1

1844 Words
“SIGURADO ka ba, hija, na kakayanin mong mag-isa rito?” “Sigurado po ako, Manang Fe. `Wag po kayong gaanong mag-alala,” tugon ni Pippa sa matandang caretaker ng bahay. Inilibot niya ang kanyang mga mata sa bahay na halos isang dekada rin niyang hindi nauwian. Huling beses siyang nakatuntong doon noong inilibing ang kanyang Lola Consuelo. Napabuntong-hininga si Pippa nang maalala ang matanda. She missed her lola. Tila hindi na katulad ng dati ang bahay dahil wala na ito. “Kung nalaman ko lang na darating ka, ipinagpaliban ko sana ang pagpunta ko ng Samar.” Nakapangasawa ang isang anak na babae ni Manag Fe ng taga-Samar kaya bibisita ito roon. Nginitian ni Pippa si Mang Fe. Malapit ito sa puso niya dahil noong mga bata pa silang magpipinsan ay ito ang nagbabantay sa kanila. “Okay lang po talaga. Hindi naman na po ako bata para alagaan. Hindi din naman po maaaring ipagpaliban ang panganganak ng anak ninyo. Kailangan po niya kayo.” Hindi na niya sinabi sa matanda na mas gusto talaga niyang mapag-isa. Umuwi siya ng Baryo Gaway upang magkaroon naman ng katahimikan ang buhay niya. “`Wag n’yo na din po munang sasabihin kay Kuya Cedric na narito ako.” Bukod kay Martinna, wala nang nakakaalam sa mga kamag-anak ni Pippa na nasa Pilipinas siya. Halos lahat sila ay nakabase na sa Amerika. Tanging ang pinsan niyang si Cedric ang nananatili sa Pilipinas dahil nasa bansa kasi ang ikinabubuhay nito. Isa itong artista. Sa katunayan, si Cedric ang dahilan kung bakit ganito na kalaki at karangya ang dating maliit na bahay ni Lola Consuelo. Sa bahay na iyon inilagak ni Cedric ang mga unang kinita nito sa show business. Out of place na out of place ang bahay sa baryo. Ang bahay na iyon ang pinakamalaki, pinakamoderno, at pinakamarangya. Ang dating simpleng bungalow ay dalawang palapag na konkretong bahay na ngayon. “Pero, Pippa—” “Manang, pagbigyan n’yo na po ako. Please?” Sumusukong napabuntong-hininga si Manang Fe. “Kung iyan talaga ang gusto mo.” Gayunpaman, hindi nawala ang pag-aalalang nakasulat sa mukha nito. Nabasa rin niya ang awa at simpatya na naroon. Hindi na iyon bago sa kanya kaya hindi na siya gaanong nainis. Nasanay na siya sa ganoong uri ng tingin. Makabubuti marahil na magtutungo sa Samar ang matanda dahil iyon mismong ganoong tingin ang iniwan ni Pippa sa Amerika. She was tired of dealing with people who felt sorry for her. Walang nais na maniwala na okay lang siya. Siguro nga ay iyon ang kanyang problema. She was supposed to be not okay. Sinamahan si Pippa ng matanda sa dating silid ni Lola Consuelo. Iyon ang nagsisilbing master’s bedroom. Dalawang silid ang katumbas niyon kaya malawak. Doon namatay ang kanyang lola. Siya ang may gusto na doon manatili. Hindi siya natatakot dahil wala namang dapat na ikatakot. Sampung taon nang namayapa si Lola Consuelo at alam ni Pippa na nananahimik na ang kaluluwa nito. Gusto niya roon dahil sa malaking bintana. Hindi na niya kailangan ng air-con o electric fan dahil presko na. Napakaganda pa ng tanawin. Malayo ang bahay sa mga kapitbahay kaya walang gaanong iistorbo sa kanya. Makakapagtrabaho siya nang maayos doon. Tinulungan siya ni Manang Fe sa pag-aayos ng kanyang mga gamit kahit na sinabihan na itong kaya na niya. “Susmaryosep! Inang mahabagin!” Natawa si Pippa nang malaman kung ano ang dahilan ng pagkagulat ng matanda. Nalingunan niya ito na sapo ang dibdib at nanlalaki ang mga mata. Nabuksan nito ang maleta kung nasaan ang kanyang mga manyika. Kakaiba ang hitsura ng mga iyon. Creepy at eerie sa paningin ng marami ngunit kinaaaliwan niya talaga ang weird na hitsura. Hindi niya maiwan ang mga iyon sa Amerika. Kinuha ni Pippa ang tatlong manyika at inilapag sa kama. “Mga manyika lang po `to, Manang.” “Ano’ng klaseng mga manyika `yan, Pippa? Ke papangit!” Banayad nitong tinapik ang dibdib, kinakalma pa rin ang puso. Lalo siyang natawa sa tinuran ng matanda. Hindi lang ito ang taong nagsabi niyon. Ang sabi sa kanya ni Martinna ay hindi nito maintindihan ang mga kakaibang hilig niya sa mga chaka dolls. Medyo nagsawa na kasi siya sa magagandang manyika. Hindi rin niya maipaliwanag ang kakaibang hatak sa kanya ng mga kakaibang manyika. Mas naa-attract pa siya sa mga manyikang sinasabing ginagamit daw sa itim na mahika o mga manyikang isinumpa raw. Hindi siya naniniwala sa mga mahika—itim man o puti—at sumpa, ngunit naaaliw siya sa mga kuwento. The creepy story added to the doll’s character. “Manang-mana ka talaga sa lola mo,” sabi ni Manang Fe habang napapailing. Napangiti ito bigla na tila nakaalala ng isang nakakatuwang bagay. “May nakakatakot din siyang manyika. Sa palagay ko ay nasa baul pa niya iyon.” Naalala ni Pippa ang manyikang tinutukoy ng matanda, na kinagiliwan din niya. Maliit lang iyon at noon pa man ay gutay-gutay na. Ayon sa usap-usapan, iyon daw ang ginagamit ni Lola Consuelo sa pangungulam. “Kumusta naman ang mga tao rito, Manang? Gano’n pa rin ba?” Naupo siya sa kama habang isinasalansan nito ang mga damit niya sa lumang cabinet. “Hindi na nagbago ang tingin ng mga tao dito sa lola mo mula nang mamatay si Uste. Alam mo namang halos lahat ng tao rito ay kamag-anak ni Uste.” “Buhay pa rin ang asawa niya?” Hindi makalimutan ni Pippa si Aling Mercy dahil hindi lamang yata dalawampung beses itong sumugod sa bahay na iyon noon. Halos mabaliw si Aling Mercy noon dahil sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga mahal nito sa buhay. Hindi sa pagkamatay ni Mang Uste natapos ang kalbaryo ng pamilya. Ang pamilya ng mga ito ang pinakamayaman sa Baryo Gaway noon. Ekta-ektarya ang lupang sinasaka ng mga ito. May malaking kamalig sina Mang Uste noon na palaging puno ng inaning palay at mais. Ang bahay ni Mang Uste noon ang pinakamalaki at pinakamarangya sa baryo. Dahil sa ito ang pinakamayaman sa lugar na iyon, naging masyadong mayabang ang lalaki. Kinakayan-kayanan nito ang ibang tagabaryo. Kung sino-sino ang nasasagasaan. Naging masyadong ganid at sakim. Hindi lang si Martinna ang dalagitang nabiktima ni Mang Uste. Minsan nang idinemanda ang lalaki ngunit natapalan nito ng pera ang pamilya ng nagdemanda. Kumbinsido si Mang Uste noon na kaya nitong bilhin ang buhay ng isang tao. Hindi lingid kay Pippa na marami ang taong medyo natuwa noong pumanaw ang matandang lalaki. Ngunit may mga kapatid din si Mang Uste na kaparis nitong mag-isip. Hindi lang minsang isinugod ang kanyang lola sa ospital dahil binaril. Hindi nagreklamo o nagdemanda si Lola Consuelo at palagi nitong pinipigilan ang mga anak na gumawa ng hakbang. “Bahala na ang Diyos na kumalabit sa kanila, mga anak,” ang palaging sinasabi ni Lola Consuelo noon. “Magpasalamat na lang tayo na nabubuhay ako sa tuwina.” May pagkakataon sa buhay ni Pippa noon na naniwala siyang mangkukulam nga si Lola Consuelo. Minamalas kasi ang taong namamaril dito. Kung hindi iyon magkakasakit ay isa sa mga anak nito o ang asawa nito. Lalo tuloy nasemento sa isipan ng mga tao sa Baryo Gaway na mangkukulam ang lola niya. Bumagsak ang kabuhayan ng pamilya ni Mang Uste. Hindi makapaniwala ang ilang kababaryo nila kung gaano iyon kabilis nangyari. Naibenta ang ekta-ektaryang lupain. Ang karamihan sa mga iyon ay pagmamay-ari na ng pinsan niyang si Cedric. Ipinasasaka nito ang mga iyon sa isang anak na lalaki ni Manang Fe. Nang lumaki si Pippa ay nabura rin sa isipan niya ang pagiging mangkukulam ng kanyang lola. Nagkataon lang ang lahat. “Ang anumang masamang gawain ay hindi magbubunga ng maganda, Pippa. Palaging may kabayaran ang lahat.” Naniniwala siya na hindi kagagawan ng tao ang lahat ng kamalasang tinamo ng pamilya ni Mang Uste. Ang Diyos ang kumalabit sa mga ito. Isa pa ay naimpluwensiyahan na rin siya ng modernong mundo kaya nahirapan siyang maniwala sa mga bagay na hindi maipaliwanag. “Buhay pa at galit pa rin si Mercy sa pamilya mo. `Wag mo na silang gaanong papansinin. Sa palagay ko naman ay hindi ka nila gagambalain dito. Takot pa rin sila sa lola mo kaya hindi ka nila kakantiin.” “Kamukhang-kamukha ko pa si Lola.” Maliban sa kutis at kulay ng mga mata, siya ang masasabing carbon copy ng lola niya. Tisay lang siya at bluish-gray ang kulay ng mga mata. Isang banyaga kasi ang kanyang ama kaya ganoon ang kanyang mga mata. Hindi niya sigurado kung ano ang lahi nito dahil hindi naman niya nakilala kahit na kailan. Nagtungo ang ina ni Pippa sa Maynila upang magtrabaho noon. Ayaw sana itong payagan ni Lola Consuelo ngunit naging mapilit ang kanyang ina. Pag-uwi ng baryo ay may laman na ang tiyan ng kanyang ina. Sinabi kaagad nito kay Lola Consuelo na hindi ito pananagutan ng nakabuntis dito, na isa raw  foreigner at nakaalis na ng bansa bago pa man malaman ang kalagayan ng kanyang ina. Nang magkaisip si Pippa ay inamin ng kanyang ina na one-night stand ang naganap. Hindi raw ito naging maingat kaya nabuntis. Hindi naman daw nito pinagsisisihan ang nangyari dahil dumating siya sa buhay nito. Mahilig ang kanyang ina sa foreigner. Mabilis itong maakit sa mga lalaking galing sa ibang bansa. Masuwerte naman itong nakahanap ng isang mabait na Amerikano na pinakasalan ito at dinala sa Los Angeles. Disisais si Pippa nang kunin siya ng ina. Ayaw sana niyang iwan si Lola Consuelo ngunit gusto rin niyang makasama ang kanyang ina. Doon na siya nagpatuloy ng pag-aaral. Nagkahiwalay ang kanyang ina at ang napangasawa nitong Amerikano, ngunit hindi na sila umalis ng Los Angeles. Doon na rin nakilala ni Pippa si Heith, ang lalaking pinakasalan niya. Tinulungan din ng kanyang ina na makahanap ng trabaho sa Amerika ang kapatid nito. Hindi nagtagal, pati ang Tito Manolo ni Pippa ay nagtatrabaho na rin sa ibang bansa. Pagka-graduate ni Martinna sa college ay nagtungo na rin ito sa Amerika. Si Cedric ang naiwan kay Lola Consuelo, na regular namang bumibisita sa kanila sa Amerika. Hindi katulad ng ibang matanda, gustong-gusto ni Lola Consuelo na bumibiyahe at pumapasyal. Iyon nga lang, kailangan nitong bumalik sa Baryo Gaway sa tuwina. Ayaw nitong manatili nang matagal sa Amerika o sa Maynila. “Kung may maging problema ka rito, tawagan mo `ko sa cell phone ng anak ko at uuwi kaagad ako.” Nginitian ni Pippa si Manang Fe. “Wala naman po sigurong mangyayaring hindi maganda, Manang. Hindi naman siguro ako aanuhin ng mga tao rito kung mananahimik lang ako.” Iyon ang plano niyang gawin sa buong durasyon ng pananatili roon, ang manahimik at mag-isip. Naniniwala siya na kahit na ang liblib na baryo ay umuusad din kahit na gaano pa kabagal. Alam niya na marami na roon ang moderno nang mag-isip. Nakalimutan na rin marahil ng marami ang nangyari kay Mang Uste. Naka-move on na marahil ang mga ito, tutal ay sampung taon nang patay si Lola Consuelo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD