4
Akala ko pa naman hindi na namin ulit mararanasan ang lumipat. Akala ko permanente na. E hindi... I think that was also a good start.
Ang loka-loka ko lang noon, patay na patay ako sa unang naging crush. Hindi ko naisip na hindi lang naman siya ang pwedeng dumaan sa buhay ko. Pwede rin kasing, baka nga, una lang at may kasunod na maganda.
Nagalit pa ako kay Giselle, na alam kong nag-aalala lang sa'kin noon. Siguro dahil bata pa ako. Mabilis masaktan at dinidibdib ang mga bagay-bagay.
Wala na akong balita, o kung nagtagal ba sila o hindi... okay lang naman. Bata pa talaga ako noon.
Ang importante, okay na ako ngayon. Hindi ko na masyadong iniisip ang mga nangyari... hindi na rin ako nangangamusta tungkol kay Santi mula kay Kuya Josh. Matagal na panahon na, at dapat lang na kalimutan na.
Tatlong taon na rin kaming namamalagi malayo sa dating tinitirhan. Kapag bakasyon, dito na ang uwi ni Kuya Josef. Okay na si Daddy tungkol sa pangarap ni Kuya Josh. Tanggap na nito, at tulad lang noon... bumabalik na rin sila sa dati. Minsan sinasama pa ako ng dalawa. O kaya minsan kasama rin si Naru na marunong ng magsalita. Si Mommy itong laging naiiwan sa bahay, para siguro pagkauwi naman ay may makain na kaagad kami.
Kaya nga, hindi ako lumaking babaeng-babae. And for some, it wasn't nice. Mas tumangkad na ako... payat pa rin naman, pero malapad na ang balakang. Nagkakadibdib at mas tumingkad ang namumulang balat. Sayang daw... ewan ko, bahala na silang humusga.
Malapit ng gumraduate si Kuya... at pinapatawag kami para umattend. Hindi ako sigurado para roon. May hinahabol kasi akong scholarship. Gusto kong maglipat eskwela sa susunod na pasukan. Gusto ko ring pumasok sa isang science school. Kaya alangan talaga ako sa gusto ni Kuya.
Maiintindihan niya naman siguro, saka sabi niya pagkatapos ng graduation ay baka nga umuwi rin siya. O baka nga dito na lang ang handaan. Okay na lang din siguro na wag muna akong umattend. Tatlong araw lang naman, may pagkain at kaya ko namang magluto.
"O siya, yong mga habilin ko Kata... wag kalimutan, ah? Saka maglock ka lagi ng door. Ichecheck kita lagi. Ingat ka anak." Nag-aalalang sabi ni Mommy at hinalikan ako sa noo.
Tumango na lang ako at nilipat sa ibang site ang tinitingnang artikulo. Okay lang talaga, kaya ko na ang sarili.
Tatlong araw din akong wala masyadong tulog. Panay ang review ko para sa nalalapit na exam. Nang ikaapat nga ay para na akong lutang habang nagluluto sa kusina. Kakatapos ko lang yata ng narinig ang boses nina Mommy. Napilitan akong patayin ang stove at lumabas para sana masurpresa rin. Ngunit sila itong gulat na gulat habang nakatitig sa akin.
"Kata?! What happened?" Gulantang niyang lapit sa akin. Hinaplos pa ang pisngi ko.
Napangiti na lang ako at niyakap si Mommy, miss na miss ko na ang mga luto niya. Pati rin itong kapatid kong nagpapakarga kaagad.
"Ang laki mo na..." alo ko kay Naru na mukhang napagod sa byahe.
"Kata, okay ka lang ba?" Nag-aalalang sabi ni Daddy.
Natawa lang ako ngunit hindi ko rin inasahang magigising na lang ako na nasa isang puro puting silid.
Nasa hospital pa yata ako... oo nga, nahimatay ba? Kasi wala akong tulog at panay ang review. Akala ko pa naman...
"Hay naku, Kata." Bungad kaagad ni Mommy habang may bitbit na kung ano.
Sopas yata ayon sa naaamoy ko. Ang sarap pa naman kaya lang nanunuyo ang lalamunan ko.
"Pinapagod mo naman ang sarili mo..." hinampo ni Mommy. Binuksan na nga ang lalagyan at isinandok sa isa pang maliit na lalagyan.
"Mommy, sorry po."
Ngumiti lang ito at inumpisahan na akong subuan. Pagkahapon ay discharge na kaagad. Hindi naman gano'n kasama ang nangyari sa akin. Napagod lang kaya ganoon.
"Ikaw talaga, di mo naman kailangang magpagod." Haplos pa ni Mommy sa tumakas na tikas noong buhok ko.
"Sorry na po, Mommy."
"Excited pa naman ang kapatid mo kanina..." nguso nito.
Napangiti na lang ako ng lihim. Umuwi nga talaga! Siguro may handaan o kung ano pagkatapos ng ilang araw. Ang tagal naming di nagkita. Naging abala ito sa loob ng mahabang mga buwan.
Gusto ko na ulit makita ang kapatid. Siguro mas malaki na ang katawan nito ngayon kesa noong huling kita ko sa kanya. Umiitim nga lang talaga.
"Ah, nga pala... nando'n ang mga kaibigan mo."
"Sina Karen at Farrah, Mommy?" Kunot noong baling ko.
"Maliban sa kanila... yong mga dating kaibigan mo sa San Vicente?" Nagtatakang pag-iisip ni Mommy.
Namilog kaagad ang mga mata ko... dating kaibigan mula sa San Vicente. Di kaya'y sina Giselle? Natahimik ako roon. Napaisip talaga ako sa mga ginawa ko noon. Iniwasan ko yong tao dahil kay Santi. Siguro nga hanggang ngayon sila pa rin. Iba makatitig ang lalaking yon, siguradong matatali kahit sino.
"Kailan po dumating, Mommy?"
"Ah! Kanina! No'ng isinugod ka rito." Nagtatampong baling niya sa akin.
Natawa na lang ako at tinuloy ang kinakaing prutas. Ganoon na pala katagal... ano na kaya ang mga itsura ng mga yon? Nagdalaga na rin kaya? O nagbinata? Gusto kong malaman.
At paano rin kaya sila nakapunta rito? Hindi biro ang isang araw na byahe para lang makapunta rito. O baka nga thru airplane? Ah, may sponsor ba?
Ang dami kong tanong na gusto ko na lang kalimutan ang lahat. Kasi ang awkward naman kapag nang-usisa pa ako.
Ilang minuto pa, ilang liko pa, ay nakarating na rin kami sa bahay. Napamulagat pa ako ng kaonti ng makitang mailaw sa harap. At lalo naman siguro sa likod. May inihanda pala silang kainan. Medyo marami rin ang bisita. Siguro mga kapitbahay lang din. O baka nga may ilan sa mga kaklasi ko riyan na ka-barangay lang din.
"Si Kuya Josef po Mommy?" Tanong ko na. Baka makalimutan ko pa ang isang yon.
"Nandiyan lang siguro. Umakyat muna tayo." Ngiti ni Mommy.
Wala akong nagawa kundi ang sumunod. Hindi pa talaga ako okay, siguro naniningil na ang katawan ko sa lahat ng pagpupuyat ko nitong nakaraang araw. Hindi talaga tama... at kailangan kong magpahinga.
"Matulog ka muna... aakyatin kita ulit maya-maya lang."
Tumango ako bilang pagsang-ayon. Totoo, kailangan ko rin ng pahinga. Maaga pa naman. Pwede pa akong matulog ng mga ilang oras. Ngunit ang dalawang oras sana na plano ko ay naging hanggang kinabukasan.
Nagulat na lang ako sa sinag ng araw mula sa bintana. Napabangon ako ng wala sa oras, gusto ko pa namang sumali kagabi pero heto nga... inumaga na ako sa sobrang pagod.
Amoy hospital pa naman ako. Kaya kahit excited na bumaba, mas inuna ko ang maligo. Shorts-short ang sout at isang spongebob na t-shirt. Sanay akong nakaganoon lalo na kapag hindi naman kailangang lumabas.
Pagkabukas pa lang ng pintuan, maingay na kaagad. Doon ko lang naisip ang mga sinabi kahapon ni Mommy. Nando'n daw ang mga kaibigan ko. Hindi ko naisip... huli na para umatras kung mula sa ibaba ay sumigaw si Kuya sa gulat. Napatalon na rin ako sa nangyari.
"Aba... babae ka na!" Tawang-tawa siya habang umaakyat at hinigit ako palapit para lang mayakap.
Napapantastikuhang natawa na lang din ako at ibinalik ang yakap sa kanya. Kung noon ang dali niya lang yakapin, ngayon para na akong yumayakap ng bato.
"Kuya naman..." tawang-tawa na sabi ko.
"Isang taon at higit lang, Kata... bakit diyata't nagdalaga ka kaagad?"
Natawa lang ako lalo, ang bilis din ng pinagbago sa kanya. Mas lumapad ang dibdib, at naging moreno.
"May boyfriend ka na ba?" Untag niya kaagad.
"Wala Kuya!" Natatawang sagot ko.
Natigilan lang ako noong nasilip si Naru mula sa likod niya. Mukhang mangangapitbahay na naman. Tinawag ko nga... kaya nagulat at umaktong tatakbo palabas.
"s**t!" Pareho naming sigaw ni Kuya at nakipaghabulan sa bata. Natawa lang ako noong pareho namin siyang nahuli.
"Naru, bad baby! Isusumbong kita kay Mommy."
Umungot lang ito. Binuhat naman ni Kuya at dinala... sa kusina? Noon ko lang naalala, saan nga ba galing ang tawanan kanina? Di'ba nga, sa Kusina?
"O bakit?" Nagtatakang baling sa akin ng kapatid.
Umiling na lang ako at sumunod. Ayaw kong direkta na tumitig sa mesa, alam ko kasi na marami sila riyan. Nahihiya lang ako... na baka nga may alam na ang lahat sa nangyari sa amin ni Giselle noon. Iniwasan ko ang kaibigan, na alam kong kapansin-pansin talaga. Hindi kami mapaghiwalay noon, nasira lang dahil sa isang lalaki.
"Kata..." tawag ng isang boses lalaki.
Magiging bastos ako kapag nagbingi-bingihan ako rito. Ayaw ko sana ngunit wala rin akong nagawa kung hindi ay lumingon. Nakangiting lalaki, boyish, hindi ko siya maalala.
"Kaibigan ng Kuya mo. Leo nga pala." Mabilis itong tumayo.
Nakipagkamay sa akin, nagkatuksuhan na ikinalaki ng mga mata ko. Bakit naman? Bakit kailangang may panunukso?
"Gago ka Leo... bata pa rin iyan." Saway noong isa. Nag-abot din ito ng kamay na tinanggap ko naman, "Ares."
Nagkatuksuhan ulit, napapaatras ako sa gulat. Bakit na naman ba?
"Mga tarantado 'to!! Tigilan niyo nga ang kapatid ko." Natatawang saway ni Kuya. Hinigit nga sa leeg ang pinakamalapit.
"Naalala ko e... cute nitong batang 'to. Pagkatapos ngayon, dalagang-dalaga na. Maganda pa. Siguro ang daming manliligaw na niyan."
Iyong nagsalita nakatikim ng kutos mula kay Kuya. Napangiwi tuloy ako. Medyo nakataas na ang kilay pero ayaw ko rin namang magsalita ng kahit ano. Okay lang naman, kahit paminsan-minsan tinutukso ng kung sino. Wag lang talagang umabot sa nakakaasar.
Napabaling ako sa kabila, nagkagulatan pa kami ni Giselle. Ganoon pa rin naman siya. Morena. Maganda. Naiinsecure ako sa kanya noon. Ngunit ngayon, tanggap ko na ang pinagkaibahan namin.
"K-kumusta?" Nangingiming tanong niya.
Napangiti na lang ako, saka lumapit. Nakipagtitigan pa ako sa mga dating kaibigan na bahagyang nakatitig sa akin. Nagtataka marahil, o baka nabibigla. O baka nga nagtataka? Ewan... pakiramdam ko marami kasing nabago nitong mga nakaraang taon. Ang daming nabago sa akin. Pinakulot ko ng pinong-pino itong buhok ko. Kasi gusto ko ng tulad kay Mommy. Pakiramdam ko kapag ginagaya ko siya, gaganda ako. Mukha namang epektibo. Maraming nagpaparinig, maraming nagpapalipad hangin. Kahit minsan, trip kong maging natural... natural na mukhang hindi naman talaga babae.
"Okay lang..." ngiti ko pa. Nakatitig pa rin kay Giselle. Namumutla ito, ayaw ngang makipagtitigan sa akin.
"Magbati na kayo..." singit ni Hannah. Sa kanya na naman ako nakipagtitigan. Nakangisi rin siyang nakatitig sa akin.
"Wala na yon." Sagot ko. Tinitigan ko ulit si Giselle. Saka ko nilapag ang kamay sa braso niya. "Sorry,"
Naghiyawan tuloy, halos iisa lang ang sinisigaw. 'Magbati na raw.'
Napangiti ang kaibigan. Hudyat na bati na talaga kami. Wala ng tampuhan... wala naman yatang nakakaalam sa tunay na nangyari. Mas mabuti na nga ang ganoon. Kesa naman, mas lumala.
"Hindi ka pa talaga nagboboyfriend, Kata?" Gulat na tanong ni Daniel. Nabilaukan pa noong sinagot ko ang tanong ni Leo.
Tatlo ang nandoong kaibigan ni Kuya Josh. Apat naman kaming nasa kabila. Sina Hannah, Giselle at Flora. Sina Leo, Daniel at Ares ang nasa kabila.
Nilalantakan na lang namin ang almusal habang nagkukuwentuhan. Ayaw ko ring mauna na umalis doon. Nakakatuwa namang may kausap. Saka medyo nakakaagaw interes minsan ang topic.
"Hindi pa, wala pa sa plano."
Nag-apiran ang mga 'to. Napailing tuloy ako. Sa kakailing ko ay napako ang mga mata ko roon sa pintuan. Nagulat din ako... at kahit ang laki ng pinagbago niya, hindi ko pa rin maipagkakaila na kilala ko talaga iyan. Nakagrey itong t-shirt. Hapit. Itim na pants, na bahagyang nagfifit din.
Boyish lang ito noon, boy next door ang peg. Ngayon, hunk?!
Nakakagulat naman talaga. Lalo na at halos okupado niya ang pintuang naroon. Mas malapad ang katawan niya kaysa kay Kuya. Mas moreno rin siya. Masyadong seryoso. Hindi ko na maalala kung ano ang itsura nito noon lalo na kapag ngumingisi.
"f**k you, Santiago!! Bakit ngayon ka lang?!" Nanggugulat na sigaw ni Leo. Napaigtad tuloy ako sa sariling inuupuan.
Hindi ko maialis ang titig ko sa kanya. Ganoon din yata siya? Nakatitig dito? Seryoso? Hindi tulad ng mga naalala ko. Ngisi iyon. Ngayon, seryoso... mas malalim. Mas—
Napalingon ako kay Giselle na nakakagat labi habang nakatitig din kay Santi. Longing? Namiss nila ang isa't isa?
Kung tulad lang din siguro ako ng dati... nainis na rin ako. Pero, I outgrow.