HINDI na itinuloy ni Moira ang balak na pagda-drop ng Pharmacology. Napag-isip-isip niya na tama si Paige, hindi iyon ang sagot sa problema niya kay Slater at naisip din niya ang magiging reaksiyon ng parents niya kapag ginawa niya iyon, ayaw niyang ma-disappoint ang mga ito. Kinumbinse pa niya ang sarili na mas habaan pa ang pasensiya, tutal ay mahigit dalawang buwan na lang ay matatapos na rin ang semester.
Kagat niya ang ibabang labi habang minamani-obra ang kotse papasok sa gate one ng JRRMMC. Pagkatapos i-park iyon ay mabilis siyang bumaba bitbit ang kanyang bag. Tiningnan niya ang suot na relos, limang minuto na lang ay alas otso na ng umaga. Lalo pang lumaki ang mga hakbang niya papasok sa loob ng ospital.
Hindi ako puwedeng ma-late, not on our orientation! naisaloob niya habang kinakalkal sa loob ng bag ang kanyang ID at nursing cap.
Habang naglalakad patungo sa hagdanan ay ikinabit niya sa likod ng kanyang ulo ang nursing cap. Malapit na siya roon nang mapatid siya sa sarili rin niyang paa. She lost her balance and fell forward, pero bago pa siya makipag-lips-to-lips sa semento ay may mga kamay na umalalay at pumigil sa pagsubsob niya.
Pumihit ang ulo niya para tingnan kung sino ang tumulong sa kanya, at ganoon na lang ang pamimilog ng kanyang mga mata nang makita si Slater. Tila nakuryente na mabilis siyang napaayos ng tayo at lumayo sa lalaki. Pakiramdam niya ay dumadagundong ang kanyang dibdib sa lakas ng kabog nito habang magkasalubong ang kanilang mga mata.
Nakagat ni Moira ang loob ng ibaba niyang labi. Hindi niya malaman ang gagawin but she knew she had to say something. "Thank you," mahina at halata na napipilitan lang na sabi niya bago siya nagbawi ng tingin at tinalikuran ito.
Nagtungo siya sa fourth floor ng gusali kung saan naroon ang opisina ng Nursing Education and Training Department. Pagdating niya ay eksaktong papasok pa lang sa silid na katabi ng NETD ang mga student nurses. Mabilis niyang hinanap ang kanyang mga ka-grupo at naupo kasama ng mga ito.
Maingay ang silid na puno ng mga estudyante buhat sa iba't-ibang universities, pero maya-maya pa ay tumahimik din ang mga ito nang pumasok ang mga clinical instructors sa silid. Apat sa mga ito ay mula sa UST, kabilang na si Slater.
Mabuti na lang si Miss Penelope ang CI namin, at hindi ang lalaking 'yan, naisaloob niya habang nakasunod ang tingin kay Slater.
Napabaling ang tingin niya sa kapapasok lang na matandang babae na naka-puting uniporme. Tinungo nito ang mini-stage sa unahan at sinigurong gumagana ang mikropono bago sila nakangiting binalingan. "Good morning, everyone!" masiglang bati nito sa ka nila. "I would like to welcome you here at Jose R. Reyes Memorial Medical Center. I'm Mrs. Dina Natividad, head of the Nursing Education and Training Department. Since this is your first day here, you need to be oriented with our hospital rules and regulations before sending you to your assigned area. Before we start, may I ask the clinical instructors, to please join their respective groups?"
Napatanga si Moira nang sa halip na si Miss Penelope ay si Slater ang lumapit sa grupo nila. Naupo ito sa tabi ni Loisa.
"B-bakit s'ya?" Nagkamali ba siya ng basa sa naka-post na duty assignment nila sa bulletin board kahapon?
"Pinagpalit sila ni Ms. Penelope, kanina ko nga lang din nalaman, eh," narinig niyang sabi ng classmate na si Rj. "Si Miss Penelope na ang makakasama ng group na naka-assign sa OPD."
Ilang sandali siyang nawalan ng kibo, pagkatapos ay napapa-iling na binawi ang tingin kay Slater.
"SIGURADO ka ba na gusto mong magpa-repeat rotation?" tanong ni Perrie kay Moira mula sa kabilang linya. Hindi makapaniwala at tila nakukunsumi ang tinig ng kanyang kaibigan.
Kanina ay nag-text siya sa babae para magpasama sa office ni Mrs. Soliven, ang tiyahin ni Perrie na siya namang clinical coordinator nila. Gusto niyang kausapin ang ginang dahil balak niyang hindi na pasukan ang duty rotation nila. Sa halip na mag-reply sa text ay tinawagan siya ni Perrie.
"Moira, kung magpapa-repeat rotation ka, mawawalan ka ng vacation. Remember, may summer classes pa kayo," paalala ni Perrie. "Twice a week lang naman ang duty n'yo, eh, hindi mo ba puwedeng tiisin na lang 'yon?"
"Exactly! Twice a week na nga ang classes namin sa Pharma, then ganoon din ang duty; so that means, four days niyang sisirain ang araw ko every week! That's too much, Perrie!" protesta niya. Second day ng duty nila ngayon sa JRRMMC, at pakiramdam niya ay hindi talaga niya kakayanin na tapusin ang duty rotation para sa buwang ito. Sino ba naman ang gaganahan kapag ganitong ang pinaka-kinabubuwisitan niyang tao ang siya pang naging CI nila.
Alam niyang hindi sang-ayon ang babae sa desisyon niya, pero sa huli ay wala na rin itong nagawa kundi ang pumayag na samahan siya.
Pagkatapos makipag-usap kay Perrie ay ibinulsa na niya ang cellphone. Muntik na siyang mapatalon sa gulat nang pagpihit niya ay tumambad sa kanya si Slater, nakatayo ito sa pintuan ng student's lounge. Magka-krus ang mga braso ng lalaki sa tapat ng dibdib habang nakatingin sa kanya. Ilang sandali rin bago siya nakabawi sa pagkagulat, ngunit bago pa siya makakilos sa kinatatayuan ay siya namang pagdating ng mga groupmates niya.
"Sir, tapos na kaming mag-vital signs," ani Rj.
"Okay," ani Slater na tinanguan pa ang mga ito. "You may have your lunch now."
Kinuha nila Rj ang mga gamit nito.
Palabas na sana ng silid si Moira nang muling magsalita si Slater. "Maiwan ka rito, Miss De Vera."
Napalingon siya sa lalaki. Maging ang mga kaklase niya ay natigilan at napatingin kay Slater, pagkatapos ay sa kanya.
"Bumaba na kayo," taboy ni Slater kina Rj. "Be back after thirty minutes."
Nang wala na ang grupo ay saka tiningnan ni Moira ang professor. "Bakit ho ninyo ako pinaiwan, Sir?" malamig niyang tanong.
Hindi sumagot si Slater. Tinungo nito ang isang upuan sa harap ng mahabang lamesa at naupo roon. Napahugot ito nang malalim na hininga saka siya tiningnan. "Iniisip mo bang pini-personal kita, Miss De Vera?"
"Hindi ba?" She didn't even bother to hide her sarcasm.
Mahina itong napailing. "You thought it wrong."
Tumikwas ang kilay niya. "Eh, ano ho'ng tawag sa ginagawa ninyo?" Ito ang kauna-unahang pagkakataon na sumagot siya nang ganito sa isang professor at alam niyang mali iyon.
No! He deserved that! tahimik na sigaw ng isip niya.
"At dahil iniisip mong pini-personal kita, kaya naisip mo noong mag-drop sa subject ko. And now, balak mo namang magpa-repeat rotation just to avoid me?" naiiling na sabi nito.
Hindi siya kumibo, nakatitig lang siya rito. Kung nag-aapoy lang ang mga mata niya, baka kanina pa nasunog ang lalaki.
Napabuntong-hininga ito at tinitigan siya ng diretso. "Hindi ko akalain na ganyan ka kahina."
Nagtagis ang bagang niya. Sagad na sagad na talaga siya sa lalaking ito. "I'm not weak!" malakas na sabi niya na tuluyan nang bumigay sa emosyon na nadarama. "Masisisi mo ba ako if I already had enough?! Kung pikon na pikon na ako sa ginagawa mo sa akin sa klase! At hindi ka pa talaga nakontento eh, harapan mo pa akong ipinahiya kay Mrs. Mamaril! Why? Tell me, why you're treating me like this?! Dahil pa rin ba sa nangyari noong first meeting natin? Ako pa 'yong hindi courteous? Ako pa ba ang bastos?!
"Eh, ano'ng tawag mo sa sarili mo na ni hindi man lang makapagsabi ng simpleng 'sorry'? Natural lang naman 'yong naging reaction ko, 'di ba? Ano ba'ng gusto mo? Mag-apologize ako? Siguro kung hindi mo ako agad pinag-initan ng gano'n, baka nga nag-apologize pa ako. But after what you did to me, ako pa ba ang dapat mag-apologize ng lagay na 'yon?!" Damang-dama niya ang galit sa kanyang dibdib. Habol niya ang paghinga pagkatapos ng litanya niya.
"Are you done?" kaswal na tanong ni Slater nang tumigil siya sa pagsasalita.
Nakuyom niya ang palad habang nakatingin rito. Halos sumabog na siya sa ngitngit pero tila balewala lang iyon dito.
"Kung tapos ka na, puwede na siguro akong magsalita," anito nang hindi siya sumagot. "But before that, may I ask you to just hear me first before ka mag-react? And please, sit and try to calm down."
Calm down? Paano ako kakalma kung ikaw ang nasa harapan ko?! ngali-ngali niyang sabihin pero pinigil niya ang sarili. Nanatili lang siyang nakatitig dito at hindi tuminag sa kinatatayuan.
Ilang sandali ring nakatingin sa kanya ang binata at hinihintay siyang maupo. Nang siguro ay na-realize ng lalaki na wala talaga siyang balak sundin ang sinabi nito ay naiiling na napabuntong-hininga na lang ito
"Okay, about what happened during our first meeting," simula nito. "I know I should have said 'sorry', but I was talking with my father over the phone, napaka-importante ng sinasabi niya at ayoko siyang i-interrupt; kaya yumuko na lang ako as a sign of apology. Akala ko okay na, pero nagulat ako sa naging reaction mo. Yes, nag-comment ako noong first day ng class about courteousness para paringgan ka, but that doesn't mean that I was mad at you. At lalong hindi kita tinatawag sa klase dahil doon—"
"Then, why? Bakit sa dami naming magkaka-klase, ako na lang nang ako lagi ang nakikita mo?!"
"I told you to let me finish first, right?"
Hindi siya nagsalita, pairap lang niyang inalis ang tingin dito.
"After our first class, pagbalik ko sa faculty room I heard some of my colleagues talking about you," patuloy ng lalaki. "I heard na ikaw raw ang number one sa dean's list. They said you're brilliant pero masyado ka raw tahimik. Iniisip nila na kaya ka tahimik at hindi nagre-recite dahil pinagbibigyan mo ang mga classmates mo, pero iba ang nakita ko noong second meeting natin. Tahimik ka dahil ayaw mong magkamali."
Lumipad ang tingin niya pabalik dito.
"Kung nakita mo ang sarili mo that time na hindi mo masagot-sagot ang tanong ko, maiintindihan mo kung bakit 'yon ang basa ko sa ugali mo."
Nag-iwas siya ng tingin, hindi niya natagalang salubungin ang mga mata nito. Pakiramdam niya ay binubulatlat ng lalaki ang buo niyang pagkatao sa paraan ng pagkakatitig nito sa kanya.
Ilang sandali na namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Nakatingin sa kanya ang lalaki na tila hinihintay ang reaction niya sa mga sinabi nito.
"Dahil ba sa taas ng expectations nila kaya takot ka at ayaw mong magkamali sa harapan nila?" ani Slater pagkalipas ng ilang sandaling katahimikan. "Pero hindi mo ba naisip na kasalanan mo rin kung bakit gano'n kalaki ang expectations nila sa 'yo? Ayaw mo kasing ipakita na may kahinaan ka rin. At ang ugali mo ring 'yon ang dahilan kung bakit wala kang kaibigan."
Gusto sana niyang sabihin na mali ito, pero naisip niya maliban kina Paige, mayroon pa nga ba siyang ibang masasabi na mga kaibigan niya?
"You have no friends in your class because you're too intimidating. Bukod sa napakatalino mo, nakaka-intimidate rin ang pagiging tahimik mo. Hindi mo ba napapansin na even your groupmates felt uncomfortable with you?" dagdag ni Slater. "Kapag may group works kayo, they didn't give any suggestions, hinahayaan nilang ikaw ang mag-decide ng gagawin n'yo. Pero hindi 'yon dahil bilib na bilib sila sa 'yo, but because they're worried that you'll reject their ideas."
Hindi niya malaman kung ano ang mararamdaman o paano magre-react sa mga sinasabi ng lalaki. Gusto niyang ipagtanggol ang sarili pero maging ang isang bahagi ng isip niya ay tila sumasang-ayon dito.
"Nobody's perfect, Moira, that's what I wanted you to realize kaya ko ginagawa 'yon sa 'yo. Dinidikdik kita sa klase para maranasan mong magkamali, at matutunan mo 'yong tanggapin. Gusto kong ma-realize mo na okay lang naman if you commit mistakes paminsan-minsan. Ang kaso, matalino ka talaga, you always have an answer sa lahat ng mga tanong ko."
Hindi siya kumibo, nanatili siyang walang imik habang nakatingin dito.
"But you still lack one important skill. Alam kong alam mo kung ano 'yon, but you seemed to forget that without that, hindi ka magiging successful sa career na gusto mong i-pursue. At 'yon ang gusto kong ipakita sa 'yo kaya madalas ko kayong binibigyan ng group activities. Gusto kong matuto ka at masanay na makipag-interact sa mga kaklase mo, dahil kailangan mo 'yon. You can't be a good doctor kung hindi mo alam kung paano iintindihin ang pangangailangan ng mga pasyente mo. How can your patient trust you? Serious and smart-looking ka nga pero napaka-cold at distant mo naman?"
Tila naumid ang kanyang dila at wala siyang maapuhap na isasagot dito.
"If you prefer to be alone, that's okay. Walang masama roon. Pero Moira, wala ring masama kung bubuksan mo ang sarili mo sa ibang tao. Walang masama if you try to be friends with your classmates, lalo na at makakasama mo pa sila nang more than two years."
Pakiramdam niya ay bumigat ang dibdib niya dahil sa mga sinabi ng lalaki, hindi dahil sa galit dito pero dahil parang tumitimo sa dibdib niya ang mga sinabi nito. Bahagya siyang napayuko para itago ang pamumuo ng luha sa mga mata niya.
Tumayo si Slater at humakbang palapit sa kanya. "Hindi mo ako kaaway, and it was never my intention na ipahiya or pahirapan ka. All I want is to help you," puno ng sinseridad na sabi nito. "Dahil alam kong hindi 'yong totoong Moira ang kaharap namin ng mga kaklase mo. Alam kong tulad ng mga classmates mo, hindi mo lang rin alam kung paano sila pakikitunguhan."
Napa-angat ang tingin niya sa lalaki nang maramdaman ang marahang pagtapik nito sa kanyang kaliwang balikat.
"Try to loosen up yourself a bit. Kung ang iniisip mo ay 'yong expectations ng ibang tao sa 'yo, forget it. Ang importante 'yong magpakatotoo ka; and of course, 'yong maging masaya ka. You're too young to be grumpy and alone, you know," anito na nginitian pa siya. "Dapat ini-enjoy mo ang buhay mo, huwag kang masyadong seryoso. Sana pag-isipan mo muna nang mabuti 'yong mga sinabi ko before you decide na magpa-repeat rotation. Pero if 'yon talaga ang gusto mo, ikaw na ang bahala."
Naglakad na si Slater palabas ng silid at bago pa nito isinara ang pinto ay muli siyang binigyan ng tipid na ngiti. Doon tuluyang nalaglag ang luha niya.