Chapter 31

1113 Words
Chapter 31 Naroon na naman sina Regiena at Alex sa tagpong nasa bingit sila ng buhay at kamatayan. Ngunit sa pagkakataong ito tila pareho silang nasa kapahamakan at walang magliligtas sa kanila. Walang ibang naroon. Walang sasagip. Si Alex ay mapapaslang. Samantalang siya ay buhay pa pero maninirahan naman sa purgatoryo, ang lugar ng kawalan. "A- alex." Pumatak ang luha sa kanyang mga mata. "Maraming salamat sa lahat. Sana ay mas nakilala pa kita. Kabibigay ko palang sayo ng pagkakataon pero ito na yata ang katapusan natin. Sana nasabi kong mahal kita. Sana handa na akong sabihin sayo 'yon. Pero sana laging mong pakatatandaan na hindi ka lang kamukha ni Jelor. Espesyal ka. Sa sandaling panahon ay binigyan mo ng ibang kahulugan ang buhay ko." "W- wag kang bibitiw Regiena. W- wag kang susuko. Lalaban tayo." Pursigidong tugon nito. "Aaaaaaah!" Ngunit saka humampas sa likod nito ang palakol ni Angelus. Mas maraming dugo ang nagtalsikan. "Bitawan mo na ako Alex! Iligtas mo na ang sarili mo! Hayaan mo na ako! Masasayang ang misyon ninyo kapag nawala ka! Kailangan ka pa ng mundo! Hindi ka pwedeng mawala ngayon!" Bulalas niya. Awang- awa na siya sa lagay nito. Halatang nahihirapan na ito ngunit patuloy pa rin ang matinding pagtangan sa kanya. "Hindi kita bibitawan. Kung mamamatay man ako ngayon gusto kong sa purgatoryo mapunta upang makasama ka." Pumatak na rin ang luha sa mga mata nito. Dumampi iyon sa kanyang pisngi. Noong sumakabilang- buhay si Jelor ang hiling niya lang kung sakaling mawala siya ay ito ang makasama niya sa kabilang buhay. Ngunit tila hindi na iyong mangyayari ngayon. Masakit man ngunit tatanggapin niya nalang. Si Alex na bagong espesyal na lalaki sa kanyang buhay naman ang kanyang makakasama. Marahil kaya ito dumating sa kanyang buhay. "A- alex..." "R- regiena..." "Ito na ang inyong katapusan!" Sa huling pagkakataon ay winasiwas ni Angelus ang palakol sa kamay nito. "Tatalon ako kasama ka Regiena. Ipikit mo nalang ang iyong mga mata." Saad ni Alex. Isang malakas at malamig na hangin ang kanyang nadama. Ramdam niya ang mahigpit na yakap ni Alex. "Sindihan mo Santi ang pulang kandila! Ngayon din!" Narinig niya ang boses ni Angela. Pagmulat niya ng kanyang mata ay tangan sila ni Alex nila Angela at Santo. Hawak naman ni Santi ang isang mas malaking pulang kandila. Hinahabol naman sila ni Angelus. "Santo! Dalhin natin sila sa ilalim ng tulay! Nakita kong may bangka roon! Sa laki ng pakpak ni Angelus ay hindi siya kaagad makakapunta roon. Santi! Mauna ka na sa ilalim ng tulay! Kakayanin pa namin ito ni Santo!" Utos ni Angela. Isang metro nalang ang pagitan sa kanila ni Angelus. Winawasiwas na nito ang palakol. Konti nalang ay tatamaan na sila. Paikot na sila malapit sa tulay. Napakabilis ng pagtakbo nila Angela at Santo idagdag pa na buhat sila ng mga ito habang magmakayakap. "Nakasindi na! Talon!" Sigaw ni Santi. Saka sila tumalon sa dulong bahagi ng bangka na nakadungaw sa ilalim ng tulay. Muntik na iyong lumubog at mawalan ng balanse dahil sa lakas ng pwersa ngunit dahil mabilis kumilos sina Angela ay nabalanse rin kaagad ang bangka. "Nasaan kayoooooo!" Sigaw ni Angelus. Dinig pa rin nila ang pakpak nito sa ibabaw. Umupo ng maayos si Regiena sa bangka. Pagtingin niya sa kanyang mga kamay ay duguan iyon. Dugo mula sa likuran ni Alex. "A- alex!" Sigaw niya. "Santo ikaw na ang bahala kay Alex. Gamutin mo siya. Si Santi na ang bahalang mag- alaga sa pulang kandila. Kami naman ay babalik sa taas ni Regiena upang ipagpatuloy ang kanyang pagsasanay." Saad ni Angela. "Sumama ka na muna kay Angela, Regiena." Hinawakan ni Alex ang kanyang pisngi. "Kailangan mong ituloy ang iyong pagsasanay. Kailangan mong ituloy ang iyong paghahanda para sa inyong paghaharap ng Mahiwagang Babaylan." "Magpagaling ka Alex huh? Lumaban ka." Muling pumatak ang luha sa kanyang mga mata. Naalala niya ang sandali kung kailan kinuha sa kanya si Jelor. Ayaw niyang maulit ang tagpong iyon. "Oo naman. Lalaban ako para sayo." Nakangiting tugon nito kahit halata sa ngiting iyon ang sakit at hirap. "Tara na Regiena. Wag kang mag- alala. Dalawang bagay lang ang aaralin mo ngayong gabi. May dala na kaming mas malaking pulang kandila at sapat na iyon upang mapaghandaan mo pa ang iba bukas at magagamit mo pa rin iyon sa unang gabi ng kabilugan ng buwan. Wala na tayong dapat aksayahin na oras." Anyaya sa kanya ni Angela. Naghawak lang sila ni Alex saka na siya sumama kay Angela. Nakita niyang patuloy pa rin sa paglipad si Angelus sa paligid ngunit hindi na sila nito makita. "Hindi ako magiging mabait sayo Regiena. I actually like you. Alam mo na rin siguro marahil ngayon kung bakit hinayaan ka namin at tinutulungan ka naming makita at makausap ang Babaylan. Pero hindi dahilan 'yon para maging mabait ako sa pagsasanay mo. Walang dapat masayang. Kailangan mong matutunan lahat at magawa ang lahat ng tama. Alam mong buhay mo ang pwedeng maging kapalit kapag may kapalpakang naganap sa paghaharap ninyo ng Babaylan." Saad nito habang walang kurap na nakatitig sa kanyang mga mata. "Nauunawaan ko Angela. Nais ko ring magawa ito ng tama." Tugon niya. "Kung gayon tara na." Lumakad ito palapit sa palanggana. "Ipakita mo sa akin ang pag- upo mo." Sinunod naman niya ito. Umupo siya sa palanggana at humawak sa magkabilang gilid. Ipinikit niya ang mga mata tulad ng payo ni Alex. Ilang minuto na ang nakakalipas nang makaramdam siya ng sakit sa kanyang mga kamay. Pagmulat niya ng mga mata ay nakita niyang tinatapakan ni Angela ang kanyang mga kamay. "A- angela? Anong ginagawa mo?" Tanong niya rito. "Susubukin ng Mahiwagang Babaylan ang iyong katatagan. Susubukin niya kung hanggang saan ang kaya mong ilaban upang makausap lang siya. Kailangan mong humawak ng mabuti." Nagpaikot- ikot ito sa sisidlan. Huminga siya ng malalim. Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Binigyang tuon niya ang kanyang hininga at ang paghawak sa palanggana. Hindi niya alintana ang bawat sakit na dulot ng pagtapak ni Angela sa kanyang mga kamay. "Magaling Regiena." Saad nito. Pagmulat niya ng kanyang mga mata ay akmang aalalayan siya nito. Inabot naman niya rito ang isang kamay. Hinaplos nito iyon kasunod ang isa pa niyang kamay. Nawala ang pamamaga at sakit ng kanyang mga kamay. "Sorry kung kailangan kong gawin 'yon." "Walang anuman. Ano na ang susunod?" "Kapag nalampasan mo 'yun ay hahayaan ka na niyang magtanong. Itanong mo na ang lahat sa Mahiwagang Babaylan." Nagtaka siya sa narinig. "Ganoon kadali? Sasagutin na niya lahat ng tanong ko?" "Oo. Ngunit sa sandaling tumalikod ka ay bibirahin niya ang alaala mo. At maaari mo rin iyong ikamatay." Napalunok siya. Iyon naman ang kailangan niyang paghandaan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD