Political Science ang kinuhang kurso ni Gideon dahil pangarap niyang maging abogado pagdating ng araw at si Lara naman ay Tourism. Dahil sa angking ganda ni Lara ay maraming humahanga rito at madalas itong kinukuhang muse o representative ng college department sa mga beauty contests.
Dumami lalo ang mga admirers ng dalaga at lalong nagsumidhi ang kanyang pagnanais na maisiwalat muli sa dalaga ang kanyang nararamdaman. Kinakain siya ng matinding panibugho sa tuwing may nakikita siyang umaali-aligid sa kababata.
Isang gabi ay niyaya niya si Lara na mag-star gazing sa bubong ng mansion. Inakyat nila ang attic at lumusot sila sa bintana patungo sa bubong ng second floor. Madalas nila itong gawin kahit noong mga bata pa sila. Nakahiga sila pareho sa bubong habang nakamasid sa kalawakan ng napakaraming kumukutitap na mga bituin.
"Rey, look oh. Ang liwanag ng isang star," komento ni Lara habang nakatingin sa kalawakan.
"Oo nga,” sang-ayon ni Gideon sa dalaga. “Namumukod tangi siya. Parang ikaw.” Halos pabulong niyang nasambit ang kanyang huling kataga. Napatitig siya sa magandang mukha nito.
Nilingon siya ni Lara, "What did you say?"
"Lara," Dumadagundong ang puso ni Gideon habang nakatitig siya kay Lara. Pakiramdam niya ay sasabog ang kanyang dibdib sa gustong lumabas mula rito. Tumagilid siyang paharap sa dalaga at itinukod ang isang kamay sa ulo. Kumilos ang isa niyang kamay at hinawakan ang isang palad ng dalaga. "Lara, puwede ba kitang mahalin ng higit pa sa kaibigan?"
“H-ha?” Nagulat ang dalaga sa narinig mula sa binata.
Nakita ni Gideon ang pag-aalinlangan sa mukha ng dalaga ngunit decided na siya na magtapat dito. “Mula pa noong mga bata pa tayo. Minahal na talaga kita.” Nanginginig ang kanyang kamay ng hawakan niya ang isang palad ng dalaga at hinagkan ito. “I love you so much, Lara.”
Biglang binawi ni Lara ang kamay, “Baka magalit si Papa.”
“Secret muna natin ito,” wika ni Gideon sa dalaga dahil takot din siya kay Don Ramon. “Mahal mo rin ba ako, Lara?” Sobra ang kanyang kaba sa paghihintay sa sagot ng dalaga.
“O-oo,”
“Yes!” Nag-umapaw ang kanyang saya. Pakiramdam niya ay nanalo siya sa isang paligsahan. “I love you so much, Lara.” Ginagap niya ang mga palad ng dalaga at makailang beses na hinaikan.
“I love you too, Rey.”
Napakasaya ni Gideon Rey mula ng gabing iyon. Akalain ba niyang tanggapin siya ni Lara bilang kasintahan. At mula noon ay lingid sa kaalaman ni Don Ramon at Aling Lourdes ay nabuo na ang kanilang relasyon bilang magkasintahan. Madalas ang tagpuan nila ay sa bubong ng mansiyon.
"Lara, ilang anak ba ang gusto mo?" wika ni Gideon habang hawak ang isang palad ni Lara.
“Anong anak ang sinasabi mo?" Nangunot ang noo ni Lara at napatingin sa binata.
“Halimbawa lang, pag naging mag-asawa na tayo.” nangangarap na wika ni Gideon.
“Ngii, ang layo ng imagination mo.” Waring nainis si Lara sa binata sabay tabig sa kamay nito.
“Halimbawa lang naman,” malambing na wika ni Gideon. Napansin niya ang pagsimangot ni Lara. "I love you,” pabulong at madamdaming wika niya, "Mahal na mahal kita Lara." Masuyo rin niyang hinagkan ang noo ng kasintahan, "Sana lagi tayong ganito. Siguro ang saya mag-star gazing kapag kasama na natin ang mga babies natin," nangangarap pa rin niyang wika habang nakatingala sa kalangitan.
"Ang layo na talaga ng narating mo. Pasok na nga tayo. Inaantok na ako," wika ng tila lalong nainis at humihikab ng dalaga.
Inalalayan niya si Lara habang pabalik sila ng attic. May mga tanong sa isip niya na kahit siya ay ayaw niyang sagutin. Isang beses lang nag ‘I love you’ si Lara sa kanya. Ito ay noong sinagot siya nito at mula noon ay hindi na niya ito narinig na nagpahayag ng pagmamahal sa kanya. Samantalang siya ay araw-araw kahit sa text man, sa love notes o sa tuwing magsalubong sila sa loob ng mansion ay palihim niyang sinasabi ang taus-puso niyang pag-ibig sa kasintahan.
Besperas noon ng kaarawan ni Lara. Abala ang lahat ng kasambahay sa mansion sa paghahanda. Kinabukasan ay idadaos ang ika-eighteenth birthday ng dalaga at gagawin ito sa malawak na lawn ng mansion. Excited siya dahil siya ang escort at first dance ni Lara at pagkatapos ng party ay ipagtatapat na niya kay Don Ramon ang relasyon nila ng dalaga.
Nakahanda na ang kanyang gift sa kasintahan, isang eternity ring na pinag-ipunan niya ng ilang taon. At gusto niya itong ibigay bago ang birthday ng dalaga.
"Nay, nakita n’yo po si Lara?" tanong niya sa kanyang ina na abala sa pagpapalit ng mga kurtina sa bintana. Wala kasi sa kuwarto ang kasintahan ng katukin niya.
"Baka inilibot si Andrea, dumating kasi kagabi galing Paris," sagot ni Lourdes at nagpahabol pa bago siya tumalikod, "Anak, i-check mo nga kung dumating na ang mga mesa at mga upuan. Tumulong ka na rin sa pag-aayos sa labas."
"Opo," mabilis siyang tumalikod para gawin ang utos ng ina.
Pagkatapos ng isang oras ay muli siyang bumalik sa kuwarto ni Lara at dahil hindi naka-lock ang pinto ng pihitin niya ang door knob ay pumasok siya at ipinatong sa lamesita ang kaheta ng kanyang regalo kasama ang isang card. Alam niya makikita naman iyon ng dalaga. Palabas na sana siya ng may narinig siyang pabulong na nag-uusap mula sa walk-in closet ng kuwarto.
"Babe, I know you love me. And I love you too. That's why I came back."
Napatigil si Gideon sa paglabas ng kuwarto. Boses ng babae pero hindi kay Lara.
"Babe, paano si Rey?" Si Lara ang nagsalita at narinig niyang nabanggit ang pangalan niya.
"Dump him. Panakipbutas mo lang siya 'di ba? Para ‘wag tayong mabuko ng Papa mo."
Napakunot noo ang binata sa narinig. Si Andrea ang kausap ni Lara at bigla siyang kinabahan sa naririnig na pag-uusap.
"Andrea, please, not now." Narinig niyang sabi ni Lara at naalarma siya kaya sumilip siya sa walk-in closet at isang tagpo ang ikinagulat niya.
‘Hindi maari. Hindi’ Yanig ang isip ni Gideon dahil tumambad sa kanya ang magkayakap at naghahalikan na sina Lara at Andrea. Bago pa manghina ang mga tuhod ay napatakbo si Gideon palabas na kuwarto.
Dinala si Gideon Rey ng kanyang mga paa sa bubong ng mansion. Waring nakiisa ang langit sa kanyang pagdadalamhati dahil bumuhos ang malakas na ulan kasabay ng kanyang pagtangis. Hindi niya alintana ang lamig ng hangin at malakas na buhos ng ulan. Gusto niyang maibsan ang sakit sa dibdib dulot ng kanyang natuklasan.
Kaya pala kahit anong sweetness ang ipinapakita niya sa dalaga ay hindi niya maramdaman ang init ng pagmamahal nito. "Ahhhh!" Para siyang batang nanangis at tanging ang langit ang nakakarinig sa kanya dahil lalong lumakas ang buhos ng ulan at sinabayan pa ng kulog at kidlat.
Hindi namalayan ni Gideon kung ilang oras siyang naglagi sa bubong. Wala nang ulan pero nanatili pa rin siyang nakaupo. Tapos na siyang umiyak ngunit ang kirot ay sadyang hindi naibsan.
Buong akala niya ay mahal siya ni Lara. Akala niya ay mag-bestfriends lang sina Lara at Andrea dahil kaklase nila ito mula elementary hanggang junior high school. Madalas nga siyang biruin ng ibang kasambahay na kaya laging bumibisita kay Lara si Andrea dahil siya ang gustong makita. Iyon pala ay may lihim na relasyon ang dalawa.
Blangko ang isip na nahiga siya sa bubong at nakatingin sa langit na puro ulap at sa ulap ay wari nakikita niya ang mukha ng babaeng sanhi ng kirot na nararamdaman niya ngayon. "Lara, mahal na mahal kita." Muli na naman siyang lumuha at muli na namang umambon. Ipinikit niya ang mga mata at hinayaan na muling diligin ng ulan ang kanyang buong katawan. Ito na lang ang magagawa niya para maibsan ang sakit at pait na kanyang nararanasan.
Dapit-hapon nang bumaba mula sa bubong ng mansion si Gideon. Nagkulong siya sa kanyang kuwarto at nakalimutan niya ng magtanghalian. Natuyo na ang suot niyang damit na nabasa ng ulan. Sinadya niyang hindi magpakita sa kahit na sino at alam niyang lahat ng kasambahay pati ang kanyang nanay ay abala sa paghahanda para sa kaganapan kinabukasan.
**
"Lourdes, nasaan si Gideon? Saluhan n’yo ako sa pagkain at wala si Lara. Sa labas daw sila kakain ni Andrea," wika ni Don Ramon kay Lourdes. Hindi na iba ang trato ng Don sa mag-ina at parang anak na rin ang turing nito kay Gideon.
"Teka tatawagin ko, Ramon," Dalawang dekada ng kasambahay si Lourdes ng mga Salduvar kaya nakasanayan niyang tawagin ito sa pangalan. Binata pa ito at magkasing-edad lang sina Ramon at Lourdes ng magsimulang manilbihan ang huli sa mga magulang nito.
Maghapon na hindi nakita ni Lourdes si Gideon kaya’t tinungo niya ang kuwarto nito.
"Gideon, Anak," tawag ni Lourdes kasabay ng katok. "Anak, saluhan mo raw si Don Ramon sa hapag." Ngunit walang nagbubukas ng pinto.
Kinuha ni Lourdes ang susi ng kuwarto ng binata at binuksan ang kuwarto nito. "Gideon, anak." Madilim ang kuwarto kaya kinapa niya ang switch ng ilaw.
“Gid –“
Natigilan si Lourdes at napatitig sa nanginginig at nakatalukbong ng kumot na pigura. "Gideon!"
Agad niyang dinaluhan ito at tinanggal ang kumot. Nataranta si Lourdes ng tumambad sa kanya si Gideon na nangangatal sa lagnat at nakatirik ang mga mata. “Anak! panginoon ko! Tuloooooooooong!”
Sa hospital, mabigat ang mga talukap ng mga mata ni Gideon habang nakikinig sa kuwento ng kanyang ina kung ano ang nangyari sa kanya. Pakiramdam niya ay nanlalata siya at hirap huminga. "Nay, pasensiya na. Pinag-alala ko kayo," wika ng binata.
"Salamat sa Diyos at nawala na ang lagnat mo," wika ni Aling Lourdes habang kinakapa-kapa ang noo ng binata. "Pinag-alala mo ako. Ano bang nangyari ha?"
Hindi makasagot si Gideon, parang may bara ang kanyang lalamunan at ayaw niya ring sabihin ang tunay na dahilan sa ina. "Naulanan po ako," maiksi niyang sagot. Ibinaling ang mga mata sa dextrose na nakakabit sa kamay niya, nagtatanong kasi ang tingin ng kanyang ina.
"Paano na yan? Mamaya na ang debut ni Lara? Sabi ng doktor nagka-neumonia ka raw. Kailangan mo magpahinga at hindi ka pa puwedeng lumabas ng hospital." nag-aalalang wika ni Lourdes.
"Iwan n'yo na lang ako dito, ‘Nay. Mas kailangan kayo doon." paiwas na wika ng binata. Kailangan talaga ang kanyang ina sa okasyon at gusto niyang mapag-isa. Baka mapaiyak siya sa harap ng kanyang ina at tiyak magtatanong ito. "Sige na 'Nay, kaya ko naman ang sarili ko," wika uli ng binata.
"Kakausapin ko muna ang doctor at ibibilin kita sa mga nurse. Babalikan kita bukas. Sayang, walang escort sa debut niya si Lara," wika ng ina bago lumabas ng kuwarto.
Humugot ng malalim na hininga si Gideon. Mula ng magkaisip siya ay inalagaan niya ang pag-ibig kay Lara. Napakarami niyang plano para sa kinabukasan nilang dalawa at lahat ay nawalan ng saysay. Tapos na siyang umiyak at wala na siyang magagawa para pigilan si Lara.
Gumuho na lahat ng pangarap niya para sa kanila ng kababata. Ang buo niyang akala ay mahilig lang sa larong panlalaki si Lara. Lady-like kasi ito, sexy, kabigha-bighani ang ganda at tindig na hinahangaan ng mga lalaki. Akala niya ay napakasuwerte niya at lamang sa lahat ng mga lalaki sa mundo ng sagutin siya ng dalaga bilang boyfriend nito. Iyon pala ay hindi siya ang mahal nito.
Makalipas ang dalawang araw ay isang dalaw kay Gideon ang dumating at ang kirot ng kanyang puso ay sumidhi.
"Rey, s-sorry ngayon lang kita nadalaw. Kumusta ka na?” wika nito.
Inilayo ni Gideon ang tingin kay Lara dahil nagdurugo pa rin ang puso niya. "Sino si Andrea sa buhay mo? Tell me the truth, Lara."
"Rey," Lumamlam ang mga mata ni Lara, "forgive me. Pinilit kong mahalin ka dahil akala ko magbabago ang nasa puso ko." Nagmamakaawa ang tono nito at unti-unting gumaralgal ang tinig ng dalaga hanggang napaiyak na ito. "Please don't hate me. Mahal din naman kita eh. Best of friends tayo, diba?"
Tumalim ang titig ni Gideon at mapait ang mga sumunod niyang tinuran. "Mahal mo ako? Kaya ba nagawa mo akong paniwalain sa iyong pagkukunwari at paasahin sa wala. Ang totoong pagmamahal ay hindi mapanakit, Lara."
"Rey, please. ‘Wag mo akong isumbong kay Papa. Nakikiusap ako.” lumuluhang wika ng dalaga.
“Umalis ka na,” tiim-bagang na wika ng binata. Nagkalamat na ang matibay nilang samahan. Napaiyak na siya sa galit sa dalaga at isinubsob ang mukha sa kanyang mga palad. Umiiyak din na umalis si Lara. Hindi niya isinumbong kay Don Ramon ang kanyang natuklasan tungkol sa dalaga.