Chapter Three

2001 Words
DAHIL busy sa eskuwela, bihira nang makasama ni Moira sina Perrie. Kung dati ay kayang-kaya niyang i-balance ang oras niya, now she found it difficult to do. Pagkakatapos ng klase ay umuuwi na agad siya — pero hindi sa araw na ito. Kanina ay siya pa mismo ang nagyaya kina Perrie na lumabas after their classes. Sirang-sira kasi ang araw niya mula pa kaninang umaga; at ayaw niyang umuwi nang ganoon ang mood, kaya naisip niyang libangin ùmuna ang sarili kasama ang mga kaibigan. "Puwede bang kumain muna tayo? I'm starving," reklamo ni Iona na siyang sumalubong sa kanya paglabas niya ng fitting room. "Okay, I'll just pay for this first," aniya at tinungo ang cashier. Pagkatapos bilhin ang napili niyang damit ay nilapitan na niya ang mga kaibigan. "Let's go. Kumain daw muna tayo sabi ni Iona." Napatikwas ang isang kilay ni Scarlet. "Wait, ano'ng 'muna'? So, that means you're not done yet?" Iniiwas niya ang tingin kay Scarlet, tatalikod na sana siya pero mabilis siyang nahawakan ni Paige sa braso. Ipinihit siya ng babae paharap dito. "Sandali nga," ani Paige na pinagmasdang mabuti ang kanyang mukha, tila ba may gusto itong makumpirma roon. "What's wrong? May problema ka ba?" "Wala," tipid na tugon niya na hinatak ang braso mula sa pagkakahawak ng kaibigan. "Ano ba'ng sinasabi mo?" "Wala? Talaga ba?" pakli sa kanya ni Iona. "Kaya pala ang dami mo nang napamili at kanina pa tayo naglilibot, pero ni hindi ka man lang makaramdam ng gutom." Iniabot pa nito sa kanya ang limang shopping bag na kinalalagyan ng mga napamili niya. Walang kibo na kinuha niya iyon at tinalikuran na ang mga ito. Nagpatiuna siya sa paglabas ng shop, sumunod naman ang mga ito sa kanya. "Nagsa-shopping ka lang naman kasi ng ganito kapag stressed ka, kaya naisip namin na baka may problema ka," ani Scarlet na ikinawit ang kamay sa isa niyang braso habang naglalakad sila patungo sa paborito nilang Korean restaurant. They've been friends for a long time kaya naman kabisado na siya ng mga ito. Kahit na sa mall sila madalas na nagpupunta, hindi talaga siya mahilig bumili ng kung anu-ano. Bihira lang iyong ganito na namimili siya ng marami; at tama ang mga ito, ginagawa lang niya iyon kapag stress or may problema siya. "Wala nga, I'm perfectly fine," she insisted. "Okay, sabi mo, eh," pakibit-balikat na sabi ni Scarlet pero halata sa tinig ng babae na hindi ito kumbinsido sa sagot niya. Pagkapasok sa restaurant ay agad silang um-order. Habang hinihintay ang pagkain ay ibinida ni Scarlet sa kanila ang offer dito na gawin ang commercial ng isang sikat na brand ng shampoo. Tulad ni Iona ay nagmo-modelo rin si Scarlet sa mga commercial. "May hand sanitizer ka ba?" maya-maya ay tanong sa kanya ni Akira. Tumango si Moira. "Kunin mo sa bag ko," sagot niya rito habang ang mga mata ay nakatuon sa cellphone. Itini-text niya ang kanyang ina para ipaalam na late na siyang makakauwi dahil kasama niya ang mga kaibigan. Katatapos lang niyang i-send ang text nang marinig ang exaggerated na tinig ni Akira. “O-M-G!” Napalingon siya kay Akira, at agad na namilog ang mga mata niya nang makita ang hawak nitong gusot-gusot na papel. Mabilis niyang inagaw iyon. "Ano ba?!" asik niya sa babae. "Hand sanitizer lang ang kailangan mo, 'di ba?!" "Is that the reason why parang gusto mo nang ubusin sa pagsa-shopping ang laman ng debit card mo?" tanong ni Akira na hindi pinansin ang sinabi niya. Namimilog ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya, biglang-bigla ito sa nadiskubre. Hindi siya sumagot. Hinila niya mula sa babae ang bag niya, ibinalik doon ang papel, at saka iyon kinalong. "What was that?" usisa ni Iona kay Akira. "Oh my gosh! You won't believe it!" ani Akira na pailing-iling pa. "Ano ba kasi 'yon?" lalong na-curious na tanong ulit ni Iona. "Shut up, Akira!" saway niya sa babae pero huli na. "She got seventy-eight percent in her mastery exam in Pharmacology!" hindi nagpaawat na sabi ni Akira na napaka-dramatic pa ng tono. Napatiim ang bagang niya sa inis. Sabay-sabay na napatingin sa kanya ang mga kaibigan. "Joke 'yon?" hindi makapaniwalang sabi ni Scarlet. "Gaga! Hindi joke ang tawag do'n, himala 'yon!" pakli rito ni Akira. "Si Moira De Vera, ang consistent top one since grade school, and number one sa dean's list, muntik nang bumagsak sa isang mastery exam lang!" "Patingin nga." Dumukwang si Scarlet at tinangkang agawin ang bag niya pero niyakap niya iyon ng todo. "Ano ba?!" iritableng sabi niya rito. "What happened?" tanong sa kanya ni Paige na bakas pa rin ang pagkabigla sa sinabi ni Akira. Hindi siya sumagot. Naiinis na pinukol niya nang matalim na tingin si Akira. Sarap talagang sabunutan ng babaeng ito, eh! “Wait,” singit ni Perrie. “Hindi ba 'yong lalaking nabangga mo ang prof mo sa Pharma?" “Hindi ko siya binangga, siya ang bumangga sa akin,” nakasimangot na pagtatama niya sa babae. “So, talagang pinag-iinitan ka nga niya?” napapatangang sabi ni Perrie nang maalala ang mga nakuwento niya rito tungkol sa professor. Hindi siya sumagot, lalo lang nagusot ang mukha niya. “See? I told you!” palatak ni Akira. "Ayaw kasi ninyong maniwala sa akin, eh! I told you to apologize—" "Teka nga lang ha," singit ni Scarlet na pumutol sa sinasabi ni Akira. "Hindi kami maka-relate, eh. Bakit naman pag-iinitan ng prof na 'yon si Moira?” Nakipag-unahan si Akira sa pagkukuwento kaya hinayaan na lang niya ito. Pagkatapos sabihin ni Akira ang nangyari mula sa pagkakabunggo sa kanya ni Slater hanggang sa malaman niyang professor pala nila ito, siya naman ang nagkuwento kung ano pa ang mga sumunod na nangyari. Ipinakita na rin niya sa mga kaibigan ang test paper ng mastery exam niya. “Actually, iilan lang kaming pumasa d'yan,” aniya na napailing pa. "At ito pa ang nakakainis, I think my classmates hate me. Kung nakakamatay lang ang tingin ng mga kaklase kong babae, siguro nangingisay na ako every time na tatawagin ako ni Sir Miranda. As if naman, nag-i-enjoy ako sa ginagawa sa akin ng lalaking 'yon!" "Kaya pala sobrang busy mo lately, at bihira ka naming makasama," wika ni Paige na ibinalik sa kanya ang test paper. "Basta 'wag mo nang patulan. Tumahimik ka na lang kahit na inis na inis ka na," payo sa kanya ni Iona. "Oo nga. Hayaan mo na lang, magsasawa rin 'yon," sang-ayon pa ni Perrie sa sinabi ni Iona. Hindi siya kumibo. Tahimik lang niyang nahiling na sana tama si Perrie. Sana nga magsawa na siya bago pa ako ang masagad sa kanya, nakasimangot na naisa-loob niya. NAPATINGIN si Moira sa mga kaklase pagkatapos sabihin ni Slater na mamili sila kung sino ang mga nais nilang maging kagrupo para sa gagawin nilang drug study. Ayon sa lalaki ay kailangan may limang miyembro ang bawat isang group. Nagsitayuan na ang iba niyang mga classmates pero siya ay hindi pa rin tumitinag sa kanyang kinauupuan. Hindi ito ang unang group activity na ibinigay sa kanila ng lalaki. Noong nakaraang meeting ay ginawa na nila ito, kaya hindi niya maintindihan kung bakit panibagong groupings na naman ang gusto ng professor gayong pupuwede naman na ang dating grupo na lang ang makasama nila sa bagong activity na ito. Lihim niyang nakagat ang loob na bahagi ng pang-ibaba niyang labi nang makita na karamihan sa mga kaklase ay may kanya-kanya ng grupo. "Miss De Vera." Awtomatikong lumipad ang tingin niya kay Slater nang marinig ang pagtawag nito sa kanya. "Yes, Sir?" "Hindi mo ba naintindihan 'yong instruction na ibinigay ko?" nakakunot ang noo na tanong ng professor sa kanya. Hindi siya nakasagot, sa halip ay iniiwas niya ang tingin mula rito. Sa totoo lang, hindi kasi niya alam kung sino sa mga kaklase ang lalapitan, kaya nga naupo na lang siya at hinintay na ang mga ito ang lumapit sa kanya. Tatayo na sana siya nang may magsalita buhat sa kanyang likuran. "Moira," ani ng isang tinig ng lalaki. Nilingon niya ang may-ari ng tinig at nakita si Rj, kasama nito ang tatlo pa nilang kaklase. "Kulang pa kami ng isa sa group, okay lang ba kung sa amin ka na lang sumama?" ani Tine na binigyan pa siya ng isang tipid na ngiti. Hindi siya kumibo. Kasama rin niya ang mga ito sa kanilang clinical duties, kung sabagay ay okay namang ka-grupo ang mga ito; at isa pa wala na rin siyang choice, kompleto na ang ibang mga grupo. Marahang tango lang ang isinagot niya sa mga ito. Wala sa loob na napasulyap siya sa kinatatayuan ni Slater habang kumukuha ng upuan sina Rj para tumabi sa kanya. Nakita niyang nakamasid sa kanya ang professor, maya-maya ay napailing ito. Nangunot ang kanyang noo. Hindi niya maintindihan kung para saan ang disappointment na nakalarawan sa mukha ni Miranda. Nang lahat sila ay nakaupo na kasama ang kani-kanilang grupo ay sinimulan nang i-distribute ni Slater ang materials na gagamitin nila para sa kanilang activity. "Magbibigay ako ng isang classification ng cardiovascular drug to each group. You have to list down its mechanism of action, dosage and preparation, indication, contra-indication, adverse reactions, and as well as your nursing responsibilities," pagbibigay ng instruction ni Slater. "You also need to choose a leader na magdi-discuss ng ginawa ninyong drug study next meeting." "Sino'ng leader natin guys?" tanong ni Tine na tiningnan ang mga ka-grupo hanggang sa dumako ang mga mata nito sa kanya. Nagkatinginan pa ang apat niyang kasama, habang siya ay walang kibo na nakapanood lang sa mga ito. "Moira, okay lang ba kung ikaw na lang ang leader?" pagkuway ay sabi ni Diody. Sandali siyang nawalan ng kibo, pagkatapos ay marahan siyang tumango. Tinawag ni Slater ang leader ng bawat group para bumunot sa maliliit na papel na nasa ibabaw ng lamesa, doon nakasulat ang class ng drug na gagawan nila ng drug study. Nang siya na ang bubunot ng papel ay nakita niya ang kunot-noong pagkakatitig sa kanya ng professor. Sinikap niyang balewalain iyon. Ano ba naman ang mapapala ko kung papa-apekto ako sa lalaking ito? bulong niya sa sarili. Tulad nga ng sinabi nila Perrie, hahayaan na lang niya ang lalaki hanggang sa magsawa ito sa ginagawa sa kanya. Baka sakaling kapag nakita ni Slater na hindi na siya apektado sa ginagawa nito ay tumigil na ang lalaki. Dadamputin na sana niya ang isa sa dalawang natitirang papel nang iharang ni Slater ang kamay nito roon. Umangat ang tingin niya hanggang sa magtama ang kanilang mga mata. "Did your groupmates choose you to be their leader, o ikaw ang nag-decide na ikaw ang magli-lead sa inyo?" mahinang tanong nito na sapat lang para marinig niya. Naguguluhan na napatanga siya rito. Bago pa siya makapagsalita para tanungin ito kung ano ang ibig nitong sabihin ay inalis na ng lalaki ang pagkakaharang ng kamay nito sa mga papel. Nagtagis ang kanyang bagang nang mapagtanto kung ano ang ibig ng lalaki na l palabasin sa sinabi nito. Dinampot niya ang isang papel nang hindi inaalis ang tingin sa professor. He's really getting into her nerves. Pagkakuha niya ng papel ay bumalik na siya sa grupo at sabay-sabay nilang tiningnan ang nakasulat doon. Calcium Channels Blockers ang napunta sa kanila. "I want everyone to participate in this activity," wika ni Slater na nakatayo na sa unahan at inililibot ang tingin sa buong klase. Pagkatapos ay natuon ang mga mata nito sa bahagi ng kinaroroonan ng grupo nila. "Leaders, huwag ninyong sarilinin ang gawain, divide the tasks among your group." Hindi na niya napigilan ang pagtikwas kanyang kilay. Pakiramdam kasi niya ay siya ang direktang sinasabihan ng professor. Hindi talaga niya maintindihan kung ano ang problema ng lalaking ito sa kanya. Tahimik na sinaway siya ng isang bahagi ng kanyang isip. Pinaalalahanan niya ang sarili na hindi niya dapat pansinin pa ang mga hirit nito. Napapahinga nang malalim na binawi niya ang tingin sa lalaki, at sinikap na ituon ang pansin sa gagawin ng grupo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD