PROLOGUE

1908 Words
ISLA DEL FUEGO SERIES 3 Love Will Never Lie PROLOGUE "ARMANDO!! Hindi ka pa ba babangon diyan?! Gumising ka na! Aba't tanghali na!" Mariin niyang ipinikit ang inaantok pang mga mata at saka niya binalewala ang panggigising ng bungangera niyang asawa. Tsk! Ke'aga-aga pa ay nambubulahaw na ito ng tulog. Sa araw-araw ba naman na ginawa ng Diyos at sa isang dekada nilang pagsasama ay ganito ang laging ganap sa kanilang magasawa. Palibhasa'y wala silang anak kung kaya't nasa kanya ang buo nitong atensyon. "Ano ba! Alam kong gising ka na, Armando! Nagtutulog-tulugan ka lang na animal ka!" Patuloy pa nito habang panay sa pagyugyog ng kanyang balikat. Sa inis ay tinabig niya ang kamay nito at pilit niyang iminumulat ang isang mata para tingnan ang relos na nasa itaas ng ulunan niya. Napamura siya! Alas kwatro pa lang ng madaling araw! At saka sabado ngayon kaya alam ng asawa niyang wala siyang pasok sa trabaho! Araw ng kanyang pahinga! Salubong ang kilay na tiningnan niya ang kanyang asawa na naroon na sa may paanan niya. Nakasimangot at mukhang balisa. Lalo tuloy itong pumapangit sa paningin niya. Tsk! Tsk! Tsk! Pero mahal na mahal niya! Sa isip niya. "Day off ko ngayon, Amelia! Tagalugin ko para maintindihan mo, ha?? Wala akong pasok ngayon!" ganting sigaw niya dahil sa pambubulahaw nito sa kanya. "Ang hilig-hilig mong mambulahaw. Tsk! Nakakabuwiset na 'yang bunganga mo! Inaantok pa ako at gusto ko pang matulog!" Muli niyang ipinikit ang mga mata at nagtalukbong ng kanyang kumot. Marahas naman na tinanggal ni Amelia ang kumot na nakatalukbong sa mukha niya. Ngunit hindi niya ito pinansin at nananatili pa rin siyang nakapikit. Nagulat na lamang siya nang marinig niyang tumili si Amelia ng malakas at nagsumiksik pa ito sa hinihigaan niya! Salubong ang kilay niyang tiningnan ito. Ngunit nagtaka siya nang makitang nakatakip ang dalawang kamay nito sa magkabilang tenga at mariing nakapikit ang mga mata. "Ano bang problema mo at nagtititili ka diyan, ha? At saka, sumiksik ka pa dito sa higaan ko! Nakikita mo namang ang liit-liit na nga nito tatabi ka pa? Sa laki mong 'yan.. Doon ka nga humiga sa kama mo!" Iritado niyang saad at humalukipkip sa tabi ng asawa na para namang timang sa ganoong asta. Nanginginig-nginig pa ito nang hawakan niya sa balikat. "Ano bang nangyayari sayo, Amelia?!" Galit na niyang tanong. Nagmulat naman na ito at saka tumitig sa kanya. "A-Armando, h-hindi mo ba narinig 'yung narinig ko k-kanina?" uutal-utal nitong tanong. Lalong nangunot ang noo niya. Baliw na yata ang bungangera niyang asawa? Tsk! "Wala akong ibang naririnig kundi 'yang boses mo na parang serena ng ambulansiya! Ang sakit-sakit sa tenga!" Ngunit pagkuwa'y.... "Uhaaa... Uhaaa... Uhaaaa!" Muling napasigaw si Amelia at nahintakutan at saka mas lalong nagsumiksik sa kanya. Napaawang din ang bibig niya sa narinig. Nilukuban siya ng kaunting kaba subalit agad niya rin iyong pinalis. Marahil ay pusa lang iyon na pagala-gala sa bahay nila! "Uhaaaa...Uhaaaa..Uhaaa!" "Waaahhhh!!!" Sigaw ni Amelia. "Jusmiyo!!" Sigaw naman niya. Muli silang nahintakutan. Sigurado na niyang iyak iyon ng isang sanggol! Pero papaano namang magkakaroon ng sanggol gayong wala naman silang bagong panganak na kapitbahay? At saka, may kalayuan din ang bawat pagitan ng mga bahay sa lugar nila? "I-Iyon! Narinig mo na, Armando?? Iyon ang dahilan kung bakit kita ginigising kanina! Mayroong tiyanak sa labas ng bahay natin!" sabay talukbong ng kumot. "Baka pusa lang 'yon! Teka nga at lalabas ako!" Ngunit alam na niya sa sarili na hindi iyon iyak ng isang pusa. Kaya't bumangon na siya upang kumpirmahin kung ano 'yong narinig nila. "Dito ka lang, Amelia!" "Magiingat ka, Armando!" Pagkalapit niya sa pintuan ay agad niyang kinuha ang bagong hasang itak na naroon nakasabit sa may pintuan. Ito ang armas niya sa tuwing lumalabas ng kanilang bahay. Kung totoong tiyanak ito ay may panlaban siya! Muli siyang nilukuban ng kaba. Hindi naman siya matatakutin gaya ng asawa niya ngunit iba ang nararamdaman niya! Ayaw niyang maniwala sa mga elemento dahil hindi naman ito totoo. Ngunit ayaw naman niyang isipin na ganoon nga ang makakasagupa niya. Napakadilim pa naman sa labas nang matanaw niya sa bintana ang paligid. Kaya't binuksan niya ang lahat ng ilaw mula sa sala, sa balkonahe pati na sa may tarangkahan. Huminga muna siya ng malalim bago niya dahan-dahang pinihit ang seradura. Nang tuluyan niyang mabuksan ang pinto ay agad muna siyang luminga-linga. Upang siguruhin ang kaligtasan niya. Nang mapadako ang kanyang paningin sa dulo ng balkonahe ay agad na nangunot ang noo niya. Mayroon siyang natatanaw na isang bagay na nakapatong sa maliit na lamesa. Mabilis niya itong nilapitan upang kumpirmahin. Nang makalapit ay laking gulat niya sa kanyang nakita! Isa iyong sanggol na nababalot sa kulay rosas na lampin at patuloy pa rin sa kakaiiyak. Kinakabahan man ay hinawakan niya ang sanggol upang malaman kung totoo ito o nagkukunwari lamang! Nakahanda na rin naman sa isang kamay niya ang itak oras na magbago ito ng anyo. Sinubukan niyang sundot-sundutin ang pisngi nito. Ibinuka ang maliit nitong bibig para tingnan kung may pangil ba ito pero wala naman. Tinitigan niya ang mga mapupungay nitong mata at baka sa isang iglap ay maging pula ito ngunit nanatili lang iyon sa gano'ng kulay. Nabibighani lamang siya sa ganda ng naghahalong berde at abong mga mata nito. Kinapa din niya ang ulo nito upang suriin kung mayroon itong sungay pero wala naman siyang nakapa. Ilang minuto na niyang tinutunghayan ang bata pero wala pa rin pagbabago sa anyo nito. Imbes ay kumakawag-kawag pa ang sanggol ng alisin niya ang telang bumabalot sa katawan nito. Marahil ay nalamigan ito kung kaya't muli itong umiyak. Taranta niyang ibinalot muli ang tela sa sanggol. Pero, hindi pa rin ito tumitigil sa kaiiyak. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Papaano ba ito patatahanin? Hindi niya alam kung papaano magpatahan ng sanggol dahil wala pa siyang karanasan sa pagaalaga ng bata. Hindi kasi sila nabiyayaan ng anak ni Amelia dahil sa baog siya. At heto na marahil ang sagot sa panalangin nila na magkaroon ng sariling anak. "Sino bang walang puso ang nangiwan sayo dito?" Umiiling-iling niyang tanong. Dahan-dahan niya na itong binuhat at inihele. Ganoon ang ginagawa ng mga kapitbahay niya at mga kakilala sa tuwing magpapatahan ng bata. Napansin niya na may kabigatan na ito dahil sa tingin niya ay nasa apat na buwang gulang na ito. Mas lalo niyang napagmasdan ang mukha nito. Napakagandang bata. Kulay abuhin at berde ang mga mata nito, matangos ang napakaliit nitong ilong, mapupula ang labi at napakaputi. Sigurado siya na mayroong lahi o mayaman ang mga magulang nito base sa hitsura nito. Maya-maya'y tumigil na rin ito sa pagiyak. Ngumingiti na rin ito sa kanya! Tuloy ay napapaindak-indak na rin siya sa tuwa niya. Naramdaman niyang biglang humampas ang malamig na simoy ng hangin. Nagmumula iyon sa matataas na puno na nakapaligid sa kanilang bahay. Kaya siguro umiiyak ang sanggol dahil sa napakalamig ng klima ngayon. Kaya naman ay agad na niyang ipinasok ang sanggol sa loob ng bahay at patakbong tinungo ang silid. Doon ay naabutan niya ang kanyang asawa na nakatalukbong pa rin ng kumot at mukhang humihilik pa! "Amelia! Bumangon ka diyan! Tingnan mo 'tong dala ko!" Masaya niyang bungad dito. Pumaroon siya sa may paanan ng babae at hinintay itong magising. Maya-maya'y nagising na nga ito at mabilis na tinanggal ang kumot. Kumikisap-kisap pa ng matang bumangon ito at pagkuway napanganga nang tumingin palipat-lipat sa kanya at sa sanggol. Nakangiti naman niyang nilalaro-laro ang maliliit nitong daliri. "A-Ano 'yan?? S-Sanggol ba 'yan?? S-saan mo nakuha yan, Armando? B-baka tiyanak yan! Itapon mo yan, Armando!" sigaw nito habang itinutulak ang katawan palayo. Umatras ito hanggang sa may ulunan ng kama. "Hindi siya tiyanak, Amelia! Totoo siya! Tingnan mo at napakaganda niya," galak na galak niyang anyaya sa asawa subalit umiiling-iling lamang ito. Mas lalo lamang itong nagsumiksik sa ulunan habang yakap-yakap ang mga tuhod at animoy takot na takot. Ayaw pa rin nitong maniwala. Kaya't tiningnan niya na ito ng masama. "Hayan! Ang hilig-hilig mo kasing manood ng mga horror kaya kung anu-anong pumapasok diyan sa utak mo! Pumarito ka at pagmasdan mo 'tong bata! Siya nga dapat ang matakot sayo, eh! Sa laki mong 'yan!" "Heh! Kung makapanglait, eh... Siguraduhin mo lang, Armando.. Kundi dadaganan kita hanggang sa mayupi 'yang kalansay mong katawan!" Napilitan naman na itong tumayo. Dahan-dahan itong lumapit sa kanila na animo'y nagbibilang pa ng hakbang. Nang makalapit naman ay pumaroon ito sa likuran niya at bahagya lang sinilip ang mukha ng sanggol na bahagyang natatakpan ang mukha. Agad iyong hinawi ni Amelia para mapagmasdan nito ng buo ang mukha ng sanggol. Napasinghap ito. "Jusmiyo! Sinong mga magulang nito??" napahawak pa ito sa bibig at nanlalaki ang mga mata nito. Nilingon niya ang asawa na ngayo'y nakatulala habang nakatitig sa sanggol. Nang bumaling naman ako sa sanggol ay nakangiti na rin ito. Para bang ipinaparamdam nito na kumportable ito sa kanila. "Aampunin natin siya.." Wala sa loob niyang saad. Subalit naisip niya na maraming proseso sa pagaampon nang bata. Hindi nila alam kung sino ang nangiwan ng sanggol sa kanila. Parang ayaw niya ring i-turn over ito sa baranggay at baka bawiin lang sa kanila. Maraming katanungan sa utak niya. Sino ba ang magulang nito? Saan ito nanggaling? Mismong magulang ba nito ang nagdala sa kanila o kaya naman ay maaari din na ninakaw ito para ilayo sa totoong magulang nito. Bigla siyang naawa sa sanggol. "Aampunin ba talaga natin siya, Armando? Sigurado ka ba? Baka, masampahan tayo ng kidnapping ng mga magulang niyan?" Malumanay na tanong ni Melia. Kabado na ito. "Iyon din ang iniisip ko.. Subalit, ayoko ng mawala sa satin ang sanggol na ito. Ituturing natin siyang anak natin." Nakahawak na sa daliri ni Amelia ang sanggol. Nakakatuwang pagmasdan. "Itatago ba natin siya? Anong sasabihin natin kapag nakita siya ng mga taong nakakakilala sa atin?" malungkot nitong saad. "Bahala na. Wala naman tayong kasalanan. Dinala siya dito sa atin. Ayoko naman na dalhin ito sa bahay ampunan o kaya'y isurender sa baranggay. Wala din naman tayong anak kaya siguro hinulog 'to sa atin ng Diyos. Kaya sa atin na 'tong napakagandang bata na ito. Dito na siya sa atin," nakangiti niyang saadhabang hindi mapigilang halikan ang noo nito. "Ang sarap pala sa pakiramdam ng may anak," anya pa. Tumango naman si Amelia bilang tugon. Nangingilid na rin ang luha nito na agad ding pinunasan. "Anong ipapangalan natin sa kanya, Armando?" Biglang tanong nito. Napaisip siya. Oo nga no, kailangan pala nilang bigyan ng pangalan ang sanggol. Sa kakaisip ng ipapangalan niya dito ay doon niya napansin na mayroong kuwintas na nakasabit sa loob ng lampin nito. Nakapaloob iyon sa maliit na plastic kung kaya't binuksan niya ito. Doon ay nabasa niya sa likod ng pendant na animoy isang ISLA ang nakasulat. LORI LEIGH "Lori Lig—Leig?... Bakit gano'n? Ang hirap namang bigkasin ng pangalawang salita!" aniya. Halos mabulol pa siya. Napakunot ang noo ng asawa niya sa narinig at saka napabunghalit ng tawa. "Lori Ley ang tamang bigkas diyan, Armando! Palibhasay.." Hindi na nito natapos ang sasabihin dahil kinilingan niya ito ng masamang tingin! "Lori Ley kasi ang basa diyan.. Hehe! Iyan na ba ang ipapangalan natin sa kanya?" Tumango na lamang siya at pagkuway itinuon ang pansin sa karga-kargang sanggol na tuwang-tuwa namang nakamasid sa kanila. Marahil nagustuhan din nito ang pangalang ibinigay nila. At sanay, matanggap rin nito ang buhay na mayroon sila... Princess Bham ❤ Thanks!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD