Chapter One

2087 Words
Nine years ago "SHE'S HERE!" malakas na sabi ni Scarlet pagpasok ni Moira sa loob ng Nekka's Coffee and Pastries. Nasa ikalawang taon na sila sa kolehiyo. Iisa man ang pinapasukan nila na university ay magkaka-iba naman ang kurso nilang magkakaibigan; kaya para makapag-bonding pa rin ay nagkikita sila sa Nekka's before or after their classes. Nasa likuran lang iyon ng university kaya dito sila madalas na nagpupunta. Lumapit siya sa grupo at naupo sa tabi ni Paige. Unang araw ngayon ng klase para sa second semester. Alas-nueve pa ang first class niya pero may usapan silang magkikita rito nang alas-siete y medya kaya maaga siyang umalis ng bahay. Ang kaso dahil sa traffic ay na-late pa rin siya nang halos kalahating oras. "Bakit ngayon ka lang?" tanong ni Iona sa kanya. "Ang traffic kasi, eh. At saka naghanap pa ako ng pagpa-park-an ng kotse sa loob ng campus," tugon niya habang pinapagpag ang puti niyang uniporme. Nursing ang kinukuha niyang kurso, iyon ang napili niya na preparatory course para sa kanyang pagdo-doktor. "Ikaw ang nag-park?" kunot-noo na tanong sa kanya ni Paige. "What do you—" Napatigil si Paige sa pagsasalita nang itaas niya ang kanyang kanang kamay na may hawak na susi ng kotse. "From now on, hindi na ako ihahatid-sundo ni Kuya Jerome! Pinayagan na ako ni Daddy na pumasok mag-isa, and to drive my car!" masayang anunsiyo niya. Napatanga sa kanya ang mga kaibigan. "Seryoso ka ba?" namimilog ang mga mata na sabi ni Perrie. "Of course!" ngiting-ngiti at taas-noo pa niyang sagot bago isinilid ang susi sa loob ng kanyang bag. Bumakas ang inggit sa mukha ng mga ito; pare-pareho kasi sila na mula pa noong unang tumapak sa eskuwelahan ay hatid-sundo na ng kanilang mga family driver. Noon pa nila pangarap na magkaroon at mag-drive ng sarili nilang kotse; at sa wakas, pinayagan na nga ng ama ang matagal na niyang inire-request dito. "Mabuti ka pa," wika ni Paige na pilit pang ngumiti. "Hindi ka na parang grade school na inihahatid-sundo pa ng driver ninyo." "I will ask Dad na rin to let me drive on my own," singit naman ni Scarlet. Napabaling ang tingin dito ni Iona, halata sa mukha ng babae na pinipigil lang nito ang sarili para huwag matawa. "And what makes you think na papayag si Tito?" "I will tell him na pinayagan na ng Daddy niya si Moira. Kapag nalaman niya 'yon, I'm sure papayagan na rin n'ya ako," buo ang kompiyansa na sabi ni Scarlet. "I doubt it," kontra rito ni Akira at sinundan pa iyon nang tila nakakalokong halakhak. Tumikwas ang kilay ni Scarlet pero bago pa makapagsalita ang babae ay naunahan na ito ni Iona. "Scarlet, pinayagan ni Tito Frank si Moira kasi bukod sa she's already eighteen na, he knows that Moira is responsible enough to take care of herself. Eh, ikaw, gano'n ka rin ba?" "And besides, sa tingin mo ba papayag si Tito sa gusto mo kapag nalaman niya ang grade mo sa Fundamentals of Accounting?" tila nakakaloko pa na dagdag ni Akira. Naniningkit ang mga mata na binalingan ni Scarlet si Akira. "Sige, ipamukha mo pa sa 'kin 'yon! Kung makapagsalita ka, akala mo naman—" "That's enough," awat ni Moira kay Scarlet. Alam niya na kung hindi aawatin ang dalawa ay lalo lang hahaba ang pagtatalo ng mga ito. Hindi na nga nagsalita si Scarlet pero matalim pa rin ang tingin nito kay Akira, mukhang napikon talaga ito sa sinabi ng kaibigan. Pagkaraan ng ilang minuto ay napansin nila na unti-unti nang nagsisi-alisan ang ibang mga estudyante kaya nagpasya na rin silang magpunta na sa campus. "Puwede bang huwag na muna tayong pumasok today?" wika ni Akira na halatang tinatamad pang kumilos. "Tutal, hindi pa naman regular ang class, eh." "Umiral na naman 'yang katamaran mo," napapailing na pakli ni Perrie sa babae. "At gusto mo pa kaming idamay." Nanghaba ang nguso ni Akira. "Nagtatanong lang naman ako kung puwede, 'di ba? Eh, 'di hindi, kung hindi! Napaka-killjoy mo talaga!" pairap pa na sabi ni Akira kay Perrie bago sila tinalikuran. Pagdating nila sa campus ay kanya-kanya na silang nagtungo sa mga klase nila. Mabibilis ang hakbang ni Moira patungo sa building ng kanilang department. Malapit na siya roon nang mabunggo siya ng isang lalaki. "Ouch!" malakas na daing niya na