Naunang pumasok sa loob si Bela at kita pa niya ang mabilis na pagtungo sa gilid ng mga tauhan ng ama ni Stefano.
“Boss, alalahanin mong boss ka rin. Natatakot po kayo kay, Bela?” mahina ang boses na tanong ni Rufos sa amo niya.
“Hindi mo nga kayang magsalita sa harap niya ako pa kaya? Alam mo naman kung paano ‘yan magalit. Boss mo nga ako pero siya ang boss ko, you understand?” asik niya rito.
“Eh tanggapin niyo na lang po ang galit niya. Baka kapag magpaliwanag kayo eh lalo lang siyang magalit,” saad ni Rufos.
“Kaya nga,” sagot nito.
Kaagad na lumapit naman si Rufos sa ama ng amo niya at umalis din sila kaya naiwan ang dalawa sa sala ng bahay. Hindi pa kayang tingnan ni Stefano ang asawa dahil para itong mangangain nang buhay.
“Now, talk,” anito.
Tumango naman si Stefano at nginitian ang asawa.
“Kasi...”
Nakataas ang kilay ni Bela habang naghihintay sa dugtong ng sinasabi nito.
“Kasi ano eh...”
“Magsasalita ka ba o huhugutin ko ‘yang dila mo?” sambit nito.
“Calm down love,” mahinahong wika nito at nginitian niya pa ito nang basta na lang na binunot ni Bela ang baril niya at pinaputok sa throw-pillow sa tabi ni Stefano. Napalunok siya sa sobrang gulat.
“Inuubos mo ang pasensiya ko Stefano. Huwag mo akong binibitin,” galit nitong sambit.
“Hindi naman kita binibitin sa kama ah,” wika nito at kinindatan pa siya. Napipilan naman si Bela at tila nahiya pa kaya napangiti si Stefano.
“Are you shy?” tanong ni Stefano sa asawa malapad ang ngiti na tila ba tuwang-tuwa sa reaksiyon ng asawa.
Grabe naman ang titig ni Bela sa kaniya kaya nagsalita na siya.
“Actually, wala naman akong balak na sabihin sa ‘yo ‘to para na rin maiwas ka sa gulo ng pamilya ko. Masiyadong komplikado lalo pa at nasa atin ang tingin ng mga kalaban. Naghihintay lang sila na kumilos tayo saka sila kikilos,” sambit nito.
“Kaya basta-basta ka na lang na aalis?” seryosang tanong niya rito. Tumango naman ito.
“Yes, and I’m hoping that you’ll understand,” sagot nito.
“Tanga ka ba?” asik ni Bela. Napakamot na lamang sa ulo niya si Stefano. Pasimpleng nakikinig naman ang ama ni Stefano sa labas kasama si Rufos at ang mga tauhan nito.
“Aasawahin mo ako tapos takot ka na madamay ako? Mas matakot ka sa ’kin kaysa kalaban mo, tang-ina ka! Anong understand? Understand mo mukha mo. Sa tingin mo ganoon lang kadali iyon? Mas gugustuhin ko pang makipagpatayan kasama ka kaysa mamatay ako kaiisip sa pag-aalala sa ’yong gao ka!” dagdag pa nito.
Napalunok naman si Stefano.
“Ano lang ba sa ‘yo na ipaliwanag sa ‘kin ang nangyayari? Pugutan ko pa ‘yan ng ulo ang ama mo eh. Iyan kasi ang tang-inang iyan ang gumagawa ng problema. Ngayong nagbunga na ang katangahan niya bigla-bigla gagawin kang alay sa mga hudas na iyon. Dapat kasi matagal mo ng itinapon iyan sa pacific-ocean,” rartrat niya pa.
Napaubo naman nang peke ang ama ni Stefano sa gilid.
“Huwag mong pekein ang ubo mo’t bubuga ka pa ng dugo mamaya. Tatamaan ka sa ‘kin matanda ka,” galit na wika ni Bela.
“Aba! Ganiyan ba dapat tratuhin ang father in-law mo ha? Ama ako ng asawa mo,” sabat nito.
“Sperm lang ang contribution mo. Hindi ka matatawag na ama dahil lang du’n. Nagpakaama ka ba ha? Kung sana lang maayos iyang turnilyo sa utak mo eh ‘di sana hindi malalagay sa alanganin ang buhay ng asawa ko,” sagot niya rito.
“Kahit pa hindi niya iyon gawin, alam kong darating pa rin ang araw na ‘to,” mahinahong saad ni Stefano.
“What do you mean?”
“Malaki ang atraso sa ’kin ng head ng triad. Matagal na panahon na rin akong nagtitimpi,” sagot nito.
“See? Hindi ko kasalanan,” sabat ng ama nito.
“Hindi mo kasalanan? Kung hindi dahil sa ‘yo buhay pa sana si Aquila ngayon,” galit na saad ni Stefano.
Natahimik naman si Bela. Hindi niya alam kung ano ang tinutukoy ng dalawa.
“Alam kong may kasalanan ako roon dahil naging pabaya ako. Pero hindi ko naman ginusto na mangyari iyon ah. Hindi lang naman ikaw ang nawalan,” wika ng ama niya.
“Aquila?”
Tiningnan naman siya ni Stefano.
“My little sister. She was a victim of kidnapping. Namatay ang kapatid ko dahil sa kapabayaan ng lalaking iyan. Inuna pa niya ang transaksiyon ng pera kaysa sarili niyang anak.” Puno ng hinanakit ang boses ni Stefano. Hindi naman nakaimik ang ama nito.
“Ikaw naman ang lahat eh. Ikaw ang nag-umpisa ng kaguluhang ‘to. Hindi nagkulang si mama na magpaalala sa ‘yo pero masiyado ka kasing garapal. Hindi mo man lang inisip ang buhay namin. Dahil sa kapabayaan mong ‘yon kaya ka natanggal sa posisyon mo sa org. Ginawa mo pa akong kalaban. Ni hindi mo man lang naisip na kaya ko tinanggap ang posisyong ‘to dahil at para sa kapatid ko. Hindi ko matatanggap na hanggang doon lang iyon. Hindi ako makakapayag na hindi ako makapaghiganti. Hindi kita pinigilan na makipagsosyo sa triad, kahit alam kong alanganin at hindi puwede ay hinayaan kita. Hinayaan kitang traydorin ako dahil matagal ko ng gustong pasukin ang teritoryo nila,” matigas na sambit ni Stefano.
“Alam kong alam mo, at alam ko ring hindi mo ako pipigilan kaya malakas ang loob ko na ipagpatuloy ang hindi dapat. Malakas ang loob ko na makipagsosyo sa kanila kahit alam na alam nating dalawa at ng kung sino pang parte ng organisasyon na malaking kasalanan iyon. Ginawa ko pa rin ngayon dahil tulad mo, uhaw rin ako sa hustisya. Sa tingin mo ba talaga hindi ako binabangungot sa gabi ha? Sa tingin mo ikaw lang ang nawalan?” asik ng ama nito.
Natawa naman nang pagak si Stefano.
“Galing mo ah. Sa tingin mo mapapaniwala mo ako riyan? Kung talagang gusto mong bigyan ng hustisya ang pagkawala ng kapatid ko sana noon pa. Hindi iyong nagpapakasasa ka sa iba’t-ibang kandungan ng mga babae. Sa isang mando ko lang matagal ka na sanang patay eh, kaso pinipigilan lang ako ni mama. Salamat sa ginawa mong patatraydor sa ‘kin at magkakaroon ako ng pagkakataon na bigyan ng hustisya ang kapatid ko,” aniya rito.
“Ano na ngayon ang plano mo? Ba’t ka nakaposas pagdating ko rito?” usisa ni Bela.
“Kailangan niya akong ibigay roon sa kasosyo niya. Kailangan kong isakripisyo ang buhay ko para na rin mawala na ang mga threat sa ‘tin. Iniisip ko lang na baka kapag nabuntis ka, tapos marami ang problema ay lalo kang mahihirapan. Lalo naman sa problema ko sa pamilya namin. Alang-alang sa safety mo at ng pamilya mo, minabuti ko ng kumilos mag-isa. Ayaw kong madamay ka, Bela. Hindi mo na ako dapat na tulungan pa, dahil matagal ko na ‘tong pinaghandaan. Matagal ko na ‘tong hinihintay,” sambit nito.
“Eh hindi nga ako buntis. Para namang hindi mo ako kilala. Laban mo, laban ko rin,” aniya rito.
“Hindi puwede, magkakagulo kayo sa organisasiyon niyo. Alam mo naman na hindi basta-basta ang gusto mong mangyari,” sabat nito.
“Anong hindi? Eh asawa mo ako. Ako ang boss du’n. Kung sino man ang papalag alam naman nila kung saan ang punta nila,” sagot niya rito.
Umiling naman si Stefano.
“Hindi puwede, hindi puwedeng dalawa tayong pag-initan. Madadamay ang pamilya mo. I’m sure they wouldn’t agree to this either. Alam ko naman na kaya mo eh. Mas matapang ka pa nga sa ‘kin, pero may mga bagay na hindi mo dapat akuin. Hindi mo na dapat pang bigyan nang pansin. Hayaan mo na akong umayos nito. Hindi basta-bastang organisasyon ang papasukin ko. Kapag dalawa tayong hindi makalabas doon paniguradong tapos ang pamilya natin. Kailangan kita rito para siguradohing maayos ang lahat. Bigyan mo lang ako ng isang buwan, kung hindi pa rin ako makauwi, saka ka na kumilos. Saka mo na ako puntahan. Hayaan mo muna ako sa labang ‘to,” pakiusap nito.
Nakatingin lang nang deritso si Bela sa kaniya.
“Pakiramdam ko tinatanggalan mo ako ng silbi. Para bang sinasabi mo sa ‘kin na huwag na lang kitang pakialaman dahil buhay mo ‘yan,” aniya rito.
“No, what I’m trying to make you understand is it’s very dangerous. Hindi lang ang clan ko ang malalagay sa alanganin kung hindi ang sa ‘yo rin. Marami ang madadamay, marami ang kakalas at baka lalo lang pag-interesan ng ibang ka-cosa natin kung sakaling malaman nilang bumigay na ang organisasyong hawak nating dalawa. Hindi sila magdadalawang-isip na bumaliktad sa napagkasunduan kapag nalaman nilang pareho tayong wala,” paliwanag nito.
“I know you care so much for me. Alam kong nag-aalala ka. Kaya nga mas pinili kong umalis nang tahimik, no explanations at all para sana hindi ka na mahirapan at ganoon din ako. I don’t want to say any goodbye dahil pakiramdam ko mahihirapan ako. If you really want to help me, just stay. Wait for me, at kung hindi man ako makabalik, that’s the sign that I need your help. Kung dalawa tayo roon, kung may mangyari man, paniguradong mahihirapan tayo. You can’t risk your family kaya alam kong hindi mo sasabihin sa kanila. Bela, just stay,” wika nito.
“Kung hindi ka makakauwi wala kang ibang choice sa ‘kin kung hindi ang patayin ka. Kaya dapat lang na ipangako mong uuwi ka. Babalikan mo ako, dahil sisiguradohin kong kahit saang sulok ka pang itago ng mga hudas na ‘yon hahanapin at hahanapin kita,” matigas niyang sambit.
Napangiti naman si Stefano at nilapitan siya saka hinalikan ang kaniyang noo. Napapikit naman si Bela at pinipigilan ang sarili na maiyak. Gusto niya itong suntukin pero naaawa naman siya.
“Boss?”
Sabay silang napatingin sa labas nang nagmamadaling lumapit ang tauhan ng ama ni Stefano. ilang saglit pa nga ay napatakip siya sa taenga niya nang may sumabog sa gate. Nagmamdaling tumayo naman siya at kinasa ulit ang kaniyang baril.
“I need to go,” wika ni Stefano. Napakunot-noo naman si Bela.
Lumapit ang ama ng asawa niya at tiningnan silang dalawa.
“Here they come,” anito.
“Wait,” pigil ni Bela rito.
Masamang tiningnan niya ang ama ni Stefano.
“Kung hindi makauwi si Stefano ay kaya ko siyang hanapin sa kasulok-sulokan man ng mundo. pero kapag namatay siya kahit nasa hukay ka pa six feet under, huhukayin kita’t makikipag-away ako sa mga uod at lalasug-lasugin ko ang buto mo,” banta niya rito.
Napalunok naman ang matanda. Ni hindi mo maringgan nang kaunting panloloko.
“Maayos kong ibinigay sa ‘yo ang asawa ko, kaya siguradohin mong maayos din siyang makabalik sa ‘kin, naiintindihan mo?” gigil niyang sambit dito.
Tumango -tango naman ito.
“Monti!”
Stefano cupped her face and kissed her lips.
“Go,” mahinang sambit nito at pinaalis na ito papunta sa likod. Ang bigat ng pakiramdam ni Bela. Para bang hindi niya iyon maihakbang sa sobrang bigat ng kaniyang paa. Ayaw niyang iwan ang asawa pero nag-usap na sila. Kakayanin niya ba ang isang buwan? Isang linggo nga lang baka mabaliw na siya.
Huminga siya nang malalim at nilapitan ito ulit saka niyakap.
“Sikapin mong mabuhay. Kung kailangan mo ng tulong ko tawagan mo ako kaagad. Gawin mo lahat ng paraan. Kung sakaling wala, hahanapin kita. Kahit saan ka pa nila itago, hahanapin kita. Please, please Stefano, bumalik ka. Mabuhay ka para sa ‘kin,” naiiyak niyang sambit dito.
Kita naman niya ang pagkislap ng mata ni Stefano at napaiwas lang ng tingin sa kaniya. Malungkot itong ngumiti at tumango.
“Susubukan ko,” sagot nito.
Naikuyom ni Bela ang kamao niya at malakas itong sinuntok. Napaungol naman ito sa sakit.
“Baby,” anito.
“Kulang pa ‘yan, huwag mong subukan, gawin mo,” matigas niyang sambit saka tumalikod na at pumunta sa likod. Mabilis na kilos na umalis at nakamasid lang sa hindi kalayuan. Napakunot-noo siya nang makitang basta na lang na sinuntok sa tiyan ang asawa niya at pinapasok sa loob ng kotse.
Hindi niya kilala ang mga ito subalit sa mukha pa lang alam na niyang miyembro iyon ng triad. Pumara na siya ng taxi at umuwi sa bahay niya. Pagkapasok pa lang niya ay nag-aalalang mukha ni Doding ang bumungad. Napahawak siya sa puso niya sa gulat.
“Nandiyan ka pala,” aniya rito.
“Grabe namang reaksiyon iyon. Para kang nakakita ng multo ah,” anito at napabusangot.
Umupo naman si Bela sa sofa at napapikit.
“Bakit? Masakit ba ang ulo mo? Ano? Naabutan mo ba si Stefano?” usisa nito. Tumango lamang siya bilang sagot.
Hinayaan muna siya ni Doding.
“Nasaan si Ryx?” tanong niya rito.
“Nandoon sa loob. Nag-iisip paano niya babawian iyong tauhan ng ama ni, Stefano. Grabe! Ang baho pa ng kili-kili. Hirap na hirap akong pigilan ang paghinga ko,” reklamo nito.
“Paano ba kayo nalapitan?” tanong niya rito.
“Marami sila, dalawa lang kami rito,” sagot nito.
“Kumusta na pala? Ano na nga?”
“Kailangan kong maghintay nang matagal. Kailangan kong maghanda sa paparating. Hindi na muna natin makakasama si Stefano nang isang buwan. Hindi ko alam kung kaya ko pero kakayanin ko. Pasasaan pa’t lilipas din naman ‘to,” wika niya.
Nag-aalalang tiningnan naman siya ni Doding.
“Hindi ka mapakali oh. Saglit lang, kukuha kita ng tubig,” sambit nito.
Tumango naman siya rito.
“Ina-anxiety ka,” komento ni Doding. Kinuha nito ang yelo sa gilid at inilagay sa kamay niya.
“Thanks,” aniya sa kaibigan.
“Relax lang, huwag kang masiyadong mag-overthink,” wika nito.
Tahimik lang si Bela at malalim ang iniisip.
“Bela!”
Napatingin naman siya kay Ryx na nagmamadaling lumapit sa kaniya.
“What?”
“Kailangan mong mag-ingat. Alam na ng organisasyon ni, Castillejo na ikaw ang anak ni, Infernu. Baka nga may malaking halaga ng nakapatong sa ulo mo. Kailangan mong mag-ingat lalo pa at gusto nilang mawala ka sa landas nila,” saad nito.
“Paano nila nalaman?”
Nawala ang kunot sa kaniyang noo nang mapagtantong walang ibang pwedeng pagbintangan kung hindi si Tere lang.
“That b***h!” aniya at nahigit ang sariling hininga para kalmahin ang sarili. Baka kapag nawala siya sa huwisyo ay puntahan niya ito’t mapatay. Hindi puwedeng matunugan siya ng mga pulis. Paniguradong malalagay sila sa alanganin lahat. Marami pa siyang dapat na asikasuhin. Marami pa siyang dapat kitain. Kailangan pa niyang puntahan ang mga pulitikong sangkot sa mga illegal niyang transaksiyon.
“Sabihan mo sa intel natin na sundan ang asawa ko sa triad,” aniya.
“Huh?” gulat na sambit ni Ryx.
“Tawagan mo si Prazi. Baka magawan niya ng paraan. Hindi ako mapakali kapag aasa lang ako sa ama niyang gago. Sabihin mo kay, Prazi magpadala siya ng spy roon sa triad. Kailangan niyang sabihin sa ‘kin lahat ng nangyayari sa asawa ko,” aniya.
“Mahihirapan tayo,” sabat nito.
“Hindi mo ba narinig ang sinabi ko?” galit niyang asik dito.
“Copy boss,” ani Ryx at tinawagan na si Prazi.
“Puputok na yata ang ugat sa ulo ko sa sobrang stress,” reklamo niya.
“Magtiwala ka lang sa asawa mo, para namang hindi mo siya kilala,” ani Doding.
Tiningnan naman niya ito.
“Talagang hindi, kasisimula pa lang namin na maglapit eh, umalis agad. Tang-inang buhay ‘to. Ngayon na nga lang makapaglandi eh,” inis niyang sambit. Natawa naman si Doding.