Nang ika'y lumisan mundo ko'y nagunaw.
Ligaya ang dala mo nang ika'y isinilang.
Pangarap 'kong langit, aking nakamit.
Lumaki ka lamang malusog at mabait.
Isip at kaugalian mo'y aking nilinang.
Tanging kayamanan ko sa mundo ay ikaw.
Nang ilapat mo ang iyong palad sa aking kamay.
At kumapit ka habang unti-unting inilalakad ang malilit mong paa.
Nang yumapos ka sa takot na ika'y matumba.
At matuklasan mong nasa likod ako't naghihintay.
Nang ngumiti ka sa akin ay walang kasing-ligaya.
At pumalahaw kang hanap ang iyong ina.
Anong kamalian ang aking nagawa?
Lumaki kang malayo sa kalinga ko.
Ika'y nagalit sa sakripisyong sa tingin kong ikabubuti mo.
Hindi pala sapat ang pagmamahal lamang.
Sa pagmamahal kong kakambal ng kahirapan.
Ni igapang ka sa pag-aaral ay wala akong kakayahan.
Nang umuwi ka ay pilit kitang itinaboy.
Pinilit kong bumalik ka doon at ipagpatuloy ang pag-aaral.
Hindi ko sukat akalaing ikaw ay binaboy.
Ng sarili mong tiyuhin na aking pinagkatiwalaan.
Naniwala akong maaalagaan ka habang ako'y pilit gumagapang.
Sa hirap ng buhay na hindi ko matakasan.
Sana ay hinayaan ko na lamang na malugmok tayo sa kahirapan.
Sana ay buo ka pa't hindi ako nilisan.
Patawad anak, ang iyong ina ay nagkamali.
Nasilaw sa kaunting kaginhawaan.
Patawad anak ni hindi kita naipaglaban.
Nagsisisi ako't ito'y aking kasalanan.
Kung alam ko lang anak, bakit hindi mo sinabi kay Nanay?
Ang kamalian ko ay nang ibinilin kita sa kanila.
Kamalian kong naniwala akong makakaahon tayo sa ginhawa ng hindi magkasama.
Kamalian kong hindi ko kayang pag-aralin ka.
Kamalian kong hindi ko naipaglaban ka.
Kamalian kong hindi kita kayang bigyan ng maalwan na buhay.
Oo kamalian kong nagtiwala ako sa halang ang kaluluwa.
Pinagsisihan ko anak di sana'y kapiling pa kita.
Ilang taon na, nakamit ko ang hustisya anak.
Nakakulong na siya! Patawad anak. Kasalanan ko!