FOUR days pa lang mula nang mag-resume ang klase pagkatapos ng Christmas break ay windang na naman si Moira. Wala pa ring nagbago sa pakikitungo sa kanya ni Slater, mukhang hanggang ngayon ay hindi pa ito nagsasawa na pag-initan siya. Pero sa halip na pansinin ang nakakainis na ginagawa ng professor, nag-focus na lang siya lalo sa pag-aaral. Minsan nga ay mas marami pa ang oras na inilalaan niya sa pag-aaral ng Pharmacology keysa sa dalawang major subject niya.
Pagkatapos ng first class nila ay nagtungo si Moira sa faculty room na nasa second floor ng gusali para ibalik ang mga handouts na ipinahiram ng instructor nilang si Mrs. Rivera. Wala roon ang pakay niya, sa halip ay ang level chairman nilang si Mrs. Mamaril ang naabutan niyang nasa table ni Mrs. Rivera, at kausap nito si Slater. Aalis na sana siya nang marinig ang pagtawag ni Mrs. Mamaril sa kanya.
Sh*t! palatak ng isip niya kasabay nang pagkagat sa ibaba niyang labi. Ayaw sana niyang magpakita sa kanilang level chairman dahil ayaw niyang lumapit sa kinaroroonan ni Slater, pero napansin na siya ng matandang babae. Napahugot siya nang malalim na hininga bago pumihit paharap sa dalawa.
"Good afternoon, Ma'am, Sir," wika niya na pilit pinagmukhang totoo ang ngiti na nakaplaster sa kanyang mukha. Bagamat binati rin niya ang lalaking professor ay sinikap niyang hindi magawi ang tingin dito.
"What brings you here, Miss De Vera?" tanong ng level chairman na sumenyas pa para palapitin siya.
Wala na siyang nagawa kundi ang lumapit sa mga ito. "I'm looking for Mrs. Rivera, Ma'am."
"She went out just a couple of minutes ago, bibili yata ng coffee," tugon ni Mrs. Mamaril. "Bakit may kailangan ka ba, Hija?"
"Wala naman ho," aniya na sinabayan pa nang marahang pag-iling. "Ibabalik ko lang ho sa kanya itong mga handouts." Ipinakita niya rito ang hawak na mga papel.
"I see. You can leave it here, ako na lang ang magbibigay sa kanya," nakangiti na sabi ni Mrs. Mamaril. "Or you can wait for her if you want, hindi naman siguro magtatagal si Mrs. Rivera."
Pasimple siyang napasulyap kay Slater. Wait here with him? No thanks, awtomatikong sabi ng isip niya. Sasagot sana siya pero naunahan siya ni Mrs. Mamaril.
"Anyway, how have you been?" tanong ng matandang babae. Magiliw ang pakikitungo sa kanya ng ginang dahil bukod sa ito ang level chairman nilang mga sophomore, napalapit din siya rito nang maging professor nila ito sa Health Economics last semester.
"Okay naman ho," tipid niyang sagot.
"Ganoon ba? Pero bakit parang nangangayayat ka yata?" nagtatakang sabi ni Mrs. Mamaril habang pinagmamasdan siya.
Pigil niya ang mapabuntong-hininga. Sino ba naman ho ang hindi mangangayayat sa stress na ibinibigay sa akin ng Miranda na 'yan? Alam n'yo ba na talo pa niyan ang may assistant instructor dahil halos ako na ang nagdi-discuss ng lecture sa dami ng mga tanong n'ya, ngali-ngali sana niyang isagot.
"Siguro ho dahil sa stress," nasabi na lang niya at kunwari ay napakibit-balikat pa. "Medyo nato-toxic ho kasi ako sa bigat ng mga subjects namin ngayon."
"Toxic? Ikaw?" natawa pang sabi ng matandang babae na akala yata ay nagbibiro lang siya. Binalingan nito si Slater. "She's your student, 'di ba, Mr. Miranda?"
"Yes, Ma'am," tugon ni Slater na sinabayan pa nito nang mabagal na pagtango.
"Alam mo ba na siya ang number one sa dean's list natin?" nakangiting pagmamalaki sa kanya ni Mrs. Mamaril.
"Talaga ho?" tila nagulat na sabi ni Slater at pagkatapos ay kunot-noo na ibinaling nito ang tingin sa kanya. "Then why did you nearly fail your first mastery exam in my subject?"
"What?" si Mrs. Mamaril naman ang nagulat sa narinig. Namimilog ang mga mata na tiningnan siya nito.
Maging siya ay natigilan din sa sinabi ng lalaki. Hindi niya akalain na hihirit ito ng ganoon sa harap ng kanilang level chairman. Nakatitig naman sa kanya si Slater na para bang hinihintay ang magiging reaction niya.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa tangan na mga papel, ngali-ngali niyang ihampas ang mga iyon sa mukha ng lalaki. Wagas ka talagang manira ng araw, naisaloob niya. Dama niya ang pag-iinit ng sulok ng kanyang mga mata at pagsisikip ng dibdib dahil sa labis na ngitngit na nadarama.
"But anyway, nakabawi naman ho siya sa mga sumunod na test nila. Satisfying din ang result ng prelim exam niya. Hindi lang ho siguro nakapag-ready si Moira sa first mastery exam na ibinigay ko sa kanila," ani ng lalaki na tila nakakaloko pa siyang nginitian.
Nagtagis ang kanyang mga bagang. D*mn you! D*mn you to hell! tahimik na hiyaw ng kanyang isip. Hindi na niya napigilan ang sarili na pukulin ito nang matalim na tingin. She promised herself na hindi na siya magpapa-apekto sa ginagawa ng lalaki, pero iba talaga itong magpakulo ng dugo.
Bago pa makapagsalita si Mrs. Mamaril ay dumating na si Mrs. Rivera. Agad naman niyang sinamantala ang pagkakataon, mabilis niyang iniabot sa bagong dating ang mga papel at saka nagpaalam sa mga ito. Kuyom ang kamay at malalaki ang hakbang na naglakad siya palayo sa tatlo.
"GOOD morning," ani Slater pagkapasok nito sa classroom.
Gumanti ng bati ang buong klase maliban kay Moira. Ni hindi niya ito tiningnan, hindi pa rin kasi nawawala ang ngitngit niya rito kanina. Nanatiling nakatuon ang mga mata niya sa nakabukas na libro sa kanyang harapan.
Ibinitang ni Slater ang gamit nito sa lamesa at naupo. "Ready na ba kayong malaman ang prelim grade ninyo?" ani Slater habang ini-o-on ang dala nitong laptop.
Noon lang siya nag-angat ng tingin. Napansin niyang natigilan din ang buong klase. Sigurado siyang tulad niya ay kinakabahan din ang mga ito na malaman ang grade nila. Hindi kasi madali ang ibinigay na prelim exam ng lalaki. Katunayan ay halos kalahati ng section nila ay pasang-awa lang doon.
"Actually, I'm done computing your grades the day after your exam, but I decided na hindi muna ito ipaalam sa inyo last meeting because I don't want to ruin your mood. Kasi nga kababalik lang ninyo from your Christmas vacation," anito na tiningnan sila, tila napakaamong tupa na nginitian pa sila nito. "As I call your name, I'll hand you a folded paper where I will write down your grade. At para hindi kayo ma-curious at i-compare sa iba ang grade n'yo, sabay-sabay ninyong bubuksan ang papel, at titingnan ang nakasulat doon. Understand?"
Sinimulan na sila nitong tawagin isa-isa. Nang ang lahat ay may kanya-kanya nang hawak na maliit na papel ay pinabuksan na iyon ni Slater sa kanila. Dinig niya ang mahinang pag-angal ng mga classmate niya. Siya man ay napatanga sa nakasulat sa hawak na kapirasong papel. Mabilis niyang ikinurap-kurap ang kanyang mga mata para pigilan ang tuluyang pamumuo ng luha roon.
Katulad ng inaasahan niya, sa subject na iyon nga siya nakakuha ng pinakamababang prelim grade. Napahugot siya nang malalim na hininga, tila nagsisikip ang kanyang dibdib dahil sa frustration na nararamdaman.
"May problema ba?" tanong ni Slater sa kanila.
Napa-angat ang tingin niya nang marinig iyon pero hindi siya nagsalita. Maging ang mga kaklase niya ay hindi rin sumagot pero bakas sa mukha ng mga ito ang panglulumo.
Bumaling ang tingin niya kay Loisa nang basagin ng babae ang katahimikan. "Nakakabigla po kasi, Sir," nanghahaba ang nguso na sabi ni Loisa.
"Oo nga po," segunda rito ni Diody. "Ang lupit, Sir, eh."
"Bakit? Wala naman akong ibinagsak sa inyo, ah," kunot-noo na sabi ni Slater na tila nagtataka pa sa mga naging reaksiyon nila. Inilibot nito ang tingin sa buong klase hanggang sa matuon iyon sa kanya. "You should've studied harder, if you want better grades than that. Right, Miss De Vera?"
Nagtagis ang bagang niya sa sinabi nito. How dare you look at me, after mo akong bigyan ng ganitong grade! Hindi pa ba sapat ang pag-aaral na ginawa ko? I don't deserve this! sigaw ng isip niya. Humigpit ang pagkakakuyom ng kanyang mga kamay.
"You should thank me pa nga dahil naging considerate pa ako. Kung sa quizzes, assignments, at sa major exam ko lang ibinase ang grades ninyo, I doubt kung ganyang ratings ang makukuha ninyo, at kung makakapasa kayong lahat," patuloy pa ni Slater habang nakatingin sa kanya. "I gave all of you a hundred percent in your recitation para mahila pa ang grades ninyo. Napaka-generous ko na nga, 'di ba, Moira?"
Dama niya na malapit na sa boiling point ang dugo niya, kaya bago pa siya sumabog sa galit ay mabilis siyang tumayo. Walang sabi-sabi na tinungo niya ang pintuan bitbit ang kanyang bag. Bago pa siya tuluyang makalabas sa kanilang classroom ay narinig niya ang pagtawag ni Slater sa kanya pero hindi na niya iyon pinansin.
Mahigpit ang pagkakahawak niya sa railings ng hagdanan habang bumababa patungo sa second floor ng building. Dama niya ang panginginig ng kanyang katawan dahil sa sobrang galit. Kagat niya ang kanyang ibabang labi habang pinipigil ang sarili na huwag mapaiyak.
Malapit na siya sa faculty room nang marinig niya ang tinig ni Paige. Napalingon siya rito.
"Paakyat sana ako sa classroom mo, eh," ani Paige habang palapit ito sa kanya. "Nadala ko kasi itong workbook mo, nakasama no'ng damputin ko 'yong mga books ko kanina."
Walang imik na kinuha niya ang librong iniaabot nito.
"Wait," biglang sabi ng babae habang nakakunot ang noo na pinagmasdan siya. "Why the long face? May nangyari ba?"
"Yeah," tugon niya na may kasama pang tango. "Pero mamaya na tayo mag-usap. Pupuntahan ko muna si Mrs. Mamaril, magpapaalam ako na magda-drop na ako."
Tatalikuran na sana niya ang kaibigan pero mabilis siya nitong nahawakan sa braso at ipinihit paharap. "What? What did you just say?" naguguluhang tanong nito.
"Ida-drop ko na ang Pharma, ayoko—"
"Are you crazy?" malakas na putol ng babae sa kanya. "Why?"
"Alam mo naman kung ano ang ginagawa sa akin ng Miranda na 'yon, 'di ba? I can't stand him anymore, ayoko na!" Parang bata na napapadyak pa siya. Gigil na gigil na talaga siya. Wala na siyang pakialam kung may makakita o makarinig man sa kanya. Pakiramdam niya ay sasabog na ang kanyang dibdib kung hindi pa niya ilalabas ang ngitngit na nadarama.
"Ano ka ba? Kumalma ka nga. Halika rito!"
Hinila siya ni Paige palayo sa faculty room, at dinala siya sa may hagdanan.
"What happened ba? You can't drop your subject just like that, alam mo 'yon, right?"
"Pero ayoko na nga, eh! I hate him! I really hate that Miranda! Hindi ko na siya kayang tagalan! Ipinahiya na nga niya ako kanina nang harap-harapan sa level chairman namin, pero hindi pa rin siya nakontento. Alam mo ba kung ano'ng ginawa niya?"
Hindi nagsalita si Paige, nakatitig lang ito sa kanya.
"He gave me a prelim grade of eighty-five! Do you think I deserve that, after all of the hard work I made for that d*mn subject?! Then para pa niyang sinabi kanina na utang na loob ko pa sa kanya na iyon ang ibinigay niyang grade sa akin!"
Hindi na niya napigil ang pagtulo ng mga luha. Lalo namang bumakas ang pag-aalala ni Paige, pero hindi nito malaman kung ano ang sasabihin sa kanya. Sa huli ay hinawakan na lang ng babae ang kanyang braso at marahan iyong hinaplos para i-comfort siya.
"Ano ba'ng problema niya sa 'kin?" tanong niya at marahas na pinahid ang mga luhang dumadaloy sa kanyang pisngi. "Dahil pa rin ba sa nangyari no'ng first day ng class kaya pinag-iinitan pa rin niya ako hanggang ngayon? Hindi ba siya marunong mag-move on?!"
"I understand how you feel, pero hindi naman ang pagda-drop ang solusyon sa problema mo sa kanya," mabilis na sabi ni Paige. "Naisip mo ba kung ano ang mangyayari kapag nag-drop ka? Mawawala ka sa dean's list. 'Yon ba talaga ang gusto mong mangyari?"
Ilang sandali siyang nawalan ng kibo. "Sumusobra na kasi s'ya, eh," pagkuway ay sabi niya. "Masyado n'ya akong pini-personal. Porke hindi na lang ako kumikibo, kaya akala niya okay lang 'yon? Actually, noon pa iniisip ko na talagang mag-drop. Gustong-gusto ko nang makalayo sa Miranda na 'yon!"
"Moira," pasaway na sabi ni Paige. Namimilog ang mga mata nito na nakatuon sa likuran niya.
Nilingon niya ang tinitingnan ng kaibigan at nakita niya si Slater. Nakatalikod siya sa hagdanan kaya hindi niya napansin na paparating pala ang lalaki. Walang imik na nilampasan sila nito.
"I think he heard you," mahinang sabi ni Paige.
Tumikwas ang isang kilay niya. "I don't care!" malakas na sabi niya habang bakas ang galit na nakasunod ang tingin sa papalayong lalaki.