Prologue
NOON lang nakita ng sampung taong gulang na si Pippa ang kanyang Lola Consuelo na ganoon. Galit na galit na galit ang matanda. Nanlilisik ang mga mata nitong dati ay kay babait at kay aamo. Kahit na hindi siya ang dahilan ng galit ni Lola Consuelo, hindi pa rin niya maiwasang matakot. Nakakatakot kasi talaga ang hitsura nito sa kasalukuyan. Hindi mabakas ni Pippa ang mabait at malambing niyang abuela. Tila nagbago ang anyo ni Lola Consuelo.
Nakaharap si Lola Consuelo kay Mang Uste. Galit din si Pippa sa lalaki. Ginawan nito nang masama ang pinsan niyang si Martinna. Katorse na si Marti. Dalagang-dalaga na. Marami ang nagsasabi na ang pinsan ang pinakamagandang dalagita sa Baryo Gaway. Kitang-kita ni Pippa kung paano kaladkarin ni Mang Uste si Martinna patungo sa talahiban kanina. Hindi alintana ng matandang lalaki kahit na nagpupumiglas si Martinna. Nakangisi pa si Mang Uste at tila siyang-siya sa takot at hilakbot na ipinapakita ni Martinna. Nang subukan nitong hagkan ang mga labi ni Martinna ay kumilos na si Pippa. Humanap siya ng pamalo at sumugod. Dahil hindi inaasahan ni Mang Uste ang presensiya niya, nagulat ito at hindi kaagad nakahuma sa mga atake. Buong puwersa niyang binambo nang binambo ang matanda.
Nang makawala si Martinna ay kumaripas na sila ng takbo palayo. Masuwerte namang nakasalubong nila ang ama ni Martinna, ang Tito Manolo ni Pippa. Kaagad siyang nagsumbong sa tiyuhin samantalang iyak nang iyak si Martinna. Pinauwi sila nito at pagkatapos ay tinungo ang kinaroroonan ni Mang Uste.
Pag-uwi nila ay sinalubong sila ng kanilang Lola Consuelo. Kaagad sila nitong tinanong kung ano ang nangyari sa kanila. Kaagad mababakas ang matinding pag-aalala sa buong pagkatao ng abuela. Tila bago pa man sila dumating ay naramdaman na nitong may masamang nangyari sa kanila.
“Lola, si Mang Uste po gustong halayin si Ate Marti,” pagsusumbong ni Pippa. “Hinahatak niyang pilit si Ate sa talahiban. Pinuntahan po siya ni Tito Manny.”
Mabilis na lumabas ng bakuran nila si Lola Consuelo at tinungo ang direksiyon ng talahiban. Lumabas mula sa bahay nila ang isa pang pinsan i Pippa at nakatatandang kapatid ni Martinna, si Kuya Cedric. “Ano ang nangyayari?”
“Dito muna kayo,” sabi ni Pippa imbes na sagutin ang tanong nito. “Kuya, `wag mong iiwan si Ate Marti. Dito lang kayo. Susundan ko si Lola.” Bago pa man makatugon ang isa sa magkapatid ay mabilis na siyang nakatakbo pasunod sa lola nila. Nag-aalala siya na baka pati ang matanda ay mapahamak kay Mang Uste.
Pagdating ni Pippa sa talahiban ay marami na ring taong nakikiusyoso roon. Nakaharap si Lola Consuelo kay Mang Uste. Hinihingal ang lola niya sa galit at dahil na rin marahil sa pagmamadaling makarating doon. Nagdurugo ang nguso ni Mang Uste habang pinipigilan ng dalawang lalaki si Tito Manolo.
“Papatayin ko ang hayop na `yan!” sigaw ni Tito Manolo. “Papatayin kita, Uste. Papatayin kita!”
Tila wala namang naririnig si Mang Uste. Titig na titig ito kay Lola Consuelo. Hindi alam ni Pippa kung paano nagagawang tumingin ng matandang lalaki nang deretso sa nanlilisik na mga mata ni Lola Consuelo. Nakaramdam si Pippa ng kilabot nang magsimulang gumalaw ang mga labi ng lola niya na tila may ibinubulong sa sarili o tila nagdarasal. Nagtayuan ang mga balahibo niya sa batok nang maramdaman ang pag-ihip ng hangin. Titig na titig pa rin si Mang Uste kay Lola Consuelo ngunit nanlalaki na ang mga mata nito.
“Pagbabayaran mo nang mahal ang ginawa mo sa apo ko, Uste. Hindi lang ikaw ang magdurusa,” ani Lola Consuelo matapos bumulong. Mahina pa rin ang tinig nito ngunit bakas na bakas ang poot at galit.
Natahimik ang lahat, pati si Tito Manolo. Mababakas ang takot sa mga mata ng mga nakikiusyoso. Isang albularyo at manghihilot si Lola Consuelo sa lugar nila. May usap-usapan na marami rin itong alam sa kulam ngunit walang nakakapagpatunay. Ang sabi pa ng matatanda sa kanila, galing daw si Lola Consuelo sa isang makapangyarihang angkan ng mga mambabarang na gumagamit ng itim na mahika. Tuwing tinatanong ni Pippa ang lola niya tungkol doon ay madalas na iniihit ito ng tawa kaya tumatak sa isipan niya na hindi totoo ang pagiging mangkukulam nito. Ngunit tila nais niyang magbago ng isipan ngayon.
Sa wakas ay nakawala si Mang Uste mula sa pagkakatitig ni Lola Consuelo. Kaagad na bumalatay ang hindi masukat na takot sa buong mukha ng matandang lalaki. Tila nais nitong kumaripas ng takbo ngunit hindi maigalaw ang katawan. Tumingin si Mang Uste sa mga tao at tila nais humingi ng tulong. Ibinuka ni Mang Uste ang bibig na tila may sasabihin ngunit walang tinig na namutawi.
Nagsimula na namang magwala si Tito Manolo. Humugot nang malalim na hininga si Lola Consuelo at mahinahong nilapitan si Tito Manolo, saka ito hinawakan sa braso. Sa isang iglap ay tumigil ang pagpupumiglas ni Tito Manolo.
“Umuwi na tayo, Manny,” sabi ni Lola Consuelo. Halos wala nang emosyong mababakas sa mukha nito.
Tumango naman si Tito Manolo. Nang magsimulang maglakad ang mga ito pauwi ay halos wala sa loob na sumunod si Pippa. Napatingin siya sa kamay ng kanyang lola. May hawak itong itim na kandila. Hindi rin nakaligtas sa pansin niya na marumi ang itim na kandilang iyon.
Pag-uwi nila ay kaagad na inasikaso ni Lola Consuelo si Martinna. Pagsapit ng gabi ay katabi nina Pippa at Martinna si Lola Consuelo sa pagtulog. Niyakap sila nito nang mahigpit na mahigpit.
“Hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa inyo,” pangako nito. “Mahal na mahal ko kayo.”
Kinabukasan, kaagad na bumulaga sa kanila ang balitang isinugod sa ospital ang panganay na anak ni Mang Uste. Nagsuka raw ito, nawalan ng malay, at hindi na nagising. Pagkatapos ng beinte-kuwatro oras ay binawian ito ng buhay. Aneurysm daw ang dahilan. Pagkalibing ng anak ni Mang Uste ay ang asawa naman nito ang isinugod sa ospital. Nakunan. Nang makalabas ng ospital ang asawa ni Mang Uste ay isa namang anak ng mga ito ang nagka-dengue.
Hindi pa man nakakalabas ng ospital ang anak ni Mang Uste ay nakaramdam na nang hindi maganda sa katawan si Mang Uste. Nahirapang umihi ang matandang lalaki. Ayon sa doktor ay may prostate cancer si Mang Uste. Makalipas ang isang taon, binawian na ito ng buhay.
Si Lola Consuelo ang sinisi ng mga kaanak sa pagkamatay ni Mang Uste. Sa lola rin ni Pippa isinisi ang lahat ng kamalasang dinanas ng pamilya ni Mang Uste. Mula noon, buo na sa isipan ng mga taga-Baryo Gaway na mangkukulam si Lola Consuelo. Kinatakutan na ang matanda mula noon. Kinatakutan din si Pippa ng mga kalaro niya dahil sa kanya raw ipapamana ng kanyang lola ang kakayahan nito sa pangungulam.