kata..." gulat na tingala niya.
Kinagat ko ng dalawang beses ang labi at pinunasan ang mga luha.
Sige na, bata pa talaga ako para rito. Dose lang ako, hindi tulad ni Giselle na labing apat na. Pwede ng magboyfriend... pero kasi—
"Crush ko yon eh!!" Garalgal na sigaw ko. At mas lalong naiyak.
Nagulat na naman siya.