WALA pang alas-sais ng umaga ay gising na si Pippa. Maaga talaga siyang nagigising kahit na gaano kapuyat sa nagdaang gabi. Nakasanayan na niya kahit na noong nasa Amerika pa siya. Naghanda siya ng kape hindi lang para sa kanya kundi para na rin sa kanyang bisita. It felt good to preapre coffee and for not just for herself. Matagal-tagal na rin mula nang may ipaghanda siya ng almusal.
Ayaw niyang pakaisipin kung ano ang magiging desisyon ni Ike. Hindi naman iyon big deal para sa kanya. Inignora niya ang kagustuhan ng pusong palawigin ang pagkakakilala nilang dalawa. Aminado siyang curious siya sa lalaki dahil parang kakaiba ang aura at panghatak nito ngunit wala naman siyang magagawa kung mas gugustuhin nitong umalis, kung hindi ito gaanong interesadong makilala siya.
Isa pa, alam naman niya kung bakit ipinadala ang lalaki ng pinsan niya. Mukhang nilinlang pa ni Cedric ang kaibigan dahil ang inaasahang daratnan ni Ike na bahay ay walang tao. Mukhang nais nitong mapag-isa. Napakadaling basahin ni Cedric.
Pagkakape ni Pippa ay naglinis siya, tinipon ang maruruming damit at pinagulong sa washing machine. Inihanda na niya ang almusal—nilagang talong at talbos ng kamote, pritong daing na bangus, at skinless longganisa. Hihintayin sana niyang magising ang bisita ngunit nagutom na siya. Tila napasarap ang tulog ni Ike. Alas-diyes na ay tulog pa ito kaya sinilip niya sandali.
Nahihimbing pa ang binata. Ang sarap pagmasdan ng anyo nitong nahihimbing, mas naging maamo ang mukha. Nabura ang lahat ng pag-aalala at takot. Mas naging bata ang hitsura.
Nang makarinig ng busina ay itinigil niya ang ginagawa at sumilip sa bintana. Napangiti siya nang makilala babaeng nakasakay sa tricycle. “Bukas ang pinto, pumasok ka na, Zen,” aniya mula sa bintana bago bumaba.
Si Zenaida ang masasabing tanging kaibigan ni Pippa sa baryo. Kababata at kalaro niya ang babae noong bata siya. Naging magkaklase rin sila noong elementarya. Si Zenaida ang natatanging tao na hindi siya hinuhusgahan. Sa kaibigan din niya nalalaman ang mga sabi-sabi.
Masyado nga lang itong abala sa pagtatrabaho kaya hindi madalas na nakakabisita sa kanya. Hindi sila madalas na nakakapagkuwentuhan. Minsan ay itini-text na lang nito sa kanya kung may nasasagap na hindi magandang balita tungkol sa kanya.
“Nakahanap ako ng asparagus para sa `yo,” sabi nito habang ipinapasok ang mga dala. “Magandang klase `yong lettuce at cucumber na nakuha ko. Nabili ko rin lahat ng mga prutas na gusto mo.”
Tinulungan na niya si Zenaida sa pagbibitbit ng mga dala nito. Pagdating sa kusina ay iniabot sa kanya ng kaibigan ang isang papel na nagsisilbing resibo. “May sobra ka pang dalawang daan.” Nagtitinda ng kung ano-ano si Zenaida. Isda, karne, gulay, prutas, cosmetics at pati mga damit. Imbes nga lang na kumuha ng puwesto ay romoronda ang kaibigan. Gamit ang tricycle, umiikot si Zenaida sa buong baryo at sa ibang kalapit na baryo upang ilako ang mga produkto nito. Minsan ay kumukuha rin ito ng order at idi-deliver pa sa bahay. Dahil tinatamad nang mamalengke si Pippa, isa siya sa mga regular na umo-order ng halos lahat ng kailangan sa bahay. Kilala ni Zenaida ang halos lahat ng tao sa kanila dahil sa kabuhayan nito. Madalas ding masagap ng babae ang mga tsismis kahit na hindi naman talaga tsismosa.
Nagsalin si Pippa ng juice sa isang baso at idinulot kay Zenaida. “`Wag na. Delivery fee na lang `yan.”
Pilit nitong iniaabot sa kanya ang two hundred peso bill. “Pinatungan ko na ang mga prutas. Okay na `yon. Saka suki na kita kaya may malaki ka nang discount sa `kin.”
“Tip mo na lang.”
Pilit isinuksok ng babae ang pera sa kamay niya. “`Wag na. Malaki na ang ipinapatong ko sa mga ipinabibili mo. Malaki na ang kita ko sa `yo.” Isa sa mga bagay na gusto niya kay Zenaida ay hindi ito mapagsamantala. Hindi gahaman. Hindi naman niya malalaman kung malaki ang ipapatong nito sa kanyang mga ipinabibili ngunit hindi siya nito niloloko.
“Salamat, Zen.” Hindi na niya ipinilit ang tip at baka ma-offend lang ang kaibigan.
“Wala `yon. Mabait ako sa mga mabait talaga. Kakatay ako ng baka bukas nang madaling-araw. Bibigyan kita, ha.”
Tumango siya. “Sige. Ano ba ang tinda mo ngayon?”
“Tilapia at bangus. Hindi pa ako nakakahanap ng kakataying baboy. Kukuha ka ba?”
Tumango si Pippa. Bumili siya ng tig-dalawang kilo ng tilapia at bangus.
“Nandito ang pinsan mo?” tanong nito nang mapatingin sa sasakyan sa garahe.
Umiling si Pippa. “Kaibigan niya—namin pala. Kaibigan namin. Magbabakasyon din daw dito.” Pinagkakatiwalaan niya si Zenaida ngunit sinauna kung mag-isip ang mga tao sa baryo. Hindi naman niya sinasabing malisyosa ang kaibigan. Hindi lang talaga komportable ang mga Filipino sa babae at lalaking hindi magkaano-ano na magkasama sa iisang bahay. Baka hindi lang siya maging mangkukulam sa mga mata ng mga tao roon, baka maging malanding mangkukulam na siya.
“Mabuti naman at may kasama ka na rito. Nag-alala ako nang mabanggit ni Kap sa `kin na nasira ang gate mo. Minsan talaga, iba ang takbo ng isipan ng mga tagarito.”
“Okay naman na yata, eh. Tahimik na.”
“Naku, sana nga tumigil na sila sa mga kalokohan nila. Nakakapikon na. Nakakasakit na rin sila.”
“Hindi naman gaano.”
Pinandilatan siya ni Zenaida. “May mga dala silang itak at sulo, hello? Sana, inaabala na lang nila ang mga sarili nila sa mga sarili nilang buhay. Nananahimik ka rito, inaabala ka nila.”
“Alam mo naman kung bakit, `di ba?”
“`Sus, super tagal na n’on. Mag-move on na sila.” Sumakay na si Zenaida sa tricycle. “Gusto ko pa sanang makipagkuwentuhan pero kailangan ko pang ipaubos `tong mga isda. Balikan na lang kita rito mamaya— Iyon ay kung magkakaroon ako ng time.” Sa sobrang kaabalahan minsan, bihirang-bihira itong magkaroon ng panahon para sa sarili. Minsan ay nasabi na ng kaibigan sa kanya ang mga reklamo nito sa buhay. Si Zenaida kasi ang breadwinner sa pamilya.
Nagluto na si Pippa ng tanghalian. Pumitas siya ng sampalok at isinigang ang mga tilapia. Katatapos lang niyang iihaw ang mga bangus nang bumaba si Ike. Bagong ligo na ang lalaki at halos mapatulala siya sa kakisigan nitong taglay. Sariwang-sariwa ang lalaki at tila ang bango-bango. Parang masarap panggigilan ng halik at yakap.
She mentally shook her head. Where did that come from? Matanda ka na para lumandi, Pippa, ha. Parang hindi ka nagkaasawa sa inaasal mo.
Nginitian niya si Ike. “Hi!”
Gumanti ng ngiti ang kanyang bisita. “Good morning. Pasensiya na kung tinanghali ako ng gising.”
Inilapag ni Pippa ang mga inihaw na bangus sa mesa. “Okay lang `yon. Kailangan na kailangan mo yata talaga ng mahabang pahinga. Hindi ka na mukhang hihimatayin ngayon.”
Namula pa rin ang mukha nito sa pagkapahiya ngunit napangiti na rin. “Please don’t tell Cedric.”
“Promise.” Nailang siya nang kaunti nang mapansin na nakatitig si Ike sa mukha niya. Bahagya siyang nailang sa kanyang hitsura. Hindi na siya sariwa. Naligo siya kaninang umaga ngunit nagpawis na nang husto sa pagluluto at pag-iihaw sa dirty kitchen. Amoy-usok siya dahil nahirapan siyang magpaningas ng apoy.
“You look... pink.”
“And beautiful?” aniya sa mapanudyong tinig, pilit pinalis ang pagkailang na nararamdaman. Walang dahilan upang mailang siya. Alam niyang maganda pa rin siya.
Tumango si Ike. “Yeah. Beautiful. Malayong-malayo sa hitsura mo kagabi. Ganyan ka na lang palagi.”
“I’m really sorry about that. Mahabang kuwento. Sandali, maghahain na `ko para makakain na tayo.”
“Tulungan na kita.” Tinulungan na nga siya ng lalaki sa paghahanda ng mga pagkain sa mesa. “Hindi ka ba talaga maiilang na may kasama kang lalaki dito sa bahay?” tanong nito habang kumakain sila.
Nagkibit-balikat si Pippa. “Medyo siguro. Hindi naman maiiwasan `yon. Hindi naman tayo magkakilala. Wala pa din akong tiwala sa `yo, siyempre. Pero kagaya ng sinabi ko kagabi, pinagkakatiwalaan ka ni Kuya Ced kaya malamang na mabuti kang tao. Hindi ka siguro gagawa ng masama. If you want to stay here, you’re very welcome.”
“I want to stay here. Kagabi lang uli ako nakatulog nang mahimbing. Naisip ko rin na narito na ako. Pero kung makakaabala ako sa `yo o hindi ka komportableng makasama ako, aalis na lang ako.”
Nilunok muna ni Pippa ang nginunguya bago sumagot. “Alam ni Kuya na nandito ako nang ibigay niya sa `yo ang susi nitong bahay. Apparently, mas loyal si Manang Fe sa kanya kaysa sa `kin. Dapat lang naman dahil si Kuya naman talaga ang nagpapasuweldo do’n sa matanda.”
Nangunot ang noo ni Ike. “Bakit niya ako papupuntahin dito kung gano’n?”
Nagkibit-balikat siya. “I can only speculate. Pero sagutin mo muna ang ilang tanong para sa `kin. Are you single?”
Natigilan ito at hindi kaagad nakasagot. “Y-yeah?”
Tumikwas ang isang kilay niya. “Bakit parang hindi ka sigurado? May LQ ba kayo? O may ka-MU ka? Or you’re in love with someone but her eyes are set on another guy? Or you have a constant partner... in bed?”
Napapatitig si Ike sa kanya, tila biglang nabaghan at hindi malaman ang sasabihin.
Marahang natawa si Pippa. Natanto niyang masyado niyang ginugulo ang bisita sa kanyang mga tanong. “May girlfriend ka ba o asawa?”
Umiling ito. “Wala.”
Lumapad ang ngiti sa kanyang mga labi. “Then it’s confirmed. Cedric’s pushing us together.” Hindi iyon ang unang pagkakataon na ginawa iyon ng pinsan. Pagkababa ng desisyon sa divorce nila ni Heith ay kung sino-sino na ang ipinakilala sa kanya ng magkapatid na Cedric at Martinna.
Napatanga na naman si Ike at muli siyang natawa. He looked so adorable and cute. “Cedric... he’s... Are you sure?”
Tumango-tango si Pippa, pilit na sinusupil ang ngiti sa mga labi.
Umiling naman ito. “Cedric knows that I’m not interested in—” Bigla itong natigil sa pagsasalita nang mapatingin sa kanya.
Tumikwas ang isang kilay niya. “Am I that bad?”
“No, no, no! You are... interesting. It’s just that—”
Namilog ang kanyang mata. “Oh, I get it. I’m not that interesting to you because you’re gay!” Napangiti siya nang matamis pagkasabi niyon. Ang totoo ay nanunudyo lamang siya. Wala sa hitsura ni Ike ang pagiging binabae, ngunit ano ang alam niya? Hindi siya reliable pagdating sa mga ganoong bagay.
Nasamid ang lalaki dahil kasusubo lang nito ng bangus sa bibig. Natatawang sinalinan niya ng tubig ang baso nito. “I was just kidding,” natatawang sabi niya.
“I’m not... gay!” anito matapos makainom ng tubig at makalma ang sarili.
“Nagbibiro nga lang po ako.”
Masama ang naging tingin nito sa kanya. “I’m not gay.”
Napabulalas ng tawa si Pippa. “Got it.”
“I’m not,” seryosong sabi ni Ike.
“I believe you. Hey, chill. You’re not gay.” Hindi masukat ang kaaliwang kanyang nadarama sa kasalukuyan.
“How can you say that kind of thing?” nababaghang pa rin nitong tanong. “May parte ba sa hitsura ko na nagbigay ng indikasyon na gay ako?”
Naitirik na niya ang mga mata sa kisame. Ang mga lalaki talaga. “I was just teasing you.” Hindi niya maamin na “obsessed” siya sa mga bading. “Let it go. Kumain ka na.”
“The thought that a beautiful woman thinks I’m gay is bothering me.” Binalikan na ni Ike ang mga pagkain sa plato, ngunit pagkatapos ng dalawang subo ay muling tumingin sa kanya. “But, seriously, do I look like—”
“No,” maagap niyang tugon. “You look macho. You’re very masculine. And gorgeous. It’s just...” Hindi niya kaagad naituloy ang nais sabihin dahil hindi niya alam kung paano ipapaliwanag nang husto ang sarili. “Let’s just say, it’s not you, it’s me.” How cliche was that?
“Hindi ako sigurado kung nakuha ko ang ibig mong sabihin.”
Mas tinamisan ni Pippa ang kanyang ngiti. “Kapag close na tayo, baka sabihin ko sa `yo ang kuwento ng buhay ko.” Sa palagay niya ay hindi mahirap makasundo si Ike. Magaan na ang loob niya sa lalaki. Hindi naman siya papayag na makasama ito sa bahay na iyon kung hindi siya kampante.
Sa palagay niya ay ipinadala ni Cedric si Ike upang makampante ito. Alam ni Pippa na nag-aalala si Cedric sa kaalamang mag-isa lamang siya sa bahay. Totoo rin ang sinabi niya kay Ike kanina na inirereto sila ni Cedric sa isa’t isa. Kilala na niya ang kanyang pinsan. Sa palagay nito ay isang bagong pag-ibig ang kailangan niya upang ganap na makaahon mula sa dating pag-ibig.
Pinagmasdan niya si Ike na magana nang kumakain. He was definitely handsome. May atraksiyon siyang nadarama. Hindi siya nababahala dahil normal siyang babae. Mas iisipin niyang may problema siya kung hindi makakaramdam ng atraksiyon at admirasyon. Ngunit hindi niya maaaring hayaan ang sarili na isipin na maaari silang magkaroon ng romantikong relasyon. Tila masarap ilarawan sa diwa, ngunit alam niyang hindi pa siya handa sa isang bagong romantikong relasyon anuman ang sabihin ng kanyang mga pinsan. O sinuman ang ipadala ng mga ito.