5
Yumuko muna ako at muling tinitigan ang dumating. Na nakikipag-apiran na sa mga dating kaibigan. Napakagat labi pa nga ako bago muling umayos at kinausap si Hannah... walang pakialam kung dumating nga siya.
"Hm, kailan ba ang pasukan niyo?" Tanong ko, nakapako na kay Hannah ang mga mata.
Ngumisi si Hannah at mapanuyang tinitigan si Giselle na tumahimik na ng tuluyan sa isang tabi. Kahit walang nagsasalita, o kahit walang magsabi sa akin, hindi naman ako tanga para hindi mapansin kung ano ang nangyayari.
Wala na yata sila... ewan ko kung anong nangyari. Hindi ako mang-uusisa dahil sabi ko nga, bata pa ako noon. At ngayon, hindi ko na dinidibdib ang mga bagay-bagay. Kaya wala na akong pakialam kung anuman ang nangyari.
"Sa Monday pa... kayo ba?" Ngisi niya pa rin.
"Ganoon din..." mahinang sabi ko at tinitigan ang mga nangyayari.
Nagkakatuksuhan na naman. Nakatitig lang lang naman kami ni Hannah, and maybe Flora too. Partikyular na kay Leo lang ang mga mata ko.
"Stop, we'd talked." Seryosong saad nito at sumilip sa katabi ko.
Napalunok na lang ako't sinilip din ang kaibigan na ngayon nga'y nakayuko na.
"Nakapagmove on na ba? Para kayong uhaw na uhaw na mag-ex eh." Saad ni Daniel.
Sa ngayon, na kay Daniel na naman ang mga mata ko. Nagkatawanan pa dahil sa sinabi nito. Kaonting kinagat ko naman ang pang-ibabang labi.
"Kung alam niyo lang ang reputasyon nito... wag na kamo!" Halakhak ni Kuya Josh.
Na tinawanan ni Santi... from the whole duration, ngayon lang ito tumawa ng ganoon. Nag-iba na rin talaga ang pagkakatawa nito, hindi tulad dati na pilyong-pilyo. Ngayon, nagmukha na talaga siyang matured. Siguro dahil na din sa pinagdaanan nito sa Academy? Ewan... hindi ko naman gaanong napapansin ang pagbabago ni Kuya. Depende na rin siguro sa tao iyon.
"Girls," tawag ni Flora.
Natigil ang tawanan. Nagtataka nga rin ako at bakit bigla itong tumayo. Hindi naman galit, pero parang ayaw na nito sa tuksuhan. Siguro naiingayan. Ewan.
"Sa labas lang kami." Turo nito.
Tumayo na rin ako at inayos ang buhok, medyo naiinitan na rin kaya may dumikit na ilang hibla sa leeg ko. Naiinitan nga dahil kulot na kulot itong buhok ko na hanggang bewang.
Mas matangkad talaga ako sa tatlo kaya mabilis lang sa'kin na titigan ang labas. Wala na naman si Naru, siguro tinakasan na naman kami. Hahanapin ko naman yon mamaya.
"O? Bakit naman? Dito na kayo... iinterview'hin pa namin si Kata." Segunda ni Leo.
Naibaba ko tuloy ang mga mata. Bakit ako? Noon ko lang din napansin ang pagtitig ng Lima sa akin. Para bang may kasalanan ako rito, gayong pinipilit ko ngang wag manghimasok. Kasi ayaw ko nitong atensyon. Nasasakal ako, hindi ako makakilos ng maayos.
"Tanungin niyo na lang si Kuya." Baling ko kay Kuya Josh na nakatitig din sa akin. Nakangiti. Parang nagbibigay assurance na okay lang na tanungin din ako nitong mga kaibigan niya.
"Mas okay pag ikaw..." ngisi na sabi nitong Ares.
Seryosong napaupo na lang ako, sabay buntong hininga. Alam kong natigilan din ang mga kaibigan. Sige... magtanong na sila habang maganda pa ang mood ko. Dahil talagang naiinis na rin ako sa atensyong 'to. Kaya nga kapag nasa school, hindi ako pakalat-kalat kahit saan. Wala akong pakialam kahit na ang daming nagsasabi na snob akong tao.
"Kata, calm down." Natatawang saway ni Kuya.
Napabaling tuloy ako sa kabila at napaayos ng upo. Oo na nga, magiging kaswal ako para kay Kuya at sa mga kaibigan nito.
"Ang kukulit niyo..." seryosong saad ni Flora na naupo muli. Ganoon din si Giselle na ramdam ko na hindi mapakali.
"Sensya na... ang laki kasi ng pinagbago mo, Kata. Ang liit-liit mo pa talaga noon. Cute pa." Ngisi ni Daniel.
Naiinis na ako pero ng makitang nakatitig dito si Santi, seryoso, natigilan ako noon. Mukha siyang nagtataka, o baka nga ako talaga itong nagtataka sa pinapakita niya. Naalala ko, ganoon ito makatitig noon. Sadyang malalim talaga ang naaabot ng mga mata niya, kaya siguro iniyakan ko siya noon kasi nahulog ako sa patibong.
"Pero seryoso nga, hindi ka pa talaga nagkakaboyfriend?" Ulit ni Leo.
Napakunot noo na ako roon at iniwas ang mga mata kay Santi. Para balingan si Leo na nakangisi, nagpapalipad yata ng hangin, ewan ko.
"Hindi pa," agap ko.
"Pero madaming nanliligaw?"
Napalunok na naman ako... bakit ako lang? Bakit hindi ang mga kaibigan ko? Ako lang ba ang taong nandito? Naiinis na rin ako kay Kuya na parang walang pakialam na nakikinig lang sa mga sagot ko.
Dapat pinatitigil niya na ito... kuya ko siya, at madalas kapag kapatid ay possessive. Ngunit iba itong pinapakita niya.
"Hindi ako tumatanggap ng manliligaw." Irap ko.
Nagulat ko yata si Kuya Josh dahil natawa ito ng malakas. Dahilan kung bakit may isang napahalakhak din.
Nagulat na rin ako lalo na ng nakilala kung saan ito galing. Walang iba, kung hindi si Santi.
May nakakatawa ba talaga? Nagsasabi lang naman ako ng totoo. Nainis na lang ako bigla kasi habang tumatagal, pabalik-balik lang din ang mga tanong nila.
"O, tapos na. Tama na yan... hayaan niyo na ang mga girls." Tatawa-tawang saway ni Kuya.
Mabilis akong tumayo at inayos muli ang buhok. Tinitigan ko ang mga kaibigan nito. Lahat nakatitig sa akin. Sa akin lang talaga. Hindi kay Flora o kay Hannah. At lalo naman kay Giselle. Kahit si Santi na nahuli kong napangisi ngunit inayos din ang ekspresyon. Kumunot tuloy ang noo ko at iniwas na lang mga mata.
Nagmartsa palabas si Flora, sumunod si Hannah at ang huli ay si Giselle. Mabuti na 'tong ganito, kesa naman sa mainis ako roon. Ayaw ko kasi talaga ng atensyon.
Pagkalabas ay kinuha ko ang nakadalawang tuping pangpusod sa palapulsuhan at sinikop ang buong buhok bago ipinusod.
"Okay ka lang ba?" Nagtatakang tanong ni Hannah. Nakatitig sa leeg ko ngunit pinunasan ko naman kaagad iyon.
"Oo, medyo mainit lang sa loob." Ngisi ko.
"Oo nga, parang. Pero hindi naman gaano. Ni hindi nga namasa ang mga kilikili namin." Halakhak ni Flora.
Napangiti na lang din ako at inaya sila sa pinakaharapang bahagi ng bahay. Pinaupo ko sila sa bilugang mesa na naroon at tinitigan ang daanan sa labas.
"Ang kukulit ng mga kaibigan ng Kuya mo." Nguso ni Hannah ng lingunin ko.
Tumango ako, sang-ayon sa sinabi niya. Si Giselle lang itong parang nag-aalangan na magsalita. Ah, tulad nga ng dati... introvert ito.
"Pero totoo nga, hindi rin natin masisi ang mga yon. Kahit kami kuryuso sa lovelife mo, girl. Ang laki talaga ng pinagbago mo e."
Napangiti na lang ako at tumitig muli sa labas. Hindi ako sigurado kung magandang bagay na ba yon o hindi. Lagi ko namang nakikita ang sarili sa salamin kaya, ewan ko kung gaano ba kalaki talaga.
"Nagdadalaga e..." biro ko na lang.
Hindi na sila gaanong nagtanong pa tungkol sa lovelife ko dahil tulad ng mga sagot ko sa loob, ganoon din sa kanila. Ilang minuto pa ay natigil ang pag-uusap ng makita sina Kuya na nagkakatawanan habang palabas ng bahay.
Naitikom ko ng mariin ang mga labi ng makita kung gaanong mula dati ay mas matangkad ito kesa sa mga kaibigan. Mas malapad ang katawan. Hula ko nga, kahit nakatalikod iyan ay pagnanasaan pa rin ng kahit sino.
"Ipasyal natin, Kata..." utos ni Kuya.
Napatayo na naman ako at napahawak sa leeg. Masyadong mainit, kakayanin ko naman kaya sa plaza? Hindi naman kalakihan itong lugar na pinaglipatan namin. Ngunit masasabi kong maganda ang facility rito, malinis din ang paligid. At tamang depinasyon ang plaza bilang 'Clean and Green'.
"Sige Kuya," tango ko at nilingon ang mga kaibigan na tumayo na rin.
Ako ang nagtulak ng tarangkahan pero nagulat din ng may sumabay. Si Santi na napatitig lang sandali sa akin at siyang nagtuloy sa pagtulak. Napakagat labi tuloy ako at sumunod sa likod niya.
Nasabi ko na kanina, kahit likod nito... gwapo pa rin.
Nakayuko lang ako noong una ngunit inangat ko rin ang mukha ng tumabi sa akin si Hannah. Na nakatitig din sa lalaking nasa unahan. Akala mo e siya itong kabisado ang lugar. Ewan ko ba, kung bakit nagmamadali ang isang yan.
"Gwapo... maswerte si Giselle." Bulong ni Hannah.
Nagulat ako sa sinabi niya. Present tense. Maswerte. Mali ba ang hula ko kanina? Sila pa rin? May tampuhan lang siguro kaya hindi nagpapansinan.
Ah... imposible rin. Nasabing 'ex' na lang daw ang dalawa. Ewan ko... sabi ko naman, bata pa talaga ako noon kaya dapat wala na akong pakialam ngayon.
"Aray..." nagulat na sapo ko sa ilong. Mas nauna ang tungki na tumama sa matigas na likod.
Nanlalaki na lang ang mga mata ko, gulat na gulat na makitang pants iyon ni Santi. Tiniis ko ang wag mataranta at inayos ang sarili bago siya tiningala na nakalingon rito. Nagtataka marahil kung bakit nabangga ako.
"Are you okay?" Kunot noong tanong niya. Nakababa ang mga mata, nakalingon pa rin dito.
Namimilog ang mga mata ko ngunit ng makitang mas lalo siyang nangunot ay inayos ko iyon. Sabi ko naman, hindi na bago sa akin ang lalaki.
Tumango ako, ngunit senigundahan niya na naman ulit ng tanong, "Are you sure you're really okay?" Nagtatakang baling niya ulit.
Tumingala pa ako... kung matangkad na ako sa tingin ng iba. Paano na lang kaya ito na mas matikas... mas matangkad? Abot ko lang hanggang dibdib.
"Oo." Iling ko at napatitig sa kabila. Hindi na ito nagtanong pa ulit. Tinuloy niya na nga ang paglalakad.
Dahil tanging pader lang ang naghihiwalay sa mga bahay ay hindi na nakakapagtaka kung bakit maraming tao ngayon sa labas. Nagtataka marahil sa mga kasama ko na nagkakatuwaan na rin.
"Dito tayo..." turo ko sa makipot na daanan.
Tumango ang lahat, maliban kay Santi na sumilip lang ng isang segundo at muling naglakad. Nauuna na naman. Napakagat labi tuloy ako at nakipagtitigan sa malapad niyang balikat.
"Okay ka lang?"
Sasagot na sana ako, sa pag-aakalang para sa akin iyon. Ngunit hindi, para kay Giselle. Na tahimik lang at nakayuko. Nagugulat pa rin ako sa tuwing naaalala na naging sila nga pala ni Santi.
"O-oo..." awkward na ngiti nito.
Kumunot ang noo ko, ngunit itinuloy ko pa rin ang paglalakad hanggang na nakita ko na ang pababang lupa na punong-puno ng carabao grass. Nasa field na kami... at maraming tao.
"Sakto..." tuwang sabi ni Kuya.
Sumunod kami. Nakatayo lang dito sa itaas ng pababang lupa. Nanonood na kami ngayon ng mga naglalaro. Soccer iyon. May ilan nga akong mga kaklasi. Pero madalas hindi ko talaga kilala... sinakto nga ang lakad namin rito.
"Oy, Josh... kailan ka lang nakauwi?!" Gulat na tanong ng isang kakilala. Pinanood ko lang ang pag-uusap ng dalawa. May tumawag pa rito na sandaling itinigil ang pag-uusap. Pagkabalik ay narinig kong gusto nitong makipaglaro sa Kuya ko... at gusto na ring isama ang mga kaibigan nito.
"Ito ang pinakamagaling sa lahat..." mayabang na turo ni Kuya Josh sa kaibigan nitong si Santi.
"Oh! De Santiago! Nandito ka rin! Hindi kita nakikala a?" Gulat na baling nito.
Nakita ko mula rito, at sa nakagilid na mukha ni Santi, ang pagpipigil niya ng ngiti. Napabuntong hininga ako, nagulat pa ako sa ginawa ko ngunit mabuti na lang talaga ay natabunan iyon ng sigawan. O hiyawan. Tapos na ang unang set... at gusto ng kaibigan ni Kuya na silang magkakaibigan ang susunod.
Kaya, kaming mga babae lang ang naiwan sa itaas. Nakaupo kami sa lilim ng isang puno habang pinapanood ang mga lalaking nagkakatuwaan pa yata. May lumapit pang tatlong lalaki at may mga inabot na sapatos.
Maglalaro talaga. At ewan ko nga ba kung bakit naeexcite akong manonood... siguro adrenaline rush o kung ano. Okay lang, minsan lang naman ang maexcite. At hindi naman siguro masama iyon.
"Girls," tawag ni Leo. Nakatitig lang ako sa mga gamit nilang nilalapag sa tabi namin. Huli si Santi na may dinudukot sa loob ng pants.
Nagulat ako ng nasa tabi ko na siya. Marahan pa na nilapag sa kamay ko itong cellphone niya. Nanginig ang kamay ko roon, nanlalamig. Hindi maikuyom para sana hawakan ng mahigpit itong cellphone niya.
Bakit ako?