“WALA ka bang kasama?”
Pinigilan ni Ike ang mapabuntong-hininga sa tanong ng kanyang ina na si Virgie. Ang tanong na iyon ang kaagad na isinalubong nito imbes na batiin siya nang maayos. Hinagkan niya ang pisngi nito. “Wala po.”
“Bakit? Ang sabi ni Chenie ay nakita ka niyang may ka-date sa Shangri-La last weekend.”
“She’s just a friend.” Totoo ang sinabi niya. Ang babaeng nakita ng kanyang kapatid na kasama niya sa restaurant noong nakakaraang weekend ay kaibigan lang talaga niya. Nag-date sila noon ngunit ngayon ay may-asawa na ang babae at masaya sa buhay sa kasalukuyan. Biniro pa nga siya nito na may asawa na ang halos lahat ng mga kaibigan nila maliban sa kanya.
“Wala ka ba talagang girlfriend, `nak?”
“Wala po,” simpleng tugon ni Ike. Dalawang buwan na mula nang huling beses siyang nakipag-date. “Kahit na po s*x partner ay wala.”
“Ike!”
Natatawang pinanggigilan niya ito ng yakap. “Mama, give me a break, will you? Tigilan mo na po ang pangungulit sa `kin. Naririndi na po ako.”
“Titigilan kita kapag ipinakilala mo na sa `kin ang babaeng pakakasalan mo. Kahit na marindi ka sa akin, hindi kita titigilan.”
“Kapag hiwalay na sina Kuya Joshua at Jhoy, makukuha mo na ang gusto mo,” pagbibiro niya. Nilingon at nginisihan niya ang nakatatandang kapatid na lalaki na pinaglilipat-lipat ang tingin sa dalawang sanggol na nasa mga bisig nito. Kambal ang anak nina Joshua at Jhoy, isang babae at isang lalaki. Kaya sila nagsama-samang pamilya ngayon sa bahay ng mag-asawa upang iselebra ang ikalimang buwan ng mga sanggol.
“Not gonna happen,” ani Joshua sa magaang na tinig habang hindi inaalis ang mga mata sa mga anak. Abot hanggang tainga ang ngiti nito, bakas na bakas sa anyo ang labis na kaligayahan.
Nakaramdam na naman si Ike ng inggit.
Niligawan niya si Jhoy noon at totoong minahal ng kanyang puso. Nasaktan siya nang labis nang hindi siya ang mahalin ng puso nito. Alam niya na sinubukan ni Jhoy na mahalin siya, ngunit mas matibay ang naging pagmamahal nito kay Joshua. Dahil mahal talaga, hinayaan niya si Jhoy sa kaligayahan nito, sa piling ni Joshua. Pinilit ni Ike na maging masaya para sa dalawang taong importante sa kanyang puso. Mahirap sa simula ngunit napagtagumapayan niya.
Mahigit anim na taon na rin mula nang mangyari ang lahat. Masasabing naka-move on na si Ike. Mahal pa rin niya si Jhoy, ngunit sa tamang paraan na. Mahal niya ito bilang hipag, kapamilya. Hindi lang niya maiwasang mainggit hindi lang kay Joshua kundi pati na rin sa bunsong kapatid na si Chenie. May sarili nang pamilya at masayang-masaya na ang kanyang mga kapatid. They found true love. He wanted what they have. He also wanted a loving wife and adorable little children.
Kinuha ni Ike ang isang sanggol sa bisig ng kuya niya. Napangiti siya nang ngitian siya pamangkin. He looked like an angel. The twins were beautiful.
“Malapit ka nang magkuwarenta, Ike. Hindi ka pa ba sawa sa pagiging binata?” sabi uli ng kanyang ina.
“Oo nga,” pagsegunda ni Joshua na bahagya pang ibinunggo ang balikat sa kanyang balikat. “Ang sarap kayang maging tatay.”
Sandali niya itong pinagmasdan. “Kitang-kita nga sa katawan mo na tatay ka na. Ang laki ng tiyan mo, Kuya!” Mula nang magpakasal ang kapatid ay nadagdagan na nang nadagdagan ang timbang nito. May maliit na umbok na ang tiyan nito.
“Huwag mong pakialaman ang timbang ng kuya mo, Ike. Mas patatabain ko pa `yan para siguradong hindi siya hahabulin ng ibang babae,” ani Jhoy na prenteng nakaupo sa katapat nilang couch. Magandang-maganda pa rin ito kahit na medyo bakas pa ang naging pagbubuntis.
Natawa si Ike. Noong una, napakahirap mapalapit kay Jhoy. Napakahirap na makasama sa family gathering. Lalong napakahirap na makitang masaya si Jhoy na kasama si Joshua. Ngunit nang maglaon ay tuluyan na ring natanggap ng kanyang buong pagkatao na hindi sila ang nakalaan para sa isa’t isa.
Masasabing si Jhoy ang dahilan kung bakit binata pa rin si Ike hanggang ngayon. Hindi sa umiibig pa rin siya sa hipag. Hindi dahil hinihintay niya si Jhoy na makipaghiwalay kay Joshua—sa palagay niya ay hindi iyon mangyayari kailanman. Naranasan na niya kung paano umibig nang totoo. Siguro ay nais niyang mahanap ang tamang babae para sa kanya, nais ding ikasal dahil sa pag-ibig kagaya ng mga kapatid. He wanted to fall in love with his wife. Hindi pa uli siya umiibig kaya hindi pa siya nagpapakasal.
Hindi iyon tuwirang masabi ni Ike sa kanyang pamilya. Nag-aalala siya na baka pagtawanan siya ng mga ito, nag-aalala rin na baka hindi na siya magmahal uli. Natatakot na baka nakatadhana siyang tumanda mag-isa.
Hindi alam ng kanyang pamilya na gustong-gusto na sana niyang magpakasal at magkaroon ng sariling pamilya. Sa palagay niya ay iyon na lang ang kulang sa kanyang buhay. But at the same time, his heart couldn’t settle for anything less. He didn’t want to get married because he had to, because he was getting old. Or because he was getting lonely.
“I know someone,” ani Anton, ang bayaw ni Ike. Asawa ito ni Chenie. Kapapasok lang nito ng bahay. His hair and clothes were ruffled. Kanina ay abala ang bayaw sa pakikipaglaro sa dalawa nitong anak na lalaki at sa panganay na anak na lalaki nina Joshua at Jhoy.
Kaagad inilingan ni Ike si Anton. “No, thanks.” Nasubukan na niya ang pakikipag-blind date at sa umpisa lamang siya naaliw. Kung sino-sino na ang inerereto sa kanya ng pamilya pagkakasal na pagkakasal pa lang nina Joshua at Jhoy.
“It wouldn’t hurt to meet the girl,” anang kanyang ina. Ito ang pinakamasigasig sa lahat. Minsan ay hindi na niya alam kung saan nahahagilap ng ina ang mga babaeng ipinakikilala sa kanya. Tila hindi ito nauubusan ng mga kaibigan na may mga single na anak na babae. “Mabuti pa ang pamangkin mo, may karelasyon.”
Tumingin si Ike kay Enid, ang teenager niyang pamangkin, na abala sa cell phone sa isang sulok. May ngiting nakapaskil sa mga labi ni Enid. Hindi mahirap hulaan na ang boyfriend nito ang ka-text. “Kumusta kayo ni Lorenzo, Enid?”
“Fine, Uncle. Going strong,” tugon nito habang hindi inaalis ang mga mata sa cell phone.
“Okay lang na makipag-boyfriend ka basta `wag mo lang gagayahin itong mommy mo na napakaagang nag-asawa.” Disiotso pa lang si Chenie nang magpakasal kay Anton. Ang totoo ay kinakabahan si Ike sa pamangkin. Mapagkakatiwalaan ang boyfriend nitong si Lorenzo, na pamangkin din ni Jhoy, at masasabing responsable naman ang bata, ngunit hindi maaalis sa kanya ang mga agam-agam. Masyadong mapupusok ang kabataan ngayon. Idagdag pang ilang taong namalagi sa Amerika si Lorenzo. Iba ang kultura ng mga kabataan doon.
Isa pa, parehong produkto ng teenage pregnancy sina Lorenzo at Enid kaya talagang nakakatakot.
“Tigilan mo ang pamangkin mo,” saway ng kanyang ama sa kanya. “She knows her limitations and priorities. Ikaw ang pinag-uusapan dito. Kailan ka ba mag-aasawa?”
Napabuntong-hininga si Ike. Hindi niya alam kung ilang milyong beses na iyong naitanong sa kanya ng kanyang pamilya. “Bakit ba kailangan n’yong mag-alala? Ano naman kung hindi pa ako nag-aasawa? Wala namang masama ro’n dahil lalaki ako. Ang mga lalaki, parang alak. Habang tumatagal, lalong sumasarap.” Magsasalita sana ang kanyang ina ngunit inunahan na niya. “At bakit po ba problemadong-problemado kayo? Ang dami n’yo nang apo. Marami na kayong pagkakaabalahan. Isa pa, kung nakatadhana akong tumandang binata, wala na tayong magagawa ro’n. Hindi naman siguro ako pababayaan ng mga kapatid ko. Puwede ko naman sigurong hiramin paminsan-minsan ang mga anak nila.”
“Iba ang anak sa pamangkin, Kuya,” ani Chenie.
He rolled his eyes at her. “How do you know? Malay n’yo naman, hindi ko talaga gustong maging ama. Mas gusto kong maging uncle. The uncle who spoils your kids.” Hindi rin niya maamin sa sarili na bahagya siyang natatakot sa pagiging ama. His brother and brother-in-law made it look so easy but he knew how huge the responsibilities were. Hindi siya sigurado kung kakayanin niya ang lahat.
Tinabihan siya ng kanyang ina at tinapik sa balikat. “I don’t want you to end up alone. Hindi ako matatahimik sa kabilang buhay, anak.”
Natatawang hinagkan ni Ike ang pisngi ng ina. “Don’t worry. The right girl will come. `Wag nating madaliin. Don’t nag me about it. And stop introducing women.” Ang sabi ng iba, dumarating ang tamang tao kapag hindi mo na hinihintay, kapag hindi hinahanap.
“Take some time off,” anang kanyang ama.
Pinigilan ni Ike ang sarili na mainis at sabihin sa ama na hindi na siya batang munti upang sabihan nito ng dapat na gawin. Pinanatili niya ang ngiti sa kanyang mga labi. Alam niyang nais lang ng mga ito na mapabuti siya. Natural din marahil sa mga magulang na wala nang gaanong ginagawa ang mag-alala nang husto sa anak na wala pang kasama sa buhay. Sa isang banda kasi ay tama ang mga ito. Hindi na siya bumabata.
“Yeah. You don’t look well,” anang kuya niya. “I can take care of everything.”
“You’re busy with the babies.” Matagal-tagal na rin mula nang magbakasyon si Ike. Hindi na nga niya maalala kung saan siya huling nagpunta upang makapag-relax. Naging abala siya sa pagpapalago ng real estate business nila. He was a well-known land developer.
“I can handle it. Take some time off. You deserve it.”
“Yeah. Sure,” ang sabi na lang niya upang hindi na mangulit ang mga ito. He had no plans of taking some time off. Alam niya na gustong makasama palagi ni Joshua ang mga anak at hindi niya ito bibigyan ng karagdagang work load. At aminin man o hindi, ayaw niyang nakikialam ang kuya niya sa kanyang trabaho. Hindi man kasinghusay ng kapatid, nais pa rin niyang patunayan sa lahat na may maipagmamalaki naman siya. Hindi lamang siya anino ni Joshua Agustin.
Kinuha ng kanyang ina mula sa kanya ang sanggol na karga niya. “Go get something to eat. You don’t look good, Ike. Mas lalo kang pumapayat. Hindi na nawawala ang dark circles sa mga mata mo. Are you getting enough sleep? Kailangan mo na talagang magbakasyon.”
Hinagkan na naman niya ang pisngi ng ina bago tumayo. “I’ll arrange something.” Nagtungo na siya sa kusina upang kumuha ng isang bote ng beer. Hindi niya pinansin ang naninitang tingin ng kanyang ina.
Nagpasalamat si Ike na hindi na siya gaanong pinagtuunan ng pansin nang mga sumunod na sandali. Nakakasawa na ring marinig mula sa ibang tao na kailangan na niyang mag-asawa at bumuo ng sariling pamilya. Alam naman niya ang bagay na iyon ngunit ayaw ring pilitin ang sarili.
Pagkatapos ng tanghalian ay nagpaalam na siyang aalis, nagdahilan na may kakatagpuing isang kaibigan. Akala yata ng kanyang ina ay babae ang kaibigang sinasabi niya kaya pinayagan siya nito kaagad. Ang totoo ay wala siyang pupuntahan. Biglang sumakit ang kanyang ulo at nais sanang magpahinga sa sariling bahay. Hindi na rin niya matagalan ang nakikitang kaligayahan sa mga kapatid. Nahihirapan na siyang itago ang inggit na permanente nang namamahay sa kanyang dibdib. He badly wanted what they had. He wanted to be that happy, too.
Ngunit saan niya hahanapin ang babaeng pakakasalan at nakatadhanang makasama niya habang-buhay? Kailan ito darating sa buhay niya? Ang pinakaimportanteng tanong, may babae ba talagang nakalaan para sa kanya?