nasapo ang nasaktang balikat. Tiningnan niya ang taong nakabunggo sa kanya. Bahagyang yumuko ang lalaki na may hawak na cellphone, nakadaiti iyon sa tenga nito; pagkatapos niyon ay tinalikuran na rin siya. Napatikwas ang kilay niya. Ang lakas ng loob nito na talikuran siya without even apologizing. "Buwisit!" sadya niyang inilakas ang pagkakasabi niyon para marinig ito ng lalaki. Napahinto naman ito at muling humarap sa kanya. Dinampot niya ang nabitiwang organizer. "Kung anu-ano kasi ang ginagawa habang naglalakad kaya hindi napapansin kung may madi-disgrasya na siya!" dagdag pa niya sabay pairap na tinalikuran ito. Natitigilan na napasunod ang tingin ng lalaki sa kanya. PAGKATAPOS ng first subject nila ay mayroon silang thirty minutes break, pinili ni Moira na manatili na lang sa loob ng classroom. Nakaupo siya sa unahan, sa may tabi ng pinto. Habang abala sa pagkukuwentuhan ang mga kaklase, siya naman ay tahimik na nakasandal ang ulo sa haligi. Nakasaksak sa magkabila niyang tenga ang earphones, at nakapikit pa ang kanyang mga mata habang nakikinig mula sa music player ng kanyang cellphone. Hindi siya mahilig makipag-kuwentuhan sa mga kaklase, at sanay na ang mga ito sa kanya kaya hindi rin siya inaabala. Nagmulat siya nang maramdaman ang sunod-sunod na pagbukas ng pinto. Tiningnan niya ang suot na relos, malapit na palang magsimula ang second subject nila. Inalis niya ang earphones, isinilid iyon sa bag kasama ang cellphone, at saka siya tumayo para magtungo sa comfort room. Pabalik na si Moira sa classroom nang mapansin ang lalaking naglalakad sa corrridor pasalubong sa kanya. Napatikwas ang isa niyang kilay, ito ang taong nakabunggo sa kanya kanina. Ang bastos na lalaking hindi marunong mag-sorry, napasimangot na naisaloob niya. Natigilan siya nang makitang pumasok ito sa kanilang classroom. Ano'ng gagawin nito roon? Bago ba nila itong classmate? Pakiramdam niya ay nanlamig ang buo niyang katawan. Naka-slacks pants at white blazer ang lalaki, at may nakasukbit din na black leather messenger bag sa balikat nito. Ngayon lang rumihistro sa utak niya ang porma nito. No! sigaw ng isip niya. Parang tinatambol ang kanyang dibdib sa lakas ng kabog niyon. Pakiramdam niya ay bumigat ang kanyang mga paa, iilang hakbang na lang ang layo niya sa classroom pero parang napakatagal bago siya nakarating doon. Nakagat niya ang pang-ibabang labi nang sumilip siya sa maliit na glass window sa pintuan. Ilang sandali rin siyang nagdalawang-isip kung papasok siya sa loob, maya-maya ay kumilos ang nanlalamig niyang kamay at binuksan ang pinto. "G-good morning, Sir." Napakahina ng kanyang tinig, kahit siya ay duda na narinig iyon ng lalaking nakatayo sa unahan. Napatingin ito sa kanya at base sa expression nito ay tiyak niyang namukhaan din siya nito. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin at naupo. Parang gusto niyang pagsisihan kung bakit sa unahan pa siya pumuwesto. "As I was saying, I'm Slater C. Miranda, RN, MAN, and I will be your professor in Pharmacology," ani ng lalaki pagkatapos bawiin ang tingin sa kanya. "Since this is our first meeting, may I ask you to introduce yourself one by one? Just state your name and the reason why you decided to take up Nursing. Let's start with you." Itinuro nito ang estudyanteng nasa pinakalikuran. Nanatiling nakayuko si Moira habang isa-isang nagpapakilala ang mga kaklase niya. Hindi siya makapaniwala sa nangyayari. Pasimple niyang sinulyapan niya ang lalaking nasa harapan. Mukhang bata pa ito at naka-blue polo shirt at slack pants lang kanina nang makabunggo niya, kaya paano ba niya maiisip na isa itong professor? Maya-maya ay tumayo na siya. Kapag mamalasin ka nga naman talaga, siya pa ang pinakahuli na magpapakilala. Nang magsalita siya ay naka-iwas ang tingin niya sa professor. "I'm Moira De Vera, and I chose nursing because I think this is the best preparatory course for medicine," aniya at mabilis ding naupo. Napatango-tango si Slater at saka ibinaling ang tingin sa buong klase. "So, most of you are planning to pursue medicine. Pharmacology is one of the most important subjects in the medical field. I believe you knew that already; so, I don't have to remind you that you need to take this subject seriously. What I will do now is emphasize some rules that you need to follow while you're inside my class. First, you need to be in this room before I get here. Pagdating ko, isasara na ang pinto and no one will be allowed to enter. Do you understand?" "Yes, Sir," sagot nilang lahat. "Second, when I give you assignments or ask you to do some research, you must submit it on time. I don't give extensions," patuloy nito. "Third..." Tahimik silang nakinig habang iniisa-isa ng lalaki ang mga rules nito. "And lastly," ani Slater na tila sinadya pang ibitin ang sasabihin. Nakita niyang lumipad ang tingin nito sa kanya. "Be courteous whenever you're inside my class. Be considerate, be reasonable. 'Wag agad iinit ang ulo sa mga simpleng bagay. Be nice to everyone, at huwag masyadong mataray. Kasi ano'ng malay ninyo baka 'yong tinatarayan ninyo, magiging professor n'yo pala or maybe your boss in the near future." Nag-init ang magkabila niyang pisngi, alam niyang sinadya nito iyong sabihin para paringgan siya. Hindi na siya kumibo, iniiwas na lang niya ang tingin sa lalaki, at sinikap na magpatay-malisya. AFTER mag-lunch ay niyaya na ni Moira sina Perrie at Akira na bumalik sa campus. Malapit na sila sa pintuan ng restaurant nang bumukas ang pinto at pumasok si Slater, may kasama itong isang babae na tingin niya ay professor din. "G-good afternoon, Sir, Ma'am," mahina at bakas ang pag-aalangan na sabi niya sa dalawa nang makasalubong na niya ang mga ito. "Good afternoon," nakangiting ganti ng babaeng kasama ni Slater, habang ang binata naman ay pinukol lang siya ng tila nanunuring tingin bago marahang tumango at nilampasan siya. Hindi na niya nilingon ang lalaki, sa halip ay walang kibo na itinuloy niya ang paglabas ng restaurant. Napalingon lang siya sa kanyang likod nang maramdaman ang mahinang tapik sa kanyang balikat. "Sino 'yon?" tanong sa kanya ni Akira. "Professors mo?" "'Yong lalaki," tipid niyang sagot. "Gano'n? Eh, pero bakit parang kakaiba 'yong reaction niya nang i-greet mo sila?" usisa ni Akira. "Para siyang nagulat, na nagtatakang ewan." Napabuga siya ng hangin. Napansin din pala ng kaibigan ang expression ni Slater kanina pagkakita sa kanya. "Hindi kasi maganda ang nangyari sa first encounter namin kanina." Habang naglalakad sila pabalik sa campus ay ikinuwento niya sa dalawa ang nangyari sa unang pagkikita nila ni Slater. Nakita pa niya ang makahulugang tinginan nila Akira at Perrie. "Sa susunod kasi hinay-hinay rin sa pagtataray," naiiling na sabi ni Akira pagkatapos niyang magkuwento. Nanghaba ang kanyang nguso. "Malay ko ba kasi na professor pala siya. Kilala ko naman halos lahat ng faculty members ng department namin, eh. Siguro bago lang siya. At saka he deserved that, kasalanan naman niya 'yon, eh. Hindi man lang siya nag-sorry after niya akong mabunggo," katuwiran niya. "Sabi mo medyo yumuko s'ya, ibig sabihin no'n nag-a-apologize siya. Hindi nga lang siguro s'ya makapagsalita kasi nga sabi mo may kausap siya sa phone, 'di ba?" ani Perrie. "He could've mouthed it," giit niya. "Gaga! Ipilit ba na nasa katuwiran ang pagtataray mo! Pasalamat ka pinaringgan ka lang," pakli sa kanya ni Akira. Nakapasok na sila sa gate ng UST, at patungo na sa St. Martin de Porres building. "Naku, mag-ingat ka! Guwapo pa naman 'yong prof mo, pero 'di ba, kung sino 'yong akala mo mabait kasi guwapo at maganda, 'yon pa pala ang mga terror. Baka pag-initan ka no'n!" "Grabe ka, hindi naman siguro," kontra ni Perrie kay Akira. "Ang babaw naman kung dahil lang doon pag-iinitan na n'ya si Moira. Hindi naman lahat ng tao katulad ninyo ni Scarlet na immature mag-isip." Hindi nagsalita si Moira pero natuon ang mga mata niya sa lugar kung saan niya nakabunggo si Slater. Paano nga kaya kung pag-initan siya ng lalaki? Inirapan ni Akira si Perrie. "Siguro nga, but I think dapat pa rin siyang mag-apologize sa prof n'ya." Napahinga siya nang malalim. "Akira's right, I should apologize to him. I'll try to approach him na lang next meeting. Sige na, aakyat na ako. I'll see you later," aniya sa dalawa at hinagkan ang mga ito sa pisngi bago tinalikuran.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD